Ilantad at labanan ang lantad na paghaharing militar sa bansa! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte! — NDF-ST
Sa recorded na pahayag ng Abril 24, 2020, muling nagbanta si Duterte na ipapataw ang batas militar para sapilitang ipatupad ang enhanced community quarantine o lockdown kaugnay diumano sa pagsugpo sa Covid-19.
Ang totoo, hindi pagsugpo sa Covid-19 ang nasa likod ng kanyang pagbabanta kundi udyok ito ng labis na pagkasindak na pigilan ang namumuong galit at disgusto ng mamamayan na maaaring sumiklab anumang oras bunga ng kanyang inutil na pagtugon sa krisis ng Covid-19.
Kanyang inatasan ang AFP at PNP na gumawa ng mga pagbabago sa kanilang estratehiya para maging mabisa ang kanilang kampanya ng pagdurog sa CPP-NPA-NDFP. Tinatakot pa niya ang sambayanang Pilipino sa pagsasabing walang bubuhayin sa NPA kahit pa ito ay sumuko at magtaas ng kamay.
Nais ni Duterte na likhain ang klima ng takot at teror sa kaisipan ng tao para sila’y payukurin at pasunurin sa kanyang lantarang pasistang paghahari sukdulang bigyan ng walang-hanggang kapangyarihan ang AFP at PNP na lapastanganin ang umiiral na internasyunal na makataong batas (IHL) at ng Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinagkasunduan ng NDFP at GRP. Kanyang tinutugis ang mga kritiko at progresibong grupo na kinakaratulahang mga “legal front” ng CPP-NPA-NDFP.
Nakahanda ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog at mamamayan ng rehiyon sa bagong pagbabanta ng pasistang diktador na si Rodrigo Roa Duterte na ipapataw ang batas militar at dudurugin ang rebolusyonaryong kilusan sa panahon ng kanyang termino. Buong giting na haharapin, lalabanan at bibiguin ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng rehiyon ang lantay na pasistang panunupil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan sa ilalim ng batas militar at sa marahas at madugong kampanyang militar ng pasistang rehimeng US-Duterte nang hindi binibitawan ang pangunahing tungkulin at prayoridad nito sa kasalukuyan—ang paglaban at pagsugpo sa Covid-19.
Makakaasa ang taumbayan na nakatuon ang pansin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa pagpapakilos sa mamamayan upang labanan at sugpuin ang Covid-19. Patuloy na bibigyan nito ng mataas na prayoridad ang mga gawaing tumutugon sa kapakanan ng kalusugan, kaligtasan at kagalingan ng lahat upang iligtas ang bayan.
Sa lahat ng sandali, laging handa at karapatan ng rebolusyonaryong kilusan na ipagtanggol ang sarili at kapakanan ng mga mamamayan, lalo na sa mga rebolusyonaryong base nito mula sa mga patraydor na pag-atake ng pasistang tropa ng AFP at PNP.
Kinukundisyon na ni Duterte ang isipan ng sambayanang Pilipino sa pagpapataw ng lantad na teror ng Batas Militar sa bansa o sa ilang bahagi ng bansa tulad ng ginawa niya sa Mindanao
Hindi pa nasapatan si Duterte na isisi sa “katigasan ng ulo” at pagiging pasaway ng taumbayan sa mabilis na pagkalat ng sakit na Covid-19. Isinisi din ni Duterte sa mga manggagawang pangkalusugan ang kasalanan kung bakit marami sa kanila ang nagkaroon ng sakit na Covid-19. Pinalalabas nina Duterte at Duque na nakuha ng mga manggagawang pangkalusugan ang Covid-19 sa pamilya at komunidad na kanilang inuuwian.
Sa pagpasa ng sisi sa iba, nais pagtakpan ni Duterte ang malaking pagkukulang, kapabayaan at kabiguan ng gubyerno na protektahan ang mga manggagawang pangkalusugan bilang mga nasa unahan sa paglaban sa Covid-19. Buong akala ng gubyernong Duterte na magogoyo niya ang taumbayan sa pagsisi sa iba. Batid ng taumbayan ang mga kahirapan at sakripisyong pinagdadaanan ng mga manggagawang pangkalusugan sa pagsugpo sa pagkalat ng Covid-19. Batid din ng taumbayan na inutil ang gubyernong Duterte sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawang pangkalusugan tulad ng sapat na bilang at de-kalidad na personal protective equipments (PPE’s), serbisyo sa transportasyon, libreng pabahay na malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan, nararapat na pahinga at masustansyang pagkain para mapalakas ang kanilang pangangatawan at resistensya.
Kabilang ang Pilipinas sa mga awtoritaryan na rehimen sa daigdig na ibinabala ni UN Secretary General Antonio Gutteres na ginagamit ang krisis sa pandemikong Covid-19 upang isulong ang kanilang pasistang adyenda.
Kailangang maging mapagmatyag at kritikal ang taumbayan sa ginagawa ngayong mulat at orkestradong kampanya sa propaganda ng mga makinaryang pambalitaan ng gubyerno, kasabwat ang ilang mga bayaran sa “mainstream media” para linlangin ang tao sa tunay na miserableng kalagayan ng bansa sa paglaban sa Covid-19. Nais nilang pabanguhin si Duterte sa mata ng publiko at ilagay siya sa tugatog ng pedestal bilang mahusay na pinuno, henyo at may malalim na malasakit sa bayan upang lumikha ng “ilusyon at artispisyal” na suporta mula sa taumbayan.
Pinatatampok nila sa kasalukuyan ang malaking tagumpay ng mala batas militar sa pinatutupad na Luzon lockdown bilang mabisang paraan sa pagsansala sa pagkalat ng Covid-19 habang ikinukubli at minamaliit ang malawakang paglabag sa karapatang pantao, mga pagdakip, mga pananakit at pagpatay sa mga di umano’y lumalabag sa Luzon lockdown.
Nilalayon ng opensiba sa propaganda ng mga bayarang makinarya ng rehimen ang ilayo at iiwas si Duterte at ang kanyang gubyerno sa anumang malaking pananagutan, kasalanan at krimen dahil sa kapalpakan nito, sa simula pa lamang, sa pagharap at paglaban sa Covid-19. Kung mayroon mang pagkukulang ang gubyerno, hindi kasalanan ni Duterte at ng mga pambansang ahensya kundi kasalanan ito ng mga pinunong lokal ng gubyerno, ng mga manggagawang pangkalusugan, ng mga kritiko at “maka-kaliwang” grupo at ng di umano’y mga “matitigas na ulo” at “pasaway” na taumbayan. Kinukundisyon nila ang isipan ng taumbayan sa idudulot na “kabutihan” ng batas militar sakali mang ipataw ito ng rehimeng Duterte.
Lalong nalantad ang tunay at matagal nang intensyon ni Duterte na makapanatili sa kapangyarihan nang lampas sa kanyang termino. Ginagamit ngayon ni Duterte na sangkalan ang di-umanong mga “pag-atake ng NPA” sa AFP at PNP para ilusot ang matagal na niyang obsesyon na magpataw ng Batas Militar sa bansa para magawa niyang lahat nang walang sagabal at makapaghari nang lampas sa kanyang termino. Sa katunayan, sinasamantala ng diktador ang paglaban sa Covid-19 bilang tabing para sa kanyang ambisyong durugin ang rebolusyonaryong kilusan bago ang pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.
Malaking kasinungalingan para sabihin ni Duterte na ang walang humpay na focused military operation ng AFP at PNP ay para sa paglaban sa Covid-19. Nakapokus ang mga operasyon ng AFP at PNP sa mga liblib na lugar at kabundukan na ang tanging layunin ay tugisin ang NPA at ligaligin ang rebolusyonaryong mamamayan. Kung sa paglaban sa Covid-19 ang kanilang layunin ay dapat naruon sila sa mga poblasyon at sentro ng populasyon at wala sa kabundukan at mga liblib na lugar. Patuloy na nililinlang ni Duterte ang taumbayan na nilalabag ng NPA ang kanyang sariling tigil putukan dahil sa diumano’y mga pag-atake nito sa AFP at PNP. Subalit ang katotohanan, ang mga pinsala na tinamo ng AFP at PNP ay resulta ng aktibong pagtatanggol ng NPA sa sarili mula sa mga patraydor na pag-atake ng AFP at PNP habang may tigil-putukan.
Gumagawa ngayon ng ingay si Duterte para siraan sa publiko ang mga indibidwal, personahe, mga nasa oposisyon, kritiko at progresibong grupo na pumupuna sa mga kapalpakan ng kanyang gubyerno lalo na ang mabagal at kakarampot na tulong na ipinagkakaloob nito sa mga lubhang naapektuhan ng lockdown sa Luzon at sa iba pang lugar sa bansa. Pinaparatangan niya ang mga ito bilang sagabal sa kanyang paglaban sa Covid-19. Pati ang kanilang inaprubahang National ID System na nabalam ang pag-implementa dahil sa kakulangan ng pondo ay sa mga progresibong grupo niya ibinibintang.
Ang pagbubunton ng sisi ni Duterte sa lahat ng mga bumabatikos sa kanyang pamamahala, kabilang ang rebolusyonaryong kilusan, bilang mga “nanggugulo”, sagabal at wala namang naibibigay na solusyon ay bahagi ng kanyang pagkukundisyon sa kaisipan ng publiko para sa kanyang imbing pakana na magpataw ng batas militar.
Higit kailangan ngayon ang mahigpit na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino para tutulan at labanan ang binabalak ni Duterte na lantarang pagpapatupad ng batas militar sa bansa. Hindi batas militar ang solusyon sa patuloy na lumalaking bilang ng namamatay at nagkakaroon ng sakit sa Covid-19. Magdudulot lalo ito ng malawakang paglabag sa karapatang pantao, sa pagtindi ng panunupil sa mga kalayaang demokratiko at karapatang pampulitika ng mamamayang Pilipino at ibayong magpapalala ng kahirapan at kagutuman sa bansa. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya, sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan na angkop sa kasalukuyang sitwasyon para iparating ang malakas na panawagan ng sambayanang Pilipino na tutulan at labanan ang batas militar at ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte. ###