Ipagbunyi ang ika-50 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas! Ibagsak ang pasistang diktadurang US-Duterte!
Buong-giting na ipinagbubunyi ang Christians for National Liberation (CNL – NDFP) ang ika-50 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Nag-uumapaw ang tuwa at galak sa hanay ng mga rebolusyonaryong taong-simbahan dahil sa loob ng kalahating siglo ay maningning ang naging kasaysayan ng nagpapatuloy na Rebolusyong Pilipino na may bagong tipo dahil sa wasto at tumpak na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Ngayong araw ay binibigyan rin natin ng pinakamataas na pagpupugay at pagsaludo sa lahat ng mga martir ng rebolusyong Pilipino, kasama ang mga rebolusyonaryong taong-simbahan na kasapi ng CNL, na namatay habang lumalahok sa rebolusyonaryong pakikibaka, maging sa kanayunan man o sa kalunsuran. Sila ang halimbawa ng isang tunay na rebolusyonaryo na handang mag-alay ng buhay sa ngalanng pagpapalaya ng sambayanan laban sa tatlong salot ng ating lipunan: ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at kamtin ang tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Patuloy ang pagsahol ng krisis ng lipunang malakolonyal at mala-pyudal sa ilalim ng Rehimeng US-Duterte.
Kasuklam-suklam ang rehimeng ito ni Rodrigo Duterte. Tuta ng Imperyalismong US at Tsina, numero unong berdugo at pahirap sa masang Pilipino. Mula sa kanyang pag-astang makabayan, maka-mahirap, kontra-korupsyon at impreyalismo, tuluyan nang nahubaran si Duterte bilang kasalukuyang numero unong tuta ng imperyalismo at kakampi ng mga naghaharing-uri sa ating bayan.
Nagpapatuloy ang pagragasa ng kampanyang “Gyera Kontra Droga” ng rehimeng ito na siyang kumikitil sa buhay ng libu-libo nating mga kapatid na mahihirap, lalo na ang mga maralitang lungsod, habang ang mga malalaking drug lords at sindikato, tulad nila Peter Lim, ay nanantiling malaya. Ayon mismo sa tala ng Commission on Human Rights, mahigit 27,000 katao na ang napapatay, kapwa sa legitimate police operations at summary killings. At ayon mismo kay Duterte, magpapatuloy ang gyerang ito at magiging mas malupit. Inaasahan natin ang papalaki pang bilang ng magiging biktima ng extrajudicial killings bunsod nito.
Pinatunayan na ni Duterte ang kanyang pagiging sagad-sagaring tuta kapwa sa imperyalismong US at Tsina. Habang wala siyang intensyon na baliin ang paghahari ng imperyalismong US dito sa bansa, mas lalong tumingkad ang kanyang pangangayupapa sa Tsina upang makuha ang bilyun-bilyong dolyar na dayuhang pautang na may napakataas na interes. Lantaran nang ibinenta ang soberanya ng ating bansa! Mula sa joint exploration sa West Philippine Sea hanggang sa mga foreign direct investments sa Marawi Rehabilitation, dams, at iba pang mga proyekto. Binalewala ang naunang tagumpay sa Arbitral Tribunal na kumikilala sa ekslusibong karapatan ng sambayanang Pilipino na linangin ang yamang dagat, langis, at iba pang mga yaman dito. Walang ibang higit na magdurusa dito kundi ang masang Pilipino. Triple ang antas ng pangungutang ni Duterte, bagay na magdudulot ng pagbagsak ng pambansang ekonomiya na siyang papasanin ng masang Pilipino sa loob ng mahabang panahon.
Sa kabila ng pagkukunwaring lilikha ng maramihang trabaho para sa mga manggagawa, walang signipikanteng pagtaas ng bilang ng trabaho sa ating bansa. Sa katunayan, sa ilalim ng rehimen ni Duterte ay naganap ang pinakamalaking job contraction sa bansa mula noong 1997, kung saan mahigit 650,000 na trabaho ang naapektuhan.
Lubhang napakalupit ng TRAIN Law na siyang nakaapekto sa presyo ng mga batayang bilihin na kinokonsumo ng milyun-milyong masang Pilipino. Sa kabila ng nananatiling nakapako ang napakababang sahod ay sunod-sunod ang pagtataas ng mga bilihin na siyang dinaraing ng masa bilang dagdag pahirap. Ang Unconditional Cash Transfer na ipinagmamalaki ng gobyerno na siyang magbibigay subsidyo sa pinakamahihirap na mga Pilipino ay hindi tunay na solusyon dahil hindi pa rin nasasagot ang mga batayang suliranin ng kahirapan sa ating bansa: kawalan ng trabaho dahil sa kawalan ng mga industrya at repormang agraryo.
Hibang ang gobyernong ito sa kanyang pag-aastang madudurog nito ang rebolusyonaryong kilusan na nasa pamumuno ng Partido. Mula sa kabi-kabilang pang-aaresto sa mga lider ng mga pang-masang organisasyon at maging sa mga NDFP Peace Consultants na sila Rafael Baylosis, Adelberto Silva, Rey Casambre at Vic Ladlad; pagsasampa ng gawa-gawang kaso; “mass surreder” diumano ng mga pulang mandirigma ng BHB; pagpatay sa mga lider at myembro ng mga organisasyong masa (tulad ng pagpatay sa 9 na kasapi ng National Federation of Sugar Workers sa Sagay City), at pagpapapataw ng Batas Militar sa Mindanao, Bicol, Samar at Negros dahil diumano sa presensya ng BHB. Lumikha si Duterte ng isterya ng terorismo sa pambansang saklaw na pinupuruhan ang PKP, BHB, at buong rebolusyonaryong kilusan upang bigyang-katwiran ang kanyang pagdedeklara ng Martial Law. Samanatala, inilalatag niya ang lahat ng aspeto ng pasismo bago pa man ideklara ang Batas Militar, gaya ng EO 32, 70, 360, upang kundisyunin na ang mamamayan. Sa katunayan, ang mga hakbanging ito ni Duterte ay mas masahol pa nga ito sa batas militar ni Marcos dahil sa walang pili ang pag-target sa lahat ng oposisyon, maging ang Simbahan, pagpatay, at tahasang pagbalahura sa demokratikong karapatan ng mamamayan.
Kasuklam-suklam sa sambayanang Pilipino ang pagpotekta ni Duterte sa mga kaalyado nito, kahit na patung-patong ang mga kaso nito sa korte. Maaalala na hindi sinintensyahan ng korte sa kasong graft and corruption si dating Sen. Ramon Revilla, Jr, kahit na malakas ang ebidensya laban dito. Hindi sinusod ng PNP ang desisyon ng korte na hulihin si Gng. Imelda Marcos kahit na napatunayan itong may sala. Nagsalit-salitan lamang sa estado poder ang kanyang mga kaibigan, kaalyado at kamag-anak, habang walang kinasuhan sa mga “sinisante” niyang mga opisyal, at ang ilan pa sa kanila ay inilagay pa sa mas matataas na pwesto, habang sinisipa sa pwesto ang mga opisyal na itinalaga ng nakaraang administrasyong Aquino.
Ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino at ang pamumuno ng PKP
Ang muling-pagtatatag ang Partido noong 1968 ang nagsilbing hudyat upang higit na pataasin ang antas ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya, at tunay na kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan na siyang hangad ng bawat masang Pilipinong nabubuhay sa kumunoy na kahirapan at pagkabusabos sa ilalim ng kasalukuyang sistemang panlipunan.
Sa loob ng 50 taon, mahusay pinamunuan ng Partido ang patuloy na sumusulong na armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan dahil tumpak ang programa ng Partido na isulong ang rebolusyong agraryo at komprehensibong serbisyong panlipunan sa kanayunan, kung saan ay nakikinabang ang libu-libong mga magsasaka sa minimum at maksimum na programa nito dahil natutugunan ang pundamental na suliranin ng mga magsasaka, ang kawalan ng lupa at pagsasamantalang pyudal ng mga panginoong-maylupa. Umangat ang antas ng pamumuhay ng napakaraming mga magsasaka sa kanayunan dulot ng pagbaba ng antas ng usura, patuloy na pagpawi sa pyudal na pagsasamantala, at mga serbisyong panlipunan, tulad ng kalusugan at edukasyon. Dahil dito ay naitatatag ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika na siyang mga binhi ng Pulang kapangyarihan hanggang maitatag sa ganap na tagumpay ang tunay na gobyerno ng mamamayan sa pambansang saklaw. Pinamunuan rin ng Partido ang rebolusyonaryong kilusang masa ng mga manggagawa, kabataan-estudyante, pambansang minorya, kababaihan, at iba pang mga sektor na inaapi at pinagsasamantalahan sa ilalim umiiral na mala-kolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan upang ipaglaban ang kanilang mga batayang karapatan, tulad ng nakabubuhay na sahod at regular na trabaho, karapatan sa edukasyon, pagwawakas ng patriyarkal at pyudal na dominasyon sa kababaihan, karapatan sa lupaing ninuno at sariling-pagpapasya, at iba pang mga batayang karapatang ng mamamayan na ipinagkakait ng naghaharing-uri na kinakatawan ni Duterte. Mula noong Batas Militar ni Marcos hanggang sa kasalukuyang pasismo ng rehimeng Duterte ay pinamunuan ng Partido ang anti-pasistang pakikibaka ng sambayanan sa lahat ng porma laban sa mga paglabag sa karapatang-pantao ng mga nagdaan hanggang ng kasalukuyang rehimen sa sambayanang Pilipinong nakikibaka. Sa ilalim ng absoluto at wastong pag-gabay ng Partido, patuloy na lumalaki ang bilang ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, at mga rebolusyonaryong aktibista na nakapaloob sa mga pang-masang organisasyon na nakaanib sa Pambansa-Demokratikong Prente ng Pilipinas, kung saan kabilang ang CNL.
Ang 50 taon ng marubdob at taos-pusong paglilingkod sa interes ng rebolusyon at sambayanan ng PKP ay kapwa inspirasyon at hamon sa mga kasapi ng CNL. Nakikita ng mga kasapi ng CNL na ang ika-50 taong anibersaryo ng PKP at isang mahalagang okasyon upang ibayong pagtibayin ang pagmamahal sa Diyos at kapwa sa pamamagitan ng paglahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Kasabay ng pakikiisa ng CNL sa pagdiriwang ng anibersaryo ay muli nating kinikilala ang makauring pamumuno ng PKP bilang taliba at abanteng destakamento ng uring proletaryado sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino.
Ngayon pa lamang ay idinedeklara na nating bigo at patuloy na mabibigo ang lahat ng hakbangin ng rehimeng US-Duterte na wasakin ang Partido, Hukbong Bayan at rebolusyonaryong kilusan dahil nananatili ang kawastuhan ng ating pakikibaka para sa tunay na kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Ang ating hangad na isang malaya, mapayapa at masaganang bukas ay ang aspirasyon ng bawat Pilipinong inaapi at pinagsasamantalahan sa ilalim ng kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Patuloy tayong itutulak ng ating pagmamahal at paglilingkod sa kapwa na ipagpatuloy at magpunyagi sa pakikibaka dahil alam nating ito ang pinakamataas na ekspresyon ng ating pagsunod sa utos na “mahalin ang kapwa”.
Upang mag-ambag sa pag-gapi at pagbigo sa pasistang tiraniya ng rehimeng US-Duterte, tinatawagan natin ang lahat ng mga rebolusyonaryong taong-simbahan na itaas ang antas ng pag-aambag sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Patuloy na palakasin at palalimin ang mga balangay ng CNL at lambat ng lihim na pagkilos bilang suporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa lahat ng konsentrasyon ng mga taong-simbahan: mga parokya, seminaryo, formation houses at mga mission areas. Patuloy na idirihe ang mga rekurso at serbisyong lohistikal sa mga baseng masa upang makatulong sa patuloy na pagpapalakas ng pag-oorganisa sa mga baseng masa at mga komunidad na sisimulang organisahin. Palakasin ang gawaing alyansa sa mga lider ng Simbahan, tulad ng mga obispo, upang sumuporta sila sa mga laban ng batayang masa. Tumulong sa pagtatayo at pagpapalakas ng nagkakaisang-prente ng mamamayan laban sa pasistang atake ni Duterte sa mamamayang Pilipino hanggang sa tuluyang mapatalsik ito. Higit sa lahat, nananawagan tayo sa mga taong-simbahan na tumungo sa kanayunan upang maging mga Pulang Mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.
Kasama ang buong rebolusyonaryong kilusan at sambayanang Pilipino, patuloy na mamartsa ang CNL kasama ang Partido at Hukbong Bayan tungo sa tagumpay ng Pambansa-Demokratikong Rebolusyon hanggang sa ganap na maitatag ang sosyalistang lipunan sa ating bayan!
Mabuhay ang ika-50 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Mabuhay ang Christians for National Liberation!
Taong simbahan, paglingkuran ang sambayanan! Sumapi sa NPA!