Ika-apat na SONA ni Duterte: tatlong taon ng pagtataksil, pamamaslang, karahasan at pangangayupapa sa dayuhan
Tatlong taon ng pagtataksil, pamamaslang, karahasan at pangangayupapa sa dayuhan ang tunay na larawan ng SONA ni Duterte sa darating na Hulyo 22. Walang dulot na kabutihan at kapakinabangan para sa taumbayan ang gagawing ulat sa bayan ni Duterte. Mga pag-uulit lang ito ng mga pangakong hayagang tinalikuran ni Duterte mula ng manungkulan bilang presidente ng GRP noong Hunyo 2016. Mga pangako ito ng isang tradisyunal na pulitiko’t burukarata-kapitalistang tulad ni Duterte na tanging layunin ay linlangin at bilugin ang ulo ng mamamayan na may pag-asang kaunlaran sa kanyang pamumuno.
Isang pagtataksil sa mga naghahal sa kanya at sa buong sambayanan ang pagtalikod at pagbahura sa usapang pangkapayapaan sa rebolusyunaryong kilusan sa paglalabas ng iba’t ibang Executive Order na nagdedeklarang teroristang organisasyon ang CPP-NPA, at tahasang pagbabalewala sa mga naunang kasunduang napagtibay sa mga naunang rehimen tulad ng CARHRIHL, JASIG at The Hague Joint Declaration. Nanatiling laganap pa rin ang kontrakwalisasyon sa paggawa, nagpapatuloy sa paglaki ang bilang ng walang trabaho, mababang pasahod, patuloy na paglala ng implasyon, mataas na presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo epekto ng TRAIN Law, ibayong pagpapahirap sa mgasasaka ng murang presyo ng palay dulot ng RICE Importation Tarrification Law at ang walang silbing programang Build, Build, Build na walang ibang idinulot kundi palobohin ang utang ng bansa na umabot na sa P7.9 trilyon.
Ang administrasyon ni Duterte, ang pinakamaraming paglabag sa karapatang tao kumpara sa pinagsanib na kaso ng paglabag ng mga nagdaang administrasyon. Sa ilalim ng kanyang gera kontra iligal na droga pa lamang, aabot sa 27,000 ang pinaslang sa loob lamang ng 3 taon. Nilampasan na nito ang inabot na ekstra-hudisyal na pamamaslang sa ilalim ng diktaduryang Marcos sa buong panahon ng Martial Law.
Nang ideklara niya naman ang todo gera laban sa CPP-NPA-NDFP at rebolusyunaryong mamamayan, ibayong pinalawak at pinaigting ni Duterte ang pasismo sa buong bansa at ginawang militarisado ang malawak na kanayunan. Walang ibang hinatid ang Campaign Plan Kapanatagan ni Duterte kundi kaguluhan at ligalig sa kanayunan at kalunsuran. Wala ni katiting na kapanatagan ang tinatamasa ng sambayanan sa ilalim ng pasista at tiranikong paghahari ni Duterte sa Pilipinas.
Laganap ang pamamaslang at karahasan sa buong rehiyon ng Timog Katagalugan at buong bansa sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Patuloy sa paghahasik ng takot at pangamba ang inilulunsad na operasyong paghanap, pagtugis at paglipol sa iba’t ibang probinsya ng rehiyon at bansa. Hindi ligtas ang mamamayan sa pasistang pananalakay, panghahaluhog, pag-aresto, pambubugbog, pananakot at pagpatay sa mga pinaghihinalaang NPA at suporter ng rebolusyunaryong kilusan sa kanayunan at kalunsuran. Pwersahan ang ginagawang pagpapasuko ng masa sa mga barangay, bayan at probinsya ng rehiyon. Gayundin ang sapilitang pagpapadeklara sa mga sangguniang barangay, bayan at probinsya na persona non grata sa CPP-NPA sa Timog Katagalugan at sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nagsasagawa ng aerial bombardment ang mersenaryong AFP sa mga komunidad ng mga pambansang minorya kung saan aabot sa 700 ang lumikas na mamamayan — mga katutubong Mangyan at Dumagat, at mga magsasaka.
Naitala din ang hindi bababa sa 200 kaso ng sapilitang pagpapasuko kung saan kabilang na rito ang pamimilit, pananakit at tortyur, blokeyo ng pagkain at pagkait sa kabuhayan, at pananakot, pandarahas at intimidasyon.
Pinamalas ni Duterte ang walang kahalintulad na karuwagan at pangangayupapa nito sa harap ng tahasang pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS). Nanatiling tahimik ito sa paggigiit ng soberanya at pagtatanggol sa patrimonya ng Pilipinas sa harap ng garapal na pang-aagaw ng China sa ilang isla ng Spratly o Kalayaan group of Islands at pandarambong sa yamang-dagat na nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa Recto Bank. Bahag-ang-buntot at tiklop ang tuhod ng nagsisiga-sigaan at butangerong si Duterte sa harap ng nagmamalaking si Xi Jin Ping sa ASEAN Summit. Walang kahihiyang ipinamalas ni Duterte ang karuwagan nito laban sa China sa harap ng mga lider ng bansa sa Southeast Asia. Buong kataksilan niyang isinuko sa China ang soberanya at karapatan ng Pilipinas sa Recto Bank kapalit ng makokopong suhol mula sa mga gatasan at maanomalyang kontrata ng China sa bansa habang sabay na nakikinabang ang sindikatong kriminal ni Duterte sa operasyon ng Chinese TRIAD sa ismagling ng droga sa Pilipinas.
Samantala, ginamit naman ni Duterte ang sigalot sa WPS para pahigpitin ang pangunguyapit sa Mutual Defense Treaty sa US kapalit ng patuloy na pagpapanatili sa kapangyarihan at paglinlingkod sa amo nitong US. Kapabayaan at kainutilan ang sinasabi niyang hahayaan niya na lamang na malusaw ang Palawan sa magaganap umanong gera sa West Philippine Sea sa pagitan ng US at China. Kalaunan, mauumpog si Duterte sa dalawang malaking batong nagbabanggaan.
Taliwas sa pinalalabas ng rehimen na “mataas” na approval at trust-rating ni Duterte bago ang kanyang SONA, suklam na suklam na ang buong bayan sa taksil, tiwali, pasista at tiranikong rehimen. Sa kabila ito na lantad at hiwalay na ang gubyernong Duterte sa maraming bayan sa daigdig dahilan sa kanyang karumaldumal na rekord ng malawakang pagpatay sa buong bansa. Walang ibang nililinlang si Duterte kundi ang kanyang sarili. Sa harap ng mga panloloko at kasinungalingang ikinakalat ng rehimen, batid ng mamamayan ang tunay na kalagayan ng bayan, na siyang magsisilbing mitsa upang palakasin ang pakikibaka para pabagsakin si Duterte.###