Ibasura ang Malalaking Kasinungalingan ng AFP at ni Duterte
Nagsinungaling si Duterte at kanyang mga upisyal sa militar at pulis tungkol sa “Red October plot.” Ngayon, nagsisinungaling sila sa pagsabing BHB ang may kagagawan ng Masaker sa Sagay. Walang abog silang magsinungaling. Walang kurap silang magsinungaling. Paulit-ulit sila kung magsinungaling.
Mismong ang hepe ng AFP ang nasa unahan nitong kampanya ng Malalaking Kasinungalingan. Malinaw na itong si Gen. Galvez ay disipulo ni Joseph Goebbels, pinunong pasistang ideolohigo ni Hitler, na nagsabing:
Kung husto mong ulit-ulitin ang isang kasinungalingan, paniniwalaan iyon ng mga tao. Kung husto mong ulit-ulitin ang isang kasinungalingan, magiging katotohanan iyon. Kung husto ang laki ng kasinungalingan at ulit-ulitin mo, katagala’y paniniwalaan iyon ng mga tao. Kung magpaulit-ulit ka sa kasinungalingan, iyon ang magiging katotohanan. Kung maraming beses na ulitin ang kasinungalingan, malao’y paniniwalaan iyon ng mga tao.
Pero sa pagkakataong ito, hindi makapaniwala ang mamamayang Pilipino. Hindi katanggap-tanggap sa kanila ang mga kasinungalingang inilalako ng AFP at ni Duterte.
Nagmumukha lang tanga si Gen. Galvez at ang kampon niya ng mga sinungaling sa paghahabi ng sunud-sunod na kwentong barbero, kahit pa balu-baluktot. Sa isang banda, inaakusahan nila ang National Federation of Sugar Workers (NFSW) na “front” ng CPP/NPA. Pero sa kabilang banda, sinasabi nilang BHB ang nasa likod ng pagpatay sa mga magsasakang kasapi ng NFSW. Para ituwid ang baluktot na kwento, Malaking Kasinungalingan na naman ang kanilang ipinakakalat: na ang pagmasaker ay bahagi ng “Red October plot” para galitin ang mga tao laban kay Duterte.
Para sa kabatiran ng lahat, ang PKP at BHB ay di gumagawa ng ganoong mga hangal na pakana. Sapat nang nagngangalit ang bayan sa matinding krisis panlipunan dulot ng mga patakaran ni Duterte at sa kanyang mga pasistang krimen. Determinado silang makitang bumagsak si Duterte.
Naglalako si Duterte at ang AFP ng Malalaking Kasinungalingan upang lituhin ang mamamayan at umiwas sa sisi sa Masaker sa Sagay na kagagawan ng Special Civilian Active Auxiliary (RPA/SCAA) na nasa tuwirang kumand ng AFP at pinopondohan ng malalaking asendero ng Negros sa pangunguna ng alyado ni Duterte na si Negros Gov. Alfredo Marañon Sr at Mayor Alfredo Marañon Jr ng Sagay. Ang hedkwarters ng SCAA ay nasa kampo ng AFP sa loob ng Hacienda Mirasol, dalawang kilometro lang ang layo sa pinangyarihan.
Naglalako si Duterte at ang AFP ng Malalaking Kasinungalingan upang tabunan ang sigaw ng mga magsasaka para sa lupa. Ang uhaw-sa-dugong si Duterte at kanyang mga upisyal militar ay nagdadrama sa pagsimpatya sa mga biktima ng Masaker sa Sagay. Binigyan sila ni Duterte ng pera at mga cellphone, malinaw na wala siyang simpatya sa mga magsasaka at manggagawang-bukid na nakikibaka, hindi para sa cellphone, kundi para sa kanilang karapatang magbungkal ng lupa para sa pagkain.
Naglalako si Duterte at ang AFP ng Malalaking Kasinungalingan para bigyang-matwid ang pagpapalawig at pagpapasaklaw ng batas militar. Uhaw si Duterte sa absolutong kapangyarihan para ipagtanggol ang kanyang tiraniya sa pamamagitan ng terorismo ng estado.
Naglalako si Duterte at ang AFP ng Malalaking Kasinungalingan dahil desperado silang siraan ang BHB, isang hukbong magsasaka, na walang-maliw at solidong nasa likod ng sigaw ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Puno sila ng takot na patuloy ang paglakas ng BHB sa harap ng malawakang napupukaw ang masang magsasaka na magsandata at lumahok sa armadong rebolusyon.
Idinidiin ng PKP ang pagkundena sa Masaker sa Sagay at sa sunud-sunod na pagpatay sa Negros at sa buong bansa. Ang masaker ay ika-13 sa maramihang pagpatay ng AFP at ng mga grupong paramilitar nito. Hindi malayong hindi ito ang huli sa ilalim ng Oplan Kapayapaan at batas militar sa Mindanao ni Duterte.