Hustisya sa mga biktima ng terorismo ng estado 80th IBPA, PNP-Rizal, binigwasan ng NAAC-NPA-Rizal

,

Matagumpay na inambus ng Narciso Antazo Aramil Command – NPA – Rizal (NAAC-NPA-Rizal) ang isang platun ng pinagsanib na tropa ng 80th IBPA at PNP-Rizal sa Matan ng Sityo Dapis, Brgy. Puray, Rodriguez, 9:30 ng umaga at 2:30 ng hapon noong Enero 4, 2021. Ipinagdiriwang ng mamamayan ng Rizal ang tagumpay na ito ng NAAC-NPA-Rizal matapos ang isang taong paghahasik ng lagim at terorismo ng nasabing mersenaryong tropa ng kaaway sa buong lalawigan. Isa ang patay habang marami pa ang sugatan sa hanay ng pasistang tropa matapos ang labanan.

Inilunsad ng NAAC-NPA-Rizal ang mga aksyong militar na ito upang bigyang-katarungan ang mga biktima ng terorismong inihahasik ng 80th IBPA at ng PNP-Rizal sa mga Rizaleños. Karumal-dumal na nilabag ng rehimeng US-Duterte ang karapatang-tao at internasyunal na makataong batas na bumiktima nang daan-daang mamamayan ng lalawigan. Inilagay sa kapahamakan ng rehimeng Duterte ang mga aktibista’t progresibo sa lalawigan sa pamamagitan ng pagred-tag sa kanila, na lalong pinaigting nang maipasa ng kongreso ang Anti-Terror Law at ideklara ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga lehitimong organisasyong masa bilang mga teroristang organisasyon. Pinilit na gawing lehitimong target ng mga pandarahas at pagpatay ng mga mersenaryong militar at pulis ang mga karaniwang sibilyan na wala namang kasalanan at ang tanging ginagawa ay ipaglaban ang kanilang mga karapatan at demokratikong interes.

Pinakahuli rito ang kaso ng 80th IBPA at PNP-Rizal na pagmasaker sa limang (5) sibilyan sa Baras, Rizal nitong Disyembre 17, at ang pagpaslang sa mag-asawang hors de combat na Eugenia Magpantay at Agaton Topacio, mga riterado, matatanda’t masasakitin ng lider ng Partido at NDFP consultant noong Nobyembre 27. Matatandaan din ang ginawang masaker kina Ermin Bellen, Lucio Simporoso at Jose Villahermosa sa Antipolo noong Disyembre 5, 2019.

Ang ambus ng NAAC laban sa yunit ng AFP-PNP sa Rizal ay tugon din ng NPA-Rizal sa paglaban ng mga Rizaleños sa nagtutuloy-tuloy na konstruksyon ng mapaminsalang Wawa-Violago Dam projects na higit pang sasalanta sa mamamayan ng lalawigan. Ang naambus na yunit ng AFP-PNP ang nagsisilbing pwersang panseguridad ng mapaminsalang proyekto. Natambad na sa buong bansa ang pinsalang maaaring maidulot ng mga proyektong dam noong kasagsagan ng pagbayo ng mga bagyong Rolly at Ulysses sa malaking bahagi ng mga bayan ng Rodriguez at Marikina na nagdulot ng malubhang pagbaha at pagkamatay ng mga sibilyan. Sa kabila ng mga pinsalang idinulot ng mga proyektong dam laluna nitong nakaraang bagyong Rolly at Ulysses sa malaking bahagi ng mga bayan ng Rodriguez at Marikina, itinutuloy-tuloy pa din ang proyektong dam ng mga malalaking burgesya-kumprador na sina Oscar Violago at Enrique Razon sa proteksyon ng mga sundalo at pulis.

Hindi na kayang lokohin ni Duterte ang mga Rizaleños. Hindi nila kakagatin ang pilit na isinusubong propaganda ng kaaway na terorismo ang paglaban sa reaksyunaryong gobyerno. Naglipana man sa radyo at telebisyon ang mga ipinapakalat na itim na propaganda laban sa rebolusyunaryong kilusan, matatag na naninindigan ang mamamayan ng Rizal na ang tunay na terorista ay si Duterte at ang pinapaboran niyang mga hayok-sa-dugong institusyon ng AFP at PNP. Kinukundena nila ang papatinding karahasan sa ngalan ng pagsugpo sa “terorismo”, at ang mga ibinunsod nitong masaker sa Antipolo 3, Angono 2 at Baras 5 na tahasang paglabag sa Internasyunal na Makataong Batas.

Taliwas sa pinalalaganap ng rehimen, ang matagumpay na taktikal na opensibang ito ay pagpapakita na lalo lamang lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan. Simula lamang ito ng paniningil sa mga krimen na ipinataw ng Rehimeng Duterte sa mamamayan. Lalong paiigtingin ng NAAC-NPA-Rizal ang armadong pakikibaka para makamit ang katarungan at protektahan ang interes ng masang anakpawis. ###

Hustisya sa mga biktima ng terorismo ng estado 80th IBPA, PNP-Rizal, binigwasan ng NAAC-NPA-Rizal