Ilantad at labanan ang pasistang Anti-Terrorism Bill ng Rehimeng US-Duterte! Pagkaisahin ang pinakamalawak na hanay ng mamamayan ng Quezon laban sa tiranikong paghahari ng RUSD! — NPA-Quezon

Mariing tinututulan ng mamamayan ng Quezon ang niratsadang pasista’t kontra-mamamayang Anti-Terrorism Bill ng Kongreso. Sa nalalapit na pagpirma ng tiranikong pangulo ng reaksyunaryong gobyerno na si Rodrigo Duterte, lubos nang isasailalim sa pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte (RUSD) ang sambayanang Pilipino. Nilampasan pa nito ang lupit ng Human Security Act ng 2007 at mas lalo pang pinalala ang pang-aabuso at pagsasamantala sa hanay ng maralitang anakpawis.

Nilikha ni Duterte ang mga paborableng kondisyon para mailatag ang batayan ng kanyang sagadsaring tiranikong paghahari sa bansa. Naging testing ground nito ang pagpapatupad ng enhanced at general community quarantine, at ng lockdown sa kasagsagan ng pagkalat ng pandemyang CoViD19 para maikondisyon na ang bansa sa kaayusan ng “new normal.”

Bago pa man ito, taong 2019, naipatupad na sa ilang bahagi ng Pilipinas ang pinagkagastusang Safe Philippines Project na nagpapalakas sa kapasidad ng kaaway na maniktik sa mga pinaghihinalaang kaaway ng pamahalaan. Pinalala ng mga pangyayaring ito ang una nang pagsisikap ng RUSD na wasakin ang rebolusyunaryong kilusan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Joint Campaign Plan Kapanatagan (JCP Kapanatagan), pagbubuo ng NTF-ELCAC at ng Executive Order No. 70 (EO 70). Ang pagpirma ni Duterte sa Anti-Terrorism Bill ang bisperas ng ganap na diktadurang ipapataw ni Duterte sa buong kapuluan na lalo pang magpapatindi sa sitwasyon ng lahat ng pinagsasamantalahan sa lipunan.

Mas lalong pagtitibayin ng Anti-Terrorism Bill ang kultura ng impunidad na bibigyan ng kalayaan ang walang habas na pagpatay, iligal na pag-aresto at pagkukulong, at paninikil sa karapatang sibil ng mamamayan. Walang anumang pananagutan ang mga sundalo, pulis, at opisyal ng gobyerno na magsasagawa ng mga anti-demokratikong hakbangin laban sa mamamayan. Ipinapahintulot ng Anti-Terrorism Bill ang 14 hanggang 24 araw na pagkulong nang walang isinasampang kaso sa mga inaakusahan o pinaghihinalaan pa lamang. Para ito sa lahat ng mga makabayang Pilipino na na madali na lang na mababansagang mga ‘terorista.’ Hindi na pag-iibahin ng gobyerno ang mga kombatant at ang mga aktibistang nasa kalsada at pareho nang ipapailalim sa mapanupil na mga probisyon ng nasabing batas.

Inaapakan ng Anti-Terrorism Bill ang mga karaniwang karapatan ng mamamayan, mula sa karapatang magpahayag ng saloobin hanggang sa karapatang magkapagtipon. Lahat ng mga demokratikong karapatan at mga karapatang sibil ng mamamayan ay wala nang kabuluhan sa panahon na selyuhan na ni Duterte ang pagpapatupad nito.

Kailangang ilantad ng masang anakpawis ang pakanang ito ng RUSD. Hindi dapat bigyan ng puwang ang kahit na anumang hakbangin ni Duterte na mapatagal pa ang kanyang tiraniko’t pasistang paghahari. Dapat na isulong ng sambayanang Pilipino ang pagpapabagsak sa RUSD sa pamamagitan ng pagtataguyod ng demokratikong rebolusyong bayan! Tanging ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan ang magtitiyak na mapangalagaan ang karapatan ng mamamayang Pilipino.

Hamon sa lahat ng mamamayan ng Quezon na tiyakin ang pagkakaisa sa kanilang hanay. Kailangang patuloy na pahigpitin ng mga magsasaka at ng mga manggagawa ang kanilang saligang alyansa para isulong ang pambansang pagpapalaya mula sa kamay ni Duterte at sa kuko ng imperyalismong US. Kailangang hamigin ang pinakamalawak na petiburgesyang lungsod para tiyakin ang pagbuo pa ng opinyong publiko laban sa itim na propaganda ng RUSD laban sa mamamayan. Kailangang tiyaking maalyado ang pinakamaraming bilang ng mga pambansang burgesya na magpapalakas pa lalo sa nagkakaisang prente ng sambayanang Pilipino para labanan ang tiranikong paghahari ng RUSD, kasama na rito ang pagbuo ng mga alyansa sa mga lingkod-bayan na pinahahalagahan pa ang konstitusyunal na mga karapatan ng mamamayan.

Titiyakin naman ng AMC-NPA-NQ ang patuloy na pagbigwas sa mga pasista’t mersenaryong sundalo na gumugulo at nagpapahirap sa buhay ng mamamayan ng Hilagang Quezon at lansakang lumalabag sa mga karapatang tao. Ilulunsad ng mga yunit ng NPA ang mga taktikal na opensiba na aalisan ng inisyatiba ang kaaway sa kanilang pagsasagawa ng focus military operations at ng retooled community support program operations (RCSPO). Nakahanda ang AMC-NPA-NQ sa pagsuong sa buhay-at-kamatayang pagsasakripisyo para harapin ang lalo pang tumitinding militarisasyon sa buong Hilagang Quezon. Gayundin, handa ang mamamayan na harapin ang kahit na anumang pakana ng RUSD. Hindi magpapatinag ang pagkakaisa ng NPA at ng masang anakpawis.

Tanging ang pagkakaisang ito ang bubuo sa matibay at matipunong bisig na bibigwas at magpapabagsak sa nag-aastang siga na si Duterte. Kailangang paghandaan ng RUSD ang dumadagundong na boses at bisig ng sambayanang Pilipino. Natitiyak na ang pagbagsak ng administrasyong Duterte na nakakapit na lamang sa dulo ng damit ng kanyang among imperyalismong US.

IBASURA ANG ANTI-TERRORISM BILL!

ILANTAD ANG PASISTA’T TIRANIKONG REHIMENG DUTERTE AT ANG PAGIGING TUTA NITO SA IMPERYALISMONG US!

IBAGSAK ANG REHIMENG US-DUTERTE!

Ilantad at labanan ang pasistang Anti-Terrorism Bill ng Rehimeng US-Duterte! Pagkaisahin ang pinakamalawak na hanay ng mamamayan ng Quezon laban sa tiranikong paghahari ng RUSD! -- NPA-Quezon