Ikalimang SONA ni Rodrigo Duterte: Apat na taon ng kasinungalingan, pambobola sa taumbayan, panunupil at pagpapatupad ng neoliberal na patakaran!

Sa Hulyo 27, 2020, muling haharap sa sambayanang Pilipino si Rodrigo Duterte para iulat ang kanyang “nagawa” sa nakaraang taon at mga hangarin sa pagtatapos ng kanyang terminong nakasaad sa Saligang Batas 1986 ng Pilipinas.

Inaasahan ng nagdurusang sambayanan at ng Revolutionary Council for Trade Union (RCTU-NDF-ST) na ang ika-limang SONA ni Rodrigo Duterte ay pawang paglulubid na naman ng kasinungalingan sa taong bayan para pagtakpan ang kanyang pagka-inutil at papurihan ang tiranikong paghahari.

Simula ng maluklok si Duterte sa tuktok ng kapangyarihang pampulitika sa bansa ay mas lalong inilublob nito sa kumunoy ng kahirapan ang matagal nang naghihirap na sambayanan sa ilalim ng Malakolonyal at MalaPyudal na kaayusang panlipunan.

Ang matinding kahirapan at karalitaan ay dulot nang pinatinding pagpapatupad ng mga anti-mamamayang patakarang neoliberal, malawakan at sistematikong korapsyon; matinding pagsupil sa sibil, pulitikal at pang-ekonomiyang karapatan nang mamamayan; pag-traydor sa bayan sa ngalan ng patuloy na pagpapakatuta sa imperyalismong US at pagnikluhod sa Tsina sa kabila ng pang-aagaw nito sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine sea kapalit ng mumong pautang at pinansyal na ayuda; at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng tiranikong paghahari sa balangkas ng JTF-Kapanatagan, EO70/NTF-ELCAC, Natl ID System, BAHOA, ATA2020, ABS-CBN Shutdown, Oplan Double Barrel/Oplan tokhang at ekstra hudisyal na pamamaslang sa balangkas ng kanyang militaristang patakaran.

Kagaya ng mga nakaraang SONA ni Duterte, inaasahan na nating pulos pagyayabang, kasinungalingan, buladas na pangako at pagsusulong ng mga anti-mamamayang polisiya’t patakaran na naman ang kanyang ipapangalandakan.

Aasahan na natin na ipagtatanggol ni Digong ang kanyang mga anti-mamamayang hakbangin gaya ng: pagkakapasa ng Anti-Terrorism Act 2020 (ATA2020), pagpatay sa prangkesa ng ABS-CBN, pagsusulong ng CHACHA at hungkag na planong solusyon sa Covid-19. Habang wala tayong aasahan na plano para sa pagbibigay prioridad sa kagalingan ng mga manggagawa at maralita katulad nang pagsusulong ng regularisasyon ng mga manggagawang kontraktwal, dagdag sahod, pagbibigay ng buwanang subsidyo sa mga manggagawang nawalan ng trabaho at masang anakpawis na nawalan ng kabuhayan dahil sa pananalasa ng pandemyang Covid-19.

Asahan na isang posibleng agenda ang CHACHA na aktibong isinusulong ng DILG sa pamamagitan ng kalihim nito na si Gen. Año. Kahit sa gitna ng pandemya, inilusot ng DILG sa pamamagitan ng isang memorandum sa mga LGU na nag-uutos ng paglalarga ng signature campaign para palabasing lubos na sinusuportahan ito ng mamamayan. Imbes na ang asikasuhin ng DILG ay pagbibigay ng solusyon at tulong para sa mga biktima ng bayrus, nagawa pa nilang ilarga ang pagbibigay na quota na 100,000 signature kada LGU’s.

Tinawag nilang CORE (Constitutional Reform) ang kanilang itinutulak na inisyatiba na pinangungunahan ni DILG Sec. Año at USec Malaya, aktibo nitong isinusulong ang CHACHA ni Duterte na ang pangunahing laman ay pag-extend ng termino ng mga pulitiko, pagdadagdag ng bilang ng mga senador, pagpayag na mag-aari ang dayuhan sa mga batayang yutilidad gaya ng komunikasyon, transportasyon, enerhiya, tubig at pagbabago ng moda ng gobyerno mula sa presidential tungo sa pederalismo.

Ayon naman sa sinungaling na tagapagsalita ni Duterte na si Roque, sa panayam sa kanya sa CNN “ihahapag daw ni Duterte ang kanyang binalangkas na Comprehensive Covid-19 Recovery Plan sa SONA 2020”. Nakakagalit ang sobrang kabagalan at pagka-inutil ng gobyernong Duterte na makalipas ang mahigit sa kalahating taon simula ng unang manalasa ito sa bansang Tsina at makapasok sa Pilipinas, ngayon pa lamang maghahapag ang kanyang gobyerno ng komprehensibong plano.. Nakatitiyak tayo na sesentro lamang ito sa muling pangungutang ng bansa at karagdagang buwis para mapondohan ang plano nilang ito.

May dalawang prioridad na batas na paniyak na iuutos ni Digong sa kanyang mga tutang kongresista at Senador bilang priority bill, ito ang Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy of the Philippines (ARISE Philippines) na may kabuuang P1.3 TRILYON pondo para daw sa job-generating infrastructure projects, ayudang pinansyal sa mga negosyante, subsidyo sa sahod, cash-for-work programs para sa mga natanggal na manggagawa at zero-interest sa mga pautang sa mga kumpanya. Ikalawa ang 2nd Bayanihan to Recover As One bill or Bayanihan 2, na Hindi naipasa noong nakaraang Hunyo.

Inaasahan din nating mauubos ang oras nya sa patutsada laban sa kilusang rebolusyunaryo at sa iba pang kritiko ng kanyang gobyerno, samantalang sa kabilang banda ay magpapa-awa o magmumukhang maamong-tupa sa harap ng mga tuta nyang mambabatas para dagliang mabigyan sya ng malaking pondo at muling dagdag kapangyarihan para sa pagharap sa pananalasa ng Covid-19 sa bansa. Walang ibang hangarin si Duterte at kanyang mga alipures na kapwa buwitre kundi lubusang mapakinabangan ang trilyong pisong pondong muling ilalaan sa pagsugpo sa pananalasa ng pandemyang Covid-19.

Bulaklak-dila lamang ni Digong ang paglaban sa korapsyon. Wala itong seryosong planong sugpuin ang korapsyon sa bansa dahil sa integral na bahagi ito sa pagpapatakbo ng kanyang tiranikong paghahari. Sa paghahangad niyang makontrol ang malawakat malaking mayorya sa arenang pulitikal, niyakap at binigyang-pabor nya ang mga pangkatin ng malalaking pamilyang pulitiko na nakakulong gaya nina dating pangulong GMA, Sen. Bong Revilla at Estrada kaya naman pinawalang sala at agarang pinalaya sa pagkakulong sa kasong pandarambong sa kaban ng bayan.

Paano nga ba naman masusugpo ang korapsyon kung pinatatakbo mismo ni Duterte ang kanyang gobyerno bilang isang sindikato na ang kumikita lamang ay ang kanyang pamilya, kaibigan at mga alyadong negosyante. Simula ng maupo si Digong lumago ang negosyo ng ilang malalapit sa kanyang negosyante na nagbigay ng milyon-milyong pondo sa kanyang pagtakbo sa pagkapangulo gaya ni Dennis Uy, Manny Villar – $5.6B (#1 na sa Forbes Billionaire – Vista Land Group), Enrique Razon Jr – $3.4B (ICTSI), Ramon Ang ($1.4B) at Danding Cojuangco – $1B (SMC).

Lumobo ang kayamanan ng pamilyang Duterte, simula ng maupo sya ng pangulo ng bansa mula sa kinita nito sa sobrang pondong nalikom sa eleksyong 2016, kita sa mga iligal na transaksyon at pandarambong sa kabang yaman. Kahit hindi naglalabas ng SALN ang pamilyang Duterte, nakakuha ng datos ang MindaNews sa paglaki ng yaman noong 2017 ni Digong – P28.5Milyon, Sarah – P44.8 Milyon, Paolo – P27.7 milyon. Kung ibabatay sa 2007 na pinakahuling SALN ng pamilyang Duterte, tumaas ng 195% ang kıta ni Digong, 233% Paolo at 518% ang itinaas ng yaman ni Sarah. Sa nakalipas na 3 taon simula noong 2017 hanggang 2020, nakatitiyak tayong mas lumaki pa ang kanilang kayamanan makalipas ang 4 taong panunungkulan ni Digong bilang pangulo ng bansa.

Sa kasalukuyan, walang kabusugang dinarambong nina Digong ang bilyon-bilyong pondo mula sa inisyal na Covid-19 war chest. Nakita natin ang walang kahihiyan at kabusugang paglapa ng grupo ni Duterte sa pondo na para sana sa mga maralitang mamamayan. Nakakapagtakang nawala lang na parang bula ang P275 bilyong pondo na Social Amelioration Program sa kamay ni Sec. Ex.Gen. Bautista ng DSWD, ni-wala tayong alam kung saan na buong napunta gayong ibayong kagutuman ang dinanas ng mamamayan.

Habang sa inilargang programang cash for work ng DOLE na TUPAD, ayudang P6,500-8,000 CAMP, SSS/BSP at ang OFW $200 DOLE out program sa mga returning OFW o nawalan ng trabaho sa abroad ay idineklarang wala na agad pondo kahit malaking bilang parin ng mga manggagawa ang hindi nakatanggap. Ganito din ang nangyari sa pondong inilaan para sa mga magsasaka at mangingisda na binigyan ng pondo sa pamamagitan ng DAR na kalakhan ay ibinili ng abonong Urea kahit pa nga hindi naman ito kailangan ng mga magsasaka.

Hindi naman papahuli ang mga buwitreng heneral na dinadambong ang pondong pang-kalusugan laban sa Covid-19. Nakopo at kumita ng bilyong pera ang 3 buwitreng heneral ni Digong na sina Lorenzana-Año-Galvez sa maanumalyang 3 milyon Rapid Test Kits contract, kahit nauna na itong tinanggihan ng DOH dahil sa hindi reliable na resulta nito at kakailanganin pa ng pangalawang testing mula sa PCR para matiyak na may Covid-19 nga ang isang tao. Nauna nang kumita ng halos kalahating bilyon ang DOH sa pangunguna ni Sec. Duque sa binili nitong 1 milyon PPE’s na may kabuuang halaga na P1.8 Bilyon kahit na nabibili lamang ito ng P800.00 – 1,400.00 kada isang PPE.

Dahil sa pandarambong sa pondo ng Covid-19, marami sa frontliners ang nagkasakit at ang iba ay namatay sa kawalan ng PPE’s, maraming nahawang mamamayan dahil sa kawalan ng free mass testing, kakulangan ng contact tracing, isolation sa mga positibo at paggagamot sa kanila. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit mabilis na tumataas ang bilang ng mga positibo at namamatay sa bayrus na Covid-19 sa bansa. Sa buong Asia, tayo ang may pinakamabilis na pagtaas sa ikatlong kuwarto ng taon at nasa ikalawang ranggo na ang Pilipinas sa may pinakamaraming kaso ng positibo ng bayrus na umaabot na 76,444 positibo, 1,879 namatay at 24,502 nakarekober.

Sa rehiyong Timog Katagalugan, maraming mga manggagawa ang nagpositibo sa Covid-19 simula ng payagan ng gobyernong bumalik sa trabaho ang manggagawa ng walang pag-ubliga sa kapitalista na idaan sila sa mass testing, magkaroon ng kaukulang proteksyon, probisyong medikal at subsidyo para epektibong labanan at mapigilan ang pagkahawa nila sa bayrus. Kaya naman, batay sa datos ng DOH bahagi ang Laguna, Rizal at Cavite sa mga nananatiling may mataas na bilang ng positibo sa bayrus na Covid-19. Ito rin ang 3 probinsya na may malalang kapabayaan sa manggagawa ang gobyernong Duterte, inutil ang DOLE dahil kapos kundi man ay walang proteksyon ang mga manggagawa sa pananalasa ng bayrus at sa pambubusabos na ginagawa ng mga kapitalista.

Sa kabila nito, dagdag pahirap pa ang pagiging sunod-sunuran ng DOLE sa mga kahilingan ng mga kapitalista, sunod-sunod na inilabas nito ang mga kautusan na pumapabor at nangangalaga sa interes at kapakinabangan ng kapital. Malaki ang naging negatibong epekto ng DOLE Labor Advisory #17 sa mga manggagawa dahil sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga kapitalista na magpatupad ng flexible work arrangements, downsizing/rightsizing, pagtatanggal o pagsasara ng mga kumpanya’t pabrika, pagbabawas ng sahod at benepisyo basta i-report lamang nila ito sa taggapan ng DOLE.

Ito ngayon ang ginagamit ng mga kapitalista para sa kanilang imbing pakana na basta na lamang magtanggal ng mga manggagawa – hindi lamang sa rehiyong TK kundi maging sa buong bansa. Ngayong Hulyo, may nakaabot na ulat sa RCTU-NDF-ST na may inisyal na 15 pagawaan ang nagkaroon ng hindi pagpapa-pasok sa kanilang mga manggagawa na walang malinaw na kaukulang benepisyo dahil sa pagbabawas ng manggagawa at pagsasarado ng kanilang kumpanya dahil sa Covid-19.

Sa kasalukuyan, sa konserbatibong datos ng PSA ay umabot na sa mahigit 200,000 manggagawa ang natanggal sa Timog Katagalugan simula noong Marso – Hunyo, hindi pa kasama dito ang nasa 700 manggagawa ng Honda Cars na natanggal sa unang kwarto ng taon at ang pagsasarado ng Philippine Gloves Apparel ngayong Hulyo na nakaapekto sa mahigit sa 600 manggagawa, gayundin ang ilang mga manggagawa ng ABS-CBN na nakabase sa rehiyon na bahagi ng 11,017 manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pagpatay ni Digong sa prangkesa ng kompanya.

Hindi pa rin lumulubay ang panghaharas ng AFP/PNP sa balangkas ng NTF-ELCAC sa militanteng kilusang paggawa sa rehiyon, sa ngalan ng hungkag na programang E-CLIP na nagbibigay daw ng P65,000 kada susuko, malawakan itong nagpipresinta ng pagsuko ng mga pekeng NPA sa layuning maipakita na humihina na daw ang pwersa ng NPA at nagagapi na ang armadong paglaban ng sambayanan, magamit ito ng mga buhong na opisyale para sa kanilang pansariling interes para tumaas ang ranggo at upang makulimbat ang milyon-milyong pondong nakalaan dito.

Mula Marso 29 hanggang Hulyo, may 4 na insidente na nang pekeng pagpapasuko sa mga pekeng NPA gamit ang ilang mga manggagawang kanilang tinakot, binabahay-bahay para iharas ang pamilya kahit sa gitna ng kahirapan dahil sa pandemya. Ayon sa kanilang isinasagawang programa sa Camp Vicente Lim na siyang ipiniprisenta sa midya, umabot na sa 131 katao ang NPA na sumuko kabilang dito ang nasa 50 manggagawa ng Coca-Cola na nagwelga sa planta ng Coca-Cola sa Santar Rosa noong 2018. Ibig sabihin, kumita na nang nasa P7.8 milyon ang ilang opisyales ng PNP at militar habang tig-ilang kilong bigas at ilang groceries lamang ang ibinibigay sa mga nabiktima ng pekeng pagpapasuko. Ang katotohanan pa nito, pinapalitan lamang ng maskara ang ilang mga inihaharap nila sa midya para palitawing bagong mukha ang sumuko.

Walang awa sa manggagawa at maralita ang rehimeng US-Duterte, dahil walang habas nitong ipinatutupad ang tiranikong paghahari sa pamamagitan ng Joint Task Force Kapanatagan (JTF-Kapanatagan), EO70 na nagbuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), Natl ID System, Anti-Terrorism Act (ATA2020) at malawakang ekstra hudisyal na pagpaslang.

Ginagamit ng AFP/PNP at DILG ang sitwasyon at ipinatutupad nito ang tiranikong paghahari ni Digong para supilin ang batayang karapatan ng mamamayan at maipatupad ang mga anti-mamamayang patakarang pumapabor sa interes at kapakinabangan ng mga panginoong maylupa, malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at sa hangaring makapanatili sa poder ng kapangyarihang pampulitika lagpas sa kanyang termino sa 2022.

Noong Hulyo 23, naglabas ang DILG ng isang Advisory re: Strict Compliance with IATF Resolution No. 57 Reiterating Prohibition on Mass Gathering na inaatasan nya ang lahat ng LGU’s, departamento at lahat ng mga ehekutibo mula sa attached agencies na huwag magbigay ng anumang permit sa mga gagawing protesta sa araw ng SONA. Isa na namang anyo ito ng pagsalaula sa batayang karapatan ng mamamayan na magpahayag at magprotesta.

Sa kabilang banda, hindi kayang pigilan ng pananakot at harasment ang kumukulong damdamin ng sambayanang naguguton, sinusupil at lumalaban. Habang istriktong tumutupad sa pangkalusugang protokol, isinasagawa ang masiglang paghahandang ginagawa ng mga manggagawa, maralita at iba pang sektor para mailunsad ang isang militante, mapayapang kilos protesta na may kaukulang pagtalima sa lahat ng pangkalusugang protokol gaya ng physical distancing, pagsusuot ng facemask, face shield at palagiang pag-aalkohol para maka-iwas sa pagkalat ng bayrus na Covid-19.

Ang patuloy na lumalapad at lumalakas na alyansa sa pambansang saklaw, maging sa internasyunal na kinakatawan ng ibat-ibang sektor na nabubuo ngayon laban sa tiranikong rehimeng US-Duterte ay hindi mapipigilan ng mga harasment, pagpapasa ng mga ordinansa at batas na pipigil sa pagsasagawa ng isang dumadagundong na protesta sa mismong araw ng SONA ni Duterte.

Nananawagan at hinihikayat ng RCTU-NDF-ST ang lahat ng mga manggagawa at iba pang mga makabayang Pilipino na lumabas sa kanilang pagawaan, sa kanilang mga tahanan at komunidad, at lumahok sa mga isasagawang pagkilos ng sambayanan sa araw ng SONA ni Duterte.

Tapusin na ang pananahimik, panahon na nang paghihimagsik! Kinakailangan nang patalsikin hanggang sa mapabagsak ang tiranikong rehimeng US-Duterte na inutil, pahirap, mandarambong, sumusupil sa mga karapatan at walang awang pumapaslang sa kanyang sariling mamamayan.

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!

MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!

MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

Ikalimang SONA ni Rodrigo Duterte: Apat na taon ng kasinungalingan, pambobola sa taumbayan, panunupil at pagpapatupad ng neoliberal na patakaran!