Imbestigahan ang mga pamamaslang at bigyang hustisya ang mga biktima ng karahasan at terorismo ng estado sa Bikol
Read in: English
Hinahamon ng NDF-Bikol ang mga kinatawan ng kongreso at senado na kagyat na bigyan-pansin at imbestigahan ang humahabang listahan ng pamamaslang at lumalalang mga kaso ng terorismo sa rehiyon na kinasasangkutan ng mga elemento ng PNP-Region V sa ilalim ng programa nitong Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO). Umabot na sa 26 sibilyan ang napaslang sa SACLEO mula 2020 hanggang Agosto 2021.
Nangunguna ang Bikol sa dami ng naitalang ekstrahudisyal na pamamaslang. Umabot sa 34 na ang pinaslang mula Enero hanggang Agosto 2021. Isa sa mga tampok ang pagpatay ng mga pulis sa dalawang aktibistang sina Jemar Palero at Marlon Naperi sa Ligao City, Albay noong Hulyo 26. Batay sa testimonya ng mga testigo at maging ng autopsy results, malinaw na pinaslang ang dalawa nang walang kalaban-laban. Pilit pang pinagtakpan ng mga pulis ang kanilang karumal-dumal na krimen sa pamamagitan ng pagpilit muli sa gasgas na iskrip na ‘nanlaban’ ang mga biktima.
Bukod kina Jemar at Marlon, ilan pa sa 26 naitalang biktima ng brutal na SACLEO sina Brgy. Captain Geoffrey Castillo, Melvin Veri Otto, Enrique Cabilles, Arnel Candelaria, Nomer Peda, Senen Inocalla at Kgd. Melandro Verzo. Pinaslang sila sa ikinasang SACLEO ng PNP noong huling linggo ng Pebrero hanggang unang linggo ng Marso sa mga prubinsya ng Camarines Norte at Camarines Sur.
Matagal nang nananawagan ang mamamayang Bikolano sa kanilang mga kinatawan na harapin ang matagal na at lumalalang kalagayan ng karapatang tao sa rehiyon at bigyan ng hustisya ang kanilang mga mahal sa buhay. Ilan pa bang buhay na malulustay ang kinakailangan upang mapansin at bigyang-aksyon ng mga Bikolanong kongresista at kanilang mga kapwa burukrata ang kalunus-lunos na kalagayan ng karapatang tao sa rehiyon? Kailan ba sila kikilos? Sa tuwing sasapit na ang eleksyon?
Hindi sila maaaring manatiling bingi-bingihan sa panawagang hustisya ng mga pamilya ng mga biktima. Marapat lamang nilang matapat na gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin ipagtanggol at itaguyod ang kapakanan ng mamamayan. Sa gitna ng lumulubhang pandemya, ang malawakang pamamaslang at pang-aabuso sa karapatang tao ay dagdag na suliraning araw-araw na kinakaharap ng bawat Bikolano.
Sa huli, nasa kamay ng mamamayang lumalaban ang pagkamit ng tunay at makabuluhang katarungan. Sinusuportahan at pinagpupugayan ng NDF-Bikol ang kanilang kasigasigan at patuloy na paglaban. Sa bawat hakbang, kasama ng masang Bikolano ang rebolusyonaryong kilusan tunay na naglilingkod sa kanilang interes.