Inutil na rehimeng Duterte, sanhi ng pagdurusa ng mga biktima ng pag-aalburuto ng bulkang Taal
Dapat na kondenahin at singilin ng mamamayan ng TK ang rehimeng Duterte sa pabaya, inutil at walang puso nitong tugon sa daing ng mamamayang biktima ng pag-aalburuto ng bulkang Taal. Wala itong ginawa para ibsan ang kalagayan ng mga apektado ng sakuna. Mas malala pang sakuna sa Taal ang pagiging pangulo ni Duterte at paghahari ng kanyang ganid na pangkatin.
Mula nang sumabog ang bulkan noong 2020, hindi nagkaroon ng seryoso at komprehensibong pagsisikap ang reaksyunaryong gubyerno para ibangon ang may 500,000 residente ng Batangas at Cavite na nawalan ng tirahan at kabuhayan. Masahol pa, ginamit lang ng rehimen ang sakuna para makapangurakot, magpabango ng imahe, at bigyang-daan ang mga kontra-mamamayang proyektong pangkaunlaran ng mga dayuhan at malalaking burgesya kumprador pangunahin ang Metro Taal-Tagaytay Development Project. Wala ring maagap na tugon sa mga apektadong komunidad na simula Pebrero 2021 ay naliligalig na ng pag-aalburuto ng bulkan.
Nararapat ilantad sa buong bayan ang kriminal na kapabayaang ng rehimeng Duterte mula pa noong 2020. Bagamat bumaba sa Alert Level 2 mula Alert level 3 noong Hulyo 1 ang Taal, nananatiling mapanganib ang paligid ng bulkan. Nitong Hulyo,145 barangay ang apektado at halos 22,000 indibidwal ang nadisloka ng pag-aalburuto ng bulkan. Nasa 5,922 tao lamang ang kayang iakomoda ng 26 evacuation center, ayon sa NDRRMC.
Naglaho ang daan-daang milyong pisong pondo para sa rehabilitasyon at mga proyektong pangsagip sa kabuhayan na ipinangalandakan ng rehimen. Ilang araw matapos ang pagsabog, nagyabang si Duterte na may P598 milyon para sa mga komunidad na apektado ng sakuna. Ngunit patunay ng ilang biktima, P495 lang ang kanilang natanggap mula sa gubyerno, habang ang iba’y wala ni isang kusing.
Noong Marso 2021, inamin ng mismong NEDA-CALABARZON na walang pondo para sa mga ipinagyayabang nilang proyektong pang-rehab na nagkakahalaga ng P42 bilyon. Apektado nito ang P11.54 bilyong-halaga ng mga proyektong pabahay at P9.48 bilyong alokasyon para sa pagsalba sa agrikultura at aquaculture sa rehiyon. Anila, 86% sa mga proyekto ang walang pagkukunan ng pondo dahil inilaan ang pera sa pandemya.
Kung totoo mang inilaan ang pondo para sa pandemya, bakit ga-mumo lang ang nakuhang ayuda ng mga pamilyang bakwit sa panahon ng lockdown? Sa kasagsagan ng paghihigpit ay gutom ang mga bakwit. Wala ring maayos na serbisyong pangkalusugan para tiyakin ang kanilang kaligtasan mula sa bayrus.
Ang totoo’y nilustay ng rehimen ang pondong pang-ayuda at pang-rehabilitasyon sa pagbili ng mga kagamitan at sasakyan para sa marahas nitong kontra-rebolusyonaryong gera. Ipinamudmod din ito sa mga kurakot na opisyal ng AFP, PNP, mga pambansang ehekutibong ahensya at mga kapanalig sa pulitika na sinasandigan ni Duterte para manatili sa poder. Kung ikukumpara sa P16-bilyong pondo para maging palabigasan ng mga heneral at pulitiko na Barangay Development Program, mistulang barya ang P27-milyong halaga ng tulong na ipinamigay sa mga biktima ng Taal noong Enero 2020.
Resulta ng katiwalian at kapabayaan ang pananatili mula pa noong 2020 ng daan-daang pamilya sa mga evacuation center at grabeng kahirapan ng mga mangingisda, magsasaka at maliliit na negosyante. Sa Balete, Batangas, mayroon pang nakatira sa mga tent. Kung mayroon mang mga naitayong pabahay ay malayo ang mga ito sa pook-trabaho at walang seribisyo, pasilidad at yutilidad. May kaakibat ding mga buwanang bayarin na papasanin pa ng mga nawalan ng trabaho. Pinahigpit pa ang kontrol sa mga bakwit at kanilang galaw buhat ng mga ipinatupad na lockdown at sistemang logbook.
Seryosong panganib at nakaambang sakuna ang kinakaharap ng mamamayan ng TK ngunit wala sa hinagap ni Duterte at ng kanyang gubyerno na tugunan ito. Tigas-mukha pa itong nag-aabala sa mga pakana para magkapit-tuko sa kapangyarihan ngayong palipas na ang kanyang termino.
Ang ganitong kamanhid at kawalang kwentang pinuno ay labis nang kinasusuklaman at hindi na kayang tiisin ng taumbayan. Tiyak siyang pananagutin sa kriminal na pag-aabandona sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal at iba pang sakunang dumaan sa bansa. Marapat ipamalas ng mamamayan ng TK ang kanilang galit sa maaalab na pagkilos at pakikibakang bayan para ibagsak ang rehimen at biguin ang pakana ni Duterte manatili sa kapangyarihan lampas sa 2022.###