Ignorante si Duterte sa kalagayan ng rebolusyonaryong kilusan
Tunay ngang ignorante si Duterte sa kalagayan ng rebolusyonaryong kilusan. Wala siyang karapatan ni awtoridad na sabihing “bahaw na ang ideolohiya” ng rebolusyonaryong kilusan sa taumbayan. Hindi aabot ng limampung taon ang pakikibaka ng bayan kung itinuturing na “lipas na ito” ng sambayanan.
Desperado si Duterte na ilayo sa rebolusyonaryong kilusan ang mamamayan. Kahit gaano karami pang mga huwad na reporma ang itapat nito sa programa ng demokratikong rebolusyong bayan, hindi nito makukuha ang simpatya at suporta ng sambayanan dahil batid ng huli ang pagkadalisay ng hangarin ng CPP-NPA-NDFP sa kanilang mga mithiin.
Hinding-hindi madudungisan ni Duterte ang dangal ng CPP-NPA-NDFP sa masang api. Tanging ang rebolusyonaryong kilusan ang nakakabatid at nakadarama sa hinaing ng bayan. Ito rin ang batayan kung bakit nila buung-buong niyakap ang rebolusyon. Patunay dito ang ipinagkaloob ng demokratikong gobyernong bayan sa masang magsasaka sa kanayunan — sa maksimum, kinumpiska nito ang lupain ng mga panginoong maylupa at ipinamahagi sa mga magsasaka at sa minimum, binago nila ang partehan at upa sa lupa, pinawi o binago nila ang kalakaran sa usura, pinataas ang presyo ng produktong bukid at itinaas ang sahod ng mga manggagawang bukid.
Patuloy na lumalawak at lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan sa kabila nang walang habas na pasistang atake sa pambansang saklaw. Kahit gaano karami pang berdugong pwersa ng AFP-PNP-CAFGU at iba pang paramilitar ang ipakat ng rehimeng US-Duterte, hindi nito madudurog ang nag-aalab na pakikibaka ng bayan. Nangangarap nang gising si Duterte kung inaakala niyang malilinlang ang mamamayan. Anuman ang gawin ni Duterte, hindi mapapawi ang kagustuhan ng mamamayan na ibagsak ang kanyang rehimen. Sa kanyang pagbagsak, itatayo ng mamamayan ang tunay na gobyernong maglilingkod sa kanilang mga demokratikong interes.###