Ilantad at bantayan ang pondo ng pasismo ng rehimeng US-Duterte! Magkaisa at itatag ang pinakamalawak na alyansa laban sa diktadura!
Gagastusin ng rehimeng US-Duterte pati ang huling sentimo ng kabang-bayan para maipagtanggol at maitaguyod ang interes ng diktaduryal na kaharian nito. Patuloy nitong sinasaid ang trilyun-trilyong pondo ng mamamayan sa walang habas na paghuhulog ng bomba sa mga komunidad, pagpaslang sa mga inosente, panunupil sa mga kritiko, progresibo at makabayan at sa sistematikong pagpapakalat ng pekeng balita. Ito ang kahihinatnan ng P19-bilyong badyet ng National Task Force to End Local Communist Insurgency (NTFELCI), karagdagang P206 bilyong badyet sa Department of National Defense (DND) at malalaking alokasyon para sa paniniktik na nakasalang sa mga budget deliberation ngayon.
Mula sa rekursong ito kumukuha ng bwelo ang Retooled Community Support Program (RCSP) sa kanayunan. Nitong Setyembre 21, pinaslang ng 49th IBPA sina Brgy. Capt. Luzviminda M. Dayandante at Brgy. Treasurer Albert Orlina sa Sitio Gumian, Brgy. Sinungtan, Guinobatan, Albay. Bago pa ito, inakusahan na ng berdugong batalyon si Dayadante bilang tagasuporta ng NPA at binantaang aalis lamang ang militar sa lugar kapag napalitan na ang kapitan. Pinagbubomba rin ng 31st IBPA at 22nd IBPA ang komunidad ng Brgy. Gerona, Bulan, Sorsogon. Hindi pa nadala sa nabulgar na eskandalo ng kanilang pina-Photoshop na litrato noong nakaraang taon, ipinagmamalaki pa rin ng 2nd IBPA at Southern Luzon Command (SOLCOM) ang sapilitang pagpapasuko ng mga sibilyang pinalalabas na kasapi ng NPA.
Sa kabiguang makontrol ang daloy ng impormasyon sa kabila ng pagwawaldas ng pera ng taumbayan sa agresibong troll army na naglipana sa masmidya at social media, tinatanggalan ng programa, hinaharas, ipinapakulong at sa pinakamasasahol na kaso, pinapaslang ng mersenaryong ahente ng estado ang mga kagawad ng midyang nagbibigay ng boses sa tunay na pulso ng mamamayan.
Nitong Setyembre 15, limang kagawad ng midyang kritikal sa administrasyon ni Gov. Edgar ‘Egay’ Tallado ang inaresto sa Camarines Norte. Pinaslang din si Jobert ‘Pulpog’ Bercasio ng Balangibog TV matapos ilantad ang iligal na quarry sa Bulan, Sorsogon noong Setyembre 14. Makailang ulit na ring dumulog sa tanggapan ng NDF-Bikol ang ilang mga radio reporter mula sa malalaking istasyon ng radyo sa Camarines Sur, Sorsogon at Camarines Norte upang ireklamo ang walang lubay na panghaharas sa kanila ng mga elemento ng reaksyunaryong gubyerno.
Dahil sa patuloy na paglobo ng gastos sa kontramamamayang gera, hindi na rin maikubli ng rehimeng US-Duterte ang pag-aalala nito sa napipintong pagkasaid ng rekurso ng pasistang estado. Todo-larga nang namamalimos ng ayuda ang rehimen sa ibang bansa maipagpatuloy lamang ang diktadura ni Duterte. Ngunit maging ang kanyang mga imperyalistang amo ay napipilitang dumistansya sa bulok na diktadura ni Duterte. Hindi sila makaligtas mula sa paniningil ng mamamayan sa buong daigdig na lubusang nagtatakwil sa imperyalismo at sa paggamit ng gubyerno ng US sa kabang-bayan upang pondohan ang iba pang mapanupil na estado.
Tiyak na pamatay na dagok sa diktaduryang rehimen ang tambalan ng ibayong paglakas ng paglaban ng mamamayan sa loob at labas ng bansa at ang pagkaputol ng natitirang suportang nakukuha nito mula sa internasyunal na komunidad.
Marapat na kundenahin ng lahat ng patriyotiko, makabayan at mapagmalasakit sa kapwa ang pagwawaldas ng kabang-bayan para sa pasistang adyenda at buuhin ang pinakamalawak na alyansang mapagpasyang magpapabagsak sa ganid na diktador. Karapatan ng bawat Bkolanong singilin ang kanilang mga kinatawan sa Kongreso at mga upisyal ng lokal na yunit ng gubyerno sa kanilang mga pangako sa panahon ng eleksyon: makiisa sa paglaban at paglalantad ng mamamayan sa paglobo ng pondo para sa pasismo at korupsyon. Bawat bala, bawat bomba, bawat minutong binabayad sa mersenaryong hukbo ay katumbas ng bawat sentimong ilinuwal ng pawis at dugo ng masang anakpawis.
Iisa ang aral ng kolektibong praktika ng mamamayang Pilipino sa pakikibaka sa mga tirano at diktador. Hindi kailanman matitinag ang nagkakaisang hanay ng mamamayan ng isang diktadura.