Ibaon sa basurahan ng kasaysayan ang alaala ng pasistang diktador na si Ferdinand Marcos, kasama ang kanyang taga-idolong si Duterte!
Kasuklam-suklam ang maniobra ng rehimeng Duterte at mga tagasuporta ng mga Marcos na baliktarin ang kasaysayan sa pamamagitan ng pagsusulong na gawing holiday ang kaarawan ng pasistang si Ferdinand Marcos ngayong Setyembre 11.
Kasingkahulugan ito ng pagbubunyi sa kalupitan, pag-abuso sa kapangyarihan, pandarambong, masaker at malawakang paglabag sa karapatang sibil at pantao ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng paghaharing militar ng diktadurang US-Marcos. Hindi lamang tinatangka nitong i-abswelto ang mga krimen ng pamilyang Marcos kundi nilalabusaw at binabago nito ang kasaysayan ng madilim na paghahari ng mga Marcos sa bansa sa ilalim ng Batas Militar at nilalapastangan ang alaala ng mga biktima ng batas militar ni Marcos.
Malaki itong kataksilan sa sambayanang Pilipino na magiting na lumaban at isinakripisyo ang lahat para mapabagsak ang kinamumuhiang diktador na si Ferdinand Marcos. Ang pakanang baguhin ang kasaysayan at pabanguhin ang imahen ng diktador ay paunang hakbang upang burahin ang madilim na pamana ng mga Marcos sa mga Pilipino.
Nais ni Duterte na burahin sa alaala ng mamamayan ang madugong krimen ng mga Marcos para maitanghal ang sarili bilang tagapagmana at tagapagpatuloy ng tiranikong paghahari ng mga Marcos.
Pinapakana ng rehimeng Duterte at ng kanyang mga kampon na gawing isang pambansang okasyon ang kaarawan ng diktador na si Ferdinand E. Marcos upang linisin ang madungis na imahen nito at ng kanyang pamilya at ilagay sila sa kapita-pitagang katayuan sa kasaysayan. Kadugtong ito ng paglilipat ng rehimenng Duterte sa labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong 2017 na mariing kinundena ng buong bayan.
Ipinangpapain ni Duterte sa mga Marcos ang paglinis sa pangalan ng mga ito at ang pagbabago sa kasaysayan kapalit ng alyansa at suporta mula sa nakaw na yaman ng mga Marcos para tuparin ang ambisyong pulitikal ni Sarah Duterte at ng kanyang partidong Hugpong para sa Pagbabago sa eleksyong presidensyal sa 2022 o kaya’y para suportahan ang kanyang pakanang kudetang konstitusyunal sa pamamagitan ng pederalismo at charter change.
Salungat na salungat ang pagdakila ni Duterte sa kanyang idolo sa poot na nararamdaman ng sambayanang Pilipino tuwing maririnig ang pangalang Marcos. Hanggang ngayon ay ipinananawagan ng sambayanan ang pagpapanagot sa mga Marcos sa kanilang mga krimen, laluna sa usapin ng paglabag sa karapatang tao. Kahindik-hindik ang mga tala ng pagdukot, tortyur, pagpaslang at pagkawala ng mga kritiko ni Marcos. Dito sa TK, hindi pa rin nahahanap ang labi ng walo sa tinaguriang Southern Tagalog 10 na mga desaparecidos na dinukot ng mga ahente ng diktadurang Marcos. Laganap ang paghahamlet at kalupitan ng Philippine Constabulary sa mga komunidad sa kanayunan.
Walang kapatawaran ang ginawa ng pamilyang Marcos na pandarambong sa bilyun-bilyong pisong yaman ng bayan habang hinahayaan ng diktadura na bumulusok ang ekonomya at lumubog sa utang ang Pilipinas. Higit pang pinalala nito ang pagkakasandal ng ekonomya ng Pilipinas sa mga neoliberal na patakaran at kasunduan at nagpahintulot sa pagkopo ng iilang mayamang pamilya sa mga industriya’t negosyo sa bansa.
Sa pagwawasiwas ni Duterte ng kanyang kapangyarihan, ang lahat ng sagabal sa kanyang landas para tuluyang maipatupad ang kanyang marahas na paghahari ay kanyang nililinis at binubura. Ang kasalukuyang de facto martial law na ipinatutupad sa buong bansa ay itinatago sa likod ng gera laban sa droga na naging gera kontra-terorismo. Higit na naging madulas ang pagpapataw ng isang mapaniil na “new normal” sa panahong ito ng pandemya na sa totoo lang ay pumabor sa pagkontrol sa malayang galaw ng mga tao at pumigil sa mga pagkilos laban sa pasismo at iba pang mapaniil na pakana ng rehimen. Sa katunaya’y mas malala at mas mabangis ang paghahari ni Duterte at pinataob nito ang pinagsama-samang rekord ng mga nagdaang rehimen sa dami ng mga kaso sa paglabag sa karapatang tao. Sa pagsunod sa kanyang idolo at sa pagtupad sa sariling ambisyon na maghari siya at ang kanyang pamilya habambuhay, pumaslang na ang rehimen ng halos 30,000 tao, habang daan-daang libo na ang biktima ng dislokasyong dulot ng malawakang militarisasyon, walang habas na pambobomba at iba pang atake sa mga komunidad at pamayanan.
kinumpleto ng pasistang Duterte ang kanyang arsenal ng mga batas na ayon mismo sa sariling pananalita ng rehimen ay hindi na niya kailangang magdeklara ng martial law. Ang Anti-Terror Act of 2020 ay higit na nagpabangis sa mersenaryong AFP-PNP sa panunugis nito sa mga kalaban, kritiko at mga potensyal na katunggali sa pananatili sa pwesto ng pasistang rehimen.
Hindi mahihintakutan ang mamamayang Pilipino na labanan ang rehimeng US-Duterte, tulad ng ginawa nitong paglaban at pagpapabagsak sa pasistang diktadurang rehimeng US-Marcos. Ang Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog ay patuloy na magpupursige sa pagsusulong ng armadong pakikibaka para baliin ang gulugod ng kapangyarihan ng diktadurang rehimeng US-Duterte.
Isang malaking insulto sa sambayanan ang bigyang-puri ang diktador na si Marcos sa gitna ng pandemya at mahirap na sitwasyon ng bayan. Hindi mapipigilan ng rehimen ang pagsambulat ng labis na galit ng sambayanan. Magkasama silang ibabaon sa basurahan ng kasaysayan at doon mabubulok ang kanilang alaala habang itatanghal sa kasaysayan ang tagumpay ng mamamayan sa paggapi sa pasismo at terorismo ng estado habang nagpapatuloy ang paglakas ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.###