Ipagbunyi ang Lumalawak na Makabayang Diwa
June 19, 2019
Dapat na ipagbunyi ng sambayanang Pilipino ang panibagong bugso na diwang makabayan dulot ng pandarahas ng mga Tsino sa mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank ng West Philippine Sea. Marapat at matuwid ang pagturing sa dayuhang panghihimasok at pandarambong bilang pangunahing banta sa ating bansa.
Patuloy na isinusuko ng rehimeng US-Duterte ang soberanya at patrimonya ng bansa. Wala itong kakayahang ipagtanggol ang bansa laban sa mga dayuhan. Walang maipagmamalaking armadong pwersa ang bansa kung kaya’t usapin lamang ng basura ang kaya nito ipaggitgitan. Sa halip na palakasin ang kapasidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa dayuhang panghihimasok, nakatuon ang buong lakas nito sa paniniktik, pandarahas at panunupil ng mamamayan. Walang ibang kakayaning bigwasan ang AFP-PNP-CAFGU kundi ang walang kalaban-labang sibilyang populasyon ng bansa. Kung anong bangis nito sa masang Pilipino ay siya namang paninikluhod nito sa harap ng mas malakas na kapangyarihang militar at ekonomya ng Tsina. Sa kabilang banda, nagkakandarapa ito sa paglalatag ng pasistang diktadura sa bansa upang masiguro ang ayudang militar ng imperyalistang US.
Nagkakaisa ang US at Tsina sa pandarambong sa Pilipinas. Kapalaluan ang sinasabi ni Duterteng magiging mitsa ng digmaang nukleyar ang paglaban ng bansa sa Tsina. Kung lulusawin ng mga imperyalista ang mundo, walang hilaw na materyales na maaring pagtubuan para sa kanilang labis na produksyon,walang mangyayaring trade war o gera sa kalakalan kung wala silang pagbabagsakan ng kanilang produkto at kung magkagayon walang pakinabang ang pagpapalawak ng teritoryo. Higit sa lahat, wala sa bokabularyo ng mga imperyalista ang tunay na pagtatanggol sa inaapi. Kolateral lamang ang Pilipinas sa kanilang tunggalian sa kapangyarihan at pusisyon. Ang sandatang nukleyar ng mga imperyalista ay pangontra lamang laban sa atakeng nukleyar sa isa’t isa at ang tanging nakikinabang dito ay ang imperyalistang industriya at pinansya sa gera.
Di ba’t walang ginawang pagtutol ang US sa pang-aagaw ng isla at pagtatayo ng baseng militar ng Tsina sa West Philippine Sea? Anong armas nukleyar ang iuumang ng gubyernong Duterte sa Tsina?
Pataksil na itinutulak ng rehimeng US-Duterte ang Charter Change para alisin ang mga restriksyon ng Saligang Batas sa buu-buong dayuhang panghihimasok sa ekonomya at larangang militar. Aanhin ng US ang kapiranggot na isla sa WPS kung kaya nitong kontrolin ang buong Pilipinas?
Napatanuyan sa kasaysayan ang kakayahan ng sambayanang Pilipino bumangon at ipagtanggol ang Inang Bayan. Napatunayan din sa kasaysayan ang pagtataksil ng mga naghaharing uri sa bayan upang isulong kanilang interes. Higit na kinatatakutan ni Duterte ang bilyong kurakot na mawawala mula sa mga proyektong pinopondohan ng Tsina.
Ang rebolusyong Pilipinong ipinagpapatuloy ng CPP-NPA-NDFP laban sa imperyalistang dayuhan at mga kasapakat nitong naghaharing uri ay higit na lalakas at lalawak sa paglahok ng mga makabayang Pilipino sa digma ng pagpapalaya. Tinitipon nito ang lakas ng nagkakaisang hanay ng mamamayan upang ituon sa tunay na kalaban ng mamamayang Pilipino ang lakas ng pagbalikwas—ang mga imperyalistang dayuhan at kanilang mga tuta.
Walang aasahan ang masang Pilipino sa rehimeng US-Duterte na ipagtanggol ang Inang Bayan at kanyang mamamayan. Patuloy itong maninikluhod sa mga imperyalista’t isasantabi ang interes ng sambayanang Pilipino hangga’t nabubuhong ito sa kapangyarihan at pagpapakapal ng kanyang bulsa mula sa korapsyon at iligal na droga.
Tanganan ang mga tagumpay ng ating mga ninunong bayani!
Ipagpatuloy ang digma ng pagpapalaya!
Ipagtanggol ang soberanya at patrimonya ng bansa!
Ipagbunyi ang Lumalawak na Makabayang Diwa