Hustisya para sa mga biktima ng pamamaril ng 59th IB
Nananawagan ang Apolonio Mendoza Command ng New People’s Army Quezon ng hustisya at kompensasyon sa mag-asawang naging biktima ng walang habas na pamumutok o indiscriminate firing ng mga sundalo ng 59th IBPA noong gabi ng Nobyembre 15, 2021.
Muntik nang ikamatay ng mag-asawang Rodel Llames at Jenna Oreviana ng Sityo Maliit ng Balotinao, Barangay San Jose Macalelon ang walang habas na pamumutok ng sundalo. Namatay ang kanilang alagang kabayo dahil sa pangyayari.
Nagsimula ang pamamaril at pagpapasabog ng 6:41 ng gabi at tumagal ito ng halos kalahating oras.
Nagreklamo ang Sangguniang Barangay ng San Jose sa kumander ng 59th IBPA pero tinanggihan nitong kilalanin ang pananagutan sa halip ay iginiit na may kasamang armaduhan ang mag-asawang Llames kaya pinagbabaril ng kanyang tropa.
Sa pahayag ni Ka Cleo del Mundo, tapagsalita ng AMC-NPA, mariin niyang tinuligsa at kinundena ang ginawa ng mga sundalo.
“Hindi maaring hindi managot ang 59th IBPA sa pangyayari. Pagpapakita ito ng katangiang terorista ng sundalo ng rehimeng US-Duterte. Walang pakundangan at walang pakialam sa kalagayan ng mga sibilyan.”
Ayon kay del Mundo, pagsunod ito ng mga sundalo sa patakaran ni Duterte na “madamay na ang madamay” alang-alang sa hibang na pangarap ng Pangulo ng bansa na durugin ang CPP-NPA bago matapos ang kanyang termino.
“Dapat sampahan ng kaso ang 59th IBPA at magbayad-pinsala ang mga sundalo sa pagsira ng ari-arian ng mag-asawa at idinulot na trauma. Gagawin ng AMC-NPA ang buong makakaya upang tulungang maihatid sa Joint Monitoring Committee ang kaso para singilin ang mga pasista.”
Sa huling pag-aalam, nasa kustodiya na ng mga sundalo ang mag-asawang Llames. Ayon kay del Mundo, hindi ligtas ang mag-asawa sa kamay ng mga sundalo.
Nanawagan si del Mundo na kagyat palayain ang mag-asawa. “Buktot ang pagdiditine ng 59th IBPA sa mag-asawa at bahagi ng pamemresyur sa mga biktima. Hinihikayat namin ang mga lingkod-bayan, simbahan at organisasyong makatao na tulungan ang mag-asawang Llames. Kailangan nilang kanlungin ang mga biktima at ilayo sa pasistang AFP.”#