Ibagsak ang inutil, walang silbi, pabaya at pahirap sa bayan na pasistang rehimeng US-Duterte!
Lalong nalantad ang kainutilan, kawalan ng silbi at pagiging bangkarote ng pasistang rehimeng US-Duterte matapos manalasa sa bansa ang tatlong magkakasunod na bagyong Quinta, Rolly at Ulysses. Nakapanlulumong makita ang mga larawan hinggil sa lawak at tindi ng naging pinsala sa ating mga kababayan sa Luzon resulta ng bagyong Ulysses. Hindi sana ganito ang lawak at tindi ng naging pinsala sa buhay at ari-arian ng mga kababayan natin kung nagawa ng gubyernong Duterte ang kanilang tungkulin na maagang makapaghanda at maabisuhan ang mga kababayan natin lalo na ang mga nakatira sa mga panabihang ilog, baybay dagat at mga mabababang lugar na bulnerable sa pagbaha at landslide.
Sa pananalasa ng tatlong magkakasunod na bagyo, lalong nalantad ang pagkukulang ng gubyerno na abutin at maimpormahan ang mga tao sa kasuluk-sulukan ng bansa kaugnay sa paparating na bagyo at sa maaaring maging epekto nito sa buhay at aria-arian ng mamamayan. Ang taumbayan ang sumalo at naapektuhan ng pagiging benggatibo ni Duterte laban sa ABS CBN Network. Ang pagpapasara ni Duterte sa ABS CBN Network ang nagkait sa malawak na masa ng panggagalingan ng mahahalagang impormasyon, balita, matatawagan at mapag-uulatan ng kanilang kalagayan. Tanging ang ABS-CBN Network ang may malawak na coverage at malakas na istasyon sa radyo na nakakaabot lalo na sa mga liblib na lugar bansa. Hindi kayang punuan ni Duterte ang nalikhang vacuum ng panggagalingan ng impormasyon at balita sa pagpapasara nito sa ABS-CBN. Mas abala ang gubyernong Duterte sa red-tagging at pagtugis sa mga kritiko na inaakusahan nitong kaaway ng estado kaysa ang matamang pagtuunan ang pansin ang pagpapatupad ng mga programa bilang paghahanda sa mga kalamidad at sakuna na dulot ng bagyo na palagian namang dumarating at tumatama sa bansa.
Bukod dito, imbes na birahin at sisihin ni Duterte ang mga naglalakihang illigal logging and mining sa Cagayan at Isabela at pagpapakawala ng tubig sa mga dam, na siyang pangunahing sanhi ng malawakang pagbaha sa dalawang probinsya, walang kahihiyan na isinisisi pa ni Duterte sa mga maliliit na mamamayan ang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela dahil sa diumano’y pagtotroso ng mga ito.
Palibhasa’y wala ni katiting na malasakit sa kapakakanan at kagalingan ng taumbayan mas gugustuhin pa nina Duterte at kanyang mga opisyal ang matulog, magpabandying-bandying at mag-aliw sa Baguio City, tulad ng ginawa ni Secretary Harry Roque, kaysa ang aktibong subaybayan at pangunahan ang pagsagip sa mga kababayan natin na nasa bingit ng panganib mula sa rumaragasang baha sa Cagayan at Isabela. Resulta ng kriminal na kapabayaan ng rehimeng Duterte, maraming buhay na naman ang nalagas, bilyon-bilyong halaga ng mga ari-arian, kabuhayan at pampublikong imprastraktura ang nasira. Marami ring mga mag-aaral ang mapipilitang huminto sa pag-aaral hindi lang dahil sa mga nasirang modules na gamit sa ipinatutupad na distant learning ng Department of Education (DepEd) kundi higit sa lahat dahil sa pagkasira ng kanilang tahanan, mga ari-arian at kabuhayan.
Walang ibang dapat managot sa mga buhay na nalagas, sa bilyon-bilyong halaga na pinsalang natamo ng milyon nating mga kababayan mula sa tatlong bagyong nagdaan, lalo na ang pinsalang hatid ng bagyong Ulysses, kundi ang pasistang rehimeng US-Duterte dahil sa kanyang kainutilan at kriminal na kabapabayaan. Sa napaulat sa mga pahayagan, mahigit sa 3.5 milyong indibidwal sa Luzon ang naapektuhan at 65,222 na mga kabahayan ang lubusang winasak ng bagyong Ulysses. Umabot sa 73 ang nasawi, 24 ang nasaktan at nasa 19 pa ang mga nawawala. Mahigit din sa 10 bilyong halaga ng agrikultura at imprastraktura ang sinalanta ng bagyong Ulysses labas pa ang bilyon ding halaga na napinsala sa mga ari-arian at kabuhayan ng mamamayan sa Luzon.
Marami pa sana ang nasayang ang buhay kung umasa lang sa gubyernong Duterte at hindi naging maagap ang pagdating ng saklolo mula sa ibang mga kababayan natin at sa maagap na pagtugon ng mga progresibong organisasyon, pribadong mga indibidwal at institusyon. Marami sa ating mga kababayan, lalo na sa Cagayan at Isabela, na inabot ng mahigit sa dalawang araw na nagtitiis sa gutom at ginaw sa ibabaw ng bubong ng kanilang bahay habang naghihintay ng pagdating ng saklolo mula sa ating mga kababayan at lokal na gubyerno. Labis na nahuli ang pagdating ng saklolo at tulong mula sa pambansang gubyerno.
Wala nang maaasahan pa ang sambayanang Pilipino na makagagawa ng matinong programa ang administrasyong Duterte na mag-aahon sa bansa sa kumunoy ng kahirapan. Sagad sa buto ang pagiging pasista at anti-mamamayan ni Duterte. Lahat ng kanyang pinaggagawa ay laban sa mga mahihirap at mga nakatuon sa pagtatanggol sa interes at kapakanan ng mga naghahari at nagsasamantalang uri. Lahat ng kanyang mga pinagsasabi ay mga kasinungalingan at panloloko. Lahat ng lumalabas sa kanyang bibig ay mga kabastusan at pag-aalispusta sa mga kababaihan. Lahat ng kanyang mga pahayag at aksyon ay mga pakitang tao at walang kabuluhan. Lito, nangapangapa at wala na sa huwisyo si Duterte. Lahat ng mga mali ay kanyang ginagawang tama. Ang mga nagtataguyod para sa kagalingan, interes at karapatang pantao ng sambayanang Pilipino ay kanyang ipinakukulong batay sa mga gawa-gawang kaso. Samantala ang mga opisyal ng gubyerno na nahaharap sa iba’t ibang kaso, imbes na makulong ay kanyang agarang inaabswelto at binibigyan ng gantimpala at promosyon.
Wasto, makatarungan at may batayan para lumaban at mag-aklas ang sambayanang Pilipino upang patalsikin sa kapangyarihan ang inutil, walang silbi pabaya at pahirap sa mamamayan na si Rodrigo Roa Duterte. Hanggat hindi napapatalsik sa kapangyarihan si Dutete, magiging paulit-ulit na lamang ang mga kapalpakan at kabuktutan na magagawa niya sa taumbayan. Patuloy lamang na hahaba ang listahan ng kanyang mga krimen sa bayan at mga paglabag sa karapatang pantao. Dapat na itong wakasan.
Makapangyarihan ang sambayanang Pilipino. Nagawa nitong patalsikin sa kapangyarihan ang diktador na si Ferdinand E. Marcos at korap at mandarambong na si Joseph Estrada. Tiyak na magagawa din nitong mapatalsik sa kapangyarihan ang higit na kasuklam-suklam, kinamumuhian at wala sa katinuang si Rodrigo Roa Duterte.
Ang sambayanang Pilipino ang higit na nasa pusisyon kung sino ang kanilang mga ihahalili sa pwesto matapos mapatalsik sa kapangyarihan ang korap, inutil, walang silbi at pahirap sa bayan na pasistang rehimeng US-Duterte. Subalit ang pagpapatalsk kay Duterte sa kapangyarihan at pag-upo ng kapalit niya sa katungkulan ay hindi nangangahulugan na lubusan nang mababago ang naghaharing bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal sa bansa. Nagpapatakbo lamang sa gubyerno ang napapalitan at hindi ang reaksyonaryong sistema na namamayani sa bansa. Sa pagtatagumpay lamang ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) at kagyat na kasunod nitong Sosyalitastang Rebolusyon tunay na magaganap ang pagbabago sa lipunang Pilipino at matatamasa ng sambayanang Pilipino ang tunay na kalayaan, demokrasya at kasaganahan sa buhay.###