Ipagdiwang ang ika-52 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Pagdiriwang sa ika-52 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Rebolusyonaryong pagbati ang ibinibigay ng Kabataan Makabayan sa probinsya ng Laguna para sa ika-52 na anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa linya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo! Mabuhay!
Maalala natin ang 2020 bilang taon ng hubad na pasismo ni Duterte. Sa kabila ng sunod-sunod na krisis — ang pagsabog ng bulkang Taal noong Enero, ang pandemyang COVID-19 noong Pebrero, sunod-sunod na bagyong Quinta, Rolly, at Ulysses, krisis sa ekonomya, edukasyon, trabaho, lupa, at iba pa; inuna pa ng reaksyunarong estado ang militarisasyon at pagsupil sa karapatang pantao.
Naging mas mahalaga para sa rehimeng US-Duterte ang pagtanggol sa saligang interes ng mga komprador, kapitalista, at panginoong maylupa na naghahari-harian sa bayan natin. Sa kabila ng mga pangamba na malulugi ang mga ito dahil sa pagsara ng pormal na ekonomya ng bansa, hinayaan ni Duterte mamatay ang lagpas 9,000 na tao dahil sa COVID-19. Hindi pa kasama rito ang milyong Pilipino na nagutom at nawalan ng trabaho, o ang ibang nasawi dahil sa krisis, kawalan ng serbisyong medikal, o paglala ng karamdamang mental.
Imbes na tugunan ang solusyong medikal, inuna ni Duterte ang tuwirang pangungutang sa mga dayuhang institusyon tulad ng World Bank, International Monetary Fund, at sa Asian Development Bank, sa pag-asang mapanatiling kaaya-aya ang Pilipinas para sa dayuhang pahihimasok. Sa ngayon, lumobo na sa 9 trilyon ang utang ng bansa sa dayuhang imperyalismo.
Paulit-ulit na pinairal ni Duterte at ng mga tuta niyang kawani sa pamahalaan ang kanilang militarisadong tugon sa pandemya. Imbes na solusyong medikal at suporta sa mga doktor at nars, pinondohan ni Duterte ang AFP at PNP at binigyan ito ng panibagong lakas ng loob para manghuli at pumaslang ng mga inosente at mga progresibong naghahangad lamang ng demokratikong karapatan.
Mismong si Duterte ang nagpapaalab ng galit ng mamamayan. Habang pinagpapatuloy niya ang hibang niyang hangarin na patahimikin ang mamamayan, lalo niyang sinusupil ang boses nito. Ngunit sa bawat tangka ng pagsupil nito, lalakas at lalawak lalo ang demokratikong pagkilos ng mamamayan sa kanayunan at sa kalunsuran.
Kasabay nito, patuloy na lalakas ang rebolusyonaryong agos ng mamamayan. Sa lipunang malakolonyal at malapyudal, hindi maiiwasan ang rebolusyon. Habang lumalakas ang panawagan ng mamamayan para sa demokratikong hangarin, lalong lumalakas din ang rebolusyonaryong sigaw ng uring proletaryado at ng Partido nito.
Sa loob ng 52 na taon, ang Partido Komunista ng Pilipinas ang bukod-tanging pwersang sumasandig sa interes ng mamamayan. Sa pamamagitan ng absolutong pamumuno nito sa Bagong Hukbong Bayan, patuloy itong nakapag-organisa at nakapagpalaya ng mga sitio, baryo, barangay, at bayan sa halos lahat ng sulok ng bansa. Patuloy ang paglulunsad ng rebolusyong agraryo sa kanayunan, at unti-unting nalalagot ng magsasaka ang tanikala ng pyudalismo.
Sa kanayunan man, o sa kalunsuran, magkasabay na umuunlad ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Bigo ang rehimeng US-Duterte sa hangarin nitong durugin ang rebolusyon ngayong taon, dahil ang katotohanan ay sumikad pa lalo hindi lamang ang mga rebolusyonaryong pwersa kung hindi kahit ang mga progresibong pwersa ng mamamayan!
Sa darating na taon, magiging matinding hamon para sa Partido, sa Hukbong Bayan, at sa lahat ng organisasyong masa na bumubuo ng nagkakaisang prente ang patuloy na pasistang atake ng rehimeng US-Duterte. Patuloy ang mga operasyon ng AFP at PNP sa balangkas ng Joint Campaign Plan Kapanatagan, habang masugid ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict sa giyerang propaganda nito sa pandedemonyo sa pagpapanawagan ng lehitimong panawagan bilang terorismo.
Patuloy na gagamitin ng rehimeng US-Duterte ang lahat ng salamangka at pamamaraan na mayroon siya para takutin ang mamamayan at sundin ang interes ng mga dayuhang amo nito. Sa ngayon, kinakasa na niya ang Anti-Terrorism Act bilang panibagong sandata laban sa mga progresibo at aktibista sa kalunsuran.
Hinding hindi pwede magpadaig sa takot ang mga rebolusyonaryo! Lagumin natin ang ating karanasan ngayong taon at lagumin ito nang magsilbing aral para sa patuloy na pagkilos at paglaban sa susunod na taon. Patuloy na palakasin ang nagkakaisang hanay ng mamamayan, kasabay ang minamahal nating Partido at ang Bagong Hukbong Bayan.
Higit sa lahat, mahigpit na tumangan sa linyang masa. Nasa demokratikong interes ng mamamayan ang pagpapatalsik kay Duterte at ang pagsulong ng demokrationg rebolusyong bayan tungo sa panibagong antas. Kailangan nating matuto sa masa at sumandig sa kanila kung nais nating magtagumpay.
Ngayong ika-52 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, kasabay ng ika-127 na kapanganakan ni Tagapangulong Mao Zedong, huwag nating kalimutan ang mga batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang gabay sa ating pagkilos. Mangahas tayong makibaka, mangahas na magtagumpay!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipno!
Kabataan, tumungo sa kanayunan!
Magsilbi sa mamamayan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!