Huwag padaig. Huwag matakot. Matatag na labanan ang pasismo ng tiranikong rehimeng US-Duterte
Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang pagpatay kay Rey Malaborbor, kilalang lider-manggagawa at naging coordinator ng Makabayan Bloc sa Laguna noong eleksyong 2016. Si Rey Malaborbor ay walang awang pinaslang ng mga pinaghihinalaang ahente ng estado sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. Banay-banay, Cabuyao City, Laguna. Pinatay si Rey noong Nobyembre 4, 2019 sa ganap na 9:30 ng gabi habang kasama ang kanyang asawa.
Amin ding napag-alaman na nuong hapon ng Nobyembre 4, 2016, bago ang pamamaslang sa kanya, galing si Rey Malaborbor sa City Hall ng Cabuyao para mag-alam sa kalagayan ng kaso ng 17 manggagawa ng Nutri-Asia na kinasuhan ng kapitalista at kasalukuyang nakakulong.
Mariin ding naming kinokondena ang pasistang rehimeng US-Duterte sa serye ng mga reyd sa mga opisina at tahanan ng mga progresibong organisasyon at lider sa Bacolod City, Negros Occidental, sa Paco, Manila at sa Tondo, Manila. Ang mga magkakasunod na pag-atakeng ito sa mga opisina at tinitigilan ng mga kilalang lider ng mga progresibong organisasyon ay siya nang hudyat sa isang “crackdown”, sa todo todo at lantarang pag-atake ng pasistang rehimeng Duterte sa lahat ng kritiko at lumalaban sa kanyang mga anti-mamamayang patakaran at polisiya maging sa kanyang tiraniko at pasistang paraan ng pamamahala sa gubyerno.
Pokus ng pag-atake ni Duterte ang mga progresibong organisasyon na siyang konsistente, masugid at puspusan sa paglalantad sa kabulukan ng gubyerno, sa paglaban sa mga anti-mamamayang patakaran nito at sa pagpaparating ng mga kahilingan at panawagan ng taumbayan para sa kanilang karapatan at kagalingan. Nais niyang alisan ng malakas na tinig ang taumbayan at pilayin ang lehitimong paglaban nito sa kanyang korap at mapanupil na paghahari.
Ang tumataas na insidente ng pasistang atake laban sa mga progresibong indibidwal at organisasyon ay desperadong hakbang ni Duterte na alisin ang anumang hadlang at pagtutol mula sa mga mamamayan sa gusto niyang paraan sa pagpapatakbo ng gubyerno at sa mahigpit na pagtupad sa dikta ng kanyang mga among imperyalistang US at China, mga burgesya komprador at malalaking panginoong maylupa na kabilang sa kanyang naghaharing paksyon. Ginagamit na ni Duterte ang kamay na bakal ng estado para patahimikin ang anumang pagtutol at paglaban ng bayan at sa gayon itulak nang walang sagabal ang implementasyon ng mga anti-mamamayang patakaran at polisiya na nagtataguyod at nagtatanggol sa interes ng mga nagsasamantala at naghaharing uri sa bansa.
Ang kanyang marahas at madugong kampanya laban sa iligal na droga, na sa saligan ay peke, ay ginagamit niyang pantabing para ilihis ang atensyon ng mamamayan sa tunay na mas malalalaking problema na kinakaharap ng sambayanang Pilipino—ang malawak na kagutuman at kahirapan ng taumbayan.
Matagal nang lipas ang pagbabalatkayo ng administrasyong Duterte na may umiiral pang kalayaan at demokrasya sa bansa. Litaw na litaw na ang pangil at kabangisan ng kanyang pasista at tiranikong paghahari kahit walang pormal na deklarasyon ng batas militar sa buong bansa. Dapat lang itong mariing kondenahin at labanan ng sambayanang Pilipino.
Itinuturo ng kasaysayan at karanasan ng mamamayan ng daigdig na walang diktador ang nagtatagal sa kapangyarihan at lahat sila’y napapatalsik sa pamamagitan ng armadong rebolusyon ng mamamayan o sa pamamagitan ng popular na pag-aalsa ng taumbayan tulad ng naganap sa EDSA noong 1986 na nagpabagsak sa diktador na si Ferdinand Marcos.
Tiyak na pagbabayaran ni Duterte nang mahal ang ginagawa niyang kalupitan sa bayan. Lalo lamang bibilis ang kapasyahan ng mamamayan na humawak ng armas at lumaban. Ang lantarang pasistang paghahari ni Duterte ay magsisilbing gatong sa lalong paglakas ng kasalukuyang nag-aalab na paglaban ng mamamayan. Itutulak nito ang mamamayan na lalong magpursige na tahakin ang landas ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan (DRB) at kamtin ang isang tunay na malaya at masaganang lipunang Pilipino.
Walang makakapigil sa pagbangon at paglaban ng mga binubusabos at inaaping mamamayan.###