Ilantad ang mga kasinungalingan ng 5th at 7th ID! Labanan ang matinding militarisasyon sa Ifugao!
Umpisa pa noong Marso, ipinakat ng AFP-PNP ang mahigit sa dalawang brigada ng mga pasistang tropa ng 5th and 7th ID sa probinsya ng Ifugao sa kanilang desperadong pagtatangka na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa probinsya. Sa munisipyo ng Tinoc, ang mga lumalaban sa planong pagtatayo ng hydropower plant doon ay nakakaranas ng matinding pananakot at panggigipit mula sa AFP-PNP. Apat na barangay naman sa munisipyo ng Hungduan at apat na barangay rin sa Tinoc ang ginawang kampo ng AFP-PNP sa tabing ng kanilang “retooled community service program operations.” Tuloy-tuloy rin ang operasyong kombat ng AFP-PNP sa iba pang mga munisipyo.
Sa gitna ng tuloy-tuloy na operasyong militar, nagkaroon ng tatlong labanan sa pagitan ng AFP-PNP at ng BHB noong ika-23, 24, at 29 ng Mayo sa Barangay Namal, Asipulo, Ifugao. Maraming kasinungalingan ang ipinapakalat ng AFP-PNP hinggil sa mga labanang ito. Sa mga labanang ito, hindi bababa sa dalawa ang patay sa hanay ng mga pasista, at hindi matukoy ang bilang ng mga sugatan nila. Sa hanay naman ng mga kasama, dalawa ang nahuli na sila Edwardo Garvida at si Avelino Cruz, at isa ang napatay, si Mando “Ka Monroe” Eduarte, na binibigyan natin ng pinakamataas na pagpupugay. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nila nilalabas ang tungkol sa pagkakahuli kay Garvida. Isa sa mga kasinungalingang ipinapakalat ng AFP-PNP ay hinggil sa pagkakahuli kay Cruz. Kanilang ipinapakalat na iniwan lang diumano si Cruz ng mga kasama sa gitna ng kabundukan na sugatan at hindi makalakad, at sila pa raw ang nagdala papunta sa ospital. Sa katunayan, dinala ng mga kasama ang sugatang si Cruz sa kabahayan, at sa tulong ng mga taga-baryo ay nadala siya sa ospital. Tiniyak ng mga kasama na mapunta sa kamay ng mga taga-baryo si Cruz upang hindi siya patayin ng mga pasista na siyang kanilang karaniwang ginagawa sa mga kasamang sugatan at hindi na makalaban. Kanilang inaresto rin ang community organizer na si Iego Tan na kasalukuyang nagsasagawa ng cultural work sa hanay ng mga magsasaka at katutubo sa lugar, at kanilang ipinapalabas na siya’y kasapi ng BHB-Ifugao at ngayon ay sumurender na. Tumulong rin daw diumano ang AFP-PNP sa pagbabakwit sa mga taga-baryo upang tiyakin ang kanilang kaligtasan. Ngunit sa totoo, sapilitang pinalayas ng AFP-PNP ang mga taga-baryo upang malaya nilang gawing kampo ang kanilang mga kabahayan.
Naghahabol ang rehimeng Duterte sa pagwasak sa rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang kanyang termino ngayong Hunyo, ngunit kasaysayan na ang nagtatakda na hindi siya magtatagumpay. Hangga’t makatarungan ang mga mithiin ng demokratikong rebolusyong bayan, ito ay magpapatuloy, susulong, at magtatagumpay.