Ipagdiwang ang 54 taon ng pagsulong at paglaban ng Kabataang Makabayan


Nagpupugay ang mamamayan ng Timog Katagalugan sa Kabataang Makabayan sa pagdiriwang nito ng ika-54 anibersaryo. Ang pagkakatatag ng KM noong November 30, 1964 ay hudyat ng paparating na unos ng panibagong pagsigla ng pakikibakang masa sa harap ng papatinding krisis sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ngayon, lumalakas ito dulot ng paglala ng panlipunang ligalig na humahambalos sa mamamayan.

Nananatiling talibang organisasyon ng kabataang Pilipino ang KM na puspusang nakikibaka laban sa imperyalismong US at lahat ng kasapakat ng naghaharing-uri na patuloy na nagsasamantala at nang-aapi sa mamamayan. Sa agos ng rebolusyonaryong pakikibaka, naipamalas ng maraming kabataan ang kanilang dambuhalang lakas sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon.

Malaking papel ang ginampanan ng KM upang ilatag ang paborableng kalagayan para sa pagpupundar at pagpapalawak ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army sa rehiyon. Nagmula sa mga abanteng aktibista ng KM ang ilan sa mga nirekluta ng Partido bago pa ang First Quarter Storm ng 1970.

Isa ang KM sa nanguna sa pagpapayabong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa rehiyon at nananatili itong katuwang ng Partido sa pagbabago ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Kasabay nito, buong giting na itinaguyod ng KM ang mga pambansa-demokratikong kahilingan ng mamamayan.

Walang kapagurang nilabanan ng KM ang mga nagdaang imperyalistang papet na rehimen at ngayo’y mahigpit nilang tinutunggali ang militarista’t pasistang rehimeng US-Duterte.

Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, kinakaharap ng maraming kabataan at ibang sektor ng lipunan ang panunupil sa kanilang mga batayang karapatan. Malisyosong iniuugnay ng rehimen ang maraming kabataan sa CPP-NPA upang gawin silang target ng pandarahas ng AFP-PNP. Nagpapakalat ng mga fake news at disimpormasyon si Duterte upang siraan ang mga lehitimong pakikibaka ng mga kabataan at tatakan ang mga paglaban na ito bilang mga ‘teroristang aksyon’ laban sa kanyang rehimen na dapat sugpuin ng AFP.

Desperado ngayon si Duterte na pigilan ang paglakas ng CPP-NPA sa hanay ng maraming kabataan sa pamamagitan ng kanyang National Task Force at Oplan Kapayapaan gamit ang mas marahas na kampanyang supresyon na walang kapantay sa nakaraan. 

Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit pinaiigting ng maraming kabataan ang kanilang pakikibaka sa ilalim ng KM laban sa mapanupil at tiranikong rehimeng US-Duterte.

Sa okasyon ng anibersaryo ng KM, nananawagan ang NDF-ST sa lahat ng mamamayan na dakilain ang mga ambag ng maraming makabayang kabataang Pilipino na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang lakas, talino, panahon at buhay upang isulong ang pakikibaka ng bayan para sa makatarungang lipunan. Dapat na higit na magpunyagi ang KM sa pagpapakilos ng maraming kabataan upang imulat at organisahin ang mamamayan at tuparin ang tungkuling biguin ang kaaway sa lahat ng larangan ng digma.

Sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan, marami sa kanilang hanay ang tumutungo sa kanayunan at lumalahok sa digmang bayan. Nagsisisampa ang laksang bilang ng kabataan mula sa kalunsuran at kanayunan sa New People’s Army upang maging mga Pulang mandirigma na handang suungin ang bawat kahirapan at sakripisyo ng pagtangan ng armas para ipagtagumpay ang armadong rebolusyon laban sa mersenaryo at pasistang AFP-PNP-CAFGU.

Kakabit din ng pagdiriwang ng anibersaryo ng KM, marapat din na ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines, na siyang nagsilbing gabay ng maraming kabataan sa paghubog ng kanilang mga sarili at isipan sa pambansa-demokratikong adhikain ng mamamayan. Sa gabay ng Partido, ang mga kabataan kasama ang iba pang sektor ng inaapi at pinagsasamantalahan ay patuloy na sumusulong para baguhin ang lipunan, kamtin ang ganap na pagpapalaya ng bayan hanggang sa maisakatuparan ang sosyalismo sa Pilipinas. ###

Ipagdiwang ang 54 taon ng pagsulong at paglaban ng Kabataang Makabayan