Imbestigasyon ng ICC, idinidiin ang pagiging mamamatay-tao ni Duterte!

,

Ngayong nakasalang ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga krimen ni Rodrigo Duterte laban sa sangkatauhan, nauungkat ang mga ebidensya ng talamak na ekstrahudisyal na pamamaslang (EJK) sa kumpas ng tirano hindi lamang bilang pangulo ng GRP kundi maging noong siya’y alkalde pa ng lungsod ng Davao. Lalong idinidiin ng mga nabubunyag na impormasyon ang pananagutan at utang na dugo ni Duterte. Pinatitibay nito ang mga batayan para tutulan ang pagpapatuloy ng madugong paghahari ng kanyang dinastiya.

Kasama sa mga sinusuring ebidensya ng ICC ang isinumiteng affidavit ng dating tauhan ng Davao Death Squad (DDS) na si Arturo Lascañas. Dito, inilahad niya kung paanong ginamit ang anim na ektaryang Laud Quarry sa Barangay Ma-a, Davao City bilang mass grave ng mga biktima ng EJK ni Duterte. Pagmamay-ari ng isang pulis na nagngangalang Bienvenido Laud ang quarry. Tinukoy rin sa affidavit si Police Major Ernesto Macasaet na kasabwat sa mga EJK.

Daan-daan ang tinatayang bilang ng mga inilibing sa mass grave. Kahindik-hindik ang salaysay ni Lascañas lalo sa kanilang pagpaslang sa mga Patasaja kabilang ang paslit na miyembro ng pamilya at isang buntis. Aniya, inatasan silang patayin pati ang bata para mawalan ng testigo at maiwasan na maghabol pa ito o maghiganti. Binigyan pa umano sila ni Macasaet ng pabuyang P200,000 na nanggaling pa kay dating Mayor Duterte.

Tumutugma ang salaysay ni Lascañas sa dati nang ipinahayag ni Edgar Matobato, isa pang dating tauhan ng DDS, hinggil sa Laud quarry sa pagdinig sa senado noong 2016. Ayon pa kay Matobato, pumupunta mismo si Duterte sa quarry sa tuwing may papataying “high-profile” o bigatin na target.

Patunay ng malalang kawalan ng hustisya at kultura ng impyunidad sa bansa ang pananatili sa kapangyarihan ng mamamatay-taong si Duterte. Kung may tunay na hustisya, matagal na dapat siyang nabubulok sa bilangguan. Ngunit dahil sa hawak niyang kapangyarihan at pagsuporta sa kanya ng naghaharing-uri, at mga alagang pulis at militar, nagawa niya pang maging pangulo ng bansa. Pilit tinabunan ang ebidensya at pinatahimik ang mga pwedeng tumestigo. Inilipat ang mga labi at buto ng tao na naiwan sa mass grave. Ipinakulong at ginipit ang mga nag-iimbestiga. Sa tala ni dating CHR Chairperson Leila de Lima na nagsimulang mag-imbestiga sa quarry noong 2009, pinatay ang tatlong tao na imbwelto sa imbestigasyon ng CHR. Gagawin ng kampo ni Duterte ang lahat para burahin ang mga bakas ng kanyang kahayupan.

Kaya nagpupumilit si Duterte na dito lang siya sa Pilipinas magpapalitis hinggil sa mga kaso ng EJK, na kanyang isinagot sa mga kritikong naghahamon na pumailalim siya sa hurisdiksyon ng ICC. Sa katunayan, kumpyansa si Duterte na hindi siya maiimbestigahan ng anumang ahensya o mahahatulan sa mga reaksyunaryong korte dahil hawak niya sa leeg ang mga ito— ang Korte Suprema, matataas na opisyal ng AFP-PNP at mayorya ng Kongreso. Alkalde pa lamang ng Davao ay astang pasistang diktador na si Duterte, kaya ngayon, umaapaw ang kahambugan niya bilang pangulo.

Sa huli, nabigo pa rin si Duterte na ilibing ang katotohanan sa brutal niyang paghahari. Nanaig ang konsensya ng dati niyang mga kinasangkapan kaya’t naglakas loob silang tumestigo. Hindi siya tinantanan ng mamamayang naghahanap ng hustisya at mga tagapagtanggol ng karapatang tao. Ang mga bagay na ito ang nagtulak sa ICC para buksan at busisiin ang mga kriminal na kaso ni Duterte, kabilang na ang madugong gera kontra-droga at gera kontra-mamamayan nang maluklok bilang pangulo.

Salik sa paglitaw ng mga datos na ito ang pag-usad ng kaso laban kay Duterte sa ICC. Kung hindi sumulong ang imbestigasyon sa internasyunal na korte, maaaring matagalan pa bago malantad ang mga ito o tuluyan nang panghinaan ng loob ang mga nais magsiwalat ng kanilang nalalaman. Ito ang dahilan kaya takot na takot si Duterte na matuloy ang kaso sa ICC at kaya hibang niyang iginiit na kumalas na sa Rome Statute. Binigyan ng pag-asa ng pag-uusig ng ICC ang laban ng mga biktima para sa katarungan.

Marapat na tuluy-tuloy na ilantad ang mahabang kriminal na rekord ni Duterte bilang pusakal na mamamatay-tao. Hinihimok ng NDFP-ST ang lahat ng may nalalaman sa mga krimen ni Duterte na mangahas magsalita upang mapatibay ang mga kaso laban sa nag-aambisyong diktador. Dapat malinawan ang mamamayang Pilipino na isa siyang halang ang bitukang kriminal at ganid sa kapangyarihang pulitiko na nagnanais lamang na iluklok ang kanyang dinastiya. Kailangan siyang panagutin upang bigyang katarungan ang mga biktima at kanilang pamilya. Dapat magkaisa ang bayan at malakas na manawagan ng katarungan para sa mga pinatay na biktima ng DDS at rehimen sa gera laban sa iligal na droga at kriminalidad, sa mamamayang sinalanta ng huwad na gera kontra-terorismo at sa mga progresibo’t rebolusyonaryong walang awang pinaslang ng estado.

Lalong mahalaga ang paglalantad at paniningil kay Duterte sa gitna ng pagnanais niyang manatili sa kapangyarihan kasabwat ng mga Marcos at Arroyo. Nitong linggo lang, naghain ng kandidatura sa pagka-senador si Duterte sa harap ng nabuong elektoral na alyansa nina Bongbong Marcos at Sara Duterte Carpio. Nagsanib na ang pampulitikang tagapagmana ng dalawang pamilyang tigmak sa dugo ang rekord at labis na sugapa sa kapangyarihan. Malaking paglapastangan sa alaala ng mga taong kanilang pinatay ang walang-kahihiyang pagbabandera sa ambisyong magtatag ng diktadura. Hindi na dapat pahintulutan na mamayagpag sa bansa ang mga pamilyang itong notoryus sa kasamaan, mapang-abuso sa kapangyarihan at lansakang lumalapastangan sa karapatang pantao ng mamamayan.

Hindi dapat maglubay ang bayan sa pagpupunyagi sa digmang bayan. Tanging sa pagsusulong lamang ng radikal na pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng pambansa demokratikong rebolusyon, makakamit ang tunay na hustisya’t katarungan ng mamamayang biktima ni Duterte at ng karahasan ng estado.###

Imbestigasyon ng ICC, idinidiin ang pagiging mamamatay-tao ni Duterte!