Ipagdiwang ang 50 taong pamumuno ng Makibaka sa rebolusyonaryong pakikibaka ng kababaihang Pilipino

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pinakamainit na rebolusyonaryong pagbati sa Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag nito. Sa nagdaang limang dekada, nasa unahan ang Makibaka sa pakikibaka ng kababaihang Pilipino para wakasan ang pang-aapi na nakabatay sa kasarian laban sa kababaihan at pagpapakilos sa kanila para labanan ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Limampung taon ngayong araw, inilunsad ng Makibaka ang kanyang kongreso ng pagtatatag kung saan pormal na itinayo ang oragnisasyon para konsolidahin ang mga nakamit nito sa pagpapakilos ng kababaihang manggagawa at kabataan sa Sigwa ng Unang Kwarto, sa Diliman Commune at iba pang pag-aalsa simula 1970. Binago nito ang kanilang pangalan mula “Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan” tungong Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan para bigyang-diin na ang pakikibaka para sa pagpapalaya ng kababaihan sa Pilipinas ay mahigpit na nakaugnay sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya.

Nanguna ang Makibaka sa pagbasag sa palasak na imahe ng kababaihan na kimi at walang papel sa lipunan, higit lalo sa pagbabagong panlipunan. Tinuligsa at nilabanan ng kababaihan ng Makibaka ang pyudal at patriyarkal na istrukturang panlipunan at iginiit na kilalanin at bigyan ng pantay na karapatan ang kababaihan sa loob ng pamilya, sa paggawaan, lipunan at rebolusyon. Nagbigay inspirasyon din ang Makibaka sa ibang aping kasarian na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at aktibong lumahok sa pagbabagong panlipunan.

Humalaw ng inspirasyon ang Makibaka mula sa mga proletaryong kababaihang rebolusyonaryo gayunding mula sa mayamang kasaysayan ng pakikisangkot at pamumuno ng kababaihan sa rebolusyong Pilipino. Nagtungo sa mga lansangan at piketlayn ang Makibaka para makipagkapit-bisig sa mga kapwa manggagawa, magsasaka, kabataan at iba pang mga uri sa kanilang araw-araw na pakikibaka at paglaban sa korap, pasista at papet na reaksyunaryong estado.

Nang ipataw ang batas militar, kumilos nang lihim at nagpatuloy ang Makibaka sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng kababaihan. Isa ito sa mga oraganisasyong tagapagtatag ng alyansang National Democratic Front of the Philippines. Sa kabila nang lihim na pagkilos sa nagdaang limang dekada, patuloy na epektibong ginagampanan ng Makibaka ang tungkuling itaas ang rebolusyonaryong kamulatan ng kababaihang Pilipino at pakilusin sila sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa mga larangang gerilya, ang rebolusyonaryong kababaihang magsasaka ay inoorganisa sa ilalim ng Makibaka, na nagsisilbi ring isa sa mga pundasyon ng pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

Mula sa hanay ng Makibaka umusbong ang mga komunistang kadre ng Partido at Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan. Patuloy nilang pinatutunayang ang kababaihaan ay kapantay ng kalalakihan sa paggampan ng iba’t ibang tungkulin sa pagsusulong ng rebolusyon. Ang mga namumunong komite ng Partido sa iba’t ibang antas ay mayroong tamang bilang ng mga kadreng kababaihan, at sa maraming kaso, gumagampan ng susing tungkulin sa pamumuno. Gumagampan din ng patas na tungkulin ang mga kababaihan sa loob ng BHB at nagsisilbing mga kumander, guro at medik tulad ng kalalakihan.

Dapat humalaw ng inspirasyon ang Makibaka mula sa nagdaang nakamit nito at alalahanin ang buhay ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa rebolusyon ng mga bayani at martir nito. Malinaw na malinaw, hindi pa tapos ang tungkulin ng Makibaka.

Patuloy na nagdurusa ang kababaihang Pilipino sa malubhang mga porma ng pang-aapi bilang mga manggagawa at magsasaka, at bilang mga babae sa kanilang tahanan at lugar sa paggawa. Ang pyudal at patriyarkal na istruktura at kultura ng panlalait at panliliit sa kababaihan ay patuloy na namamayani. Sa nagdaang anim na taon, habang nagtataguyod ng kultura ng pasistang kawalang-pakundangan, itinaguyod din ni Rodrigo Duterte ang kultura ng walang-pakundangan pang-aapi sa kababaihan, isang malinaw na manipestasyon ng sira at bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema.

Nananawagan kami sa Makibaka na ipagpatuloy nito ang rebolusyonaryong tungkuling ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kababaihang Pilipino para sa rebolusyong Pilipino. Bilang magkakaalyado, ang Makibaka, ang PKP at BHB ay dapat magpatuloy sa pagtutulungan para patuloy na palakasin ang gampanin ng kababaihan sa rebolusyong Pilipino.

Mabuhay ang Makibaka!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang rebolusyonaryong kilusang kababaihan!

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Ipagdiwang ang 50 taong pamumuno ng Makibaka sa rebolusyonaryong pakikibaka ng kababaihang Pilipino