Ipagbunyi ang ika-51 anibersaryo ng New People’s Army! Pulang saludo para sa tunay na hukbo ng mamamayang Pilipino! — Kabataang Makabayan

Mensahe ng pakikiisa ng Kabataang Makabayan sa ika-51 taong anibersaryo ng New People’s Army.

Sa ating paggunita sa ika-51 taong anibersaryo ng New People’s Army, nararapat lamang na bigyang pugay natin ang lahat ng rebolusyonaryong martir na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay para sa kapakanan ng masang api at pinagsasamantalahan. Dapat din nating pagpugayan ang mga pulang kumander at mandirigma na hanggang sa kasalukuyan ay matapang na hinaharap ang hirap at sakripisyo para lamang ipagtagumpay ang digmang bayan sa ating bansa.

Sa loob ng 51 taong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at sa gabay ng Marxismo, Leninismo at Maoismo, umani ng New People’s Army ng hindi matatawarang mga aral mula sa sariling karanasan nito. Ang mga gintong aral na ito ang magsisilbing tuntungan para higit pa nitong maitaas ang kakakayahan at kapasyahan para magkamit ng higit pang tagumpay sa mga susunod na taon hanggang sa tuluyan ng makamit ang tunay na kapayapaang nakabatay sa kasaganahan at katarungan.

Simula pa lamang ng maitatag hukbong ito, pinatunayan na nito ang superyoridad nito kung ikukumpara sa reaksyunaryong hukbo ng gobyerno ng Pilipinas: ang AFP at PNP. Hindi tulad ng dalawang huli, ang NPA ay nagsilbi hindi para sa interes ng mga dayuhan, pulitiko, panginoong maylupa at mga burgesya kumprador. Bagkus, buong panahon itong nag-organisa, kumilos at lumaban para sa interes at kagalingan ng pinakamarami nating kabababayang matagal nang inaapi at pinagsasamantalahan. Dahil sa ganitong katangian, hindi nakakapagtaka na ito ay maging benepisyaryo ng walang hanggang pagtitiwala, pagmamahal at suporta ng sambayanang Pilipino. Ipinakita rin nito ang walang kapares na pagpapatupad ng mulat na disiplina sa harap ng hirap at pasakit alang-alang sa buong pusong paglilingkod sa masang anakpawis. Ito ang ilan lamang sa mga katangian ng isang hukbong hindi kailan man matatalo ng mga bayarang sundalo ng reaksyunaryong pamahalaan.

Hindi na mabibilang ang mga pagkakataon kung saan ipinamalas nito ang kabayanihan para lamang protektahan hindi lang ang buhay ng mga mamamayang Pilipino, kundi kahit ang pagdepensa sa mga lupaing ninuno ng ating mga kababayang katutubo at paglaban sa mga dambuhalang negosyo na malupit na pumipinsala sa kalikasan at kabuhayan ng mga maralitang Pilipino. Inihahatid nito ang mga batayang serbisyong medikal habang tinuturuan ang mamamayan sa kanayunan na pangalagaan ang kanilang sarili sa mga sakit sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga komite sa kalusugan ng mga mamamayan. Inoorganisa nito ang mga mamamayan sa ibat-ibang rebolusyonaryong organisasyon para buuhin ang pagkakaisa at mapamunuan nito ang kanilang mga sarili. Lumalahok ito sa produksyon upang makatulong at higit na maunawaan ang kalagayan ng mga inaaping magsasaka sa kanayunan. Gumagampan din ito ng tungkulin bilang mga mangagawang pangkultura upang ipalaganap ang rebolusyonaryong likhang sining habang mahigpit na nilalabanan naman ang mga bulok na kulturang pinapalaganap ng naghihingalong sistema. Ang lahat ng nabanggit ay buong siglang isinasagawa habang tinitiyak naman na naipamamalas nito ang pinakamarahas na rebolusyonaryong dahas sa reaksyunaryong hukbo ng estado at kaaway ng mga inaaping mamamayan.

Sa tumitinding krisis sa ating bayan, higit na nalalantad ang kainutilan ng rehimeng Duterte sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan. Ipinapatupad nito ang mga neoliberal na patakaran para lamang sa interes ng mga dayuhan at iilang naghaharing uri, habang higit na kahirapan naman ang idinudulot nito sa mayorya ng populasyon sa bansa. Ang ganitong dahop na kalagayan ang nagtuturo sa mamamayan upang ipagtanggol at ipanawagan ang kanilang mga hinaing at mga batayang karapatan. Ngunit imbis na solusyunan ang mga ito, pinakakawalan ng rehimeng Duterte ang reaskyunaryong hukbo nito upang maghasik ng takot at marahas na supilin ang anumang anyo ng paglaban ng mamamayang Pilipino kahit na nangangahulugan pa ito ng walang pakundangang pasampa ng gawa-gawang kaso, pagdukot at pamamaslang. Ganito din ang pormulang ginamit nito sa panahon ngayon kung saan kumakaharap ang ating bayan sa isang krisis dahil sa kapabayaan nito sa pagharap sa epidemyang idinudulot ng COVID-19 virus. Imbis na medikal na serbisyo, pagtitiyak ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mamamayan, ang naging tugon ng rehimeng Duterte ay ang ibayong militarisasyon at “Emergency Powers” para ipatupad ang isang hindi deklaradong batas militar sa buong bansa.

Kaya naman hindi nakakapagtaka kung bakit libo-libong mamamayan na ang tumatahak sa armadong pakikibaka. Hindi rin nakakagulat ang inaani nitong suporta mula sa milyon-milyong Pilipino na matagal nang naghahanap ng isang radikal na pagbabago sa nabubulok na sistemang panlipunan. Malinaw na para sa kanila na kailanman, kahit palitan pa ang namumuno sa loob ng palasyo ng Malacanang ay hindi ang ganitong klase ng estado at lipunan ang magbibigay sa kanila ng kaunlaran, hustisya at kapayapaan.

Kaya naman, nakikiisa ang Kabataang Makabayan sa paggunita ng anibersaryo ng New People’s Army. Bagaman kapos pa sa karanasan, ang mga kabataan ay laging handang matuto sa mga rebolusyonaryong praktika at isanib ang kanilang kaalaman sa mga kasamang may higit na karanasan sa pakikibaka. Laging handa ang mga kabataan na nasa rurok ng kasiglahan ng pangangatawan at pag-iisip para buong panahong ialay ang kanilang lakas, talino at panahon para paglingkuran ang sambayanang Pilipino at ang rebolusyon nito.

Laging handa ang Kabataang Makabayan na sumuporta sa armadong pakikibaka at makiisa sa pagtatayo ng mga binhi ng pulang gobyerno ng mamamayan sa kanayunan. Hinihikayat din ng pambansang pamunuan ng Kabataang Makabayan ang lahat ng kabataang nasa hustong gulang at maayos na pangangatawan upang lumahok sa armadong paglaban at maging kasapi ng New People’s Army.

Bilang mga pag-asa ng bayan, nararapat lamang ipagtanggol natin ang mas maaliwalas na kinabukasan para sa ating henerasyon at sa mga susunod pang salinlahi. Tupdin natin ang makasaysayang papel ng mga kabataan sa pagbabagong panlipunan at isanib ang ating lakas at kakakayahan sa laban ng uring manggagawa at magsasaka. Kamtin natin ang ibayo pang tagumpay sa armadong pakikibaka sa ilalim ng pulang bandila ng rebolusyong Pilipino.

Kaisa ng sambayanang Pilipino at manggagawa ng buong daigdig, sama-sama nating abutin ang sosyalistang lipunan hanggang sa pagpawi ng mga uri!

Mabuhay ang Communist Party of the Philippines!
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!

Ipagbunyi ang ika-51 taong anibersaryo ng New Peoples Army!
Ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan! Kabataan, paglingkuran ang sambayanan, sumapi sa NPA!

Ma. Laya Guerrero
National Spokesperson, Kabataang Makabayan

Ipagbunyi ang ika-51 anibersaryo ng New People’s Army! Pulang saludo para sa tunay na hukbo ng mamamayang Pilipino! -- Kabataang Makabayan