Iligal na pag-aresto sa 62 sibilyan sa Negros: Larawan ng pangingibabaw ng militar sa sibilyang batas at burukrasya
November 01, 2019
Kaisa ang malawak na hanay ng mamamayan, kinukundena ng LUMABAN-BIKOL ang panibagong serye ng pasistang operasyong Sauron sa Negros bilang bahagi ng ganap na pagpapatupad ng crackdown laban sa mga progresibo at makabayang mga organisasyon at indibidwal. Nitong Oktubre 31, iligal na inaresto ang 62 sibilyan ng pinagsamang tropa ng CIDG-6, 3rd IDPA, Joint Task Force-Negros at Police Provincial Office sa magkakasabay na reyd sa upisina ng tatlong progresibong grupo sa syudad ng Bacolod, Negros Occidental. Ang mga dinakip at pinaratangang NPA ay mga kasapi ng BAYAN MUNA, Gabriela, National Federation of Sugar Workers at Kilusang Mayo Uno. Kabilang din sa iligal na hinuli ang anim na menor-de-edad at isang kagawad ng midya na si Anne Krueger, kasapi ng National Union of Journalists in the Philippines. Kasabay nito, inaresto rin ang tagapangulo ng Gabriela Metro Manila na si Cora Agovida at asawa nitong si Mickael Tan Bartolome ng KADAMAY sa kanilang tahanan sa Paco, Maynila.
Ito ang mukha ng de-facto batas militar na pinaiiral ni Duterte – ang walang sagkang pangingibabaw ng mersenaryong hukbo sa sibilyang batas at burukrasya. Sa ilalim ng Oplan Kapanatagan at EO 70-National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, maging ang batas ng kanilang sariling reaksyunaryong gubyerno ay malawakang binabaluktot at isinasantabi ng AFP at PNP upang mapatindi ang pandarahas, panggugulo at paglabag sa karapatan.
Sa kabiguang magapi o mapahina man lamang ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, duwag nilang ibinabaling ang kanilang teroristang pandarahas sa mga sibilyang walang ibang kasalanan kung hindi ang matapang na labanan ang pang-aatake ng rehimeng US-Duterte sa mamamayan. Sa kabila ng tabing ng kontrainsurhensya, nakatutok ang madudugo at brutal na operasyong ala-Tokhang sa lahat ng tipo ng paglaban ng mamamayan at pwersa ng oposisyon. Masahol pa, dahil nangingibabaw ang kapangyarihang militar ay wala nang pakialam ang militar at pulis gaanuman karami ang butas ng kanilang mga palabas.
Sa pinakabagong kaso ng pantutugis sa Negros, sino ang maniniwalang mayroong yunit ng BHB na bultu-bultong magtitipon sa pampublikong lugar na may bitbit na armas at eksplosibo kagaya ng iginigiit nila sa 62 inarestong sibilyan? Kahina-hinala ring ang lahat ng search at arrest warrants ay pinirmahan ng iisang huwes na mula pa sa Quezon City, ilang daang kilometro mula sa Negros.
Malinaw na walang maloloko si Duterte, ang AFP at PNP sa ganitong palabas. Taliwas sa pagpapalagay na epektibo at suportado ng publiko ang kanilang kampanyang pandarahas, higit lamang nilang ilinantad ang kanilang sarili bilang mga tunay na tagapaghasik ng karahasan at kaguluhan hindi lang sa Negros, kundi sa buong bansa.
Si Duterte, ang AFP at PNP ang dapat sampahan ng kaso, arestuhin at papanagutin sa patung-patong nilang pasistang krimen sa mamamayan. Nananawagan ang LUMABAN-Bikol sa mga makabayang abugado at tagapagtaguyod ng batas na kundenahin ang pakanang de facto batas militar at ang pasalalula ng rehimen maging sa kakarampot nang mga batas na pumoprotekta sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Bilang mga manananggol ng bayan, marapat pahigpitin ang pakikiisa sa lahatang-panig na paglaban ng mamamayan lalo pa at tiyak na mananalasa rin sa ibang rehiyon ang Oplan Kapanatagan.
Nananatili ang katotohanang naglilingkod ang buong estado at ang kasalukuyang mga batas sa interes ng iilan. Napakadaling baluktutin, baligtarin at isantabi ng mga batas upang sumang-ayon sa pasistang paghahari ni Duterte. Magkapuwang man, sadyang makipot ang ipinapahintulot na pagbabago kahit ng mga pinakaprogresibong reporma sa batas. Kaya naman, tunay na tanging sa paglulunsad ng makatarungang armadong pakikibaka maipagtatanggol ng mamamayan ang kanilang sarili at magagapi ang pasistang atake ng rehimeng US-Duterte. Makatitiyak ang buong mamamayan ng Negros na ang kanilang pakikibaka ay pakikibaka ng mamamayan sa buong bansa.
Iligal na pag-aresto sa 62 sibilyan sa Negros: Larawan ng pangingibabaw ng militar sa sibilyang batas at burukrasya