Ilantad at tuligsain ang imperyalistang mga salarin sa likod ng sumisirit na presyo ng langis
Tuligsain ang pinakahuling ronda ng pagtataas ng presyo ng langis na lalo pang nagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino at anakpawis. Nasa ₱100 kada litro na ang gasolina at diesel, halos doble kumpara sa presyo sa simula ng taon, na nagpapataas sa gastos sa transportasyon, presyo ng pagkain, gamot at iba pang bilihin, at humihila sa kita, kakayahang bumili at antas ng pamumuhay ng mamamayan.
Dapat nating ilantad na mali ang sinasabing hindi maiiwasan ang mataas na presyo ng langis at na resulta ito ng digmaan sa Ukraine. Sa katunayan, walang kakulangan sa suplay ng langis, o maging sa kakayahan ng mga taga-repina ng langis na magprodyus ng produktong petrolyo. Dapat nating ilantad ang tunay na mga salarin sa likod ng ganitong malaking panggogoyo sa mamamayan!
Dapat nating ilantad ang imperyalistang mga bangko at malaking kumpanya sa pinansya tulad ng JP Morgan at Goldman Sachs na artipisyal na nagpapataas sa presyo ng langis. Bilyon-bilyong dolyar ang tinatabo nila sa pakikipagpalitan ng oil future at pagtataas ng presyo sa pamamagitan ng ispekulasyon. Simula pa 2019 na minamanipula nila ang presyo ng krudo para umabot sa $150 kada bariles, bagay na nais nilang maabot sa darating na mga buwan. Ang krudong langis ay kasalukuyang nasa $125 kada bariles bilang resulta ng walang-tigil na ispekulasyon.
Habang ilandaang milyong mamamayan sa buong mundo ang nagdurusa sa tumataas na presyo, tumatabo ng dambuhalang tubo ang malalaking kumpanya sa langis mula sa nagtataasang presyo. Ang kita ng Shell, ExxonMobil, BP, Chevron at ConocoPhillips (ilan sa pinakamalalaking kumpanya sa langis sa mundo) para sa unang kwarto ng 2022 ay lumobo tungong $35 bilyon—300% na mas mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Dambuhala rin ang tubo ng malalaking Chinese na kumpanya sa langis mula sa umiikid na presyo ng produktong petrolyo. Lumobo ang netong kita ng China Petroleum and Chemical Corp., ang pinakamalaking taga-repina ng langis sa Asia, nang 25% sa nagdaang unang kwarto ng taon. Kabilang ang mga Chinese na taga-repina ng langis sa pinakamalalaking pinagkukunan ng suplay ng petrolyo na iniimport ng lokal na mga distribyutor sa Pilipinas.
Ang mga Pilipinong kumpanya sa langis ay kumikita rin ng malaki sa kahirapan ng mamamayan. Tumabo ng ₱3.6 bilyong netong kita ang Petron Corporation sa unang kwarto ng 2022, doble kumpara sa nakaraang taon, habang ang Pilipinas Shell ay may kitang ₱3.5 bilyon.
Palpak at inutil ang gubyerno ng Pilipinas, partikular ang Department of Energy, na walang ginagawa kundi bigyang-katwiran ang pagtataas ng presyo gamit ang huwad na pagdadahilan, at maging tagapagsalita ng mga monopolyo kapitalistang ispekulador sa langis. Dahil kumikita nang halos ₱150 bilyon mula sa tumataas na presyo ng petrolyo, mahigpit na tumatanggi ang gubyerno ng Pilipinas na tanggalin ang excise na buwis, na nagdudulot ng ibayong pagtaas ng presyo.
Dapat ipamalas ng mamamayang Pilipino ang kanilang galit laban sa ganid na mga imperyalistang spekulador at kumpanya sa langis, kanilang lokal na mga subsidyaryo at ang gubyerno ng Pilipinas sa pagtabo ng dambuhalang kita sa kapinsalaan ng mga manggagawa at masang anakpawis. Dapat walang-pagod na maglunsad ng edukasyon at pag-oorganisa ang mga progresibo at anti-imperyalistang pwersa para ilantad at tuligsain ang uhaw-sa-tubo na mga kumpanya sa langis, at maglunsad ng mga pakikibakang masa para ipagtanggol ang mamamayan laban sa imperyalistang pang-aapi.