IPAGDIWANG ANG GININTUANG ANIBERSARYO NG BAGONG HUKBONG BAYAN! LABANAN AT BIGUIN ANG TODO-LARGANG KONTRAREBOLUSYONARYONG GERA NG BULOK AT PASISTANG REHIMENG US-DUTERTE! ISULONG ANG DIGMANG BAYAN HANGGANG TAGUMPAY!

Nagpupugay ang Komiteng Rehiyunal ng Partido sa Isla ng Negros sa makasaysayang ginintuang anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na itinatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Marso 29, 1969. Kasama ng masa ng sambayanan sa Negros Occidental, Negros Oriental at buong bansa, isang Pulang saludo ang alay natin sa lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng pinakamamahal nating hukbo ng pinakamabuting mga anak ng bayan. Ipagdiwang natin ang mga tagumpay ng BHB sa nakaraang 50 taon ng paglilingkod nito sa masang anakpawis at sambayanan at ng tuluy-tuloy na pag-iipon ng rebolusyonaryong lakas sa larangan ng militar at pulitika.

Mahalaga ang mga tagumpay na ito para sa ibayong pagpapalakas sa ating pwersa at pagsusulong ng digmang bayan sa gitna ng todo-largang kontrarebolusyonaryong gyera na inilulunsad ngayon ng rehimeng US-Duterte sa pamamagitan ng Batas Militar sa Mindanao at de facto martial law sa iba pang bahagi ng kapuluan, kabilang na ang Isla ng Negros.

Naghahambog ngayon ang mga pasista sa AFP at PNP sapagkat nadakip nila ang anila’y “malalaking isda” ng Negros: si Kasamang Frank Fernandez na tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF) dito sa isla, at si Kasamang Cleofe Lagtapon. Ngunit habang humahalakhak ang mga pasistang ito, ang mga Negrosanon at buong sambayanan ay higit pang namumuhi sa kanila at sa kanilang palalo at desperadong hakbang sa pagmamanman, pagdakip, at pagpiit kina Ka Frank at Ka Cleofe sa kabila ng kanilang edad at maselang kalusugan.

Ang walang-habas na pasistang teror, panunupil, kasinungalingan at kahibangan ng rehimen ang nagtutulak ngayon sa BHB, mga rebolusyonaryong pwersa at masa upang higit na magpakatatag, at magpakabihasa sa iba’t ibang anyo ng paglaban lalo na sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa.

Ang masikhay at integradong pagsusulong ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ay mabisang makapagpepreserba at makapagpapaunlad sa rebolusyonaryong lakas sa kanayunan at tungo sa mas mataas na antas ng digmang bayan. Ang magiting na pagharap at pagbigo ng BHB at masa sa kontrarebolusyonaryong gera ng kasalukuyang rehimen at ang malapad na kilusang bayan laban sa tiraniya, korupsyon, pahirap na mga patakarang pang-ekonomya, at tuluy-tuloy na pagbebenta ng pambansang soberanya sa US at maging sa China, ang lubusang maghihiwalay kay Duterte sa mamamayan hanggang tuluyan itong mapatalsik.

Pinakamataas na pagpupugay ang ating iginagawad sa mga martir at bayani ng digmang bayan, ang di-iilang Pulang kumander at mandirigma ng ating Pulang hukbo na nagbuwis ng buhay upang itatag ang hukbo ng mamamayan, magiting na ipagtanggol ang masa mula sa abuso at pananalasa ng mga armadong galamay ng lokal na naghaharing uri, neokolonyal na estado, at imperyalismo, at isulong ang bagong demokratikong rebolusyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Sa Isla ng Negros, hindi malilimot ng masa at sambayanan ang dakilang buhay at pakikibaka nina Kasamang Apolinario Gatmaitan, Leonardo Panaligan, Roselyn Pelle, Armando Sumayang Jr, Rachelle Mae Palang, at iba pang martir at bayani mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka’t manggagawang-bukid, kababaihan, kabataan-estudyante, maralita, propesyunal at intelektwal sa kalunsuran, at iba pang aping uri at sektor ng ating lipunan. Pinili nilang maglingkod sa masa at sa rebolusyon sa pamamagitan ng pinakamataas na anyo ng pakikibaka. Sinindihan nila ang apoy ng armadong pakikibaka na ngayon ay naglalagablab sa buong isla at sa buong kapuluan. Tinatanglawan nito ang maaliwalas na rebolusyonaryong kinabukasan ng magiting na sambayanang Pilipino na nangangahas makibaka at magtagumpay.

Ang Rebolusyonaryong Armadong Pakikibaka sa Negros

Sing-aga ng 1969 ay napasimulan na ang armadong pakikibaka sa isla nang ipakat at kumilos ang isang maliit na armadong yunit sa bulubunduking bahagi ng North Negros. Ang maliit na yunit ng Partido at kawanihan ng pahayagang Dumaguete Times ay kabilang sa mga nagpalaganap ng pambansa-demokratikong linya at pagsusuri sa mga lokal na isyu. Ang unang armadong yunit sa North Negros ay masigasig na naglunsad ng mga aksyong militar, ngunit nabitag sila sa kabiguang itayo ang baseng masa bago ikasa ang mga aksyong ito laban sa malaki at makapangyarihang kaaway.

Ngunit noong maagang bahagi ng dekada ’70, kaalinsabay ng patuloy na pagsisikap ng Partido na ihanda ang kanayunan ng Negros para sa pakikidigmang gerilya, hindi napigil ng mga reaksyunaryo ang paglaganap ng apoy ng pakikibakang masa ng mga manggagawa, magsasaka, at manggagawang-bukid na naglunsad ng mga welga laban sa deka-dekadang pambubusabos ng malalaking panginoong maylupa-kumprador na nagpapasasa sa sistemang hasyenda at produksyon ng asukal sa isla.

Sa pamamagitan ng Ikalawang Kilusang Propaganda, ang mga kabataang nakapag-aral sa mga sentrong lungsod gaya ng Maynila ay nagbalik sa Negros at tumungo sa kanayunan upang gampanan ang mahahalagang tungkulin sa pagpapalaganap ng Marxismo at ng pambansa-demokratikong linya, pagsasagawa ng panlipunang pagsisiyasat, at paghahanda ng mga erya upang maging sonang gerilya. Ang mga manggagawa’t magbubukid na napanday sa kilusang masa, kasama ng kabataan, mga taong-simbahan at iba pang sektor na masugid na sumuporta sa mga pakikibaka ng batayang masa, nang lumaon ay humawak ng armas at naging mga Pulang mandirigma.

Bitbit ang mga aral mula sa panimulang karanasan, noong 1973 ay maitatayo na ng Partido sa pamamagitan ng BHB ang mga rebolusyonaryong baseng masa sa hanay ng mga maralitang magsasaka at setler sa erya ng Cauayan-Hinobaan-Ilog-Candoni-Kabankalan-Sipalay o CHICKS sa timog ng Negros Occidental. Nagawa ito sa pamamagitan ng masinsing gawaing masa, mga breyktru sa anti-pyudal na pakikibaka at matatagumpay na punitibong aksyon laban sa mga pinakakinamumuhiang mga despotikong panginoong maylupa at kanilang mga armadong galamay. Pagdating ng 1976 ay naabot na rin ng hukbong bayan ang mga interyor na baryo sa mga karatig na bayan ng Negros Oriental.

Ang pagtatayo ng BHB sa Negros ay may makabuluhan at malalim na epekto sa masa na matagal nang nag-aasam na magkaroon ng sarili nilang hukbo. Ang presensya sa kanayunan ng mga Pulang mandirigma ng BHB ang siyang naging daan upang maunawaan ng masa ang mga dahilan ng kanilang pagdarahop, ang nararanasan nilang gutom, inhustisya at iba’t ibang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala ng malalaking panginoong maylupa at kumprador sa isla na karamihan ay nakabase rin sa Maynila at siya ring nangingibabaw sa pulitika at ekonomiya ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunang Pilipino.

Ang tuluy-tuloy na paglaki ng kilusang masa sa mga sentrong lungsod ng isla noong dekada ‘70 hanggang sa kalagitnaan ng dekada ’80 ay nagbigay sa armadong rebolusyon ng katulad ding bukal ng mga buong-panahong pwersa mula sa mga manggagawa, estudyante, taong-simbahan, guro at mula sa hanay ng mga dating bilanggong pulitikal na napakilos para sa komprehensibong pagpapaunlad ng mga larangang gerilya at pagtatayo ng mga bagong larangan.

Ang mapangahas at matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB sa Negros sa panahong ito ang siyang nagtampok sa isla bilang isang “panlipunang bulkan” ng umaalimpuyong kontradiksyon sa pagitan ng naghahari at pinaghaharian, ng mapagsamantala at pinagsasamantalahan. Ang mahusay na taktika at teknika sa pakikidigma, kaakibat ng mainit na suporta mula sa masang magsasaka at mamamayan, ang nagbigay ng ibayong kumpyansa sa BHB upang labanan ang mga private army o armadong kapangyarihan ng malalaking panginoong maylupa-kumprador sa isla at ang armadong lakas ng buong reaksyunaryong estado na kinakatawan ng AFP, PNP at kanilang mga paramilitar.

Bagamat namalas sa Dekada ’80 ang walang kaparis na pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan at armadong pakikibaka sa Negros, sa panahon ding ito ay nahuhulma na ang maling linya nina Arturo Tabara at ng kanyang rebisyunistang grupo sa loob ng Visayas Commission at Negros Regional Party Committee na di naglaon ay ipinatupad sa buong rehiyon. Ang maling linya ng stratehikong kontra-opensiba o SCO, na kinatawan ng adelentadong regularisasyon ng mga yunit gerilya at insureksyunismong lungsod, ang naghatid ng sunud-sunod na kabiguan sa BHB at pagkitid ng baseng masa ng rebolusyonaryong kilusan sa isla.

Dahil sa disoryentasyon, higit na naging bulnerable ang buong rebolusyonaryong kilusan sa mabangis na atake ng Oplan Thunderbolt, ang “kontra-insurhensiyang” plano ng AFP sa Negros noong huling bahagi ng dekada otsenta na nagdulot ng walang-kaparis na pinsala sa buhay at kabuhayan ng masa. Ang matinding militarisasyon, pambobomba sa mga komunidad at iba pang abuso ng kaaway ay hinarap sa pamamagitan ng putsista at lantay-militar na mga aksyon na gumasgas sa pwersa at nagkaligta sa matiyagang gawaing masa. Ang maling linya na itinulak ng grupo ni Tabara ang ibayong sumalanta sa naipundar na lakas ng rebolusyonaryong kilusan sa isla. Dumulo ito sa paksyunalismo, pagsulpot ng kanilang bangkaroteng partido at bandidong armadong pwersa, partikular na ang pekeng Revolutionary Proletarian Army o RPA na ngayon ay nalantad na at notoryus sa buong Negros bilang bayarang galamay ng mga despotikong panginoong maylupa-kumprador at bulok na pulitiko.

Gaya ng paninindigan ng mga bagong-sibol na proletaryong rebolusyonaryo sa panahon ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto na muling nagtatag sa Partido at hukbong bayan noong 1968-1969 mula sa natitirang mabubuting elemento ng lumang Partido Komunista at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, nito namang dekada’90 ay magiting na itinaguyod ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa Negros ang muling-pagpapalakas sa rebolusyonaryong kilusan mula sa natitirang kadre na tumindig para sa pagwawasto at pagtangan sa mga batayang prinsipyo, at sa nalalabing 70 mandirigma ng BHB na nasa 3% na lamang ng kabuuang pwersa ng rebolusyonaryong kilusan sa panahong ng disoryentasyon.

Ang tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) ay itinuturing na isa sa pinakasignipikanteng tagumpay ng Partido sa Negros, dahil hindi lamang nito mapagpasyang sinalba ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon kundi inihatid pa ito sa isang paborableng posisyon para sa ibayong pagsulong.

Ang dalawang-platung-lakas na BHB sa isla na nalabi matapos salantahin ng disoryentasyon, ay naging binhi na muling nagpayabong sa armadong rebolusyon sa Negros sa tamang landas ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba.

Ang Apolinario Gatmaitan Command (AGC) na rehiyunal na kumand ng BHB sa Negros, sampu ng iba pang kumand sa operasyon sa iba’t ibang larangang gerilya sa buong isla, ay patuloy na umaani ng kumpyansa, suporta at pagkalinga ng masa. Ang hukbong bayan ang pangunahing instrumento na itinayo ng Partido para labanan ang armadong AFP at sa kalaunan ay durugin ito, habang gumagampan din ng tungkulin sa pagbubuo ng baseng masa, organo ng kapangyarihang pampulitika, gawaing produksyon, gawaing pangkultura, edukasyong pampulitika ng masa, at iba pa.

Pinatunayan na ng BHB ang bakal na disiplina sa pagtupad sa rebolusyonaryong tungkulin sa giya at absolutong pamumuno ng Partido. Ang malalim na ugat nito sa masa ng sambayanan ay katiyakan na hindi na ito magagapi ng anumang kampanyang pagsupil ng kaaway, gaya ng napatunayan na nito sa panahon ng diktadurang Marcos, kung kailan ang rebolusyonaryong kilusan ay bubot pa at nagsisimula pa lamang, hanggang sa sunud-sunod na mga kontrarebolusyonaryong kampanya ng mga papet na rehimen na sunud-sunod din na binigo ng BHB at ng buong rebolusyonaryong kilusan.

Patuloy na nagpapalakas ang BHB kasama ng rebolusyonaryong masa sa pagharap at pagbigo sa todo-largang kontrarebolusyonaryong gyera ng rehimeng US-Duterte. Ang walang habas na atake ng estado laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng Negros, ang nagbibigay sa BHB ng isanlibo’t isang target para sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba na maghahatid ng karagdagang armas sa arsenal ng hukbong bayan, makapagpapatalas sa kakayahang sa pulitika at militar ng libu-libong Pulang kumander, mandirigma at masa na napanday sa maigting na pakikihamok.

Sa pagitan ng mga taktikal na opensiba na dumadagok sa ulo ng kaaway, handa ang rebolusyonaryong masa ng Negros upang higit na paunlarin ang praktika ng pakikidigmang gerilya ng masa, ang pagpapahusay sa pormasyon at pagkilos ng daan-daang yunit milisya at mga yunit-pananggol sa mga baryo para sa punitibong aksyon at atritibong bira na maghahatid ng isanlibo’t isang suntok sa katawan ng kaaway. Higit ding pinahuhusay ng mga buong-panahong yunit gerilya ng BHB ang pakat at pagkilos ng mga batayang pormasyon nito sa mga sonang gerilya, at ang paglulunsad ng mga operasyong partisano sa mga sentrong bayan o lungsod upang parusahan ang mga sagadsaring kriminal sa hanay ng mga kaaway sa uri at reaksyunaryong estado.

Mga hamon sa pagharap sa brutal na kontrarebolusyonaryong gera ni Duterte sa Negros

Ang pasistang teror na pinakawalan ng armadong pwersa ng rehimeng US-Duterte sa Negros mula sa sunud-sunod na pamamaslang sa mga lider-magbubukid at aktibista, ang pagmasaker sa mga manggagawang-bukid sa Sagay, at ang nagpapatuloy na lagim ng Oplan Sauron sa mga komunidad ng mga magsasaka sa syudad ng Guihulngan, Escalante at iba pang bahagi ng Negros, ay mga buhong na hakbang ng isang bulok at mabuway na rehimen na hiwalay sa masa. Ang hambog na pagdedeklara ng “all-out war” ng AFP at ang pagpapatupad ni Duterte ng de facto martial law sa Negros sa pamamagitan ng kanyang Memorandum Order 32 at Executive Order 70 ay indikasyon ng ibayong pagkabulok ng mala-kolonyal at mala-pyudal na naghaharing sistema na ngayon ay pinamumunuan ng isang hibang na mamamatay-tao.

Ang mabangis na pasistang pananalakay ng rehimeng US-Duterte na kaalinsabay ng mga patakaran ng pamahalaan na patuloy na nagpapahirap sa mamamayan ang higit pang nagtutulak sa masa, lalo na sa masang magsasaka na sumuporta sa hukbong bayan at armadong pakikibaka, sa pamamagitan ng tuwirang pagsampa at pag-aalay ng kanilang buong-panahon sa BHB upang humawak ng armas at isulong ang rebolusyon.

Tangan ng rebolusyonaryong kilusan sa Negros ang matibay na pagkakaisa, sapat na lakas at suportang masa, wastong linya, at mahigpit na pamumuno ng Partido para ibayong sumulong ang armadong rebolusyon sa isla at makapag-ambag sa kasalukuyang pambansang pagsisikap na paunlarin ang digmang bayan tungo sa abanteng subyugto ng stratehikong depensiba. Kung nakayanan ng BHB at masa, sa gabay ng Partido, na pasimulan ang armadong rebolusyon sa Negros at sa ibang bahagi ng bansa mula sa wala noong 1969, makapagpalawak at makapagpalakas sa panahon ng pinakamarahas na kondisyon ng diktadura ni Marcos, at makabangon mula sa matinding pinsalang dulot ng mga kahinaan at pagkakamali sa panahon ng disoryentasyon, nasa pinakamainam na katayunan ngayon ang suhetibong mga pwersa ng rebolusyon sa isla para ipatupad ang pangkalahatang mga panawagan ng Partido para sa pagkakamit ng lahatang-panig na mga tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa mga susunod na taon.

Ang ginintuang anibersaryo ng BHB ay napakainam na pagkakataon upang pag-alabin ang diwa ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanan at upang ubos-kayang tupdin ang kasalukuyang mga tungkulin ng Partido, Pulang hukbo at masa sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan:

1. Ilang ulit na palakihin ang kasapian ng BHB. Sistematikong magplano at magpatupad ng mga kampanyang propaganda at edukasyon sa hanay ng mamamayan at mga organisasyong masa para sa pagpapasampa at pagtangkilik sa hukbo. Magpasampa sa hukbo ng malaking bilang ng kadre at aktibistang manggagawa at intelektwal.

2. Planadong paunlarin ang kapabilidad ng hukbong bayan sa pamamagitan ng patuloy na pagbubuo sa ideolohiya at pagtataguyod sa absolutong pamumuno ng Partido; sistematikong pagsasanay sa teorya at praktika para pataasin ang kakayahan sa kombat, pagkilos at operasyon ng pormasyong platun, paniktik, operasyong partisano, at iba pa; tuluy-tuloy na pagpapataas ng kamulatang pampulitika; pagkintal ng diwang opensiba; mulat na disiplinang bakal; at pagsasabuhay sa linyang masa.

3. Ibayong paunlarin ang iba’t ibang antas ng pamumuno at kumand sa rehiyon para sa maagap na pag-aaral sa sitwasyon, pagpaplano at pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga gawaing militar at pampulitika, matalinong pagmaksimisa sa latag at sinsin ng hukbo, at pagdirihe sa koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang pwersang gerilya.

4. Paigtingin ang mga anihilatibong batayang taktikal na opensiba upang patamaan ng solidong bigwas ang kaaway at makasamsam ng sandata para sa hukbo. Ang mga taktikal na opensibang mahusay na pinagpaplanuhan at nagtatagumpay ay nakapagpapahina sa kaaway habang nakapagpapalakas naman sa hukbo, nagbibigay-tulak at sigla sa pakikibakang antipyudal at iba pang paglaban ng masa, at nakapagpapalawak ng demokratikong kapangyarihang pampulika. Tuluy-tuloy na bakahin ang konserbatismong militar.

5. Palawakin ang mga yunit ng milisyang bayan, yunit-pananggol ng baryo at yunit pananggol-sa-sarili ng mga organisasyong masa. Tiyakin ang mabisang pamumuno sa kanila ng Partido at kumand ng hukbo, at patuloy na paunlarin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya ng masa.

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!

MABUHAY ANG NAKIKIBAKANG SAMBAYANAN!

ISULONG ANG DIGMANG BAYAN HANGGANG TAGUMPAY!

IPAGDIWANG ANG GININTUANG ANIBERSARYO NG BAGONG HUKBONG BAYAN! LABANAN AT BIGUIN ANG TODO-LARGANG KONTRAREBOLUSYONARYONG GERA NG BULOK AT PASISTANG REHIMENG US-DUTERTE! ISULONG ANG DIGMANG BAYAN HANGGANG TAGUMPAY!