Ika-52 anibersaryo ng NPA, ipinagdiwang ng Melito Glor Command at mamamayan ng TK
Militante ang pagdiriwang ng mga yunit sa ilalim ng Melito Glor Command (MGC) at mamamayan sa ika-52 anibersaryo ng NPA. Inilugar ang selebrasyon sa gitna ng mga operasyong militar ng AFP-PNP.
Sinimulan ng mga yunit ang pagdiriwang sa pagtataas ng bandila ng CPP at NPA. Dinaluhan ito ng mamamayan mula sa kanayunan at kalunsuran. Ligtas silang nakarating sa kabila ng masinsing pakat ng berdugong AFP-PNP. Binagtas nila ang matataas na bundok at malalalim na ilog upang makarating sa himpilan ng NPA sa Timog Katagalugan.
Ayon kay Armando Cienfuego, tagapagsalita ng MGC – NPA ST, “Hindi kailanman mapaghihiwalay ng rehimeng US-Duterte ang mamamayan at NPA. Patunay ang kanilang presensya sa ating selebrasyon sa mahigpit nating ugnayan sa kanila at ang patuloy nilang pagsuporta sa ating digmang bayan!”
Pinuno ang selebrasyon ng mga kulturang pagtatanghal ng mga Pulang mandirigma at dumalong kasapi ng mga kaalyadong organisasyon ng NDFP. Sa mismong selebrasyon, tumanggap ang mga yunit ng NPA ST ng mga rekrut, karamihan mula sa hanay ng mga kabataan.
Sa kalunsuran, lihim na nagdiwang ang mga rebolusyonaryong pwersa. Nagbigay-pugay sila sa NPA at itinanghal sila bilang tunay na hukbo ng mamamayan. Nanawagan silang igawad ng NPA ang rebolusyonaryong hustisya sa lahat ng mga biktima ng terorismo ng rehimen.
“Makakaasa ang mamamayan sa NPA na tutugon ito sa kanilang kahilingang pagbayarin ang pasistang rehimen at AFP-PNP sa mga karumaldumal nitong krimen sa bayan. Paiigtingin ng MGC ang pakikidigmang gerilya sa rehiyon at patuloy nitong bibiguin ang teroristang gera ni Duterte!” pagtatapos ni Cienfuego.###