Ihinto ang pang-uudyok at pang-uupat sa gera ng US sa Ukraine

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang imperyalistang US sa pang-uudyok at walang-tigil na pang-uupat sa Ukraine sa hangarin nitong sindihan ang isang armadong tunggalian at gerang proxy sa Russia. Pinapaypayan ng gubyernong US, kasabwat ang mga malalaking midya ng Amerika at ang industriyang militar, ang diumano’y banta ng isang “nagbabadyang pananakop” ng Russia sa Ukraine para bigyang-matwid ang lumalaking gastos militar para palakasin ang bentahan ng mga armas pandigma. Paspasan din nitong inaarmasan ang papet na rehimen sa Ukraine para maglunsad ng agresibong aksyon laban sa mga independyenteng republika sa rehiyon ng Donbass.

Simula nakaraang taon, inuudyukan ng US ang Russia sa pamamagitan ng pagtutulak nito na ipaloob ang Ukraine sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) na pinamumunuan ng US at sa pamamagitan ng paglalatag ng mga hakbang para kontrahin ang komersyal na operasyon ng natural gas pipeline na Nord Stream 2.

Itinutulak ng papet na rehimen ng US sa Ukraine na ipabilang ang bansa sa NATO, isang hakbang na kinukunsidera ng Russia bilang isang “pulang linya” dahil pahihintulutan nito ang US at mga alyadong militar nito na magpusisyon ng tropa, tangke, misayl at iba pang kagamitang militar malapit sa mismong hangganan nito. Ang NATO sa kasalukuyan ay mayroong 30 kasaping estado na binubuklod ng prinsipyong ang atake laban sa isa ay atake laban sa lahat at sa kaisahang dedepensahan ang isa’t isa. Pinangangambahan ng Russia na sa pagsali ng Ukraine sa NATO, na ikinukumpara sa pagsali ng Mexico sa alyansang pinamumunuan ng China o Russia, ay magpapatibay sa lambat ng mga base militar ng US sa Alaska (estado ng US), sa Poland, Romania at iba pang mga bansang malapit sa border ng Russia.

Para lalo pang sulsulan ang Russia, tinututulan ng US ang operasyon ng Nord Stream 2, isang daluyan ng natural gas na may kakayahang magkarga ng dalawang beses ng kasalukuyang sinusuplay ng Russia tungong Germany, France, Italy at iba pang bahagi ng kanlurang Europe. Ang pagtatayo ng daluyan ng gas na bumabaybay sa Baltic Sea ay nakumpleto noong nakaraang taon. Hindi pa ito nagsisimula ng operasyon dahil sa pagtutol ng US at tulak sa Europe na bumili ng shale oil mula sa US at paburan ang interes ng US sa industriya nito ng pagkuha ng langis sa mga batuhan (fracking). Matagal nang iniipit ng US ang Germany na talikuran ang mga kontrata nito sa Russia.

Sa harap ng mga panunulsol ng US, nagpusisyon ang Russia ng mga tangke at tinatayang 100,000 tropa sa kanlurang hangganan nito sa Ukraine, gayundin sa katimugang Belarus, bansa sa hilaga ng Ukraine, kung saan nagmamatine ng base militar ang Russia. Inilarawan ng Russia ang mga aksyong ito bilang bahagi ng rutinang mga pagsasanay at ehersisyo at nagdeklara na wala itong intensyon na salakayin ang Ukraine. Gayunman, malinaw na bahagi ang mga ito ng pampulitika at diplomatikong taktika ng Russia para labanan ang mga hakbanging ipaloob ang Ukraine sa NATO at selyuhan ang mga kasunduan nito para sa operasyon ng Nord Stream 2. Itinutulak ng Russia ang panibagong negosasyon para muling pagtibayin ang nakaraang mga kasunduan sumasaklaw sa rehiyong Donbass, malinaw na pagbabawal sa pasilangang paglawak ng NATO sa Ukraine at iba pang mga bansa, at pagbabawal sa mga intermediate-range na misyal ng US at NATO sa mga bansang nasa saklaw ng distansyang kayang bumira sa Russia.

Tinapatan ng gubyernong Biden ang mga hakbanging pampulitika at militar ng Russia nang posturang tahasang mapandigma. Ilang linggo na ngayon, nagtatambol ang US ng gera para bigyang-matwid ang mga plano nitong dagdagan ng ayudang militar at palakasin ang benta ng armas sa Ukraine sa tabing ng paglaban sa “bantang pananakop” ng mga pwersa ng Russia sa Ukraine, kahit wala namang ebidensya ang mga upisyal ng US. Pinapaypayan naman ng malalaking midya ang propaganda ng Washington sa pamamagitan ng pagpanawagan para sa isang “mapagpasyang tugon.”

Layon ng kongreso ng US na triplehin ang ayudang militar sa Ukraine ngayong taon tungong \$1.2 bilyon kabilang ang higit \$500 milyong halagang “foreign military financing” para maibenta ang labis na mga armas, \$200 milyong halaga ng awtorisasyon sa presidente ng US na maglipat ng mga kagamitang militar mula sa imbakan ng US tungo sa pwersang militar ng ibang bansa, at iba pang mga hakbangin. Pinahintulutan na ng US ang mga alyado nito sa NATO na Estonia, Latvia at Lithuania na magpadala ng mga armas na gawang-US sa Ukraine. Ang US, bukod rito, ay nag-alok ng \$1 bilyong garantisadong pautang at suporta mula sa International Monetary Fund para tulungan ang papet nitong rehimen sa Ukraine.

Sa pagbabaha ng mga armas sa Ukraine, layunin ng US na gatungan ang gera ng papet na gubyerno ng Ukraine laban sa Donetsk People’s Republic at sa Luhansk People’s Republic sa rehiyong Donbass (sa kanlurang Ukraine), at magtulak para panibagong aneksasyon ng Crimea, sa hangad na ibayo nitong susulsulan ang Russia. Ang ganitong mga agresibong aksyon ay labag sa Minsk II Agreement na nagbibigay ng espesyal na istatus sa rehiyong Donbass sa Ukraine.

Malinaw na ang pinakamakikinabang sa pang-uudyok at pang-uupat ng gera ng US sa Ukraine ay ang malaking industriyang militar at ang Pentagon (Department of Defense) na pinaglaanan ng wala pang kapantay na \$768 bilyong badyet para sa 2022. Matapos umatras mula sa Afghanistan, naghahanap ang imperyalistang US ng sisindihang matagalang armadong tunggalian kung saan maibubuhos nito ang labis na armas at maitutulak ang produksyon ng mas marami pang armas. Habang pinaiinit ng US ang tensyon laban sa China, hindi pa napipinto ang pagsiklab ng tahasang gera sa Asia-Pacific.

Itinutulak ng US ang mga alyado nito sa NATO na suportahan ang pinaigting na katugunang militar at banta ng ekonomikong sangsyon laban sa Russia. Ang ilang alyado ng US, gayunpaman, ay hindi handang sumakay sa patakarang ito ng US. Ang Germany, na nakasalalay nang husto sa natural na gas ng Russia para patakbuhin ang ekonomya nito at magpainit sa mga bahay, ay hindi handang sumunod sa US na magdeploy ng mga tropa at armas ang NATO sa Ukraine. Maging ang France ay tumanggi sa linya ng US na “bantang pananakop” ng Russia. Maging ang gubyerno ng Ukraine ay nag-aalala sa pang-uupat sa gera ng US na magpapahina sa ekonomya at magtataboy sa kapital.

Ang Ukraine ay isang dating sosyalistang bansa sa ilalim ng Soviet Union. Bagaman nagdusa sa ilalim ng mga kamalian ng labis na mabilis na sosyalistang kolektibisasyon sa agrikultura, tinamasa ng mamamayan nito ang bunga ng industriyalisasyon at kaunlarang panlipunan na nagtiyak sa mataas na antas ng pamumuhay. Naging mistulang karugtong ng imperyo ng Russia ang Ukraine bilang taga-suplay ng butil sa panahon ng kapistalistang panunumbalik sa ilalim ng makabagong rebisyunismo mula dekada 1950. Ipinatupad ang todo-todong neoliberal na mga reporma na bumaklas sa mga istrukturang pampublikong serbisyo (kabilang ang libreng edukasyon at serbisyo sa kalusugan) at humila sa batayan sa pamumuhay ng mamamayan, simula nang mabuwag ang USSR noong 1991 at, higit lalo nang itatag ang papet na rehimen ng US matapos ang isang “rebolusyon” noong 2014.

Pinapagdusa ang mamamayan ng Ukraine sa inter-imperyalistang tunggalian sa pagitan ng US at ng mga alyado nito sa NATO, at Russia. Ang mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa sa Ukraine at sa buong mundo ay dapat magmulat, mag-organisa at magpakilos sa mamamayan para igiit ang pagwawakas sa pang-uupat sa gera at panunulsol ng US sa Ukraine at igiit sa mga imperyalistang kapangyarihan na magnegosasyon at mapayapang magkasundo sa kanilang mga tunggalian.

Ang panunulsol ng US at pang-aapi ng Russia sa Ukraine ay tanda ng paparating pang mas malubhang mga porma ng armadong tunggalian sa harap ng umiigting na mga kontradisyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Itinutulak ng pandaigdigang kapitalistang krisis ang mga imperyalistang bansa na muling hatiin ang daigdig para palawakin ang kani-kanilang saklaw sa pamumuhunan at impluwensya. Habang itinataas ng mga imperyalista ang mga pader para sa proteksyon ng sarili nilang pambansang ekonomya, agresibo nilang itinutulak ang mga repormang neoliberal sa mga malakolonyal at malapyudal na mga bansa at hindi gaanong maunlad na mga bansang kapitalista para bigyang-daan ang mas malawak na pandarambong at pagpapaigting ng pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa at iba pang anakpawis. Lumilikha ito ng mas paborable pang kundisyon para sa proletaryado na maglunsad ng kanilang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at sosyalismo.

Ihinto ang pang-uudyok at pang-uupat sa gera ng US sa Ukraine