Igiit ang ligtas na bakuna sa COVID-19 para sa lahat!
gayong 2021, malaking hamon para sa buong bayan ang paggigiit para sa ligtas, libre at malawakang pagpapabakuna para sa lahat. Hinihingi ng kalagayan ang puspusang pakikibaka ng sambayanan para tiyakin na magkaroon ang lahat ng bakuna, laluna’t walang matinong programa ang reaksyunaryong gubyerno sa pagpapabakuna sa mahihirap. Sa takbo ng paghahanda ng rehimen, pihadong mauuwi sa pagiging negosyo ng mga kaibigan at kroni ni Duterte ang bakuna sa Covid-19 habang pinagkakaitan ang masang anakpawis ng kinakailangang proteksyon sa nakamamatay na virus.
Tulad ng palyado nitong tugon sa pandemya, magulo, anti-mahirap at hindi siyentipiko ang plano sa bakuna ng rehimeng Duterte. Walang nakalatag na kongkretong plano sa malawakang pagpapabakuna at maliit ang pondong bayan na inilaan para rito. Hindi pa rin tiyak kung saan hahagilapin ang pondo para sa bakuna dahil nauna nang inilaan ang bulto ng pondo sa 2021 sa mga proyektong imprastraktura depensa at kontra-insurhensya. Nilaanan pa ni Duterte ng P19.1 bilyong pondo ang anti-mamamayang National Task Force to End Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kaysa ang dagdagan ang maliit na pondong nakalaan sa pagbili ng bakuna laban sa Covid-19.
Palaisipan kung anong nangyari sa 10 milyong dosis ng bakuna mula sa Pfizer Biontech na inaasahan sa unang kwarto ng taon. Kaduda-duda rin ang pagpabor ng rehimen sa mga bakuna galing China sa kabila ng mababang epektibidad at kumpyansa rito ng mga siyentipiko at duktor habang labis na mataas ang presyo. Mas pinili nila ang limpak-limpak na tubong kikitain kaysa ang mataas ang kalidad at epektibidad (efficacy) ng bakuna. Ang pagbibigay pabor ng gubyernong Duterte sa mga bakunang gawa sa China na mababa ang kalidad at epektibidad at mas mahal ay bahagi ng mga kwesyunableng kasunduan na pinasok ng gubyernong Duterte sa mga pribadong kumpanyang parmaceutical ng China sa ngalan ng tubo. Samantala, ang mga bakunang gawa sa Europa at Estados Unidos na mas mura, makalidad at mataas ang epektibidad ay mas inaasa ni Duterte ang pamimili sa mga pribadong sektor. Tiyak na tatabo ng milyon-milyong komisyon ang pangkating Duterte at mga kroni sa bawat maisasarang kontrata sa pagbili ng mas mahal na uri subalit mababang klase ng bakuna mula China.
Wala pa mang opisyal na bakuna ay batbat na ng kontrobersiya ang programa sa bakuna ng rehimen. Sunud-sunod ang rebelasyon kung sinu-sinong mga personahe at grupo ang nauna nang nagpabakuna kahit na wala pang inaaprubahang bakuna ang Food and Drug Administration (FDA). Grabeng galit ang inani ng rehimen mula sa taumbayan dahil sa mas nauna pa nitong pabakunahan ang Presidential Security Group (PSG) noong Setyembre at Oktubre kaysa ang mga doktor, nurses at iba pang manggagawang pangkalusugan na nasa unahan ng laban sa pagsansala sa paglaganap ng virus at higit na nangangailangan ng proteksyon.
Dahil sa wala pang inaaprubahang bakuna ang FDA, ang bakunang gawa ng kumpanyang Sinovac Biotech mula sa bansang China na pinanturok sa mga kagawad ng PSG, ilang gabinete at opisyal ng gubyerno ay maituturing na iligal na droga at resulta ng talamak na ismagling sa bansa. Dapat kondenahin ng taumbayan ang ginawang paglabag ng gubyernong Duterte sa mga batas laban sa ismagling at paglaganap ng mga iligal droga sa bansa.
Malaking eskandalo na nabakunahan na ang 100,000 manggagawang Chinese na nagtatrabaho sa mga POGO sa bansa sa kabila nang kawalan ng malawakang pagbabakuna sa mga Pilipino. Bago ito, umugong na ang pagpapabakuna ng mga pulitikong malapit kay Duterte at mga tuta ng US at China. Naglipana rin ang mga kaso ng iligal na pagbakuna lalo na sa hanay ng mga Filipino Chinese sa Binondo, Manila.
Hindi kayang magmalinis ng rehimen laluna nina Vaccine Czar Carlito Galvez, DOH Sec. Duque at mga opisyal ng FDA sa mga kabulastugan sa maagang pagpapabakuna. Makupad ang DOH at FDA sa pagsasaayos ng screening at approval ng mga bakuna na papasok sa bansa, pero mabilis sa pagtatakip at pagpapalusot kay Duterte at sa mga opisyal na lumalabag sa proseso ng procurement at paggamit ng bakuna. Lalong nagagalit ang taumbayan sa maniobra nilang iligtas si Duterte at palabasing seryosong mag-iimbestiga ang NBI hinggil sa bakuna ng mga taga-PSG.
Samantala, inutil ang Senado sa pag-uutos na imbestigahan ang ginawang pagbakuna sa mga myembro ng PSG sa harap ng pag-utos ni Duterte na huwag pumunta at magsalita sa ipapatawag ng Senado ng imbestigasyon. Sampal ito sa prinsipyo ng separation of power ng reaksyunaryong Konstitusyon at pagpapamukha sa Senado na nasa itaas ng reaksyunaryong batas si Duterte. Pero anuman ang gawin ng mga tagapagtakip kay Duterte, hindi na nila mababawi ang pag-amin ni Duterte sa publiko tungkol sa pagpapauna sa sarili niyang mga gwardya at mismong pagsalaula sa burges ng rule of law.
Karapat-dapat na kundenahin ang rehimen sa mga pangyayaring ito. Pabaya ito sa pagsasaayos ng bakuna ng mamamayan. Tiyak ding malaki ang kinalaman ng mga alipures ni Duterte sa paglulusot ng mga ‘di pa aprubadong bakuna at paggamit ng mga ito. Walang konsensya ang mga kroni at kaibigan ng rehimen sa pananamantala sa desperasyon ng mga tao para sa gamot para kumita nang malaki at magkaroon ng kapangyarihan.
Sa harap nito, higit kailangang igiit ang pagsasaayos ng programa sa bakuna para pagsilbihin sa kapakanan ng mamamayan. Sinusuportahan ng NDFP-ST ang panawagang imbestigahan ang mga insidente ng maagang pagpapabakuna ng PSG at iba pang kaugnay na pangyayari. Kailangang papanagutin ang mga tiwaling opisyal at singilin sa kanilang kapabayaan sa pagtugon sa pandemya.
Marapat ring igiit na maging transparent ang gubyerno sa pagpoproseso ng mga bakuna. Buhay at kalusugan ng mamamayan ang nakataya kaya dapat seguruhin ang pagiging ligtas ng mga gamot. Kasabay nito, kailangan ang matiyagang pagtuturo sa mamamayan hinggil sa kahalagahan ng pagpapabakuna. Malaki pa ang pangamba ng masa sa bakuna dahil hindi pa napapawi ang takot na nilikha ng pagkamatay ng mga batang binakunahan ng Dengvaxia.. Mahalagang tiyakin na ligtas ang bakuna habang inieduka ang mamamayan na esensyal ang maramihang pagbakuna upang magkaroon ng herd immunity.
Makakamit ang mga ito sa pagtutulungan ng mamamayan at tuluy-tuloy na puspusang pakikibakang bayan para sa karapatan at kagalingan ng lahat. Buklurin natin ang malawak na hanay ng sambayanan sa pagseseguro ng bakuna para sa lahat, mula sa mga maralitang inabandona sa gitna ng pandemya hanggang sa mga panggitnang pwersang suklam na suklam na sa kapabayaan at kurapsyon ng rehimen. Ang ating kolektibong pagkilos ang magsasalba sa bayan mula sa panganib na dala ng COVID-19 at sa pagdurusang dulot ng inutil, tiwali at pasistang rehimeng Duterte.#