Iligal na pag-aresto kay Maria Ressa, pagsupil sa malayang pamamahayag
Nais kitlin ni Duterte ang malayang pamamahayag sa iligal na pag-aresto kay Rappler CEO Maria Ressa. Desperadong hakbang ito para supilin ang karapatan sa malayang pamamahayag at magbigay ng nakakakilabot na mensahe sa mga mamamahayag at kritiko ng administrasyon.
Tahasan at mulat ang administrasyong Duterte sa plano nilang iligal na arestuhin si Ressa. Kahit anong hugas-kamay pa ang gawin nila, hindi maitatanggi ang katotohanang ginamit nila ang mga makinarya ng estado tulad ng korte at NBI upang maisakatuparan ito. Binuhay pa nila ang kaso kay Ressa na cyber libel sa kabila ng pagbasura ng korte dito noong 2012. Pangitang-pangita rin ang pagbabanta ng mga ahente ng NBI sa mga mamamahayag ng Rappler; patunay na hindi nagdadalawang-isip ang rehimen na gamitin ang karahasan laban sa mga mamamahayag at kritiko nito. Dahil sa kabi-kabilaang pagkundina at kabiguang patahimikin si Ressa at ang Rappler, itutuloy na ng estado ang kasong tax evasion at foreign ownership sa Marso bilang panggigipit sa media.
Habang walang kalayaan sa pamamahayag sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng US-Duterte, tahasan at laganap naman ang paggamit nito ng mga trolls upang bahain ang media ng mga fake news para ipagtanggol ang interes ng mga naghaharing-uri. Taon-taon, higit na nanganganib ang buhay ng mga mamamahayag sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Ang Pilipinas ang isa sa mga nangungunang bansa sa Timog Silangang Asya kung saan nanganganib ang buhay ng mga media.
Nananawagan ang MGC-NPA ST sa media na patuloy na ipahayag ang tunay na kalagayan ng bayan sa harap ng mga pampulitikang karahasan at panunupil ng rehimeng US-Duterte. Higit na sisigla ang pakikibaka ng taumbayan kapag patuloy na pumapanig ang mga mamamahayag sa katotohanan at sa sambayanan. Umaasa ang rebolusyonaryong kilusan na makakatuwang ang mga mamamahayag sa pagtatayo ng bago at tunay na gobyernong magkakaloob sa interes ng sambayanan. Samantala, bukas ang mga larangan ng Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog na tanggapin ang mga journalists at kritiko ng rehimeng Duterte na nanganganib ang buhay upang maipagtanggol ang kanilang sarili. ###