Ipagbunyi ang ika-52 taong anibersaryo ng PKP: mas determinado at mas pursigidong iabante ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!

,

Maalab na rebolusyonaryong pagbati ang nais ipaabot ng New People’s Army-Kalinga sa buong rebolusyonaryong kilusan sa okasyon ng ika-52 taong pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas! Pinakamataas ding pagpupugay ang ibinibigay natin sa lahat ng magigiting na martir at bayani ng rebolusyong Pilipino na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang lakas, tapang, husay at buhay upang iabante ang digmang bayan. Gayun din, pinagpupugayan natin ang lahat ng mga kadre at kasapi ng PKP, lalo na sa mga matatagal na sa kilusan, na walang-kapagurang nagmumulat, nag-oorganisa at nagpapakilos saan mang dako ng bansa. Tunay na maningning ang kinabukasan ng rebolusyon dahil sa inyong buong-pusong paglilingkod sa sambayanan.

Ika nga ni kasamang Mao, “ang rebolusyon ay hindi isang piging”. Mahaba at masalimuot ang daan na ating tinatakahak tungo sa minimithi nating tagumpay. Marami na tayong kinaharap na hirap at sakripisyo, marami na ang nagbuwis ng buhay sa ating hanay para isulong ang ating dakilang mithiin. Ngunit ganoon pa man sa bawat hirap, sakripisyo at kamatayan patuloy tayong lumalakas at patuloy na sumisidhi ang ating kagustuhang wasakin ang bulok na estado. Hindi maglalaon, dahil sa masikhay at pursigido nating paggampan sa ating mga gawain, ang mga kahirapan at sakripisyo natin ay magbubunga at tayo ay magtatagumpay.

Ngayong taon, kinaharap natin ang delubyong hatid ng rehimeng US-Duterte na bunga ng pinaigting na kampanyang kontra-insurhensiya nito dagdag pa ang mga limitasyong idinulot ng pandemyang COVID-19. Sa Kalinga, pinalala ng lockdown ang krisis sa kabuhayan ng mga mamamayan. Magkakasunod ang kalamidad, pagbagsak ng presyo ng mga produktong agrikultural habang tumaas ang presyo ng mga batayang pangangailangan, at kawalan ng sapat at maayos na tugon ng gobyerno para rito. Pinatay ng lockdown ang kabuhayan ng mga mamamayan sa lahat ng sektor sa probinsya mula sa agrikultra, maliitang pagmimina, maliliit na negosyo at service sector.

Biktima ang probinsya ng tagtuyot liban pa sa dati ng nagkukulang na patubig at irigasyon sa mga palayan at lugar ng produksyon. Di pa man nakakabagon ang mga mamamayan ay hinagupit ng magkakasunod na bagyo ang probinsya na lalong nagpabagsak sa produksyon ng pagkaing pangkonsumo at gayun din sa pangkomersyo. Kung mayroon mang naani ay wala ring ganansya ang mga magsasaka dahil sa sobrang baba ng presyo sa kanilang mga produkto. Dahil sa Rice Tariffication Law (RTL) bumagsak ang presyo ng palay sa P7/kilo. May isang panahon ding nagsara ang mga maliliit na minahan dahil sa lockdown. Malaki ang naging epekto nito lalo na sa mga pamilyang nakaasa ang kabuhayan dito.

Sa pagdagsa ng mga Local Stranded Individuals na i-Kalinga dahil sa programang Balik-Probinsya, nadagdagan pa ang bilang ng mga walang trabaho at hanapbuhay. Ang mga propesyunal na nagtatrabaho dati sa labas ng probinsya ay walang mahanap na angkop na trabaho ng sila ay makabalik dito. Pinalala pa ito dahil halos sarado ang mga maliit na negosyo at limitado ang operasyon ng mga pamilihan at maging transportasyon.

Sa kabila nito, tuloy-tuloy rin ang implementasyon ng mga dambuhalang proyekto at negosyong sisira at aagaw sa ansestral na lupain ng mga pambansang minorya at kabuhayan ng mga mamamayang iKalinga. Pangunahin dito ang ang Chico River Pump Irrigation Project (CRPIP) na proyekto ng China AMC Inc. sa ilalim ng Build, Build, Build ng rehimeng US-Duterte at ang Kalinga Geothermal Project ng kumpanyang Chevron-Aragorn. Nariyan din ang Upper Tabuk Hydro Power Project (UTHP) at iba pang proyektong pang-enerhiya. Nagbabanta rin ang pagbuhay ng mga aplikasyon ng malalaking kumpanya ng minas gaya ng CEXI.

Mapakatindi ang kawalan ng sapat at maayos na tugon ng gobyerno rito na pinalala pa ng mahigpit na implementasyon ng Oplan Kapanatagan sa probinsya sa pamamagitan ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict (TF-ELCAC). Sa pamamagitan ng TF-ELCAC, nag-aaksaya ang gobyerno ni Duterte ng pondo at rekurso para dahasin at takutin ang mga mamamayan. Buhos ang mga proyekto nitong batbat ng korapsyon pero wala namang silbi sa pagpapaunlad ng kalagayan ng mga mamamayan. Masahol pa rito, kahit sa gitna ng pandemya, mas pinaigting pa ang militarisasyon sa probinsya.

Hindi tumigil ang operasyong militar sa probinsya kahit pa lockdown at maging noong nagdeklara pa ng sarili nilang ceasefire ang gobyerno upang bigyang-atensyon ang pagharap sa pandemya. Lalo pang tumitindi ang mga paglabag sa karapatan-tao dahil sa pinaigting na saywar at paniniktik sa sibilyang populasyon ng mga RCSPT na nagkakampo sa mga komunidad kahit panahon ng lockdown. Marami ang sapilitang pinapasuko at pinasuko bilang mga membro ng NPA kahit pa na maliwanag pa sa buwan na ang mga ito ay sibilyan. Makailang ulit ding naganap ang mga iligal na panghahalughog sa mga kabahayan ng masa sabay tanim ng mga ebidensya. Pinaka-tampok dito ang magkakasabay na iligal na panghahalughog sa munisipyo ng Lubugan na nagdulo sa pagkahuli ng isang lider-kababaihan sa Ag-agama, Western Uma. GinIpit ng Department of Interior and Local Government (DILG) at AFP ang mga LGU upang pwersahan nilang ideklara na Persona Non Grata ang CPP-NPA-NDF kahit pa di ito sinang-ayunan ng kani-kanilang mga nasasakupan. Tuloy-tuloy rin ang dinaranas na red-tagging ng mga lehitimong organisasyong masa at indibidwal na mamamayang nagsusulong lamang ng kanilang mga karapatan. Sapilitan din ang mga peace rally na isang paglabag sa health protocol sa panahon ng COVID. Ang AFP-PNP ang pangunahing lumalabag sa health protocols at sila rin ang pangunahing nagpapakalat ng COVID-19 sa probinsya dahil sa walang tigil na mga operasyong militar nito.

Isang malaking usapin din sa probinsya ang pagpapatupad ng blended learning ng Department of Education (DepEd) nitong panahon ng pandemya. Napakaraming anomalya at halatang di napaghandaan ng DepEd ang implementasyon nito. Mula sa mga magagamit na modules, na kung di man mali ang pagkakasulat ay hindi rin maunawaan ng mga mag-aaral lalo na ng mga nasanay sa lokal na lenggwahe, hanggang sa paggamit ng internet, printing at iba pang kagamitan para rito. Ang mga modules ay nagagamit para magpakalat ng mga maling impormasyon, kaisipan at maging pagrerebisa sa kasaysayan. Sa isang probinsyang mabundok at mahina ang signal ng cellphone, malaking perwisyo para sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang ang paggamit ng internet para magresearch ng isasagot sa module. Isama pa ang dagdag gastos para sa load, gadget at bayad sa kuryente. Pasakit ito sa mga mag-aaral, kanilang mga magulang at maging sa mga guro. Dahil dito marami sa mga mag-aaral ang napwersang huminto sa pag-aaral. Sa blended learning, hindi sila natututong maging kritikal at mulat sa kalagayan ng bansa. Lalong kumitid at nawalan ng kalidad ang edukasyon ng kabataan Pilipino.

Sa kasalukuyan, patuloy na tumataas ang bilang ng mga nagpostibo sa COVID-19 sa probinsya na dulot ng pagpapabaya ng gobyerno sa serbisyong pangkalusugan. Hanggang sa ngayon, kailangan pang dalhin sa Baguio ang mga nakuhang swab test dahil walang sapat na pasilidad para rito ang probinsya. Walang maayos na quarantine facilities, kagamitan at sapat na pagkain lalo na sa mga barangay kung saan di istriktong nasusunod ang quarantine protocol para sa mga umuwing LSI. Madalas napipilitang palabasin agad sa quarantine facilities dahil wala ng maipakain sa mga ito dahil walang sapat na pondo. Ang SAP na ayuda para sa COVID na di na nga sapat ay batbat pa ng korapsyon ang implementasyon.

Gayun pa man, hindi inaging sagka ang mga ito sa pag-abante ng ating mga gawain lalo na sa hanay ng masa. Sa mahusay na pamumuno ng Partido nasuri natin ang kalagayan at nakagawa tayo ng mga angkop na hakbang lalo na sa panahon ng COVID. Nakapagpalawak at nagamit natin ang ating mga rekurso at makinarya para makatugon sa pandemya habang hindi nabibitiwan ang ating nga pangunahing tungkulin at gawain. Patuloy na nadaragdagan ang ating kasapian, nakapaglunsad tayo ng mga pampartidong pag-aaral, naipalaganap natin ang linya, patakaran at programa ng Partido at napangibabawan natin ang hagupit ng rehimeng US-Duterte at COVID-19.

Inaasahan nating patuloy na iigting ang pasismo ng rehimeng US-Duterte sa nalalabi nitong dalawang taon sa poder. Siguradong gagamitin ng rehimen ang lahat ng rekurso nito upang makamit ang hangarin nitong wasakin ang CPP-NPA-NDF. Kaya naman inaasahan ding mas determinado at pursigido nating haharapin ang dahas ng rehimen. Mas masikhay nating ilunsad ang ating gawaing propaganda at edukasyon na siyang mag-aarmas sa masa at sa ating kasapian sa tamang pag-analisa at pagharap sa mga atake ng rehimen. Marapat natin masusing matyagan at pag-aralan ang bawat hakbangin ng kaaway upang makagawa tayo ng mga angkop na hakbang at mapanatili ang ating panlabang postura. Maglunsad tayo ng mga taktikal na opensiba na sumasabay sa pakikibaka ng mga mamamayan. Pataasin natin ang antas ng ating gawaing produksyon bilang sagot sa mga kahirapan at kakulangan sa rekurso dulot ng COVID-19, gayun din bilang paghahanda sa malulupit na atake ng kaaway. Itaguyod ang digmang bayan sa pamamagitan ng pagpapasampa at materyal na suporta. Patuloy nating palakasin ang ating hukbo, ang NPA, sa pamamagitan ng maramihan at malawakang pagpapasampa mula sa hanay ng mamamayan lalo na ang mga kabataan. Ubos-kaya nating iabante ang ating IPO na trabaho sa lahat ng panig. Mas determinado at pursigido nating salubungin ang panibagong taon ng pakikibaka natin upang mas mahusay pang maipatupad ang ating mga programa at mas mahusay pang makapagsilbi sa sambayanan.

Mabuhay ang ika-52 taong anibersaryo ng PKP!

Mas determinado at mas pursigidong iabante ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!

Ipagbunyi ang ika-52 taong anibersaryo ng PKP: mas determinado at mas pursigidong iabante ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!