Ibayong palakasin ang armadong rebolusyon sa prubinsya ng Bohol
Read in: Bisaya
Mainit at mapulang saludo sa lahat ng mga rebolusyonaryong martir na magigiting na nag-alay ng kanilang buhay, gayundin sa anakpawis at mamamayang Pilipino na nakikibaka para sa hangaring palayain ang ating bansa mula sa pang-aalipin ng dayuhang mga kapitalista gaya ng US, China at iba pa.
Ngayong araw, masigasig na ipinagdiriwang ng mamamayang Pilipino ang ika-52 anibersaryo ng pagkakatatag ng isang hukbo na nagsisilbi sa maralitang mamamayan—ang Bagong Hukbong Bayan na itinatag noong 1969 sa isang larangang gerilya sa Tarlac sa Central Luzon. Nagsimula lamang ito na may 60 na mga elemento na may siyam lamang na mga matataas na kalibreng armas at iilang maaiiksi at mabababang kalibreng armas. Mula rito, patuloy itong lumaganap at lumawak sa pamamagitan ng pagsusulong sa estratehiyang matagalang gerilyang pakikidigmang bayan hanggang sa naabot na nito ngayon ang mahigit 110 larangang gerilya sa loob ng 73 prubinsya sa buong Pilipinas. Wala pang nakahihigit na mga rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas noon na may kasinglawak at kasinglakas na naabot sa kasalukuyang pag-unlad ng rebolusyonaryong kilusan sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM at gamit ang pangunahing sandata nito na nasa absolutong pamumuno ng PKP–ang Bagong Hukbong Bayan, at pagpapatupad sa gawain ng Pambansang Nagkakaisang Prente para pagkaisahin ang buong pinagsasamantalahan at inaaping mamamayang Pilipino laban sa imperyalismo at lokal na mga naghaharing uri, ang malalaking kapitalista-kumprador at panginoong maylupa.
Partikular sa pag-unlad ng armadong rebolusyonaryong kilusan sa Bohol, mula sa kalagitnaan ng 2017 hanggang sa kasalukuyang 2021, sa layuning muling palakasin ang armadong rebolusyon sa isla, nagkamit ito ng ilang signipikanteng mga tagumpay tulad ng sumusunod: Nagsimula sa ilang baryo at bayan ang kinikilusan ng Hukbong Bayan sa taong 2017, sa kasalukuyan naabot na nito ang kalahati ng 47 bayan at isang syudad sa Bohol at muling nasaklaw ang iilan sa mga baryo. Lumalaki nang iilang libo bawat taon ang baseng masa na mainit ng yumakap at nagsusulong sa kanilang rebolusyonaryong adhikain. Lumaki rin ang bilang ng mga sakop ng regular na yunit ng BHB at milisyang bayan sa parehong panahon.
Sa mga nailunsad na aksyong militar sa loob ng tatlo at kalahating taon, nakapaglunsad ang BHB ng 15 taktikal na opesiba, 13 nito ang pagparusa sa mga armadong ahente ng militar, CAFGU at ilang regular na ahente ng inteledyens, harasment sa Rizal, Batuan Jungle Base Training Camp sa 47th IB at ambus laban sa mga tropa ng 47th IB sa Cambigsi, Bilar. Nagresulta ang mga aksyong ito sa pagkakapatay ng tatlong CAFGU at siyam armadong ahente ng militar habang isa ang sugatan sa army intelligence at ilang sugatan sa mga sundalo ng 47th IB. Nakakumpiska naman mula rito ang BHB nang 4 na maiiksing armas at mga bala. Ang inilunsad na mga aksyong militar ay tugon sa kahilingan ng masa. Nakaranas din nang 6 na depensibang labanan ang yunit ng BHB kung saan isang sundalo ang napatay at hindi bababa sa lima ang sugatan. Isang Pulang mandirigma naman ang namartir habang dalawa ang nadakip.
Sa kabila ng mga pagsisikap ng kaaway na hadlangan ang mga aktibidad para sa muling pagpupundar ng rebolusyonaryong lakas sa isla nakapagpatupad pa rin ang Partido ng pagsasanay pulitiko-militar sa mga kasapi ng regular na yunit ng hukbong bayan. Matagumpay ring nakapaglunsad nang isang batch ng combat medical training na nilahukan ng 16 na mga partisipante. Matapos ang matagumpay na pagsasanay medikal, nakapagbigay ito nang libreng serbisyong medikal sa mga baseng masa at mga alyado tulad ng libreng minor na operasyon, panunuli sa mga bata, pagpapalaganap sa natural at paggawa ng mga herbal na gamot, acupuncture, acupressure, Japanese acupressure (HARA) at dental clinic (libreng pagbunot ng ngipin at paggawa ng postiso). Daan-daang masa ang nakabenepisyo rito. Sa pagharap sa pandemyang COVID-19, inengganyo ang masa sa paggamit ng VCO (Virgin Coconut Oil) na napatunayang maganda sa kalusugan para sa epektibong paglaban sa pandemya. Tinuruan din sila kung paano ito gagawin.
Nakapagpatupad din ang BHB ng gawaing produksyon sa pagtulong sa mga masa sa kanilang pagsasaka, tulad na lamang ng pagtatanim, paghahawan, pagkukupras at iba pa. May pinauunlad din na sariling sakaran ang hukbo na tinamnan ng sari-saring mga halamang ugat at gulay bilang pandagdag sa mga pangangailangan. Ang ibang mga tanim ng hukbo ay sinira ng mga militar.
Sa pang-ideolohiyang konsolidasyon sa loob ng Hukbo, rebolusyonaryong pwersa at mga masa, sa pagpapatupad sa tatlong kursong pampartido, nakapaglunsad ito nang apat na batch ng BKP (batayang kurso ng Partido) at dalawang batch ng IKP (intermedyang kurso ng Partido). Inilunsad din nito ang pag-aaral ng “Hinggil sa Praktika” ni Mao Zedong at palagiang update sa mga isyu ng Ang Bayan. Isinagawa rin ang paglalagum ng armadong pakikibaka sa isla mula 2000 hanggang 2016 na nagbibigay tanglaw at inspirasyon sa Partido, Hukbo at baseng masa.
Kung susumahin ang pag-unlad ng muling pagpapalakas sa armadong rebolusyon sa Bohol sa loob nga isa at kalahating taon, mas malaki ang positibo kaysa mga negatibo, mas malaki ang mga tagumpay kaysa pinsala na una nang nabanggit. Napatunayan na patuloy na nakapanatili sa naturang panahon ang Partido, Hukbo at baseng masa. Ang lahat ng ito ay bunga ng seryosong paghakap ng masa sa rebolusyon, taliwas sa maitim na propaganda ng kaaway na tumalikod na ang masa sa rebolusyon sa pagdedeklarang “persona non grata.” Ang mga paunang mga tagumpay ay nangangahulugan na walang kakayanan ang mga naghaharing rehimen na puksain ang lumalakas na pagdaluyong ng armadong rebolusyon sa bansa.
Mula nang ipinataw ng rehimeng US-Marcos ang batas militar hanggang sa rehimen ni Benigno Aquino, bigo ang estado sa layunin nitong gapiin ang Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong baseng masa. Bigo ang mga nauna nang mga rehimen, tiyak na mabibigo rin ang rehimeng US-Duterte. Pinatindi nito ang pagsisikap na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) na nagpatupad sa lahat ng porma ng terorismo ng estado para supilin ang karapatang-tao at mga lehitimong pakikibaka ng mamamayan upang panatilihin ang sistemang malakolonyal at malapyudal na nasa walang-katapusang krisis kung saan sila lamang ang nakinabang habang naghihirap ang mamamayang Pilipino.
Habang walang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa Pilipinas, siguradong walang mangyayaring pag-unlad sa bansa. Makakamit lamang ito sa tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyong bayan.
Ang nagpapatuloy na krisis at kabulukan ng naghaharing sistema sa ating lipunan ay isang pinakamaigting na kondisyon sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan hanggang sa tagumpay. Ang malakas na pagkakaisa ng mga magsasaka at ng iba pang pinagsasamantalahan sa kanayunan ay kahalintulad ng isang malaking buhawi o ipuipo. Walang kaaway sa uri ang makagagapi, samakatwid, ito ang hahawan sa mga naghaharing uri sa lipunan na sagka sa landas tungong kalayaan. Kaya malinaw ang kinabukasan ng rebolusyon habang madilim pa sa alketran ang kinabukasan ng reaksyunaryong reheming US-Duterte. Nararapat lamang na magpunyagi ang mamamayan at buong-tapang na isulong ang armadong rebolusyon hanggang sa tagumpay.
Mabuhay ang ika-52 nga Anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!
Isulong ang matagalang digmang bayan!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayang Pilipino!