Ipagbunyi ang magiting na mga pakikibaka ng mamamayan, maglunsad ng mas malalaking paglaban upang wakasan ang paghahari ng terorimong estado ni Duterte
Basahin sa: English
[Nilalaman ng pahayag na ito ang mga sipi mula sa mas mahabang mensahe ng Komite Sentral sa ika-52 anibersaryo ng PKP na ilalabas sa darating na mga araw.]
Naglulunsad ng magiting na pakikibaka ang sambayanang Pilipino laban sa mabangis at kahindik-hindik na pasistang terorismo ng rehimeng US-Duterte. Nagsasagawa ng malulubhang kalupitan ang mga pwersang militar at pulis ng rehimen upang supilin at busalan ang mamamayan.
Sinasaluduhan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang lahat ng mga kadre at myembro nito, lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), lahat ng rebolusyonaryong pwersa at ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa lahat ng sakripisyong ginawa nila sa buhay-at-kamatayang pakikibaka para wakasan ang pasismo at tiraniya at kamtin ang kalayaan at demokrasya.
Responsable ang tiranong si Duterte sa di-mabilang na krimen sa digma at krimen laban sa sangkatauhan. Ang mga pagmasaker at ekstrahudisyal na pamamaslang ng militar at pulis, at kanilang mga arbitraryong pag-aresto at pagdukot, pagtortyur at pagdetine ay tahasang isinasagawa at nagiging mas madalas. Ang pinakamalulupit na mga krimen ay isinasagawa sa kalaliman ng gabi, laluna sa kanayunan, target ang masang magsasaka at mamamayang minorya.
Upang konsolidahin ang kanyang rehimen ng katiwalian at pandarambong, minilitarisa at ginawang pasista ni Duterte ang buong gubyerno at bansa. Ipinailalim niya ang buong bayan sa hindi deklaradong batas militar sa pamamagitan ng pagsasabatas sa Anti-Terrorism Act. Sa katunayan, ito ay batas sa terorismo ng estado na hayagang nagbibigay ng walang-hanggang kapangyarihan na gamitin ang buong makinarya ng estado upang supilin ang demokratikong mga karapatan ng mamamayan sa layuning busalan ang lahat ng paglaban.
Ginagamit ni Duterte ang lahat ng kapangyarihan ng kontrarebolusyonaryong estado upang panatilihin ang kanyang tiranikong rehimen. Layunin niyang magkamal pa ng yaman at kapangyarihan, tiyakin ang kinabukasan ng pampulitikang dinastiya ng mga Duterte at umiwas na masakdal sa kanyang mga krimen.
Mayroon na lamang natitirang mahigit 500 araw sa kanyang upisyal na termino, kaya nakatakadang pabilisin ni Duterte ang pagpapatupad sa isa o lahat ng kanyang imbing pakana upang palawigin ang kanyang tiraniya: magdeklara ng “rebolusyonaryong gubyerno” at magtatag ng pasistang diktadura, iratsada ang pagbabago sa konstitusyon sa tabing ng “pederalismo,” o tiyakin ang dinastikong paghalili gamit ang manipuladong eleksyon ng katulad niyang pasista, korap at uhaw-sa-kapangyarihang anak na babae.
Kinakatawan ng rehimeng Duterte ang kabuktutan ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Responsable ito ang sa pagpapalala ng panlipunang krisis at paghihirap ng mamamayang Pilipino dahil sa neoliberal, militarisado at higanteng palpaka na tugon nito sa pandemyang Covid-19, sa korapsyon, labis na pagsandig sa dayuhang pangungutang, pagtangging unahin ang pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan, at ganap na pagsantabi sa kanilang ekonomikong kagalingan.
Nakatakdang lumala ang sosyoekonomikong kalagayan ng mamamayang Pilipino dahil sa plano ng rehimeng Duterte na magpataw ng bagong mga buwis sa mamamayan upang tustusan ang pagbabayad-utang nito. Patuloy na lulubha ang disempleyo habangpatuloy na sumasandig sa kapital na pamumuhunan ng mga dayuhang monopolyo kapitalista ang mga upisyal sa ekonomya ni Duterte kahit pa sa gitna ng pagbagal ng pandaigdigang ekonomya. Sa kanayunan, natutulak sa pagkalugi ang mga magsasaka dahil sa mataas na upa sa lupa at mataas na gastusin sa produksyon, pangangamkam ng lupa at panghihimasok ng malalaking negosyo.
Iniuuna ni Duterte ang kontra-insurhensya at mga kikbak mula sa mga proyektong imprastruktura ng kanyang mga kroni at oligarko. Nananatiling inutil ang pagtugon sa pandemya at batbat sa korapsyon ang palpak na plano sa pagbili ng mga bakuna. Habang naglaan ang rehimen ng kakarampot na ₱2 bilyon para sa pagbili ng mga bakuna, tumataginting na ₱19 bilyon ang ibinigay sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang busugin ang kanyang mga loyalistang heneral. Habang naglaan ito ng may ₱33 bilyon para sa “modernisasyon ng AFP,” nagbigay ito ng ₱0 para sa kagyat na pangangailangan para sa modernisasyon ng pampublikong edukasyon at sistemang pangkalusugan.
Hindi taglay ni Duterte ang boluntaryo at buong-pusong suporta ng masa. Ang sinasabi niya’t pinalalabas na suporta, sa katunayan, ay sapilitang pagsunod at pagtalimang ipinilit sa pamamagitan ng pagkubabaw ng militar at pulis sa halos lahat ng aspeto ng buhay-sibilyan.
Nahihiwalay sa pulitika si Duterte sa buong sambayanan. Takot na takot siya sa mamamayan. Malalim ang galit sa kanya ng bayan dahil sa kanyang kampanya ng maramihang pagpatay sa mahihirap sa ilalim ng kanyang pekeng gera kontra droga, sa pagmasaker sa kanilang mga trabaho at kawalan ng kita at pagkabangkarote, sa pabigat na mga buwis at nagtataasang presyo, at sa pagdudulot ng kagutuman, laganap na kahirapan, pagdurusa at ekonomikong desperasyon.
Nasusuklam ang malawak na masa sa lantarang korapsyon at kawalang-kabusugan ni Duterte sa pagratsada ng mga proyektong imprastruktura at pag-abuso sa kapangyarihan para kopohin ang pamumuno sa mga sindikato ng droga sa bansa.
Humantong ang kanyang rehimen sa pinaigting na pampulitikang panunupil at armadong paniniil upang pigilan ang masa na maramihang magbangon. Ginagamit nito ang pag-red-tag at pagbansag na terorista upang inyutralisa ang ligal na demokratikong mga pwersa at hadlangan ang kanilang mga pagsisikap na ihayag ang hinaing ng mamamayan.
Tiniktikan, ginipit, inaresto, sinampahan ng gawa-gawang mga kaso at matagalang idinetine ang mga organisador ng unyon, kritikal na midya, mga tagapagtanggol sa karapatang-tao at iba pang lumalaban. Ang mga atake laban sa kanila ay nakatakdang umigting pang lalo gamit ang batas ng rehimen sa terorismo ng estado.
Sa desperasyon nitong pigilan ang paglaki ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), pinakilos ng rehimeng Duterte ang may 150 batalyon (may 50,000) na panagupang tropa upang maglunsad ng mga nakapokus na operasyong militar laban sa mga larangang gerilya ng BHB. Inookupa ng mga tropang ito ang mga barangay at ipinaiilalim ang masang magsasaka sa armadong panunupil.
Patuloy na nagwawaldas ang AFP ng bilyun-bilyong pisong pera ng mamamayan upang bumili ng mga eroplanong pandigma, helikopter at drone para paigtingin ang mga pambobomba mula sa himpapawid na nagdulot ng malawakang takot at trauma sa populasyon sa kanayunan, at sumira sa kanilang mga sakahan at sa kapaligiran, kahit pa sa kalakha’y hindi ito epektibo laban sa BHB.
Gayunpaman, hindi kaya ni Duterte na panatilihin nang habampanahon ang kanyang sarili sa pamamagitan ng armadong panunupil. Sa katunayan, sa lalong pagdami ng mga pagmasaker at pagpaslang ni Duterte, higit lalong napupukaw ang mamamayan na lumaban. Hindi pahihintulutan ng malapad na hanay ng masang Pilipino na habampanahong pagdusahan ang hindi na mabatang sosyo-ekonomikong kundisyon at pampulitikang represyon sa ilalim ng rehimen .
Habang nagkukunwang malakas at makapangyarihan ang tiranong si Duterte, ang totoo’y mahina siya at gumigiray-giray sa tuktok ng nabubulok na sistemang binangkarote ng kanyang korapsyon at paninikluhod sa interes ng mga dayuhang kapitalista. Hindi kayang busugin ang kanyang katakawan na hindi nasasaid ang mga rekursong para sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Pinahihina ito ng mga bangayan sa pagitan ng kanyang walang-kabusugang mga kroni at tagasunod.
Ang kronikong krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ay lumulubha sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ginagatungan nito ang apoy ng pakikibaka ng masang Pilipino.
Ang malapad na hanay ng masang manggagawa, magsasaka at walang trabahong malaproletaryado, na bumubuo sa mayorya ng mamamayang Pilipino, ay napupukaw para magkaisa at kolektibong kumilos para ipaglaban ang kanilang kagyat na mga kahingian sa harap ng matinding krisis sa ekonomya at pandemya. Ang mga intelektwal at propesyunal sa kalunsuran ay handang sumanib sa kanila para suportahan ang kanilang sigaw para sa pagtaas ng sahod, suspensyon ng upa sa lupa at pagbabayad ng utang, subsidyong sosyal, libreng pamamahagi ng bakuna sa Covid-19 at serbisyong pangkalusugan, at iba pang kahingian.
Ang walang-tigil na mga atake ng rehimen at paggamit ng batas sa teror ng estado ay pumupukaw sa iba’t ibang demokratikong pwersa at nagtutulak sa kanila na palakasin at palawakin ang malapad na antipasistang nagkakaisang prente. Dapat nilang patuloy na buuin ang malapad na suportang internasyunal sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa mga kriment ng rehimeng Duterte na isinagawa nito sa takbo ng pekeng gera kontra droga at maruming gerang panunupil.
Patuloy na lalakas ang Bagong Hukbong Bayan habang pinangingibabawan ang todong opensiba ng AFP sa pamamagitan ng pagpapakadalubhasa sa mga taktikang gerilya. Ang ilang mga yunit ng BHB ay determinadong makabawi mula sa mga pagkabigong kanilang dinanas sa ilang bahagi ng bansa sa nagdaang mga taon na kalakha’y resulta ng kawalang-kakayahan na mabilisang umangkop sa mga taktika ng kaaway ng malawakang-saklaw na mga nakapokus na opensibang militar.
Karamihan sa mga kumand ng BHB ay nakaangkop na sa taktika ng kaaway at nagtagumpay sa pagpapalawak ng kanilang mga teritoryong gerilya at pagbubuo ng mga bagong larangang gerilya o pagpapalawak ng nakatayong mga larangang gerilya, habang pinalalakas at pinalalalim ang suporta ng masang magsasaka sa pamamagitan ng pag-agapay sa kanilang mga antipyudal na pakikibaka.
Umaani ang BHB ng mga tagumpay sa militar at pulitika kahit sa mga lugar na nasa ilalim ng konsentradong opensiba ng AFP tulad sa Bicol, Eastern Visayas, Negros at Southern Tagalog.
Pinakinabangan ng mga yunit ng BHB ang malawak na erya para sa gerilyang maniobra at nagtatagumpay sa pag-iwas sa mga pagsisikap ng kaaway sa pagkukurdon, at nakapaglulunsad ng mga taktikal na opensiba mula sa gilid o likuran ng kaaway.
Mayroong mahuhusay na halimbawa ng mga taktikal na opensiba sa Bicol, Southern Tagalog, Negros, Eastern Visayas, Northeast Mindanao, North Central Mindanao at Far South Mindanao kung saan nabibigwasan ng mga yunit ng BHB ang nag-ooperasyong mga tropa ng kaaway na naglulunsad ng nakapokus na operasyong militar.
Sa kabila ng matinding kontra-rebolusyonaryong kahirapan, ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ay matapang na tumindig para ipaglaban ang interes at kagalingan ng mamamayang Pilipino at para isulong ang kanilang pambansang demokratikong adhikain. Ang Partido ay patuloy na nakokonsolida at umaani ng lakas.
Nananatili itong matatag sa ideolohiya sa pamamagitan ng palagiang pag-aaral at pagsasapraktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa kritikal-sa-sariling pagtatasa sa kanyang gawain. Nananatili itong malakas sa organisasyon sa pamamagitan ng malalim na pag-uugat sa masa at pagkakaloob sa kanila ng pamumuno sa kanilang mga pakikibakang masa at armadong paglaban. Mahigpit na ginagabayan ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan at patuloy itong pamumunuan para pangibabawan at biguin ang mga todong opensiba ng AFP.
Ipinagmamalaki ng Partido ang pagpapatuloy nito sa militante at rebolusyonaryong tradisyon ng Katipunan, sa walang-pag-iimbot na paglilingkod sa malapad na hanay ng mamamayang Pilipino, sa nakaasa-sa-sariling pagpapalakas at pagpupursigi sa rebolusyonaryong landas, at sa pagsisilbi bilang isa sa mga tanglaw ng internasyunal na kilusang komunista.
Ipinagmamalaki ng mamamayang Pilipino ang Partido Komunista ng Pilipinas at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagbibigay sa kanila ng kakayahan at lakas na tumindig para sa kanilang mga karapatan at ipaglaban ang pambansang kalayaan at katarungang panlipunan.
Sa gabay at pamumuno ng Partido, katuwang ang Bagong Hukbong Bayan, ang malapad na hanay ng masang Pilipino ay nakapagpunyagi sa higit limang dekada ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong paglaban. Sila ay binubuklod at pinupuspos ng di-malupig na diwa ng rebolusyon. Hindi sila magagapi kailanman.
Patuloy na pupukawin, bibigyang-sigla at pamumunuan ng Partido ang malapad na hanay ng masang Pilipino sa kanilang paglaban sa paghahari ng teror at kasamaan ng rehimeng Duterte. Sa pamamagitan ng mga sakripisyo at puspusang pakikibaka, tiyak ang tagumpay sa pakikipaglaban para sa kalayaan at demokrasya. Ang rebolusyong Pilipino ay patuloy na lalago.