Ipagbunyi ang ika-51 na taon ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas! Durugin ang pasismo ng rehimeng US-Duterte!

Sa ika-51 taong pagdiriwang ng dakilang pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) itinaon ng mga berdugong pasista ng estado ang pagsasagawa ng isang desperado at pekeng rali upang kondenahin ang PKP. Sa manipis na bilang ng mga napilit at nabayarang nagsidalo, pinapakita lamang nito ang kawalan ng interes ng malawak na mamamayan sa anti-komunistang propaganda ng PNP/AFP.

Alinsunod sa Executive Order No. 72, tahasang ginagamit ng mga pasistang tuta ng estado ang rekurso ng mga ahensya ng pamahalaan ang buwis na binabayad ng mga mamamayan upang isulong ang kanilang lihis at mapanlinlang na propaganda upang siraan ang PKP at mga sumusuporta rito.

Nakakabahala na sa panahon na nagpapahayag si Rodrigo Duterte ng pagbubukas ng pag-uusap sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front/Communist Party of the Philippines, at paghihimok ng una na umuwi si Jose Maria Sison sa Pilipinas, ay nagkaroon ng desperadong kilos protesta ang kapulisan at mga magulang na inorganisa nila upang siraan ang mga lehitimo at legal na organisasyon ng mga kabataan at mga guro.

Ang mga lehitimong engkwentro ng New People’s Army at pwersa ng pamahalaan sa Iloilo at Camarines Sur noong ika-24 ng Disyembre ay ginamit sa mapanlinlang na propaganda ng PNP upang isagawa ang kanilang kilos protesta. Ngunit sila ay bigo. Bigo sila dahil alam ng sambayanang Pilipino at buong mundo kung sino ang tunay na mga berdugo at hari ng karahasan sa Pilipinas. Sa libu-libong mga pinaslang ng rehimeng US-Duterte sa Oplan Tokhang, sa pagkulong nito sa kanyang mga kalaban sa pulitika at pagpaslang sa mga aktibistang nananawagan lamang ng lehitimong pagbabago sa lipunan ay lantad na lantad na ang kaniyang pasistang pamumuno. Kaya naman umiiwas na sa kanila ang mga among Senador na Amerikano na nagpasa ng resolusyon upang huwag silang pahintulutan na makapsok sa Estados Unidos.

Sinamantala rin ng mga berdugong pasista ang kawalan ng pasok para magsagawa ng caravan laban sa PKP sa loob mismo ng Unibersidad ng Pilipinas. Mariin naming kinokondena ang ganitong katrayduran at kalapastanganan sa espasyo ng Unibersidad na magiting at matapang na lumaban at patuloy na lumalaban sa lahat ng uri ng pamamasismo sa kasaysayan ng ating bansa. Walang puwang ang mga berdugong pasista bitbit ang kanilang mga huwad na ideyolohiya at propaganda sa loob ng Unibersidad na nag-alay ng maraming buhay para pabagsakin ang pasismo at diktadurya.

Nananawagan kami sa lahat ng kapwa namin makabayang guro at militanteng estudyante na manindigan at biguin ang ano mang pagtatangka ng PNP/AFP na pumasok sa Unibersidad ng Pilipinas at sa iba pang unibersidad sa bansa. Gamitin ang mga demokratikong espasyo para ilantad ang tunay na kalagayan ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan at hikayatin ang malawak na hanay ng mga guro at kabataan na tumungo sa kanayunan. Hindi pasismo ang susugpo at magwawakas sa malawak at matagal at lumalalang kahirapan ng ating mamamayan. Malulutas lamang ito sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyon na ginagabayan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa patnubay ng Marxismo-Leninismo at Kaisipang Mao Zedong.

 

Mabuhay ang ika-51 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-MLM)!

Biguin ang Pasismo ng Rehimeng US-Duterte! Ibagsak ang Rehimeng US-Duterte!

Sumapi sa Kalipunan ng mga Gurong Makabayan!

Sagot sa Kahirapan! Digmang Bayan!

 

 

Ipagbunyi ang ika-51 na taon ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas! Durugin ang pasismo ng rehimeng US-Duterte!