Huwad na pamamahagi ng Relief Goods, gamit ng 80th IBPA sa pwersahang pagpapasuko sa mamamayan

Nagpapatuloy na panlilinlang ng rehimeng US-Duterte sa mamamayan ng Hilagang Quezon

Mariing kinukondena ng Apolonio Mendoza Command – NPA – North Quezon (AMC-NPA NQ) ang tuluy-tuloy na panlilinlang ng pasistang rehimeng US-Duterte (RUSD) at ng sunud-sunuran nitong mersenaryong tropa ng AFP-PNP sa mamamayan ng General Nakar.

Sa kabila ng nararanasang krisis ng mamamayan dulot ng pandemyang COVid-19, nakakita naman ng gintong pagkakataon ang AFP-PNP upang ihasik ang kanyang kontra-rebolusyonaryong pakana, tulad ng pekeng pagpapasuko. Noong ika-2 ng Hunyo, nilinlang ng pinagsanib na pwersa ng AFP-PNP ang mahigit sa 100 masa ng Brgy. Umiray at inilunsad ang malawakang interogasyon sa kanilang hanay. Ipinatawag ang mga masa sa tabing ng pamamahagi ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ganito rin ang pakana ng AFP sa buong sityo ng Singawan sa Brgy. Umiray kung saan akala ng mga masa ay pamamahagi lamang ng relief goods ang dahilan ng pagpapatawag sa kanila. Kinuhanan ng mga larawan ang mga dumalo at iprinesenta bilang mga sumukong kasapi ng NPA, kasama na inihapag ang mga baril na galing lang din naman sa armory ng AFP.

Sanay sa panlilinlang ang 80th IBPA. Sa katunayan taong 2018, iligal na inaresto ng tropa ng 80th IBPA sila Dandoy Avellaneda at Rocky Torres, mga sibilyang Dumagat na sa katunayan ay katatapos lang na bumoto noong mga panahong iyon. Inakusahan silang mga kasapi ng NPA at pinilit pa ang dalawa na magpaputok ng baril para maging positibo sila sa paraffin test, dagdag na gawa-gawang ebidensya para gipitin ang dalawang sibilyan. Taong 2019, patuloy pa rin ang panloloko ng reaksyunaryong gobyerno at ng AFP-PNP sa mga masa ng General Nakar lalo na sa hanay ng mga katutubong Dumagat at Remontado. Sa simula pa lang ng huling kwarto ng 2019, ipinagmalaki ng 2nd ID ang ‘pagsuko’ ng mahigit na 30 mga masa mula sa mga barangay ng Magsikap, San Marcelino, Maligaya, at Masanga bilang mga NPA ‘di umano. Disyembre naman ng kaparehong taon, muling iprinisenta ng kawatang 2nd ID ang pagsuko ng dagdag na mahigit sa 15 na mandirigma raw ng NPA. Naitala rin nitong kasalukuyang taon, buwan ng Marso, ang parehong media circus na 2nd ID pa rin ang promotor nang mapasuko raw nila ang mahigit 50 na masa bilang mga NPA sa buong CALABARZON.

Mayroong komun na karanasan ang lahat ng fake surrenderees. Pinangakuan sila ng 60,000 hanggang 65,000 piso para sa kanilang pagsuko, labas pa ang mga ipinagmalaki ng pamahalaan na mga pabahay at iba pang panlipunang serbisyong ilalaan sa kanila. Hanggang ngayon, nananatiling hangin ang ipinangakong halaga na ito at nagmistulang bula ang bahay at serbisyong panlipunang ibibigay raw sa kanila. Kung may ibibigay man, aabot lamang sa ilang kilong bigas (3 kilo hanggang 20 kilo) at ilang goods ang kanilang matatanggap, gamumo lamang sa bilyun-bilyong pondong inilaan para sa Balik-Loob Program ng RUSD. Sapat na itong patunay ng patuloy na katiwalian sa pondong inilalaan sa Enhanced Comprehensive Localized Integration Program (E-CLIP) na nagpapalaki pa lalo sa tiyan ng mga heneral ng AFP at PNP.

Sa bahagi naman ng Polillo Group of Islands, tuluy-tuloy ang harrassment ng mga elemento ng AFP at PNP sa mga masa ng buong 5 bayan nito. Inaakusahan na mga NPA ang mga masang mapayapang naninirahan sa mga nasabing bayan. Sa bahagi naman ng Infanta at Real, tuluy-tuloy ang paghihigpit ng kaaway sa tabing ng enhanced community quarantine para raw itaboy ang CoViD19. Ang hindi inilalantad ng mga pusakal na sundalong ito ay ang nagpapatuloy na operasyong militar para protektahan ang pagtatayo ng anti-mamamayan at pro-imperyalista na proyektong Kaliwa Dam na sila rin namang nambubulabog sa ilang komunidad ng mga katutubo’t mga magsasaka.

Desperado na ang 80th IBPA sa pagdurog sa lalo pang lumalakas na pwersa ng NPA sa North Quezon. Sa nagpapatuloy na pagkakaisa ng hukbong bayan at ng masa, hindi masawata ng 80th IBPA ang nakaugat na sa kasaysayan na pakikibaka ng mamamayan. Naghahabol ng oras ang AFP-PNP para abutin ang target nilang kitlin sa ubod ang rebolusyunaryong kilusan bago bumaba sa kanyang trono ang hayok-sa-dugong pangulo ng reaksyunaryong gobyerno na si Duterte. Tiyak na nanginginig na sa takot ang 2nd ID dahil alam nitong paghihigantihan ng NPA ang panlalansi nito sa masang anakpawis.

Ang tanging niloloko ng RUSD at ng AFP-PNP sa mga pagkakataong pinapasuko nila ang mga sibilyan bilang NPA sa ngalan ng Joint Campaign Plan Kapanatagan ay ang kanilang mga sarili. Pilit nilang kinukumbinsi ang kanilang mga sariling mahina na ang rebolusyunaryong kilusan, kahit na nangangatog na ang kanilang mga tuhod sa katotohanang walang signipikanteng resulta ang kanilang mga hakbangin laban sa nagkakaisang mamamayan.

Napatunayan na ng kasaysayan ang lakas ng mamamayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang lakas ng isang porsyentong naghahari-harian ay walang laban sa lakas ng 99% na pinagsasamantalahan. Anumang gawing panlilinlang na gawin ng kaaway, lalo lang tumitindi ang galit ng sambayanang lumalaban. Ang apoy ng paglaban ay hindi kailanman mawawalan ng ningas hangga’t nagkakaisa ang mamamayan at ang NPA. Anumang pasukuan ang isagawa ng pamahalaan, hindi bibitawan ng masa ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Anumang pakana ng reaksyunaryong gobyerno na wasakin ang rebolusyunaryong kilusan, idagdag man ang anti-mamamayan na mga ahensya at ang mersenaryong armaduhang tropa nito, ay bibiguin ng mamamayan ng North Quezon. Mabibigo lamang ang RUSD na busalan ang bibig ng masang anakpawis. Tanging ang demokratikong rebolusyong bayan ang magtatagumpay at tunay na gagapi sa nabubulok na tiranikong paghahari ni Duterte.

BIGUIN ANG JOINT CAMPAIGN PLAN KAPANATAGAN!
IBAGSAK ANG REHIMENG US-DUTERTE!
ISULONG ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN HANGGANG SA GANAP NA TAGUMPAY!

Huwad na pamamahagi ng Relief Goods, gamit ng 80th IBPA sa pwersahang pagpapasuko sa mamamayan