Iligal na pag-aresto at pagdetine ng 203rd Infantry Brigade sa isang social worker na Hanunuo-Mangyan, kondenahin!

,

Dapat na kondenahin at panagutin ang 203rd Brigade sa ginawang ilegal na pag-aresto at pagdetine sa isang katutubong Hanunuo Mangyan na si Michelle Bangdayan noong September 1, 2020. Siya ay nananatiling nakapiit sa loob ng kampo ng 203rd Brigade sa Bansud, Oriental Mindoro. Malubha ang karamdaman ni Michelle at nagpapagamot nang siya ay hulihin.

Si Michelle ay isa sa mga katutubong Mangyan na pinalad na makapagtapos ng kursong BS in Social Work and Development dahil sa tulong ng St. Scholastica. Nang nakapagtapos ng kolehiyo ay agad siyang nagboluntaryo bilang community worker sa isang programa ng mga katutubo sa Mindoro upang makapaglingkod sa kapwa niya mga katutubo.

Ang sariling pagsisikap na ito mula sa hanay ng mga Mangyan para sa kanilang kagalingan at interes ay hinahadlangan ng 203rd Brigade/PNP-IV B at ng rehimeng Duterte. Sa kanilang pag -aresto kay Michelle, ipinakikita lamang kung paano tinuturing ng rehimeng Duterte ang anumang independyenteng pagsisikap ng mga katutubo upang ipagtanggol ang kanilang karapatan at kabuhayan. Lagi nang target ng sarbeylans at pandarahas ang kanilang makatarungang hakbang para sa maka-katutubong pag-unlad.

Si Michelle Bangdayan ay larawan ng isang bagong sibol na mga kabataang Mangyan na naghahanap ng kalutasan sa kahirapan at kaapihan ng kanyang kinabibilangang etno-lingwistikong grupo ayon sa dunong na nakuha niya sa pag-aaral sa isang kilalang institusyon.

Dapat na mahiya sa kanilang mga sarili ang mga heneral at opisyal ng 203rd Brigade sampu ng mga operatiba na sangkot sa pag-aresto at kawalang pakundangang pagtrato kay Michelle sa kanilang kakitiran ng utak.

Si Michelle ay maituturing na aktibistang nagdadala ng progresibong tindig at adbokasiya upang ipagtanggol ang katutubong Mangyan. Aktibo siya sa paglaban sa mapangwasak sa kalikasan at kabuhayang dambuhalang kumpanya ng pagmimina tulad ng Intex sa Mindoro, at ng iba pang proyektong umaapekto sa mga katutubong Mangyan.

Ang ginawang iligal na pag-aresto at pagdetine kay Michelle sa kampo ng 203rd Infantry Brigade, Phillipine Army ay malinaw na paglabag sa karapatang-tao. Hindi kailangan matatakot at mananahimik ang mga Mindoreño sa pandurukot ng mga sibilyan ng 203rd Infantry Brigade-PNP-IV B.

Kailangan magkaisa at sama-samang kumilos upang ilantad at labanan ang mga paglabag sa karapatan-tao at mga pang-aabusong ginagawa ng pasistang 203rd Brigade-PNP-IV B sa mga Mindoreño. Hindi dapat maghari ang pasismo at karahasan sa isla ng Mindoro at bupng bansa. Nararapat na panagutin at usigin ang Rehimeng US-Duterte, 203rd Brigade-PNP-IV B sa kanilang krimen laban sa mamamayan.###

Iligal na pag-aresto at pagdetine ng 203rd Infantry Brigade sa isang social worker na Hanunuo-Mangyan, kondenahin!