Ipagbunyi ang pakikibaka ng uring manggagawa! Magpunyagi para sa pagtatagumpay ng rebolusyon!
Ngayong Mayo Uno 2021, militanteng tumitindig ang nagkakaisang hanay ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang lunsod, kabataan, at lahat ng demokratikong mamamayan para sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Sinasalubong ng sambayanan ang araw na ito nang may buhay na diwa ng pakikibaka at paglaban para sa karapatan at kagalingan ng mamamayang Pilipino. Higit pa sa pakikiisa sa uring manggagawa, ang pagdiriwang na ito ang isa sa mga pinakamatingkad na manipestasyon ng paghahangad ng masang api ng kinabukasang malaya sa pagsasamantala ng naghaharing uri sa ilalim ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo.
Higit na malubha ang dinaranas ng mangagagawang Pilipino ngayon dulot ng matinding kapabayaan at kawalan ng aksyon ng administrasyong Duterte sa gitna ng malalang kalagayang pang-ekonomya at patuloy na pananalasa ng pandemya.
Sa ngayo’y mahigit 400 araw na ng pasistang lockdown ni Duterte, umabot na sa 12 milyong mga Pilipino ang naitalang walang trabaho o anumang pinagkakakitaan na sa kalakhan ay bunga ng pagsasarado ng ekonomya at iba’t ibang industriya nang mahigit isang taon. Sa 1.9 milyon kataong nakabalik sa pagtatrabaho nitong Pebrero 2021, halos kalahati pa ng mga ito ang kontraktwal o impormal na empleyado.
Kasabay nito, malaking bahagi ng populasyon ng batayang masa ang hindi pa rin nakatatanggap ng anumang porma ng ayuda o tulong mula sa pambansa o mga lokal na gubyerno. Ito ay sa kabila ng ₱178.5-bilyon na pondo mula sa Bayanihan 1 at 2 na hindi pa nagagamit batay sa datos nitong Pebrero 2021.
Sa harap ng mga kondisyong ito, nag-uunang responsibilidad ng estado ngayon tugunan ang mga panawagan ng mamamayan. Mayor dito ang pambansang panawagan para sa ₱10,000 na ayuda para sa nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, at ₱100 na dagdag sahod para sa lahat ng manggagawa at manggagawang bukid.
Ngunit sa halip na pagtuunan ng pansin ng rehimen ang pagdulog sa mga pangangailangan ng mamamayan, inuuna nito ang pagpapakatuta sa imperyalistang mga amo at pagpapaigting sa pasistang lagim.
Nito lamang Marso ay pinasa na bilang batas ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE na lalong pumapabor sa pagpasok at pamumuhunan ng malalaking kumpanya sa loob ng bansa. Kasunod nito ay tinatakan ni Duterte bilang mahalaga at dapat madaliin ang mga pagbabago sa Public Services Act, Foreign Investments Act, at Retail Trade Liberalization Act.
Layon ng Public Services Act na payagan na ang buong-buong panghihimasok ng mga dayuhang korporasyon sa industriya ng transportasyon, komunikasyon, at iba pang sebisyong pampubliko. Gayundin, ang Foreign Investments Act ay nakatuon sa pagpapababa ng baseng bilang ng mga Pilipinong empleyado na kinakailangan para makapagnegosyo ang mga dayuhan kumpanya sa bansa. Habang ang Retail Trade Liberalization Act naman ay para sa pagpapababa ng kapital ng mga dayuhang namumuhunan o nagnenegosyo sa Pilipinas.
Napakalaking insulto sa masang Pilipino ang lantarang panliligaw ni Duterte sa mga dayuhang kapitalista habang ang bayan ay lugmok sa gutom at kahirapan. Kakambal pa nito ang walang kahihiyang pagsuko ng rehimen sa soberanya ng Pilipinas sa mukha ng pagpapaka-bingi at bulag nito sa paglapastangan sa karagatan ng Pilipinas. Imbis na aksyunan, ikinukubli ni Duterte sa naratibo ng “utang na loob” ang pagkimi nito sa usapin ng panghihimasok ng China.
Lubos ang pagtanggi ng rehimen Duterte na militanteng tutulan ang pagpasok ng China sa teritoryo ng bansa pero wala itong kahit kakarampot na alinlangang dahasin ang sarili nitong mamamayan.
Sa pagpasok ng Marso ay sunod-sunod ang naging atake, iligal na pag-aresto at pagdakip, at lantarang pamamaslang sa mga masa, aktibista, organisador, at unyonista. Matatandaan ang Bloody Sunday kung saan siyam ang patay habang anim ang iligal na inaresto mula sa mga probinsya sa Timog Katagalugan. Isa na rito si Manny Asuncion ng BAYAN-Cavite—isang lider-masa mula sa uring manggagawa na dinala ng ilang dekada ng panlipunang pagsasamantala’t pang-aapi sa landas ng pakikibaka.
Tatlong linggo lamang makalipas ay pinaslang din ng rehimen si Dandy Miguel ng Pamantik-Kilusang Mayo Uno habang pauwi sa kanilang bahay. Sa gabing iyon, malinaw sa kanyang damit na suot ang panawagang dala-dala niya sa buong buhay niya ng paglaban para sa tulad niyang manggagawa—”Sahod. Trabaho. Karapatan. Ipaglaban.”
Malinaw sa masang hikahos na ang pasismo ng rehimeng Duterte ang numero unong sagabal sa pagkakamit ng kanilang panawagang solusyong medikal para sa pandemya at karapatan sa ayuda at tulong pang-ekonomya.
Hindi na lingid sa kolektibong kamalayan ng sambayanan na ang ngayo’y mas malaking banta sa buhay ng manggagawang Pilipino ay ang pasistang lagim ni Duterte. Matapang nitong susuungin ang hamon ng paghahanapbuhay sa kabila ng pandemya—mula sa araw-araw na pagbiyahe, pakikisalamuha sa ilang-daang kapwa manggagawa at mamamayan, at pagsasakripisyo ng sariling pagod at kalusugan—dahil sigurado itong ang kapabayaan at pasismo ng rehimeng Duterte ang ultimong papatay sa masang nakikipagsapalaran.
At sa lalong pagsidhi ng krisis ng imperyalismo, lalo rin lamang titindi ang pasistang lagim ni Duterte.
Sa iba’t ibang panig ng mundo ay pumuputok ang laban mga manggagagawa at masang api bunsod ng lumulubhang krisis pang-ekonomya at pampulitika sa buong daigdig. Nagiging desperado na ang mga imperyalistang amo ni Duterte. Nagkukumahog ang mga ito na konsolidahin ang kanilang kapangyarihan. Kakabit nito, lalong isasangkalang ni Duterte ang kapakanan ng masang Pilipino para matupad ang kagustuhan at utos ng kanyang mga amo, at makakuha ito nang higit na malaking suporta at tulong para sa darating na pambansang halalan.
Gayumpaman, wala nang nagtitiwala pang may ginhawang matatamasa ang masang Pilipino sa kamay ng kurap, pasista, at pahirap na rehimeng Duterte.
Sunod-sunod ang pag-usbong ng inisyatiba ng taumbayan na tugunan ang kagyat na mga problema ng mamamayan. Mula sa community pantry sa maraming mga lunsod, komunidad, at probinsya, hanggang sa mga bungkalan at tanimang bayan ng mga magsasaka at maralitang lunsod—matingkad ang pagkilala ng nagkakaisang masa sa lakas at kapangyarihang tangan nito.
Pulang saludo ang inaalay ng Kabataang Makabayan sa lahat ng manggagawang patuloy na nagpupunyagi sa kabila ng patong-patong na pang-aabuso at pang-aaping dinaranas sa ilalim ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Higit laluna sa mga manggagawa at lahat ng proletaryado na niyakap ang sakripisyo at kahirapan ng armadong pakikibaka—kasama ang Bagong Hukbong Bayan—para sa hangarin nitong tuluyang pawiin ang pagsasamantala sa uring proletaryo sa loob ng isang pandaigdigang sistemang kapitalista.
Ngayong Mayo Uno 2021, ating ipinagdiriwang hindi lamang ang militante at palaban na kasaysayan ng uring manggagawa sa pakikibaka para sa kaparatan nito. Higit sa lahat, sinasalubong natin ang pangako ng isang kinabukasang maghahapag sa sambayanan ng katuparan ng lahat ng ipinaglaban ng uring proletaryo mula pa sa Komuna ng Paris na pinamunuan ni Karl Marx.
Ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa ang pagbabadya ng tagumpay ng uring manggagawa.
Mabuhay ang uring manggagawa!
Ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyon!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!