Iligal na pag-aresto ng 76th IB sa apat na magsasaka sa Brgy. Tuban, Sablayan, paglabag sa karapatang-tao!

,

Mariing kinukondena ng NDFP-Mindoro ang ginawang iligal na pag-aresto ng 76th IB sa apat na magsasaka ilang araw pagkatapos ng labanan sa pagitan ng NPA at ng 203rd Bde sa Brgy. Tuban, Sablayan, Occidental Mindoro.

Biktima ng iligal na pag-aresto at iligal na pagkulong sina Miguelo Domingo Manguera, Fe Serna Marinas, Sherlito Nepumuceno Casidsid at Allen Marinas dela Fuente, mga taga-So. Buscad, Brgy. Tuban.

Kasalukuyan pa silang nakakulong sa Municipal Police Station ng Sablayan sa utos ng punong kumander ng 76th IB na si Col. Bienvenido R. Hindang Jr. Idinadawit sila ng 76th IB sa simpleng dahilan na malapit ang kanilang tirahan sa pinangyarihan ng labanan na naganap noong Hulyo 5 sa nasabing barangay.

Gamit ang labag-sa-Konstitusyon ng Pilipinas na Anti-Terror Law ng rehimeng US-Duterte, inaresto at ikinulong ang apat na sibilyan na napagbalingan ng ngitngit ng mga berdugong sundalo matapos makamaniobra palayo ang inatake nilang yunit ng LDGC.

Paglabag ito sa mga tuntunin ng digma, kilala bilang Geneva Convention ng 1949 at ang kaakibat na Protocol 1 at 2 na naglalaman ng proteksyon sa mga sibilyan sa panahon ng digma kung saan “High Contracting Party” ang gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Nasa probisyon ng kumbensyong ito na iligtas o iiwas sa mga pagdurusang bunsod ng digmaan ang mga maysakit, sugatang mga kombatant at di-kombatant, gayundin ang mga sibilyan na di kalahok sa labanan bagama’t maaaring nasa loob sila ng teritoryo ng labanan. Sa kabila ng pagpirma dito ng GRP, hindi ipinatutupad ng rehimeng US-Duterte ang mga probisyon nito at sa halip isinabatas pa ang Anti-terror law, na lubusang nag-alis ng proteksyon sa mga sibilyang nasa lugar ng mga labanan sa pagitan ng GRP at CPP-NPA-NDFP.

Ang rebolusyonaryong kilusan ay mulat at ipinatutupad ang tuntunin sa digma na pinagkaisahan ng internasyunal na komunidad. Bukod pa sa may sariling mga alituntunin at bakal na disiplina ang NPA upang igalang at proteksyunan ang karapatan ng mamamayan.

Mahigpit ang panawagan ng NDFP-Mindoro na dapat agad na palayain at ibasura ang mga gawa-gawang kaso ng apat (4) na magsasakang iligal na ipinakulong ng 76th IBPA at 203rd Brigade. Tinatawagan namin ang lahat ng nagmamahal at nagmamalasakit sa karapatang pantao, laluna ang mga makabayang pulitiko, taong simbahan at mga propesyunal na gumawa ng kaka-yaning tulong upang mapalaya ang mga biktima.

Nananawagan ang NDFP-Mindoro sa lahat ng mga Mindoreño na magkaisa at kumilos para ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Usigin ang GRP sa mulat na paglabag nito sa internasyunal na makataong batas at iba pang kasunduan na kinapapalooban ng reaksyunaryong estado. Nanawagan din ang NDFP-Mindoro sa lahat ng mga taong simbahan, abugado, guro, estudyante, makabayang negosyante’t pulitiko na labanan at ibasura ang Anti-terror law dahil wala itong ibang bibiktimahin kundi mga pangkaraniwang sibiyan. Gayundin, nararapat na panagutin ang mga salarin sa mga paglabag sa karapatan ng mamamayan at patalsikin ang isang diktador at di-makataong si Duterte. Walang ibang magtutulungan kundi tayong mga inaapi’t pinagsasamantalahan na siyang biktima ng rehimeng ito. ###

Iligal na pag-aresto ng 76th IB sa apat na magsasaka sa Brgy. Tuban, Sablayan, paglabag sa karapatang-tao!