Iligal na pag-aresto sa Cabuyao 11, malawakang kundenahin at labanan!


Ipanawagan ang pagbasura ng kaso sa 11 iligal na inarestong aktibista habang nagsasagawa ng lehitimo, mapayapa at organisadong protesta laban sa mapanupil na Anti-Terrorism Act ng 2020
Mariing kinokondena ng Revolutionary Council for Trade Union (RCTU-NDF-ST) ang ginawang illegal na pag-aresto sa 11 aktibista at lider masang bahagi ng isang lehitimo at mapayapang protesta laban sa Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act 2020 (ATA2020) ng pinagsanib na pasistang tropa nang Cabuyao PNP at 2nd Infantry Division – Philippine Army.
Sa kabilang banda, taas kamao at maalab na pagbati ang ipinaabot ng RCTU-NDF-ST sa lahat ng mga makabayan at patriotikong mamamayan na agarang nagpahayag ng kanilang pagtutol at hindi natakot na lumabas sa lansangan para makapagsagawa ng isang mapayapang protesta laban sa anti-mamamayang batas na ATA2020 makatapos na pirmahan ito ni Rodrigo Duterte noong Hulyo 3.

Illegal na binuwag at inaresto ng mga pasistang tropa ng PNP/AFP ang mga nagraling mamamayan kahit na organisado at mahigpit nilang sinusunod ang mga health protocol kaugnay ng pag-iingat sa pagkalat ng nakamamatay na Covid-19, gaya ng pag-oobserba sa physical distancing, pagsusuot ng facemasks, at paggamit at pagdadala ng alkohol ng lahat ng mga sasama sa pagkilos noong araw na yon. Kabaliktaran naman ito sa naging manera ng mga kapulisan at kasundaluhan na hindi nag-observe ng physical distancing dahil sa kanilang pormasyong dikit-dikit upang marahas na buwagin ang mapayapang programa. Makatapos illegal na hulihin, magkakadikit ang mga iligal na inaresto sa kanilang pinagsakayang sasakyan ng mga pulis at agarang isinama sa mga preso sa loob ng kulungan.

Kaalinsabay ng iligal na paghuli at pagkulong sa Cabuyao 11 ang huwad na pagdiriwang ng “Fil-Am Friendship Day” na dating idiniklarang Araw ng Kalayaan. Muli na namang ipinakita at tila baga inialay sa altar ng kanyang among imperialistang US ang paghambalos ng rehimeng US-Duterte sa kanyang sariling mamamayan. Ang marahas at pasistang atake ay pagpapakita ng pangil ng pasistang rehimeng US-Duterte na layuning pigilan ang lumalawak na mga protesta ng mamamayan laban sa mapanupil at tiranikong batas na ATA2020.

WASTO, PATRIYOTIKO at MAKABAYAN ang isinagawang protesta ng Cabuyao 11, ng ibat-ibang sektor sa Timog Katagalugan at sa iba pang panig ng bansa noong Hulyo 4 laban sa isang batas na magwawasak sa pundamental na karapatan ng mamamayang nakasaad sa konstitusyon ng Pilipinas. Isang militateng ambag ang protestang isinagawa sa Cabuyao, Laguna, na kumokondena sa isang batas na tiyak na gagamiting sandata hindi lamang sa mga aktibista kundi laban sa mga kritiko ng pangulo, oposisyon o para supilin ang kalayaan at kahit sa pangkaraniwang mamamayan na mananawagan lamang ng hustisya at pagpuna sa kakulanga’t kapabayaan ng gobyerno.

Ayon sa detinidong Sen. Leila De Lima, “ang isang batas na nagbibigay sa rehimen na ito ng karagdagang kapangyarihang manmanan, bawian ng ari-arian at ipakulong ng walang warrant ang mga kalaban ni Duterte sa pulitika at ang mga taong nagsasalita ng katotohanan ay hindi isang batas na dapat manaig sa isang demokrasya”. Malapad na hanay ng mamamayan, gaya ng mga relihiyoso, abogado, negosyante, akademya, kabataang estudyante, manggagawa, mga artistang Pilipino, magsasaka at maralitang lunsod ay nagsisikap na kumilos at labanan ang tinagurian nang Terror Law ni Duterte.

Ayon sa gobyerno at mga tagapagtanggol ng ATA2020, pagkatiwalaan daw natin ang batas, hayaan munang maipatupad ito at wag daw mag-alala dahil marami itong safeguard para hindi maabuso ng mga tagapagpatupad nito. Subalit sino ang hindi matatakot at mangangamba kung may mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao ang AFP/PNP at ang bumubuo ng Anti-Terrorism Council, sa pamumuno ng mamamatay taong sina Gen. Lorenzana, Esperon, Año, Bautista at dating Col. Honasan? Uhaw sa dugo at batikang mamamatay tao at torturer ang mga kapural sa pagsusulong ng batas na ito. Mismong kinabukasan nga matapos pirmahan ng pasistang si Duterte ang kanyang Terror Law, umaapaw na ang buladas ni Esperon, tulad ng “Kung ikaw ay tahimik, hindi ka dapat mabahala sa Anti-Terror Law”, at “marahil ang mga kumokontra sa ATA2020 ay mga sumusuporta sa mga terorista”.

Ang naganap na marahas na dispersal at paghuli sa Cabuyao 11 at ang iba pang karahasan ng mga kapulisan at kasundaluhan sa kanilang mga checkpoint na nangharas sa mga taong-bayan at kumitil nang maraming buhay; ang patuloy na karahasang isinasagawa nila sa kanayunan; ang paggamit ng mga militar sa mga panginoong maylupa para palayasin at agawan ng lupa ang mga katutubo at magsasaka; at ang panghaharas at panunupil na ginagawa ng AFP/PNP sa mga manggagawa sa Timog Katagalugan sa pamamagitan ng pekeng pagpapasuko ay malawakang nagaganap kahit wala pa ang ATA2020.

Ipinapakita lamang nito na kahit hindi pa nga naipatutupad ang ATA2020, napakatinding panunupil na ang inihahambalos ng gobyernong ito sa kanyang sariling mamamayan. Kaya naman inaasahan na natin na mas lalong titindi ang panunupil, ang teranikong paghahari at pagpapatuloy nang kawalang impyunidad oras na simulan na ang pagpapatupad nito. Nagkukumahog ngayon sa pagbubuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ang makapangyarihang Anti-Terrorism Council (ATC) na pinamumunuan ni Gen. Esperon at Lorenzana bilang guidelines sa pagpapatupad ng martial law ni Duterte.

Sa inasahang pagdanak ng dugo dulot ng ibayong terorismo ng estado, na magbubunsod sa malawakang panunupil at pagpaslang, tinitiyak natin na sisingilin ng sambayanang Pilipino katuwang ang buong lakas ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa ang mga kapural sa pagbubuo ng ATA2020 na pinangungunahan ng tiranikong pangulong Rodrigo Duterte, mga senador na sina Panfilo “Kuratong Baleleng” Lacson, Bato Dela Rosa, Bong Go, Pia Cayetano, Imee Marcos at Tito Sotto, mga kongresistang pinamumunuan ni Alan Peter Cayetano, mga militarista’t utak-pulburang gabinete at ang mga magpapatupad nitong kapulisan at kasunduluhan. Lalo pang lalawak at dadami ang mga pagkilos at protesta ng mamamayan laban sa isang batas na walang ibang layunin kundi ipagtanggol ang isang tiranikong paghahari ni Duterte sa ating bayan.

Wala nang ibang aasahan ang malawak na hanay ng masang anakpawis kundi ang kanilang pagkakaisa, at ang armadong pakikibakang ipinamamandila ng Bagong Hukbong Bayan (NPA) bilang tunay na hukbo ng sambayanan, para maipagtanggol ang mga mamamayang makakaranas ng matinding panunupil at pasismo ng estado sa kamay ng pasistang militar at kapulisan. Tayo ay nananawagan sa lahat ng mga manggagawa na ibayong sumuporta sa pagpapalakas hindi lamang ng kilusang paggawa, kundi ng rebolusyunaryong digma sa pag-aambag ng sarili sa pamamagitan ng pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan (NPA), pag-aambag ng talino’t lakas, at suportang materyal sa ating pinakamamahal na Hukbo.

Kinakailangang ibayong palakasin at palawakin ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan at sa buong bansa, upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon ng bayan na natatanging sandata para mabigo ang pasistang atake ng rehimeng US-Duterte at makaroon ng isang tunay na pagbabagong panlipunan at matiwasay na bukas.

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

Iligal na pag-aresto sa Cabuyao 11, malawakang kundenahin at labanan!