Ilantad ang saywar ng RTF-ELCAC laban sa nagkakaisang hanay ng mamamayan
Desperado na ang rehimeng US-Duterte na ipakitang umuusad ang kampanyang kontra-insurhensya. Sa pamamagitan ng sibilyang junta ng EO 70, itinutulak nito ang paglalabas ng mga lokal na gubyerno ng deklarasyong persona non grata (PNG) ang CPP-NPA-NDF at localized peacetalks. Nagkukumahog itong makapaghabi ng klimang hindi na tinatanggap ng taumbayan ang rebolusyonaryong kilusan at nahahati ang Bagong Hukbong Bayan.
Walang pinagkaiba ang mga deklarasyon ng PNG sa red tagging sa mga makabayan at progresibong organisasyon at iba pang pekeng balitang ipinapakalat ng rehimeng US-Duterte. Bahagi ito ng pinatitinding saywar sa ilalim ng Oplan Kapanatagan, na nakabatay sa US Counterinsurgency Guide (US COIN). Sa rehiyon, masugid itong ipinatutupad ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa pangingibabaw ng militar sa sibilyang burukrasya.
Ipinipinta ng rehimen ang pagkakahati ng hanay ng BHB sa pamamagitan ng localized peace talks at programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP). Milyun-milyong pondo mula sa kabang bayan ang ibinubulsa ng mga upisyal-militar habang papalobo ang bilang ng mga pekeng surrenderee na kanilang ipinaparada.
Ang pekeng engkwentro sa Brgy. Pandan, Ligao, Albay nitong Oktubre 1 ay bahagi ng pagsasadula ng AFP-PNP-CAFGU upang palabasing tumitindi ang kaguluhan sa rehiyon at sa iba pang bahagi ng bansa. Mula Enero hanggang sa kasalukuyan, mayroon nang naitalang 10 pekeng engkwentro sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Natataranta na ba ang buong 9th IDPA sa sabi nilang iilan na lang na kasapi ng BHB at sabik itong pabalikin sa rehiyon ang dalawang berdugong batalyong ipinakat sa Mindanao?
Hindi masusukat ng isang kapirasong papel ang pangangalit ng mamamayang Bikolano. Hindi sinasagot ng Oplan Kapanatagan, RTF-ELCAC at ng buong kampanyang kontrainsurhensya ang ugat ng armadong pakikibaka. Hanggang kumakalam ang tiyan ng mamamayan at hindi nakakamit kanilang demokratikong pangarap para sa kanilang salinlahi, muli’t muling titibay ang pagkakaisa at sama-samang pagbangon at paglaban. Hindi kailanman bibitawan ng taumbayan ang kanilang natatanging armas, ang armadong pakikibaka, laban sa pang-aapi at pagsasamantala.
IBAGSAK ANG REHIMENG US-DUTERTE!
LABANAN ANG SAYWAR NG OPLAN KAPANATAGAN!
BIGUIN ANG MO 32 AT EO 70!