Huwag magpalinlang sa ugnayan caravan ng 201st brigade
Malakas ang panawagan ng mamamayan na magkaroon ng accounting sa P19 Bilyon pondo ng NTF-ELCAC upang maintindihan ng bayan kung saan napupunta ang perang dapat inilalaan ng administrasyong Duterte para sa pagpapabakuna at serbisyong medikal at pangkalusugan sa panahon ng pandemyang Covid-19.
Kahapon, inilako ni Bgen Norwyn Tolentino ng 201st Bde ng Philippine Army ang mga pekeng proyektong pangkaunlaran sa mamamayan ng bayan ng Lopez. Pinamimili niya ang taumbaryo ng Barangay Binahian-C sa kalsada, iskwelahan o signal ng telepono.
Saan naman magmumula ang pondo sa inilalako niyang proyekto? Gayong lampas na kalahati ng P19B pondo ng NTF-ELCAC ay nauna nang inilaan sa mahigit 800 barangay sa buong bansa. Habang ang natitira pa ay winawaldas nila sa tuluy-tuloy na focused military operations at kampanyang disimpormasyon kabilang ang red tagging at black propaganda.
Ilang baryong magsasaka pa ang pangangakuan ng mga Heneral na ito ng pekeng proyektong pangkaunlaran? Ang kailangan ng mga komunidad ng maralitang magsasaka sa Quezon ay pagpapaunlad sa industriya ng niyog. Walang saysay ang mga kalsada kung bagsak din naman ang presyo ng kopra. Walang saysay ang mga paaralan kung wala rin namang papasok na iskuwela. Lalong walang pakinabang ang signal ng telepono para sa magsasakang surang-sura na kay Duterte na nag-utos sa kanilang kainin ang kopra.
Mariing na kinukundena ng Apolonio Mendoza Command-New People’s Army ang tahasang paggamit ng naturang pondo bilang gasolina sa marahas na kampanyang pagpapasuko at red tagging ng SOLCOM sa lalawigan. Sa nagdaang mga buwan, sunod-sunod ang mga kaso ng sapilitang pagpapasuko kasabay ng patuloy na panggigipit sa mamamayang pinaghihinalaang may kaugnayan sa CPP-NPA, kabilang ang malisyosong pagdadawit sa mga miyembro ng ligal na samahan sa bayan ng Catanauan, Macalelon, Mulanay, San Narciso at San Francisco.
Hindi rin maikakailang ang Ugnayan Caravan na isinasagawa ng SOLCOM katuwang ang LGU at iba pang ahensya ng pamahalaan ay paghahanda nila sa Eleksyon 2022. Dapat ilantad at tutulan ng mamamayan ang ganitong pakana ng rehimeng Duterte sa pagkokonsolida ng kanyang partido pulitikal gamit ang pondo at makinaryang militar.#