Ibayong lakas at mas malalaking tagumpay para sa NDFP!
Ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang kanilang pinakamilitanteng rebolusyonaryong pagbati sa mga alyadong organisasyon at kaibigan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa okasyon ng ika-49 na anibersaryo ng NDFP.
Ipagdiwang natin ang mga naabot at tagumpay ng NDFP sa gawain nito sa pagbubuklod sa mamamayang Pilipino at pagpapakilos sa kanila sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa darating na taon, patuloy nating masiglang itaguyod ang pambansa-demokratikong programa at hangarin ng mamamayang Pilipino, palaparin ang hanay ng NDFP at mga alyadong organisasyon nito sa walang katulad na antas, habang tinatanaw natin ang pagdiriwang sa ginintuang anibersaryo ng NDFP sa susunod na taon.
Ang 18 lihim na organisasyong magkakaalyado sa NDFP ay kumakatawan sa mayorya ng mamamayang Pilipino at sa kanilang hangarin para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Dagdag sa PKP at BHB, kabilang sa NDFP ang mga alyadong organisasyon na:
Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas); Christians for National Liberation (CNL); Cordillera People’s Democratic Front (CPDF); Kabataang Makabayan (KM); Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma); Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMA); Liga ng Agham para sa Bayan (LAB); Lupon ng mga Manananggol para sa Bayan (Lumaban); Makabayang Kawaning Pilipino (MKP); Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka); Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP o Masapa); Moro Resistance Liberation Organization (MRLO); Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM); Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU); Revolutionary Organization of Lumads (ROL); at ang Revolutionary Organization of Overseas Filipinos and their Families (Compatriots).
Naglilingkod ang mga organisasyong ito sa mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, manggagawang pangkalusugan, siyentista, minoryang mamamayan, at iba pang mga sektor, at itinataas ang kanilang determinasyon at militansya sa pakikipaglaban para sa kanilang demokratikong karapatan. Nagpunyagi sila sa rebolusyonaryong kilusang lihim para pagbuklurin ang kanilang mga sektor at iugnay sila sa pangkabuuang pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
Pinanday sila sa ilang dekada ng rebolusyonaryong pakikibaka, at marami ang nagsilbi bilang matibay na bag-as ng pakikibaka laban sa diktadurang US-Marcos. Naglulunsad sila ng anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasistang pakikibakang masa at humihimok sa paparaming mamamayan na itaguyod ang adhikain ng pambansa-demokratikong rebolusyonaryon. Itinataguyod nila at nagbibigay sila ng hindi-matutumbasang suportang moral, pulitikal at materyal sa rebolusyonaryong armadong paglaban. Hindi na mabilang na mga kasapi ng NDFP ang naging mga Pulang mandirigma ng BHB.
Ang NDFP ang pinakatipon na anyo ng nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka at kumakalap ng malawakang suporta para sa digmang bayan. Ang 12-Puntong Programa nito ang pinakakonsentradong pahayag ng mga hangarin ng malapad na masa ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Kinakatawan ng NDFP ang demokratikong gubyernong bayan na kolektibong anyo ng libu-libong organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga barangay at mas mataas na antas na nakakalat sa buong bansa. Ang mga organo sa kapangyarihang pampulitika ay nakasalalay sa lakas ng mga alyadong organisasyong masa ng NDFP para sa mga magsasaka, kababaihan at bata, kabataan at manggagawang pangkultura. Sa mga teritoryo nito, nagpapatupad ang NDFP ng minimum at maksimum na programa para sa reporma sa lupa, pagtataas sa produksyon sa agrikultura at karagdagang kita mula sa sa trabahong saydlayn, mga kampanya para sa pampublikong kalusugan, edukasyon at literasi, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagresolba sa mga kontradiksyon sa hanay ng mamamayan, at kanilang depensa.
Sa nagdaang dalawang taon, aktibong nagpakilos at tumulong sa masa ang NDFP para umangkop sa pandemya at krisis na dulot ng kapabayaan ng reaksyunaryong estado sa kanilang kagalingan. Ang mga rebolusyonaryong tauhan ng NDFP ay aktibong nagbigay ng serbisyo sa pampublikong kalusugan (kampanyang impormasyon, programa sa sanitasyon, klinikang bayan) at suportang edukasyon sa mga batang estudyante na pinakanagdusa sa lubhang kabiguan ng estado.
Mahusay na kinatawan ng NDFP ang demokratikong gubyerong bayan sa larangan ng diplomatiko at proto-diplomatikong pakikipag-ugnayan. Nakapagtatag ito ng pakikipag-ugnayang estado-sa-estado, estado-sa-mamamayan, at mamamayan-sa-mamamayang at nasa unahan at aktibong kalahok sa internasyunal at anti-imperyalistang mga pormasyon. Mayroon itong pormal na ugnayan sa dayuhang mga gubyerno at iba’t ibang internasyunal na mga ahensya, makataong organisasyon at institusyong pangkapayapaan.
Nagpamalas din ang NDFP na kaya nitong makipag-negosasyong pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) nang hindi nagpapalinlang sa pasistang bitag ng pasipikasyon, demobilisasyon at kapitulasyon. Nagtagumpay ito sa pagtatatag ng prinsipyo para sa makatarungan at pangmatagalang kapayaapaang makakamit sa pagtugon sa panlipunan, pang-ekonomiko at pampulitikang mga ugat ng armadong tunggalian, at pagpapamalas kung paanong ang balangkas na ito ay higit na mas mahusay kumpara sa militaristang ideya na “lokalisadong kapayapaan” na nakakamit sa pamamagitan ng armadong panunupil sa mga karapatan at paglaban ng mamamayan.
Sa nagdaang anim na taon, naglunsad ang rehimeng Duterte ng pinaigting na operasyong kontra-insurhensya at “gera kontra terorismo” sang-ayon sa doktrinang ipinataw ng US. Ang gerang ito ay kinatangian ng lubos na brutalidad para sindakin ang mamamayan at gumamit ng labis-labis na pwersa sa imbing tangka na gapiin ang mga rebolusyonaryong pwersang gerilya. Isinabatas nito ang tinatawag na Anti-Terrorism Law, isang mapanupil na batas na bumaligtad sa unibersal na mga prosesong hudisyal at batayang demokratikong karapatan.
Bilang pagsunod sa dikta ng US at para bigyang katwiran ang kanyang panunupil, mali at malisyosong idinekara ni Duterte na mga “terorista” ang PKP, ang BHB, ang NDFP at mga alyado nitong organisasyon. Isa itong bigong pagtatangka na siraan ang mga rebolusyonaryong pwersa at ikubli ang pambansa at demokratikong hangarin ng mamamayang Pilipino na kinakatawan ng mga ito.
Sa atas ni Duterte, ang mga pwersa ng pulis at militar ay dumaluhong sa maramihang pagpaslang, bawal na mga pag-aresto, pagdukot, tortyur at pamimilit sa mga sibilyang “sumuko” na labag sa kanilang batayang demokratikong mga karapatan. Ang ganitong panunupil ay nilakipan ng kampanya ng red-tagging at pagbabansag na terorista. Niyurakan ang mga internasyunal na kinikilalang batas sa digma. Gumamit ang AFP ng mga teroristang taktika ng US, na nagtatanggal sa pagkakaiba ng mga kombatant at sibilyan. Kaugnay ng taktikang “golpe de gulat” ng US, gumagamit ang AFP ng lansakang pambobomba mula sa ere, istraping at panganganyon sa mga sibilyang komunidad para sindakin ang mamamayan at payukuin sila sa militar.
Gayunman, ay nagtatagumpay lamang ang rehimeng Duterte sa pag-uudyok sa mamamayang Pilipino na lumaban at tutulan ang kanyang tiranikong paghahari. Sa iba’t ibang panig ng bansa, tinutuligsa ng mamamayan ang laganap na pang-aabusong militar at pulis, nagpapamalas ng kanilang kolektibong aksyon para protektahan ang kanilang hanay laban sa pamamaslang at labag-sa-batas na mga pag-aresto, pagpapahayag ng kanilang indignasyon laban abusong militar, at pagtataboy sa mga abusadong sundalo mula sa kanilang komunidad. Tumitindig ang mamamayan para sa kanilang mga karapatan at nagpupunyagi para buuin ang kanilang mga unyon at organisasyon at itaas ang kanilang determinasyon na ipagtanggol ang sarili.
Ang paparating na reaksyunaryong eleksyon ay tinatanaw ng malalaking saray ng lipunang Pilipino bilang pagkakataon para wakasan na ang anim na taong tiraniya ng naghaharing pasistang rehimeng Duterte at pigilan ang mga banta na buong makapanumbalik sa kapangyarihan ang kurakot na pamilyang Marcos. Gayunman, determinadong mangunyapit sa kapangyarihan si Duterte at kanyang paksyon sa pamamagitan ng lantad na pagnanakaw sa eleksyon para iluklok ang kanyang napiling kahalili at anak na babae bilang presidente at bise presidente, gayundin ang kanyang mga alipures sa senado at mababang kapulungan. Ang umiinit na tunggalian sa eleksyon ay kinakatangian ng lumalaking mga protesta na inilulunsad ng malapad na sektor na sumusuporta sa nangungunang kandidato ng oposisyon. Sa umiigting na pampulitikang aktibidad ng masa, paparaming mamamayan ang nahihikayat sa pambansa-demokratikong adhikain, na lumilikha ng mga kundisyon para sa mabilis na paglapad at pagpapalakas ng NDFP.
Sa kanayunan, patuloy na nagpupunyagi ang Bagong Hukbong Bayan sa paglulunsad ng armadong pakikibaka at matatag na pagsusulong ng digmang bayan. Patuloy na lumalawak ang hanay ng BHB, laluna’t paparaming biktima at mga target ng pang-aabuso ng militar at pulis ang natutulak sa landas ng armadong pakikibaka. Patuloy na nagpapalawak ng teritoryo at erya ng operasyon ang BHB, nagpapalakas o bumubuo ng bagong mga organisasyong masa, yunit ng mga milisyang bayan, grupong pananggol-sa-sarili at organo ng kapangyarihang pampulitika, na siyang ibayong nagpapalapad at nagpapalakas sa base ng NDFP.
Ang pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema ay pinapalala ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, nagpapalubha sa pandarambong at pagsasamantala ng mga kumpanyang multinasyunal sa rekurso ng bansa, lumolobong dayuhang utang, lantarang korupsyon ng mga burukrata kapitalista, lumulubhang kawalan ng trabaho, mababang sahod at pangangamkam ng lupa. Ang imperyalistang US at naghaharing mga uri ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa ay humahantong sa lantarang tiraniya at terorismo ng estado para panatilihin ang naghaharing sistema na higit na nawawalan ng kakayahang tugunan ang pangangailangan ng mamamayan.
Binibigyang-diin ng lumulubhang krisis ng naghaharing sistema ang pangangailangan at pagiging makatarungan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang malapad na masa ng manggagawa at magsasaka at ang iba pang inaapi at pinagsasamantalahang mga uri at sektor ay walang ibang paraan na igpawan ang krisis kundi ang paglulunsad ng rebolusyon at pagsusulong ng radikal na transpormasyon ng lipunang Piliino. Sa pamamagitan lamang ng pagwawakas sa suportado-ng-US na neokolonyal na pasistang estado na nagsisilbi sa interes ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa makakamit ng mamamayang Pilipino ang pambansang kalayaan at demokrasya at makapagtatayo ng isang progresibo at makatarungang lipunan.
Ipagdiwang natin ngayon at sa mga susunod pang araw ang ika-49 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines. Patuloy nating itaguyod ang 12-Puntong Programa at umani ng mas marami pang tagapagtaguyod. Pabilisin natin ang rekrutment ng mas maraming kasapi sa mga alyadong organisasyon ng NDFP. Paigtingin natin ang suporta para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Patuloy tayong magbuo at magpalawak ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Tumanaw tayo sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo nito sa susunod na taon nang may ibayong lakas at mas malalaking tagumpay.
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang mamamayang Pilipino!
Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang tagumpay!