Imperyalistang Pandarambong sa Yamang Likas ng Camarines Norte, Tutulan at Labanan! Rehimeng US-Duterte at Berdugong AFP-PNP Panagutin at Pagbayarin!
Napabalita kamakailan ang pagdaong ng Chinese commercial vessel sa dalampasigan ng Paracale, Camarines Norte. Lulan nito ang mga negosyanteng Tsino at iba pang dayuhang nasyunalidad. Ayon sa ulat, magkakarga ang barko ng black sand mula sa nasabing bayan. Ito ang pinagmumulan ng magnetite (iron ore), hilaw na materyales sa paggawa ng asero.
Walang malinaw na pahayag ang lokal na gubyerno ng Camarines Norte kung kanino at saan kumuha ng permiso ang barko para dumaong at maghakot ng black sand mula sa bayan ng Paracale. Nagtuturuan din ang lokal na gubyerno at lokal na mga ahensya ng gubyerno kung sino ang kaugnayan sa probinsya ng mga dayuhang negosyante. Pero ang tiyak, hindi dadaong ang barkong dayuhan kung walang mataas na opisyal na nagbigay ng pahintulot at katiyakan para sa kanilang pakay na humakot ng yamang mineral mula sa probinsya.
Ang pagdaong ng barkong dayuhan para maghakot ng yamang mineral ay karaniwan nang pangyayari sa Camarines Norte. Matagal nang pinagpapasasaan ng mga dayuhan ang yaman ng probinsya kasabwat ang lokal na mga naghaharing uri. May 104 milyon metriko toneladang iron ore na target minahin sa Camarines Norte, matatagpuan ito sa mga bayan ng Capalonga, Panganiban, Paracale at Labo . Pinakamalaki ay sa Paracale na may 8.4 milyon metriko tonelada. May mga Tsino at Koreanong kumpanya na naglalaway magmina ng iron ore sa probinsya.
Liban dito, nakaamba rin ang operasyon ng Mt. Labo Exploration & Development Corporation. Isang malaking kumpanya sa pagmimina sa Camarines Norte na kasosyo ng dayuhan at lokal na naghaharing-uri. Target nitong minahin ang mayamang reserba ng ginto, tanso at iba pang mineral sa Sitio Nalisbitan, Brgy. Dumagmang bayan ng Labo at iba pang mga karatig na lugar.
Dahil dito, tinambakan ng pwersa ng estado ang Nalisbitan para proteksyunan ang interes ng dayuhang malaking kumpanya sa pagmimina. Nakabase ngayon dito ang isang kumpanya ng 9th IB Philippine Army at pwersa ng 2nd Platoon Police Provincial Mobile Force Company (PPMFC). Sariwa pa sa alaala ng mga taga Camarines Norte ang ginawang pamamaslang ng PNP kay Kgd. Melandro Pardo Verso ng Brgy. Dumagmang sa tinawag nilang SACLEO (Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation). Sa kaibuturan, ang ginawa ng PNP kay Kgd. Verso ay konektado sa isyu ng pagmimina sa lugar.
Dalawang araw matapos ang matagumpay na reyd ng Bagong Hukbong Bayan sa kampo ng 2nd Platoon Police Provincial Mobile Force (PPMF), pinatay ng mga pulis ang mag-amang Buenavente na pawang lehitimong residente ng Brgy. Dumagmang. Tuloy-tuloy na nanggigipit at nananakot ang militar at pulis sa mga maliliit na magkakabod. Hinuli ng PNP ang labing-walo (18) sa kanila, ikinulong at pinagpyansa pagkatapos. Nitong huli malisyosong idinawit sa taktikal na opensiba ng BHB at kinasuhan ng murder at frustrated murder ang anim na indibidwal kabilang ang tatlong opisyal ng barangay Dumagmang. Layunin ng AFP-PNP na supilin ang pagtutol at paglaban ng mamamayan. Tuluyang palalayasin ang mga maliliit na magkakabod para lubusang maangkin ang ginto at iba pang mineral sa Nalisbitan ng malaking kumpanya sa pagmimina.
Inilalako din ng gubyerno at AFP-PNP ang “Kaburang Bayan” kung saan nagbuo sila ng mga grupo ng mga lokal na magkakabod at binigyan ng pwesto kung saan lang pwedeng magkabod, subalit ang nasa likod nito ay itaboy ang maliliit na magkakabod sa wala namang makukuhang ginto, habang ang mga lugar na sagana sa ginto ay mapupunta sa Mt. Labo Exploration & Development Corporation.
Kaya ang malaking tanong sa AFP at PNP, “Kanino ba kayo naglilingkod?
Isinusulong ni Duterte ang economic “cha-cha”, para lubusang ibukas sa mga imperyalistang dayuhan ang malalawak na minahan, magpasasa sa likas na yamang mineral ng bansa at kontrolin ang buo-buong ekonomya ng Pilipinas. Ito ang inutil na patakaran ni Duterte para diumano mabilis na makaahon ang bansa sa lugmok na ekonomya. Sa gitna ito ng labis-labis nang pagdurusa ng sambayanang Pilipino, dulot ng kapalpakan ni Duterte na harapin ang pandemyang Covid-19. Dobleng pahirap sa kanila ang hambalos ng neoliberal na mga patakarang ipinatutupad ng papet at tiranikong si Duterte.
Dapat tutulan at labanan ang imperyalistang pandarambong sa likas na yaman at ekonomya ng bansa. Labanan ang hungkag at maka-imperyalistang patakarang neoliberalisasyon na pinag-uugatan ng lahat ng paghihirap ng sambayanan. Dapat magkaisa ang mamamayan ng Camarines Norte, kabilang ang lahat ng saray at sektor, taong simbahan, mas midya, mga propesyunal, mga patriyotiko’t mapagmahal sa kalikasan na igiit ang pambansang soberanya sa ekonomya at likas na yaman. Walang kinabukasan ang bayan sa kamay ng mga mapagsamantalang lokal na naghaharing uri at mga dayuhang mandarambong.
Nasa kamay ng mamamayang lumalaban ang kanilang kaligtasan, kabuhayan at kinabukasan. Magpunyagi para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Itayo ang ekonomyang kayang tumindig sa sarili at may kakayahang linangin ang sariling likas na yaman. Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pagpapaigting ng digmang bayan para tuluyang wakasan ang paghahari ng mga dayuhan at lokal na mapang-api at mapagsamantalang uri.
Likas na yaman ng bansa para sa sambayanan, hindi sa mga imperyalistang dayuhan!
Panagutin at pagbayarin ang rehimeng US-Duterte, AFP-PNP sa pasistang pandarahas sa mga magkakabod at mga magsasaka!
Isulong ang rebolusyong agraryo at ipagtanggol ang mga tagumpay nito!
Mamamayan ng Camarines Norte, magkaisa’t lumaban, isulong ang digmang bayan!