Ipagdiwang ang buhay at kamatayang pakikibaka ni Ka Marwin – bayani ng uring magsasaka, bayani ng sambayanan!
Taas kamaong nagpupugay ang yunit ng AMC-NPA-Quezon kasama ang rebolusyonaryong mamamayan ng lalawigan sa pagkamartir ni Kasamang Ronel Batarlo. Siya ay si Ka Marwin ng rebolusyonaryong kilusan sa South Quezon-Bondoc Peninsula, 31 taong gulang, mula sa uring magsasaka sa bayan ng Macalelon. Si Ka Marwin ay namartir sa isang labanan sa Brgy. Masaya, Buenavista noong ika-5 ng Pebrero 2021.
Si Ka Marwin ay ipinanganak noong Abril 19, 1989 sa Brgy. Malabahay, Macalelon. Nagmula sa isang pamilya na may matatag at dakilang paninindigan sa ilang dekada nang pakikihamok ng uring magbubukid para sa pakikibaka sa lupa at pagharap sa terorismo ng mersenaryong tropa ng reaksyunaryong gobyerno. Bata pa lamang, sa edad na pitong taong gulang ay batid na ni Ka Marwin ang pinagdaraanang pakikibaka ng kanyang angkan. Kasa-kasama siya ng buong pamilya sa pagpapalipat-lipat ng tirahan nang napilitan silang lumikas para umiwas sa banta ng pandarahas ng sundalo.
Ito ang nagtulak sa kanya upang mamulat ang kanyang rebolusyonaryong diwa. Bago siya maging NPA, aktibong gumagampan ng iba’t-ibang rebolusyonaryong gawain si Ka Marwin sa lokalidad – naging lider siya ng grupo ng Kabataang Makabayan sa baryo, kalihim ng Sangay ng Partido sa lokalidad at kalauna’y kalihim ng komiteng seksyon.
May likas na pagkakahilig si Ka Marwin sa usaping militar, noong bata pa siya ay sumagi sa isip niya na magsundalo pero magbabago ang ambisyong ito nang maimulat siya ng Bagong Hukbong Bayan. Naging opisyal pampulitika siya ng yunit sa milisyang bayan ng kanilang baryo. Lumahok at namuno siya sa mga matagumpay na taktikal opensiba ng milisyang bayan.
Katulad ng maraming rebolusyonaryong pwersa sa komunidad ng magsasaka, hindi naging madali kay Ka Marwin ang pagpapasya na buong panahong kumilos at gumampan ng rebolusyonaryong gawain. Pero magkaganito man, napakataas ng pagpapahalaga ni Ka Marwin sa kanyang tungkulin sa Partido at Hukbong Bayan sa panahong namumuno siya sa kanilang lokalidad.
Ayon kay Ka Marwin, itinulak ang kanyang pasya na magpultaym dahil sa kilusang pagwawasto. Sabi ni Ka Marwin, tumatak sa isip niya ang panawagang iwaksi ang kaisipang magpakasapat na lamang sa pagkilos sa lokalidad at sa halip ay iambag ang buong panahon at buhay para sa rebolusyon. Buwan ng Abril, taong 2018, pagkatapos ng kaarawan niya sa yunit ng NPA na kanyang kinasasaniban, nagdeklara siya ng pagpupultaym. Maraming kasama ang natuwa sa pasya niyang ito. Nagsilbi itong inspirasyon at nagresulta rin sa pagdami ng dagdag na mandirigma sa mga yunit ng NPA.
Sa kanyang ilang taong paggampan ng gawain bilang NPA, nagpamalas siya ng mga katangi-tanging kakayahang mamuno at pangunahan ang mga inilunsad na mga taktikal na opensiba sa mga bayan ng Macalelon, Lopez, San Francisco at San Narciso.
Walang atas na tinanggihan at matapang niyang hinarap ang lahat ng balakid at sakripisyo sa kanyang mga gawain. Kahit sa maiksing panahon, hindi kayang tawaran ang naging ambag ni Ka Marwin para sa pagpupundar at pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa South Quezon-Bondoc Peninsula. Kagawad ng komiteng probinsya ng Partido si Ka Marwin nang siya ay namartir.
Hindi malilimutan ng masa ang masayahin, matapang, at mapagkumbabang si Ka Marwin. Inspirasyon siya ng sambayanan para lalong paigtingin ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya laban sa mga naghaharing uri at mga dayuhan.
Hindi masasayang ang pagbubuwis ng buhay ni Ka Marwin. Patuloy na lilitaw ang mas marami pang pulang mandirigma mula sa hanay ng uring magsasaka na matapat na pinag-alayan ni Ka Marwin ng kanyang kaisa-isang buhay.
Ipagdiwang ang buhay at kamatayang pakikibaka ni Ka Marwin! Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang nakikibaka!