Imperyalistang panghihimasok ng US, mananatili sa kabila ng pagsasawalang-bisa ng VFA
Hanggang angas lang ang hakbang ni Duterte na talikuran ang Visiting Forces Agreement (VFA). Kamakailan, inamin na ng imperyalistang US na patuloy silang ‘magbibigay ng tulong’ sa militar ng Pilipinas di umano’y para labanan ang insurhensya. Lingid sa kaalaman ng publiko, nagsasagawa na ng counterinsurgency training ang mga mersenaryong hukbo ng Pilipinas at US sa Palawan mula pa noong Enero. Nagpatuloy ito kahit sa kainitan ng isyu hinggil sa VFA. Patunay ito sa kahungkagan ng mga deklarasyon ng papet na rehimen.
Punitin man ni Duterte ang anumang papel ng kasunduan sa mga imperyalista, nananatili at mananatiling malakolonya ang bansa. Labas sa VFA, napakaraming tagibang na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at mga imperyalista at iba pang umuusbong na kapitalistang kapangyarihan. Sa larangang militar, umiiral pa rin ang Mutual Defense Treaty (MDT), ang pangunahing kasunduang nagpapahintulot sa panghihimasok ng US sa bansa. Wala man ang VFA, nananatiling epektibo ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), na nagpapahintulot sa preposition ng mga gamit pandigma ng US sa bansa at pagtatayo ng pasilidad ng militar ng US sa loob ng mga base ng AFP.
Hindi rin mahihiwalay ang mga pang-ekonomya at pampulitikang patakaran ng bansa sa imperyalistang kontrol ng US. Ang malawakang liberalisasyon ng agrikultura, pagpapataw ng mabibigat na buwis sa mamamayan, pagsasapribado ng mga batayang serbisyong panlipunan at ang tulak sa pederalismo o pagpapalit ng Konstitusyon ay bahagi ng pangkabuuhang neoliberal na programa ng imperyalistang US. Kahit ang kampanyang kontrainsurhensya ng lahat ng papet at pasistang rehimen ay nakabatay sa balangkas ng US Counterinsurgency Guide (US COIN).