Ipagdiwang ang Ika-53 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas! Magpunyagi, Lumaban at Magtagumpay!

, , ,

 

Download: PDF | EPUB

Masayang ipagdiwang natin ang ika-53 anibersaryo ng magiting na paglaban ng Partido Komunista ng Pilipinas para sa panlipunang paglaya ng sambayanang Pilipino. Balikan natin ang maningning at dakilang kasaysayan ng ating rebolusyonaryong pakikibaka sa pamumuno ng PKP. Gunitain at magpugay tayo sa alaala ng mga martir ng rebolusyon at sundan natin ang bakas ng kanilang mapagsakripisyong buhay at busilak na layuning itaguyod ang interes ng mga api’t pinagsasamantalahang uri sa lipunang Pilipino.

Sa araw na ito, pinakamataas na nagpupugay ang Komiteng Rehiyon ng Partido at Bagong Hukbong Bayan sa Timog Katagalugan, sampu ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan at mga organo ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa mga larangang gerilya kay Kasamang Jorge “Ka Oris” Madlos—tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan at isa sa mga namumunong kumander ng Pambansang Kumand sa Operasyon ng BHB, kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap at Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral. Pataksil siyang pinaslang ng mga pasista sa kabila ng kanyang abanteng edad na 74 na taon kasama ang kanyang medik habang papunta sa pagpapagamot. Kapwa sila di armado, wala sa katayuang lumaban at kung gayun, mga hors de combat.

Pinakamataas na parangal ang ibinibigay sa mga martir ng rebolusyon sa rehiyon—kina Kasamang Charity “Ka Rise” Diño, kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon, Lowel “Ka Bernie” Riza Mendoza (kagawad ng Komiteng Rehiyon), Cristina “Ka Billy” Estocado, Cristopher “Ka Omar” Buton, Cherry “Ka Edson” Velasco at Felimon “Ka Nick” Carabido. Si Ka Rise ay namatay na nasa puso ang paglilingkod sa mamamayan hanggang sa huling hininga nya nang igupo siya ng mabigat na karamdaman. Isa siyang huwarang Komunista, rebolusyonaryo, ina’t kabiyak. Sina Ka Bernie, Ka Billy at Ka Omar ay brutal na pinaslang habang mahimbing na natutulog sa isinagawang ala-Tokhang na reyd ng mga pasistang berdugo sa Sta. Rosa, Laguna noong Mayo 21, 2021. Samantalang si Ka Edson, isang katutubong Manide, at Ka Nick ay kapwa pumanaw sa atake sa puso. Mananatiling buhay ang kanilang alaala at inspirasyon ang kanilang katapatan sa Partido at rebolusyon at naging ambag sa dakilang simulain ng rebolusyon sa Timog Katagalugan.

Sumisigaw ng hustisya ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa lahat ng inutang na dugo at mga krimen ng pasistang rehimeng Duterte at utusang asong AFP at PNP. May tamang panahon ng paniningil at hindi nakakalimot ang masa at kilusan gaano man katagal ang panahong lumipas. Pananagutin sila ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya.

Naghuhuramentado ang pasistang AFP at PNP sa walang pakundangang pagpatay sa mga rebolusyonaryo, mga aktibista at kritiko ng pasistang rehimen. Maling inaakala nila na sa pamamagitan ng paggamit ng ibayong dahas at panunupil ay mapipigilan ang agos ng rebolusyon at maibabao’t makikitil ang isang rebolusyonaryong adhikain na naghahangad na lutasin ang nagnanaknak na kanser ng lipunan na likha ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Kasama ng lokal na naghaharing uri ng malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista ang mga nag-aastang nasa gitnang liberal-burges at mga itinuturing ang sariling “moderatong Kaliwa” na binubuo ng mga sosyal-demokrata, Trotskyista at “ligal na sosyalista” na nasa loob at labas ng reaksyunaryong burukrasya. Ang mga ito ay nagdadala ng programa para linlangin ang masa, ilayo sa rebolusyonaryong landas at pigilan ang rebolusyon. Wala silang ibang layunin kundi suhayan ang mapang-api at mapagsamantalang sistema, perpektuhin ang makinaryang burukratiko-militar ng estado at paasahin ang mamamayan sa isang ilusyon ng mga repormang panlipunan. Sila ang pinakamapanganib na ahente ng lokal na mga naghaharing uri at imperyalismo. Handa lagi silang makipagkumpromiso sa mga pinakareaksyunaryo, militarista at dulong Kanan laban sa mamamayan kapag nanganganib ang istabilidad ng reaksyunaryong naghaharing sistema sa bansa. Ang komon sa kanila ng mga lokal na naghaharing uri ay ang pagiging kontra-rebolusyonaryo at masahol na tagapaglako ng anti-komunismo at “anti-terorismo.”

Magdadalawang taon nang nananalasa ang pandemyang COVID-19 sa Pilipinas subalit wala pang naaaninag na pag-ahon sa krisis ng pampublikong kalusugan ang mayorya ng mga Pilipino. Sadsad at hilahod ang pambansang ekonomya. Tigil at hindi pa makabalik sa normal na produksyon at operasyon ang maraming mga empresa, negosyo at komersyo. Walang preno ang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Lansakang pinapatay ang trabaho at hanapbuhay dahil sa malupit na pagpapatupad ng militaristang lockdown at restriksyon sa malayang galaw ng populasyon at mga produkto.

Nasa ugat ng nararanasang krisis sa kawalang trabaho’t hanapbuhay, malaganap na kahirapan at pagkagutom, krisis sa sistema ng pampublikong kalusugan at edukasyon ang walang pagkalutas na kronikong krisis ng naghaharing sistema sa bansa. Habang isinasadlak ang mamamayan sa di matiis na paghihikahos, nagtatampisaw ang naghaharing malalaking kumprador-panginoong maylupa’t burukrata sa karangyaan at kasaganaan sa gitna ng libingang lusak ng masang anakpawis.

Samantala, ang kadusta-dustang kalagayang ito ang nagbibigay ng matwid sa mga rebolusyonaryong Pilipino na nasa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas na patuloy na magpunyagi, lumaban at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas nang walang kaparis na determinasyon, lakas at sigla.

Desidido ang PKP na dalhin sa ganap na tagumpay ang rebolusyong Pilipino gaano man katagal ang kailanganin. Sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, matatag nitong pamumunuan at lulubusin ang istorikong misyong ipagtagumpay ang dalawang yugto ng rebolusyon sa Pilipinas: ang bagong demokratikong rebolusyon ng bayan para gapiin ang imperyalismo—partikular ang imperyalismong US—pyudalismo at burukratang kapitalismo; at ang kasunod na yugto ng pagtatatag ng sosyalismo sa Pilipinas.

I. Umiigting na kaguluhan at sigalot sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan at ang nagpapanibagong lakas na mga anti-imperyalistang kilusan at proletaryong rebolusyon

Higit kaysa nagdaang mga taon, walang katulad na binabayo ng krisis ang pandaigdig na sistema ng monopolyo kapitalismo. Sa magdadalawang taon nang pananalasa ng pandemyang COVID-19, maigting na naramdaman ng mga ekonomya sa mga bansang kapitalista kabilang ang mga dating rebisyunistang rehimen, mga bagong nag-iindustriyalisang bansa at mga di maunlad na bayan ang mabigat na tama ng krisis dahil sa pagkagambala ng produksyon at daloy ng suplay na mahalaga sa pag-andar ng mga ekonomya.

Likas at di maiiwasan ang krisis ng kapitalismo dahil sa kalikasan ng anarkiya ng kapitalistang produksyon, papataas na paggamit ng teknolohiya para pabilisin ang akumulasyon ng kapital at tubò, walang rendang pinansyalisasyon at ispekulasyon ng mga pinansyal na oligarkiya na lumulundo sa mga pagsabog ng pang-ekonomyang bulâ at malawakang pagkawasak ng mga pwersa sa produksyon. Kakambal ng kasaganaan ng monopolyong burgesya, sa isang dulo, ang karukhaan ng mayorya ng mamamayan ng daigdig, sa kabilang dulo.

Panibagong niyanig ng pandemyang COVID-19 ang pundasyon ng pandaigdig na sistemang kapitalista na malaon nang nasasadlak sa pangkalahatang krisis ng labis na produksyon, pangkalahatang resesyon, istagnasyon at ekonomikong depresyon sanhi ng kumpetisyon sa paggamit ng mataas na teknolohiya para sa tubò, pag-abusong pinansyal at ispekulasyon sa pamilihan ng sapi at mga instrumentong pinansyal, paggastang militar para sa paligsahan ng armas at mga gerang interbensyon at agresyon sa nagdaang ilang dekada.

Dahil sa pagsasarahan ng maraming empresa at negosyo, nagambala ang siklo ng produksyon at distribusyon ng mga produktong pangkonsumo kabilang ang pagkain, hilaw na materyal at mga manupakturang bahagyang prinoseso, at ng mga pyesa’t parte ng mga makina at kagamitan sa produksyon. Nahinto o nabahura ang komersyo. Dumami ang imbentaryo ng mga nakabodegang kalakal na hindi maibenta dahil barado ang komersyo at kalakalan at nawalang kakayahang bilhin ito ng mamamayan na nawalan ng trabaho’t hanapbuhay.

Tulad ng dekada ng 1970, nagiging isang malapit na realidad ang istagplasyon o ang kundisyon na tigil o mabagal ang paglago ng ekonomya’t produksyong panlipunan subalit patuloy na mataas ang implasyon o presyo ng mga bilihin at serbisyo. Dahil sa COVID-19, maramihang nagsara ang mga pagawaan sa maraming bahagi ng Timog-silangang Asya at matinding tinamaan ang produksyong industriyal. Tumaas ang implasyon nang lampas sa target ng mga bangko sentral sa kalakhang bahagi ng daigdig—mataas sa 3% sa UK at mga bansang kabilang sa EU at 5% sa Amerika. Binubuno ng pandaigdig na ekonomya ang mataas na presyo ng enerhiya at pagkain.

Sa nagdaang dekada matapos ang pandaigdig na krisis pampinansya, bibihirang mangyari na lumalampas ang implasyon sa target ng mga bangko sentral at hindi rin umaagapay ang pagtaas ng sahod. Halimbawa, ang kakayahang bumili ng mga manggagawa sa UK, Italy at Japan ay kapareho lamang nang magsimula ang pandemya at noong kalagitnaan ng dekada 2000. Sa US, ang abereyds na paglaki ng sahod ay 2.9% mula 2015 hanggang 2019 samantalang ang abereyds na implasyon ay nanatiling mababa sa 2%.

Nabago ang lahat ng ito sa pagsisimula ng rekoberi mula sa pandemya: mabilis na tumaas ang presyo at sahod. Sa US, tumaas ang sahod kada oras nang 4.6% sa pagsisimula ng 2021 hanggang Setyembre samantalang binura ng 5.4% implasyon ng mga produktong pangkonsumo ang mga nakamit bago ang pandemya. Sa Germany, umabot ang implasyon sa 4.1% at humihiling ng 5% umento sa sahod ang mga nangungunang unyon sa sektor pampubliko. Sa Japan, tumaas naman nang katamtaman ang presyo at sahod.

Subalit ang kaganapang ito ay hindi binabago ang kalikasan ng mga monopolyo-kapitalista at batas ng kapitalistang produksyon na panatilihing mababa ang sahod at pigain ang lakas-paggawa ng mga manggagawa para sa maksimum na tubò at tantos ng ganansya. Kung tutuusin, ang anumang nominal na pagtaas ng sahod ng mga manggagawa ay binubura din ng mataas na implasyon o mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Sa kabuuan, tumaas nang sangkatlo ang pandaigdig na presyo ng pagkain sa nakaraang isang taon. Ang presyo ng gas at karbon ay malapit na sa pinakamataas na nairekord sa Asya at Europe habang nasa kritikal na lebel ang nakaistak ng parehong panggatong sa malalaking ekonomya tulad ng China at India. Ang sumisirit na gastos sa enerhiya ay may negatibong epekto sa rekoberi at muling pag-andar ng produksyon.

Habang nagsimula nang muling magbukas ang mga ekonomya, nagiging malaking hamon ang paglutas sa nagambalang pandaigdig na supply chain. Ang mga ipinatupad na restriksyon sa panahon ng pandemya ay nagsara sa pagmamanupaktura at mga ruta ng kalakalan. Hindi makaagapay ang mga tagasuplay sa biglang pagtaas ng demand. Sa US, mahaba ang pila ng mga barko sa mga pantalan na naghihintay na maidiskarga ang mga kalakal. Nananatiling mataas ang implasyon ng mga produktong pangkonsumo. Sumipa ang pandaigdig na presyo ng langis lampas sa $80 bawat bariles na pinakamataas sa mga nagdaang taon.

Pumaimbulog ang bayad sa pagpapadala ng mga kargo sa barko. Natatambak ang mga kargamento sa mga daungan nang hindi naididiskarga at naidideliber dahil sa malaking kakapusan ng mga drayber ng trak at trabahador. Sa estimeyt ng World Bank, barado ang 8.5% ng pandaigdig na container shipping. May epekto ito sa biglang pagtaas ng implasyon at ng presyo ng mga produkto dahil sa pagkukulang ng suplay sa merkado ng mga pangunahing pangangailangan ng mga konsyumer. Nagiging mabilis at malawakan ang epekto nito sa kabuuang ekonomya ng mundo dahil sa integrasyon ng mga ekonomya sa balangkas ng imperyalistang globalisasyon.

Samantala, sa US, milyon-milyong manggagawa ang buwanang umaalis sa trabaho na nagresulta ng kakapusan ng paggawa sa maraming kumpanya. Nitong Oktubre, 4.2 milyong Amerikano ang nagbitiw, makaraan ang 4.4 milyon noong Setyembre at 4.3 milyon noong Agosto, sang-ayon sa datos ng Labor Department. May 11 milyong bakanteng trabaho na di napupunuan at rumururok ang demand sa mga bar, hotel, restawran at iba pang industriya sa serbisyo. Sapul ng Abril, umalis sa trabaho ang malaking mayorya ng mga manggagawa sa sektor ng serbisyo at nawalan na ng interes na maghanap ng bagong trabaho habang may patuloy pang tinatanggap na ayuda mula sa gubyernong Biden.

Para umakit ng mga manggagawa, napipilitang mag-alok ng umento sa sahod at mainam na benepisyo ang mga employer. Higit sa doble ang ibinibigay nilang signing bonus bilang dagdag sa sweldo sapul sa pagsisimula ng pandemya noong Marso 2020 at noong Oktubre 2021. Mas malaganap ang pagbibigay ng bonus sa mga manwal na trabaho na di nangangailangan ng mga nagtapos sa kolehiyo gayundin sa mga industriya na pinakamalaki ang pangangailangan sa paggawa tulad ng sa edukasyon at healthcare. Ang tunguhing ito ay malamang magpatuloy sa susunod na taon.

Hindi kataka-taka ang ganitong penomenon dahil tulad ng ibang kalakal, ang presyo ng lakas-paggawa sa anyo ng sahod ay umaayon din sa ekonomikong batas ng suplay at demand—tataas ang halaga ng lakas-paggawa kapag kulang ang suplay sa harap ng mataas na demand o pangangailangan ng iba’t ibang sangay ng industriya. Subalit dahil sa patuloy na pagtaas ng implasyon at presyo ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo, lagi’t laging kapos at di nakasasapat ang anumang pakitang-taong umento sa sahod sa mga manggagawa. Magiging pamalagiang laban ng mga manggagawa ang pagpapataas sa sahod, dagdag na benepisyo at seguridad sa trabaho.

Nakatakdang sumabog ang krisis sa pautang. Pangunahing binabayo nito ang mga atrasadong bansa na nakatali sa bisyosong siklo ng pangungutang para tapalan ang lumalaking pagkalugi ng ekonomya. Ang mga bansa sa mahihirap na ekonomya ay malalim na nalulubog sa lumalaking utang. Dati nang binabagabag ang mga ekonomyang ito ng walang katapusang siklo ng pangungutang. Bago ang pandemya, lumalaki ang demand sa mga kalakal na nililikha ng mga umuunlad na ekonomya at ipinagpapalagay na mababayaran ang interes sa utang ng kikitain mula sa eksport. Sa pananalasa ng pandemya, mas grabeng tinamaan ang mga ekonomya ng mga atrasadong bansa na may limitadong rekurso para buhayin at pasiglahin ang ekonomya kaysa maunlad na mga bansa. Sa datos ng World Bank, sa 74 bansa na kwalipikado sa mas maluwag na pautang at tulong, ang mahigit kalahati ay nasa mataas ang risgo na di makabayad. Tatlong bansa sa Sub-Saharan Africa—Chad, Ethiopia at Zambia—ang bigong mapagbigyan ang kahilingan na ikansela ang utang ng mga multi-lateral na ahensya at pautangang institusyon.

Samantala, sa hanay ng mga bansang may malakas na ekonomya, mabilis na tumataas ang resyo ng pambansang utang sa GDP: ito ay 225% sa Japan, 150% sa Singapore, 135% sa US at 123% sa Spain. Gayunman, di tulad sa mahihirap na ekonomya, ang mga bansang ito ay mas malaki ang kakayahang kumolekta ng buwis relatibo sa kanilang GDP kaysa mahihirap na mga bansa.

Sa patuloy na pagbagsak ng tantos ng tubò dahil sa pagkitid ng larangan ng pamumuhunan, pinagkukunan ng hilaw na materyal, rekursong langis at murang lakas-paggawa, ibayong umiigting ang kumpetisyon ng mga imperyalistang kapangyarihan para muling hatiin ang daigdig sa kani-kanilang saklaw ng impluensya. Ang kumpetisyong ito ay nasa larangan ng paligsahan sa lakas sa ekonomya at militar para palawakin at patigasin ang kanilang geopulitikal na kontrol at impluensya.

Ang bloke ng mga alyansang nasa orbit ng US ay nakikipaggirian sa alyansa ng Russia at China. Binabantaan at agresibong nagpapalawak ng presensyang militar at impluensya ang NATO sa Ukraine, Georgia at mga bansa sa dating Unyong Sobyet na nasa bakuran ng Russia. Ikinagagalit ni Putin ang ekspansyunistang ambisyon ng US sa pag-iimbita ng NATO na maging kasapi ng alyansang militar ang Georgia at Ukraine na nasa tarangkahan lamang ng Russia. Kaya bilang tugon, sinimulang dagdagan at palakasin ng Russia ang sariling pwersa at kapabilidad militar sa hangganan sa Ukraine na umabot na sa 175,000. Ikinababahala ng US at NATO ang lihim na balak ng Russia na sakupin ang Ukraine tulad ng naunang ginawa nitong pag-okupa sa Crimea at pagsuporta sa separatistang pwersa sa rehiyon ng Donbas na nagdeklara ng paghihiwalay sa Ukraine.

Binabantaan ng US at mga bansang kabilang sa G7 na papatawan ang Russia ng pinakamabigat na sanksyon at parusang pang-ekonomya kapag sinalakay nito ang Ukraine. Matigas na hinihingi naman ni Putin ang garantiya na ititigil ng NATO na magpalawak sa bakuran nito sa silangan at iaatras ang komitment na maging kasapi ng NATO ang Georgia at Ukraine sa ilalim ng 2008 Bucharest summit. Nagdudulot ang mga giriang ito ng pagtaas ng tensyon at ng lumalakas na posibilidad na mauwi sa komprontasyong militar at gera ang pagsusukatang ito ng lakas.

Sa rehiyong Asya-Indo-Pasipiko, pinalalakas ng US ang alyansang militar sa Australia, UK, Japan at India sa harap ng agresibong pagpapalawak ng China sa South China Sea. Kamakailan, inilunsad ng US noong Setyembre 16 ang “AUKUS” (Australia-United Kingdom-US)—isang trilateral na kasunduang pangseguridad sa ilalim ng kontrol ng US. Target nitong pahinain ang estratehikong pagsasama ng China at Russia at uk-ukin ang kabuuang kapabilidad ng China sa mga darating na mga taon. Magiging mahalagang elemento ng AUKUS ang Quadrilateral Security Dialogue na binubuo ng US, Australia, Japan at India na nauna nang itinatag ng US upang pigilan ang lumalakas na China. Higit na nagiging mahalaga sa US ang mga alyansang panseguridad na ito sa harap ng pagkatalo ng US sa dalawang dekadang gerang agresyon sa Afghanistan.

Samantala, luminaw na isa rin sa layunin ng US sa pagbubuo ng AUKUS ay suplayan ang Australia ng submarinong nukleyar sa kabila na may nauna nang kasunduan sa France ang huli. Hindi ikinatuwa ng France ang biglang pagkansela ng Australia sa kontrata nito ng pagbili ng submarino sa una. Mas lalong hindi ikinatuwa ng France ang pag-itsa-pwera sa kanya sa bloke ng QUAD at ng trilateral na kasunduang pangseguridad ng AUKUS kung saan may sariling geopulitikal na interes ding pinangangalagaan ang France sa rehiyong Indo-Pasipiko at Asya-Pasipiko. Ang mga insidenteng ito ay nagpapakita sa kontradiksyon at magkakasalungat na interes sa loob mismo ng mga multilateral na alyansang binubuo at pinangungunahan ng US.

Sa ginaganap na pulong sa Liverpool, UK, naghahanap ang US at iba pang kabilang sa G7 ng pormula paano haharapin ang agresibong postura sa rehiyong Indo-Pasipiko ng China—ang ikalawang pinakamalaking ekonomya sa daigdig at nangunguna sa ilang tipo ng iba’t ibang bagong teknolohiya. Bukod sa pag-adres sa tensyong militar sa South China Sea at Taiwan Strait, layon ng blokeng US sa G7 na ikoordina ang mga pagsisikap para protektahan ang “prontera ng demokrasya”—ang katawagan sa hilera ng imprastruktura sa pamumuhunan na itinatatag ng US, EU at UK—sa buong mundo para kontrahin ang Belt and Road Initiative ng China.

Sa Gitnang Silangan, ginagamit ng US ang Zionistang Israel bilang pangunahing kasangga sa kanyang gerang proxy laban sa mga anti-US na rehimen at kilusan. Pagkontrol sa rekursong langis ang motibasyon ng US sa kanyang gerang interbensyon at agresyon. Seryosong banta ang anti-US na mga rehimen ng Iran at Syria sa hegemonyang ambisyon ng US sa nasabing rehiyon. Pinatitigas ng US ang ugnayan sa Saudi Arabia, UAE at Qatar bilang mga partner sa depensa ng mga estadong Arabo sa Persian Gulf laban sa Iran. Binibentahan ng US ang mga estadong ito ng mga makabagong armas na may mataas na teknolohiya subalit hanggang sa punto lamang na di mababago ang kalamangan sa militar ng mga kaalyadong estadong Arabo sa Israel alinsunod sa kagustuhan ng Israel na panatilihin ang Qualitative Military Edge (QME) o ang pagkakaroon ng 5-taong kalamangan ng Israel sa kalidad ng kakayahang militar sa mga estadong Arabo.

Inaarmasan ng US ang Saudi Arabia at Israel laban sa Iran, Syria at Iraq gayundin sa pagsugpo sa mga armadong kilusan ng Hamas sa Palestine at Hezbollah sa Lebanon. Dahil dito, itinutulak ang Iran at Syria na sumalig sa alyansa ng Russia at China at pag-andika ng mga mataas na teknolohiyang sandata para panatilihin ang balanse sa Gitnang Silangan. Nililikha nito ang kundisyon ng paligsahan ng armas sa pagitan ng mga bansang nasa orbit ng US at ng Russia’t China sa Persian Gulf.

Sa kabilang banda, sa siphayong pagkatalo naman ng US sa dalawang dekadang gerang agresyon sa Afghanistan, nawalan ito ng tungtungan para sa pagpapalakas ng geopulitikal na impluensya sa Central Asia.

Sa Latin America, pinakikilos ng US ang mga kliyenteng estado nito laban sa anti-imperyalistang rehimen sa Venezuela at Cuba. Pinaiigting ng US ang parusa at blokeyong pang-ekonomya sa Venezuela at Cuba at inuudyukan ang panggugulo ng mga ahente nito na sumasakay sa krisis na dulot ng pandemya at mga ipinatupad ng US na parusang pang-ekonomya at panggigipit. Gayunman, nabigo ang mga ahente ng US na ipilit ang pagpapalit ng rehimen sa Venezuela sa pamamagitan ng tangkang pagkudeta sa gubyernong Maduro gayundin ang pag-upat ng mga kaguluhan sa Cuba dahil sa ipinatutupad na mga paghihigpit ng sinturon ng gubyernong Cubano resulta ng ipinataw ng US na ekonomikong sanksyon at blokeyo.

Pinapaypayan ng US at mga imperyalista ang mga rehiyunal na kaguluhan para tuluy-tuloy na pagkakitaan ng military industrial complex. Pinaiigting ng mga nangungunang imperyalistang kapangyarihan ang produksyon ng mataas na teknolohiyang armas at kagamitang pandigma ng kanilang industriyang militar upang patuloy na pigilan ang pagbulusok ng kanilang pambansang ekonomya na patuloy na nililigalig ng krisis ng monopolyo kapitalismo at ng pandemya. Nasa gitna ang US, Russia at China ng panibagong paligsahan sa pagpapaunlad ng mataas na teknolohiyang armas sa larangan ng hypersonic missile at pinakamabilis na stealth fighter jets. Nangunguna ang Russia sa teknolohiya ng hypersonic missile habang mabilis na humahabol naman ang China sa US sa larangang ng pagpapaunlad ng bagong henerasyon ng hypersonic missile, fighter jets at aircraft carrier. Kumpara sa $252.3 bilyon ng China at $62 bilyon ng Russia, pinakamalaki pa ring ang $778 bilyon na ginagasta ng US sa militar—ito ay 39% ng kabuuang paggastang militar sa buong daigdig na $1.98 trilyon noong 2020. Ang iba pang bansa na may pinakamalalaking badget militar ay: India ($72.9 bilyon), UK ($59.2 bilyon), Saudi Arabia ($57.5 bilyon), Germany ($52.8 bilyon) at France ($52.7 bilyon).

Sa maraming panig ng daigdig, naglulunsad ng iba’t ibang anyo ng pakikibaka ang mamamayan laban sa interbensyon at agresyon ng imperyalismong US, rasismo, xenophobia at diskriminasyon. Mariing nilalabanan ng mga sambayanan ang anti-mamamayang imposisyon ng mga neoliberalistang rehimen at kliyenteng estado ng imperyalismo.

Sa US, lumahok sa kilusang welga ang 100,000 manggagawa mula sa iba’t ibang unyon para ipaglaban ang umento sa sahod, mas makataong kundisyon sa paggawa at pagrespeto sa kanilang dignidad. Nagprotesta din ang mga manggagawa ng Amazon nitong Nobyembre para igiit ang makatarungang sahod, mga benepisyo at pagtigil sa kontraktwalisasyon. Nagpatuloy din sa taong ito ang mga protesta laban sa rasismo at diskriminasyon sa mga Itim at Latino at karahasan laban sa lahi (racial violence) sa mga Asyanong Amerikano.

Sa France, nagprotesta at nanawagan ang 25,000 manggagawa noong Oktubre para sa ayuda at makataong kundisyon sa trabaho sa gitna ng krisis sa ekonomya at pandemya. May naganap ding mga katulad na protesta sa Indonesia, Uganda at South Africa.

Sa South Korea, naglunsad ng pambansang protesta ang mga manggagawa sa ilalim ng Korean Confederation of Trade Unions noong Oktubre laban sa kontraktwalisasyon at para sa dagdag na mga benepisyo.

Nagtuluy-tuloy naman ang mga protestang bayan ng milyun-milyong magsasaka sa India laban sa pagpapatupad ng anti-magsasakang neoliberal na batas ng gubyernong Modi. Mahigit isang milyon ang nagmartsa noong Nobyembre 2020 tungong kabisera ng bansa at nagtayo ng mga kampong protesta na nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Bunga nito, napilitang iatras at ibasura ng gubyernong Modi ang tinututulang batas ng mga magsasaka.

Sa Latin Amerika, nasustine ang mga protesta sa Chile laban sa mga neoliberal na patakaran na naglugmok sa ekonomya at pulitika ng bansa at sa pagbaklas sa anti-mamamayan at anti-demokratikong konstitusyon sa panahon ng paghaharing diktador ni Gen. Augusto Pinochet. Humugos sa kalsada ang libu-libong mamamayan noong Oktubre para gunitain ang unang malaking protesta ng may 1.2 milyon noong 2019. Sa Colombia, may 5 milyon ang lumahok sa mga protesta sapul Abril para ibasura ang reporma sa pagbubuwis ng rehimeng Duque at ipwersa ang pagbabasura dito ng gubyerno. Sa Ecuador, lumahok sa unahan ng mga protesta at pakikibaka ang mga katutubo laban sa pagsipa ng presyo ng langis at pagkundena sa patakaran sa ekonomya ng gubyernong Lasso.

Sa Cuba, dalawang ulit na binigo noong Hulyo at Nobyembre ng mamamayang Cubano ang mga pagtatangka ng US na mag-upat at maghasik ng mga kaguluhan sa pamamagitan ng mga pinupunduhan nitong mga ahente’t maliliit na grupong oportunista. Patuloy na nilalabanan ng mamamayang Cubano at ng kanilang gubyerno ang malupit na sanksyon at panggigipit ng US para pahinai’t sirain ang naipagwagi ng rebolusyon sa larangan ng ekonomya, pulitika, kultura at pampublikong kalusugan.

Sa Gitnang Silangan, nagsagawa ng malawakang pagtigil sa trabaho ang mamamayang Palestino sa West Bank at Gaza sa Palestine at maging sa Israel para iprotesta ang patuloy na okupasyon at pambobomba ng Zionistang Israel sa Gaza.

Patuloy naman ang paggigiit ng mga demokratikong kilusan laban sa tiraniya at panunupil sa Thailand at Myanmar. Sa Sudan, libu-libo ang nagprotesta laban sa huntang militar na nagpatalsik sa demokratikong halal na gubyernong sibilyan noong Oktubre.

Libu-libong environmental at climate activist ang nagtipon sa Scotland noong Oktubre para tuligsain ang kawalan ng pandaigdigang aksyon upang pigilan ang climate change sa ginanap na climate change conference o COP26 Summit ng United Nations.

Nasa bag-as ng lumalawak at lumalakas na mga ga-higanteng anti-imperyalistang kilusan at mga protestang masa laban sa pasismo, rasismo, diskriminasyon at xenophobia sa mga kapitalista at di maunlad na mga bansa ang mga kilusan para sa sariling pagpapasya at sosyalismo sa mga kolonya at neokolonya. Patuloy na nagpupunyagi sa armadong pakikibaka ang mga proletaryado at mamamayan sa Pilipinas, India, Kurdistan, Turkey, Palestine, Peru, Colombia at sa iba pang mga lugar.

May mga gubyerno tulad ng Democratic People’s Republic of Korea, Cuba, Vietnam, Venezuela at Syria na naggigiit ng pambansang kasarinlan at sosyalistang mithiin. Sinusuportahan sila ng kanilang mamamayan sa paglaban sa imperyalismong US.

Dumadaan sa mahabang transisyon ang muling pagbangon at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong pwersa ng daigdig para sa bagong demokrasya at sosyalismo. Internasyunalistang tungkulin ng mga rebolusyonaryo at Komunistang Pilipino ang iambag ang ganang makakaya sa pagsulong ng pandaigdig na proletaryong rebolusyon at pananagumpay ng sosyalismo.

II. Panibagong lalim ng krisis ng naghaharing sistema sa gitna ng malawak na paglaban ng mga mamamayan at nagpapalakas na rebolusyonaryong kilusan

Ang pananalasa ng pandemyang COVID-19 ay naglantad kung gaano kabulok ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa Pilipinas. Ginamit ng lokal na naghaharing uri ang pandemya upang magpatupad ng militaristang lockdown at samu’t saring paghihigpit upang busalan at gipitin ang mga kritiko’t pagtutol ng mamamayan. Nagkasala ang rehimeng Duterte ng kriminal na kapabayaan sa kabiguan nitong pangalagaan ang kabutihan at kapakanan ng mamamayan partikular ang masang maralita na pinagkaitan ng libre kung hindi man abot-kayang serbisyong medikal at sapat na ayudang pandugtong sa malaganap na kagutuman at pagkasira ng kabuhayan bunga ng malupit na lockdown.

Sa halip, ginamit ng rehimeng Duterte ang pandemya upang magpatupad ng malupit na panunupil sa ligal na demokratikong kilusan, mga kritiko at ligal na oposisyon. Sa kanayunan, ipinatupad nito ang walang lubay na mga operasyong militar, pagbomba at pagkanyon sa mga komunidad ng mga katutubong mamamayan at magsasaka, pagkontrol sa populasyon at paghadlang sa daloy ng pagkain sa layuning pagkaitan ng masang suporta ang mga armadong pwersa ng rebolusyon. Sa gitna ng malaganap na popular na pagtutol, ipinwersang ipasa ng naghaharing pangkating Duterte at mga alipures sa Senado at Kamara ang mapanupil at kontra-mamamayang Anti-Terrorism Law (ATL) at iba pang pasistang patakaran sa ngalan ng anti-komunismo at “anti-terorismo.” Sinalubong ito ng iba’t ibang anyo ng pagtutol mula sa nakikibakang mamamayan—sa mga protesta sa lansangan, kampanya sa social media, masiglang propaganda at edukasyon sa masa hanggang sa paghamon ng pagiging konstitusyunal nito sa Korte Suprema ng mga progresibo.

Bunga ng mga liberalistang programa at patakaran ng mga nagpalit-palitang rehimen, bumagsak ang kalidad ng serbisyo ng mga pampublikong pasilidad medikal. Naging inutil ito sa pagtugon sa biglang dumagsang mga nagkasakit ng COVID-19 na nangailangan ng ospitalisasyon. Sa maikling panahon simula nang kumalat ang impeksyon ng pandemya, marami na kaagad na mga medical frontliners ang namatay sa sakit at nahawa dahil sa kakulangan ng mga proteksyon. Lumobo bigla ang mga namatay sa hanay ng mamamayan. Sa loob ng magdadalawang taong pag-iral ng pandemya, umabot na sa 2.84 milyon ang mga nagkasakit at halos 51 libo na ang mga namatay.

Sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, pag-iibayo ng bakunahan at pagluluwag ng negosyo, nananatiling kulelat ang Pilipinas sa COVID-19 resilience ranking ng Bloomberg. Sa inilabas ng Bloomberg na COVID Resilience Ranking nitong Nobyembre, nasa huling pwesto ng 53 bansa ang Pilipinas na may resilience score na 43.1. Kabilang sa pamantayan sa resilience score ang vaccination coverage, virus containment, mga ipinatupad na lockdown, kalidad ng healthcare system, muling pagsisimula ng pagbiyahe, at bilang ng mga namatay sa kabuuan ng pandemya.

Nakapagngingitngit na sa gitna ng trahedyang ito ay nagawa pa ng mga sakim at masibang mga burukratang may koneksyon sa malalaking negosyo at Malakanyang na pagkakitaan ng bilyon-bilyong kurakot ang mga overpriced, substandard at depektibong mga face masks, face shield, personal protective equipments (PPE’s) at test kits. Nabunyag ang malaking sindikatong ito sa nadiskubreng maanomalya at puno ng kurapsyong mga transaksyon sa pagitan ng DOH, Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) at ng pipitsuging Pharmally Pharmaceutical Corp. Nagsabwatan sina DOH Secretary Francisco Duque at ng bata ni Duterteng si Lloyd Christopher Lao, pinuno ng PS-DBM, para mairelis ang P42 bilyong pondo ng DOH sa PS-DBM nang walang mga kinakailangang dokumento at makuha mula sa pondong ito ng Pharmally—na may P625,000 na kapitalisasyon lamang—ang P11.5 bilyong kontrata sa pagsuplay ng surgical masks, PPE’s, COVID-19 test kits at face shields para sa taong 2020 at 2021.

Isa lamang ito sa maraming kaso ng kriminal na aktibidad ng kriminal na gang ni Duterte. Mas maaga pang nabulgar ang P11-bilyong halaga ng shabu na pinalusot ng mga bata ni Duterte sa Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ni Custom Commissioner Isidro Lapeña—kilalang tirador ng Davao Death Squad (DDS) nang alkalde pa si Duterte ng Davao City. Mas nauna pa, nasabat ang tangkang pagpuslit ng P6.4 bilyong halaga ng shabu ng Davao Group na kinasasangkutan ng anak ng presidente na si Paolo Duterte, ngayon isa nang kongresista, at ng manugang na si Manases Carpio, asawa ni Sara Duterte, at ng mga bata ni Duterte sa BOC na sina Custom Commissioner Nicanor Faeldon at Milo Maestrecampo.

Kasuklam-suklam na lahat ng mga nabunyag na personalidad na sangkot sa malawakang korapsyon ay may marka ng mahabang kamay ng Malakanyang at mga matatapat na alagad ni Duterte.

Sinangkalan ng kriminal na gang ni Duterte ang pekeng gera laban sa iligal na droga upang solohin ang iligal na pagbebenta ng droga, payukurin o likidahin ang mga kakumpetensyang drug lord at kopohin ang koneksyon sa Chinese Drug Triad sa ismagling ng shabu at mga kontrabando. Para pagmukhaing seryoso si Duterte sa kampanya laban sa iligal na droga, mga adik at maliliit na tulak ng droga ang naging target ng madugong Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel na pinangasiwaan ng dating hepe ng PNP at ngayon senador nang si Bato dela Rosa, isa sa mga utak ng Davao Death Squad. Ang impyunidad ng mga pagpatay na ginawa ng DDS sa Davao City ay naging isang pambansang kampanya nang maluklok si Duterte bilang presidente at kaalinsabay nito, ang pag-okupa sa matataas at susing mga katungkulan sa burukrasya at pulisya ng mga nasa likod ng DDS.

Samantala, sa mahigit limang taong paghahari ni Duterte, ibayong nalubog ang ekonomya ng bansa sa walang katulad na krisis. Mula 2016 nang maluklok sa kapangyarihan si Duterte, naging padron na ang pagbagal ng ekonomya. Mula sa 7.2% paglago ng GDP noong 2016 tuluy-tuloy na bumaba ito sa 7.0% noong 2017, 6.3% noong 2018, 5.9% noong 2019 at biglang lumagapak sa negatibong 10.1% noong 2020.

Ibayong nalubog sa utang ang Pilipinas. Sa pagtatapos ng ikatlong kwarter ng 2021, ang P11.92 trilyon na utang ng gubyerno ay katumbas ng dalawang-katlo ng kinikita ng ekonomya sa isang taon. Lumaki pa ito tungong P11.97 trilyon (P8.7 trilyong panloob na utang at P3.5 trilyon na utang panlabas) noong Oktubre. Pagsapit ng Nobyembre, umabot na sa P12.33 trilyon ang pambansang utang dahil sa nadagdag na panibagong P360 bilyon mula sa pagbebenta ng retail treasury bond ng Bureau of Treasury. Nakatakdang madagdag pa dito ang bagong naaprubahang $600 milyon o P30 bilyong ng paketeng utang ng gubyerno ng Pilipinas.

Ang utang ng bansa ay lumaki nang mahigit kalahati (55%) sa nakaraang dalawang taon, mula P7.7 trilyon noong 2019 sa harap ng halos hindi lumaking ekonomya. Ang papalaking pangungutang ang tanging paraan ng gubyerno para tugunan ang lumalaking gastos sa pagtamà ng pandemyang COVID-19 sa pampublikong kalusugan at sa ekonomya. Noong 2019, ang kabuuang pambansang utang ay nagkakahalaga lamang ng 39.6% ng P19.5 trilyong GDP. Pagsapit ng Setyembre ito ay umabot na sa 63% ng P18.92 trilyong GDP para sa taong 2021. Ang 60% resyu ng utang sa GDP ang itinuturing na hangganan kung saan lampas dito, malalagay na sa kwestiyon ang pagiging sustenable ng gubyernong bayaran ang utang at hindi mauwi sa pagbagsak ng ekonomya.

Sa panahong bumabâ sa katungkulan si Duterte sa Hunyo 2022, nakatakdang mahigitan pa ang tinatayang pambansang pagkakautang na aabot sa P13 trilyon. Ito na ang pinakamalaki sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Nilampasan nito ang P11.92 trilyong marka noong Setyembre at malayong iniwanan ang inaasahang P11.73 trilyong pagkakautang na itinakda ng gubyernong Duterte sa pagtatapos ng 2021.

Resulta ng ipinatutupad na matagalang lockdown, tuluy-tuloy na dumausdos ang ekonomya ng bansa dahil sa paghinto at pagtumal ng produksyon sa iba’t ibang sangay ng industriya, negosyo at kalakalan. Nangahulugan ito ng nawalang mga taon ng potensyal na kikitain at iuunlad ng kabuuang ekonomya ng bansa. Kung tutuusin ang antas ng halagang nalikha ng ekonomya na Php 13.3 trilyon sa unang siyam na buwan ng taong kasalukuyan ay katumbas lamang ng nililikhang halaga sa nakalipas na tatlong taon sapul 2018. Ang humigit-kumulang sa 20 buwan ng mga lockdown nang walang katapat na pagpapasigla ng ekonomya (economic stimulus) ang dahilan ng nawalang katumbas na halagang malilikha ng ekonomya sa nakalipas na tatlong taon. Pinakamatinding tinamaan ang sektor ng transportasyon at pag-iimbak (7 taong nawala), pagmimina (8 taon), akumudasyon at food services (9 taon), at iba pang serbisyo (11 taon). Tinamaan din ang sektor ng agrikultura, forestry at pangingisda (2 taon ang nawala), kalakalang wholesale at retail at edukasyon (3 taon bawat isa), manupaktura at professional and business services (4 na taon bawat isa), konstruksyon (5 taon), at real estate (6 na taon).

Sa sarbey ng SWS, ang tantos ng kagutuman ay umabot ng 31% pagsapit ng Setyembre 2020. Dahil ito sa pagkawasak sa kabuhayan ng mamamayan bunga ng ipinatupad na malupit na mga restriksyon ng gubyerno nang tumama ang pandemya sa pagsisimula ng 2020. Ang abereyds ng kagutuman sa buong taon ng 2020 ay umabot sa 21% kung saan ang 16% dito ay nakaranas na magutom nang katamtaman at ang 5% na katumbas ng isang milyong pamilya ay nakaranas ng grabeng kagutuman. Sa unang tatlong kwarter ng 2021, tumaas sa 13% ang dumanas ng grabeng kagutuman.

Sa datos ng PSA, inamin nito na tumaas sa 23.7% ang kahirapan sa bansa sa unang hati ng 2021. Ito ay katumbas sa 26.14 milyong mahihirap na mga Pilipino ang nabubuhay sa ibaba ng hangganan na P12,082 kita kada buwan para sa isang pamilya na may limang miyembro. Sa bilang na ito, 9.9% o 10.94 milyon ang kulang na kulang ang kita para tugunan ang pinakaminimum na pangangailangan para mabuhay.

Nananatiling malaganap ang kawalang ng trabaho bunga ng maraming nagsarahang naluluging mga negosyo o kaya’y pansamantalang nagtiklop ng operasyon. Kahit ang di kapanipaniwalang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay inamin na 4.25 milyon ang walang trabaho nitong Setyembre na nagpapakita ng tantos ng kawalang trabaho na 8.9%–ang pinakamataas sapul Enero ng taong ito. Kahit sa hanay ng mga may hanapbuhay at trabaho, paparami sa kanila ang hindi sapat na kumikita at napipilitang maghanap ng dagdag na trabaho’t pagkakakitaan. Magpapatuloy ito hanggang hindi nasusugpo ang pandemya at inaalis ang granular lockdown.

Sinasalungat ng pananaliksik ng IBON Foundation ang ipinagmamalaki ng gubyernong Duterte na 7.1% paglago ng GDP sa ikatlong kwarter ng 2021 bilang paglagong di sinasalamin ng paglaki ng nililikhang trabaho. Kahit ang sariling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay hindi maitagong nabawasan ng 1.2 milyon ang may trabaho mula 44.4 milyon ng ikalawang kwarter tungong 43.2 milyon pagsapit ng ikatlong kwarter. Dagdag pa, ayon sa PSA, ang buwanang abereyds ng kulang sa trabaho ay lumaki nang 668,000 mula 6.5 milyon sa ikalawang kwarter tungong 7.1 milyon sa ikatlong kwarter. Ang tantos ng kakulangan sa trabaho nitong Oktubre na 16.1% ang pinakamataas sa loob ng tatlong buwan.

Gayunman, kahit ang datos na ito ng kulang sa trabaho mula sa PSA ay di sumasalamin sa tunay na buhay lalo sa sektor ng agrikultura kung saan panahunan o seasonal ang trabaho at malayong kapos ang kinikita ng masang nagtatrabaho para tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya. Ang pamumutiktik mismo ng impormal na ekonomya sa kalunsuran ay sintomas ng kakulangan ng trabaho.

Sa pinakahuling sarbey ng SWS, tinatayang 11.9 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Setyembre 2021 sa harap ng pinakagrabeng pagdami ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa bansa. Sa nasabing sarbey, ang 24.8% ng pwersa sa paggawa ay walang trabaho. Bahagya lamang itong bumaba ng 2.8% mula sa 27.6% o 13.5 milyong walang trabaho noong Hunyo ng taong ito.

Kahit nagsimula nang magbukas at magluwag ang ekonomya at umandar ang mga empresa, nananatili pa ring matumal at nasa mababang lebel ang operasyon ng mga negosyo at komersyo. Maraming mga negosyo na mga bakunado lamang ang tinatanggap o iniempleyo na malaking diskriminasyon sa mga manggagawang di pa bakunado. Samantala, nagbabadyang maunsyami na naman ang pagluluwag ng ekonomya dahil sa panibagong banta ng Omicron variant, isang mas mapanghawang mutation ng COVID-19, na natuklasan sa South Africa at nagsimula nang mabilis na kumalat sa 25 mga bansa. Nagresulta na agad ito ng biglang pagbulusok ng Philippine Stock Exchange Index (PSEi) mula ng 253.82 punto tungong 6,947.06 punto o nabawasan ng katumbas na 3.52 percentage points.

Dapat ding singilin si Duterte sa pagtataksil sa bayan dahil sa ginawang pagsuko nito sa China ng soberanya ng bansa sa West Philippine Sea at pagbasura sa naging tagumpay at paborableng arbitral ruling ng bansa sa ilalim UNCLOS. Dahil sa kanyang karuwagan, nanganganib na mawala sa Pilipinas nang buung-buó ang mahahalagang rekurso sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa WPS at mawalan ng pamalakaya ang mga mangingisdang Pilipino na umaasa ng kabuhayan sa WPS.

Sa mas masaklaw na pagtingin, ibinunsod ng pagsahol ng krisis sa ekonomya ang paglalim ng krisis ng naghaharing sistema. Kaagad na nasasalamin ito sa lumalalim na krisis sa pulitika ng bansa. Nagsimula nang lumaki ang lamat at bitak ng dati nang mabuway na alyansa ng mga paksyon na nagsasama-sama para ipanalo ang kandidatura ni Duterte noong 2016.

Ang dating kinang ng popularidad ni Duterte ay nagsimula nang maagnas na maging ang kanyang bayarang hukbo ng mga troll ay di na kayang pagtakpan. Sa SWS survey noong Mayo at Hunyo 2021, bumagsak ang net satisfaction rating ni Duterte mula +62 noong Hunyo 2021 tungong +52 nitong Setyembre 2021. Pinakamalaki ang disgustado sa Luzon na bumagsak ng 14 na punto mula +58 tungong +44 at sa Metro Manila na bumagsak ng 15-punto mula +68 tungong +48. Bumagsak din ito sa Kabisayaan mula +53 tungong +44 o 9 na puntong pagbagsak samantalang sa Mindanao bahagyang bumaba ito mula +79 noong Hunyo tungong +76 nitong Setyembre. Salaminan ito ng lumalawak na disgusto ng mamamayan sa palpak at batbat-ng-korapsyon na gubyernong Duterte.

Sa nalalabing pitong buwan ng panunungkulan ni Duterte at habang papalapit ang eleksyong pampanguluhan sa Mayo 2022, tumambad ang lumalaking mga pagkakaiba, ribalan at pagkakawatak-watak ng iba’t ibang paksyon sa loob ng kampong Duterte. Nabiyak ang PDP-Laban sa paksyong Cusi-Duterte at Pimentel-Pacquiao nang agawin ng una ang pamunuan ng partido at patalsikin ang huli para hadlangan ang kandidatura ni Pacquiao.

Sa kawalan ng prominenteng standard bearer ng paksyong Cusi-Duterte ng PDP-Laban, tinanggap ni Duterte ang nominasyon bilang bise presidente—una, para ikutan at takasan ang pag-uusig ng International Criminal Court (ICC) ng UN kaugnay sa pagpapatupad ng madugong gera laban sa iligal na droga at kriminalidad mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019 nang nakaupo pa siyang alkalde ng Davao City at nang manungkulan siyang presidente noong Hunyo 2016; at pangalawa, para isalba ang gang ni Duterte at Cusi sa PDP-Laban.

Dahil sa bumabagsak na popularidad sa mga sarbey, iniatras ni Duterte ang kandidatura at diumano’y “magreretiro na lamang sa pulitika”. Papalit naman ang dakilang alalay at isa pang miyembro ng DDS na si Bong Go habang bakante ang pwesto ng standard bearer ng partido. Sa huling sandali ng pagsasara ng pagsusumite ng COC sa COMELEC noong Oktubre 8, biglang sa kaorasan umeksena sa COMELEC si Bato dela Rosa sa utos ni Cusi para magsumite ng COC bilang standard bearer ng PDP-Laban katambal ni Bong Go.

Sa pagsapit ng dedlayn ng substitusyon ng mga kandidato noong Nobyembre 15, naging magulong tsubibo ang palitan at rigodon ng mga kandidato sa pambansang pusisyon. Naging katangi-tangi sa eleksyong ito ang naganap na 10 pagpapalit at 19 na pag-atras ng kandidatura para sa pambansang mga pusisyon—isang buhay na testamento kung gaano binulok ng mga naghaharing uri ang sistemang pampulitika sa bansa, pinatatag ang pulitika ng mga patron at ng mga pampulitikang angkan, at inilubog ang katayuan ng taumbayan bilang pasibong tagamasid at tagapalakpak sa mga pampulitikang salamangka ng lokal na naghaharing uri.

Tumampok ang pagkawatak-watak sa maraming paksyon ng dating mabuway nang alyansa ng mga bumubuo ng kampong Duterte. Marami sa kanila ay sumiksik at nagpaampon na lamang ng kanilang kandidatura sa iba’t ibang partidong elektoral tulad ni Salvador Panelo at Harry Roque, mga dating miyembro ng gabinete ni Duterte.

Nagsanib naman ang kampong GMA, Sara Duterte-Carpio at Marcos Jr. (BBM) sa isang pulitikal na pagsasama-sama nang sumumpa si Sara sa Lakas-CMD bilang kandidatong bise presidente at pag-ampon naman ni BBM dito bilang running mate sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas. Naging posible ang elektoral na alyansa nina BBM at Sara dahil sa pagbroker ni GMA. Ang pagsasama-sama ng tatlong nagmumula sa makapangyarihang mga angkan ng mga mandarambong at masiba sa kapangyarihang mga burukrata-kapitalista ay nakasipat sa pagbalik at pananatili sa kapangyarihan ng mga Marcos, Duterte at GMA sa pambansang pulitika. Sila ang pinakamasamang mukha ng mga burukrata-kapitalistang gahaman at lasing sa kapangyarihan na gagawin ang lahat para mailuklok ang sarili sa poder at patuloy na bundatin ang mga sarili sa pagdambong sa kaban ng bayan. Dapat itutok sa kanila ang pangunahing bira ng mga rebolusyonaryo at ng ligal na demokratikong kilusang masa.

Hindi ikinatuwa ni Rodrigo Duterte ang pagsasama ni BBM at Sara. Nais ni Duterte na magtambal si Sara at Bong Go dahil mas malaki ang tyansa ni Sara na manalo kung ibabatay sa konsistenteng pangunguna nito sa sarbey sa mga presidentiables kahit hindi pa man nagdideklara ng kanyang kandidatura at kahit na nang kumandidato itong reeleksyunista sa pagka-alkalde ng Davao City. Sa desisyon ni Sara na tumakbong bise presidente, nasira ang plano ni Duterte na magpresidente si Sara—kaya naman inutusan nitong umatras si Bong Go sa pagiging bise presidente ng PDP-Laban-paksyong Cusi at sa halip, tumakbo na lamang na presidente ng PDDS sa paraan ng substitusyon. Para palakasin ang tyansa ni Bong Go na manalo at makinabang sa popularidad niya, tumakbong senador si Rodrigo Duterte sa paraan din ng substitusyon sa ilalim ng parehong partido ni Bong Go.

Sa bandang huli, magkasunod na aatras ng kandidaturang presidente si Go at senador si Duterte pagsapit ng ikalawang linggo ng Disyembre matapos ang di paborableng rating sa sarbey ng kanilang kandidatura. Maaaring ginamit lamang nina Duterte at Go ang kanilang kandidatura para makapiga ng konsesyon at kasunduan sa iba pang mayor na elektoral na partido na poprotektahan sila mula sa pag-uusig ng ICC sino man sa mga kandidatong personahe ng nasabing mga elektoral na partido ang maluklok sa kapangyarihan.

Kung babalikan, nagsimulang lumaki ang bitak sa pagitan ng kampo ni Duterte-Bong Go at BBM, sa pagpapalutang ni Duterte na gumagamit ng cocaine si BBM kahit hindi pinangalanan at sa pagdedeklarang mahinang lider ito at walang maipagmamalaking nagawa para sa bayan. Sa dakong huli, inareglo ni Duterte ang pag-atras ng kandidatura ng tau-tauhan niyang si Bong Go upang isalba ang alyansa sa mga Marcos.

Nagsampa naman ng kaso sa COMELEC ang mga progresibong ND at iba pang anti-Marcos na oposisyon para sa diskwalipikasyon at kanselasyon ng COC ni BBM sa batayan ng hatol ng Quezon City RTC noong 1995 na nagkasala itong kriminal ng tax evasion mula 1982-1985 kung saan panghabambuhay na nagdidiskwalipika sa kanya na lumahok sa anumang elektoral na ehersisyo at humawak sa anumang katungkulan sa gubyerno. Naging pinal ang disisyon ng QC RTC nang inapirma ang desisyon ng una ng Court of Appeals noong 1997 at nang iniatras ni BBM ang apela sa Korte Suprema noong 2001.

Kung paniniwalaan ang mga sarbey, malayong nangunguna si Bongbong Marcos sa mga tumatakbong presidente at kung gayun ay mataas ang porsyentong manalo lalo’t hindi na itinuloy ni Sara ang pagtakbong presidente at nakipagkasundo kay BBM sa isang alyansang pulitikal—isang alyansa sa pagitan ng pamilya ng dalawang pinakakorap at pinakatiranong lider ng bansa. Sa ilalim ng paghahari ni Ferdinand Marcos Sr. at Rodrigo Duterte, ibayong sumahol ang kahirapan, kawalang trabaho, pagkabaon sa utang ng bansa at naging hosteyds ang ekonomya ng bansa ng kanilang mga kroni at interes ng mga dayuhang negosyo.

Magiging mapanganib na presidente si BBM kung mananalo. Tulad ng kanyang amang diktador, ilulubog nya ang bansa sa panibagong antas ng kroniyismo, korapsyon, paglabag sa karapatang pantao at ekonomyang nakasanla sa utang. Babaligtarin nito ang husga sa pinakamadilim na yugto ng kasaysayan ng bansa sa ilalim ng diktadurang Ferdinand Marcos Sr. at sa naging husga sa mga nabawi at kasalukuyang pinaglalabanan pa sa korteng dambong na yaman ng mga Marcos.

Kahit ang sektor ng malaking negosyo ay di panatag at nag-aalala kung mananalo si BBM bilang presidente at makakabalik sa Malakanyang ang pamilya ng dating diktador. Sariwa pa sa kanilang alaala kung papaano sinolo at sinalanta ng mga kroni ni Marcos ang ekonomya ng bansa at kung paano nagkamal ng limpak-limpak na yaman ang pamilyang Marcos sa pamamagitan ng pagdambong kaban ng bayan.

Ang walang pagsisising pamilyang Marcos ay malaon nang nakikinabang at nagtatampisaw sa mga dinambong na yaman mula sa kaban ng bayan sa panahon ng paghaharing militar ng pamilyang Marcos. Ang 14-na-taong diktadura ang nagwasak at nagpahina sa liberal-burges na mga institusyon at mga paniniwala na nagtulak sa ibayong pagkabulok nito.

Sa mga naglalabang mga kandidato sa pagkapresidente, walang maituturing na tunay na nagtataguyod ng pambansa at demokratikong interes at adhikain ng sambayanang Pilipino. Lahat sila’y mga hunyango na handang magpalit ng kulay at makipagkasundo sa pinakamasamang tipo’t pinakasagadsaring pasista at tirano para sa preserbasyon ng sariling paksyunal na interes at gahamang ambisyon sa kapangyarihan. Niloloko nila ang mamamayan sa mga pangako na ihahatid ang langit sa lupa. May ilang nag-aastang anti-Duterteng oposisyon na patay-malisyang umaasa ng suporta, pinupuri ang diumanong mabuting programa’t nagawa ni Duterte o lihim na nakikipag-aregluhan sa punong tirano. May ilan ding nagdadala ng platapormang anti-Duterte, nananawagan ng pagtatanggol sa demokrasya at karapatang pantao ng mamamayan at inihahapag ang sarili bilang alternatibo sa tiranikong rehimeng Duterte subalit handang makipagkasundo sa kriminal na gang ng mga pasista para maibalik sa kapangyarihan ang kinakatawang paksyon ng lokal na naghaharing uri. Dapat edukahin ang mamamayan sa mapagkumpromiso at reaksyunaryong katangian ng mga hunyangong ito.

Sa hanayan ng mga nagtatagisang pampulitikang pwersa sa eleksyong 2022, ang elektoral na kwalisyon ng mga progresibong ND ang konsistenteng nagdadala ng pampulitikang programa na nagsusulong sa tunay na pambansa at demokratikong adhikain ng masa ng sambayanang Pilipino. Kinakatawan nila ang mga pwersang patriotiko at demokratiko na binubuo ng masang manggagawa, magsasaka’t pambansang minorya, maralita sa kalunsuran, kababaihan, kabataan, petiburgesya sa kalunsuran at pambansang burgesya. Sila ang pinakaapi’t pinagsasamantalahan ng naghaharing sistema at imperyalismo. Sila ang pinakapuspusang ligal na oposisyon sa tiranya ng bawat naghaharing rehimen.

Dahil sa puspusang pagdadala nila sa adyenda ng bayan sa lansangan at bulwagan ng Kongreso at sa mariing pagtatanggol at pagsusulong ng pambansa at demokratikong interes ng masa, pinagtutulung-tulungan ng mga kapural ni Duterte sa NTF-ELCAC at AFP ang demonisasyon at diskwalipikasyon sa kanilang partidong elektoral. Nais linisin ng mga naghaharing uri ang reaksyunaryong Kongreso sa mga maka-Kaliwa at progresibong kinatawan ng mamamayan tulad ng ginawang pagpapatalsik ng rehimeng Roxas sa Kongreso ng anim na maka-Kaliwang kinatawan ng Democratic Alliance na nanalo sa 1946 eleksyong presidensyal upang mawala ang patriotikong oposisyon sa paglusot ng mga neoliberalistang patakaran at di pantay na mga kasunduan ng papet na rehimen sa US.

Sa maraming bagay umaayon sa tunay na kahilingan at interes ng mamamayang Pilipino ang marami sa isinusulong na makabayang adhikain ng mga ligal na progresibong pwersa at ng kanilang blokeng elektoral. Sila lamang ang tunay na nagdadala ng patriotikong programa at tunay na adhikain para sa makabuluhang pagbabago sa Pilipinas. Kaya naman nagbubukas ang Partido at rebolusyonaryong kilusan na makaisa sila sa maraming bagay na pwedeng pagtulungan kahit sa paraang di pormal sa batayan ng mga kahilingan at adhikaing anti-pasista, anti-imperyalista at anti-pyudal.

Ang mga progresibong burges-liberal kabilang ang iba pang makabayan na nasa oposisyon ay nakakaisa ng mga progresibong ND sa iba’t ibang isyung anti-Duterte, pambansang soberanya’t nagsasariling patakarang panlabas, kagalingang pang-ekonomya at karapatang pantao, anti-militarisasyon at nasyunalismo. Mahalagang magbuo ng matagalang alyansa at pakikipagtulungan ang mga progresibong ND sa kanila, sa paraang pormal at di pormal, para palawakin at palakasin ang mga protestang bayan at nagkakaisang prenteng anti-Duterte. Sa konteksto ng 2022 eleksyon, kailangang pahigpitin ang ugnayan at kooperasyon sa kanila para ipanalo ang mga progresibong kandidato sa iba’t ibang antas at biguin ang tiranikong alyansa ng mga Marcos-Arroyo-Duterte (MAD) na nagnanais palawigin o makabalik sa kapangyarihan.

Sa balangkas ng pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente, pinalalakas ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang pakikipagtulungan sa lahat ng mga demokratiko at positibong pwersa ng lipunan para ihiwalay at banatan ang mga pinakasagadsaring reaksyunaryo at kaaway ng rebolusyon at mamamayan. Umaasa ito sa armadong pakikibaka bilang prinsipal na anyo ng pakikibaka at sa pagsusulong ng ligal na demokratikong kilusan bilang sekundaryong anyo. Pinalalakas ng Partido ang sarili sa pamamagitan ng pagbubuo sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Binubuo nito ang Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing armadong organisasyong pangmasa. Itinatayo ang baseng masa at mga organo ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa mga larangang gerilya ng BHB hanggang sa puntong kaya na nitong durugin ang kapangyarihang pang-estado ng naghaharing malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukrata sa buong kapuluan.

Sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan, inilulunsad ng Partido ang matagalang digmang bayan at ipinatutupad ang estratehikong linya ng pagsalikop sa kalunsuran mula sa kanayunan hanggang sa panahong kaya na nitong agawin ang kapangyarihang pang-estado sa yugto ng pangkalahatang opensiba. Para hakbang-hakbang na magpalakas at batay sa umiiral na balanse ng rebolusyon at reaksyon, kailangang dumaan ang digmang bayan sa tatlong estratehikong yugto—ang depensiba, pagkakapatas at opensiba. Ito ay isang matagalang proseso ng pag-iipon ng komulatibong lakas sa ideolohiya, pulitika, organisasyon at militar.

Sa kalikasan ng Partido Komunista ng Pilipinas bilang isang iligal na partido at alinsunod sa rebolusyonaryong prinsipyo, hindi lumalahok ang Partido sa reaksyunaryo at burges na eleksyon. Ang mga burges na eleksyon laluna ang mga reaksyunaryong eleksyon sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan ay nagsisilbi lamang para sa pagperpekto at pagpapatatag ng makauring paghahari ng malalaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa’t burukratang kapitalista laban sa malaking mayorya ng masang pinagsasamantalahan at inaapi—ang masang manggagawa, magsasaka, pambansa at etnikong minorya, maralita sa kalunsuran, kababaihan, kabataan, petiburgesyang lungsod at pambansang burgesya.

Anumang gawing pagkukubli sa mapanupil na karakter ng estadong ito at kahit gaano pa bihisan ng mga demokratikong palamuti—mananatili itong marahas na instrumento ng panunupil, pagsasamantala at panlilinlang sa malawak na masang anakpawis.

Kamakailan, idineklara ng Korte Suprema ang pagiging konstitusyunal ng anti-demokratiko at kontra-mamamayang ATL liban sa dalawang probisyon. Itinuring nitong konstitusyunal ang pag-ehersisyo ng Anti-Terror Council na magpatupad ng mga pag-aresto nang walang kautusan mula sa korte at pagdidetine sa mga suspek ng hanggang 24 araw, nang walang kaso, sa sinumang tinatakan nitong terorista. Minsan pang pinatunayan ng Korte Suprema ang sarili bilang kasangkapan ng reaksyunaryong estado upang bihisan ng ligalidad ang marahas na paghahari’t pagsupil nito sa mamamayan sa likod ng mga demokratikong karatula at retorika. Sa pagkatig ng Korte Suprema na ideklarang konstitusyunal ang ATL, ginagawang ligal ang sistematikong karahasan ng estado laban sa mamamayan at binibihisan ng ligalidad ang impyunidad at terorismo ng estado sa tabing ng anti-komunismo at “anti-terrorismo.”

Kaya’t istorikong misyon ng Partido at mga rebolusyonaryo na wasakin ang burukratiko-militar na estado ng mga naghaharing uri at lahat ng mga borloloy nitong institusyon sa pamamagitan ng armadong pakikibaka para hawanin ang daan sa pagtatatag ng tunay na malaya at demokratikong lipunan na paghaharian ng dating mga pinagsasamantalahan at inaaping uri na bumubuo ng malaking mayorya sa lipunang Pilipino laban sa kakarampot na mga mapagsamantala at tirano.

Kahit na hindi lumalahok ang Partido sa reaksyunaryong eleksyon, maaari pa rin itong gumawa ng makabuluhang interbensyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng rebolusyonaryong dalawahang taktika at patakaran sa nagkakaisang-prente sa reaksyunaryong eleksyon.

Habang hindi pa lipas sa kamalayan ng masa ang paglahok sa reaksyunaryong eleksyon, kailangang walang sawang edukahin sila ng Partido sa pagiging bangkarote, walang kwenta at anti-demokratiko ng burges na eleksyon bilang isang pampulitikang ehersisyo para iluklok ang bagong angkan o paksyon ng naghaharing uri na aapi at magsasasamantala sa kanila. Sa kabilang banda, kailangang hikayatin at suportahan ang mga patriotiko at progresibong kandidato para mapataas ang kanilang tyansang magwagi laban sa makinaryang elektoral ng mga naghaharing uri na sagana sa salapi, rekurso at makinarya sa pandaraya. Dapat silang umasa sa lakas ng masa at suporta ng malakas na kilusan at kampanyang masa.

Ang nasaksihan nating rigodon at substitusyon ng mga burukrata-kapitalistang kandidato ay patunay kung paano sinasalaula at pinaglalaruan ng mga naghaharing uri ang proseso ng pagpili ng masa ng karapat-dapat na lider na magdadala sa bansa sa makabuluhang pagbabago. Sa reaksyunaryong eleksyon, itinuturing ng naghaharing uri ang masa bilang piyon lamang sa kanilang larong elektoral. Dapat organisahin ang masa na buuin ang sariling lakas sa pulitika upang basagin ang monopolyong kontrol ng mga pampulitikang angkan at dinastiya sa pulitika ng bansa.

Kahit dominado pa ng mga naghaharing uri ang kahihinatnang ng reaksyunaryong eleksyon, maaaring magkamit ng makabuluhang pakinabang ang masa sa pamamagitan ng rebolusyonaryong dalawahang taktika at patakaran sa nagkakaisang-prente sa eleksyon. Maaaring gumawa ang organisadong bahagi ng masa ng mga elektoral na kasunduan sa mga maka-mamamayan na mga kandidato at sa mga di gasinong masahol na kandidato para ihiwalay at itutok ang makitid na bira sa pagbigo sa kandidatura ng pinakamasahol, pasista, papet at labis na kinamumuhian ng masa na mga kandidato.

Sa pagkakabitak-bitak ng naghaharing uri sa maraming paksyunal na interes, lumalaki ang puwang ng mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa na magkamit ng mga pakinabang at tagumpay sa matalinong paggamit ng prinsipyo ng rebolusyonaryong dalawahang taktika at patakaran sa nagkakaisang prente sa reaksyunaryong eleksyon.

Ang Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan ay maaaring magkoordina ng mga plano para biguin ang mga pailalim at maruming mga pakana ng mga reaksyunaryo para takutin, gipitin at bilhin ang boto ng mga botante gamit ang mga armadong goons at militar. Dapat parusahan, kumpiskahan ng armas at itaboy sa saklaw ng ating mga larangang gerilya ang mga armadong goons ng mga kandidato na gumagamit ng terorismo sa mga botante. Ang mga pinakasagadsaring anti-komunista at masugid na lumalaban sa rebolusyon ay dapat marahas na hadlangan, itaboy at parusahan. Sa panahon ng kampanyahan, makakahanap ng puwang at paborableng pagkakataon para ilunsad ng BHB ang mga pamamarusa sa mga sagadsaring kaaway ng mamamayan at pagbira sa armadong sekyuriti ng mga pinakamasugid na kaaway ng rebolusyon gayundin sa mersenaryong militar na nagsisilbing pwersang panseguridad sa kanilang komboy at kampanya.

Ang panahon ng eleksyon ay nagbubukas ng maraming puwang para sa malawakang edukasyon at pagpapakilos sa masa. Ito ang panahon na aktibo at interesado ang masa sa pulitika ng bansa. Samantalahin natin ang maraming nakabukas na opurtunidad upang paigtingin ang gawaing pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan alinsunod sa mga kagyat at pangmatagalang tungkulin ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Malawakang edukahin ang masa sa pagiging walang kwenta ng inilulunsad na mga eleksyon sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na kaayusan sa Pilipinas. Patampukin natin sa pampulitikang edukasyon ng masa ang usapin ng estado at rebolusyon at ang pangangailangan buuin nila ang sariling lakas sa pulitika upang magkaroon ng tunay na kapangyarihan—at di na lamang bilang buntot ng iba’t ibang pampulitikang paksyon ng naghaharing uri na nagpapaligsahan para iluklok ang mga sarili sa kapangyarihan sa kapinsalaan ng mamamayan.

Kailangang patampukin sa masa ang pangangailangan ng armadong pakikibaka bilang tanging solusyon at paraan para tapusin ang dantaong kaapihan at pagsasamantala ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ito ang dakila at matagalang misyon ng Partido Komunista ng Pilipinas.

III. Magpunyaging Lumaban at Mangahas Magtagumpay

Sa harap ng napakasahol na pamumuhay ng mamamayan sa ilalim ng paghahari ng malalaking kumprador, panginoong maylupa’t burukrata, dakilang misyon ng mga Komunista at rebolusyonaryong Pilipino na patuloy na magpunyaging lumaban at ipagtagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon ng bayan at sumulong sa pagtatayo ng sosyalismo sa Pilipinas. Gaano man ang kahaharaping hirap at mga sakripisyo, kailangan tayong puspusang lumaban, magpunyaging magpalakas at mag-ipon ng mumunting tagumpay sa kurso ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan.

Hinahamon ang bawat Komunista at rebolusyonaryong Pilipino ng kasalukuyang sitwasyon—isang sitwasyon ng mas maigting na pukpukang pakikipaglaban sa nagbabangon at lumalakas na pasismo, tiranya’t terorismo ng estado, at ng binubuhay na paghaharing militar sa wangis ng ibinagsak na diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. Ang malalim na krisis panlipunan sa bansa ay nagbigay daan sa paglakas at paggigiit ng mga pwersa ng pasismo na binabalutan ang sarili ng mukha ng burges na demokrasya upang linlangin ang mamamayan.

Ang mga instrumento ng marahas na paghahari ng lokal na mga naghaharing uri—ang AFP-PNP at iba pang sandatahang pwersa, Kongreso, burukrasyang sibil, korte at mga kulungan kabilang ang mga daluyan sa kultura, edukasyon at impormasyon—ay iisang kumikilos para bihisa’t basbasan ng ligalidad at gawing lehitimo ang pasismo ng estado. Ipinatutupad nila ang malupit at mapanupil na mga kautusan at batas laban sa “terorismo” alinsunod sa balangkas ng whole-of-nation approach. Nagsasabwatan ang mga instrumentong ito para sirain ang mga garantiya sa pag-ehersisyo ng mamamayan ng kanilang mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil at pampulitika. Nililikha ng sistemang ito ang ilusyon ng demokrasya sa mga burges na eleksyon na nagpapatatag lamang sa pulitika ng mga oligarko at pampulitikang angkan.

Sa mahigit na limang dekada ng rebolusyonaryong pakikibaka, nailatag ng Partido at kilusan ang binhi ng demokrasyang bayan sa mga nakatayong lokal na mga organo ng Pulang kapangyarihang pampulitika (OKP) sa mga larangan at baseng gerilya. Sa mga organong ito, malayang naiehersisyo ng mamamayan ang kanilang lakas at kapangyarihan laban sa mga lokal na tirano sa tulong ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga lokal na sangay at komite ng Partido.

Sa pagsusulong ng kilusang anti-pyudal at rebolusyong agraryo, matagumpay na naipatupad ang pagpapababa ng upa sa lupa, naitaas ang upa ng mga manggagawang bukid, napawi ang usura, naitaas ang presyo ng mga produktong bukid sa farm gate, at naipatupad ang iba’t ibang anyo ng kooperasyon. Sa paparaming mga kaso—sa mga lugar na may sapat nang natipong lakas ang kilusang magsasaka, Partido at BHB, malalawak na mga lupain ang nabawi ng mga magsasaka mula sa mga mangangamkam at libreng naipamahagi ang lupa sa mga magsasakang wala o kulang sa lupang mabubungkal.

Sa mga Pulang erya, itinataguyod ng mga OKP at mga rebolusyonaryong samahang masa ang kagalingan ng mga mamamayan. Nagpapatupad sila ng mga programa para sa libreng serbisyong medikal, literasiya at pagpapataas ng produksyon na nagpapakilos sa mamamayan sa mga kampanyang masa. Sa mauunlad na baseng gerilya, nagagawa nang magtayo ng mga eskwelahan at mga komunal at kooperatibang sakahan para sa produksyong agrikultural. Pinauunlad din ang iba pang industriya ng pagyayaring-kamay, paghahayupan at mga dagdag na pagkakakitaang hanapbuhay ng masa.

Dapat depensahan ng ating buhay ang mga tagumpay na ito na nakamit at pinagbuwisan ng dugo ng mamamayan sa mahigit na limang dekada ng rebolusyonaryong pakikibaka sa ilalim ng pamumuno ng Partido.

Pinakakawalan ng rehimeng Duterte ang pinakamalupit na gera laban sa mga rebolusyonaryo at mamamayan. Naghahabol ang rehimeng Duterte ng mapagpasyang tagumpay laban sa armadong pwersa ng rebolusyon sa isinusulong nitong estratehikong opensiba sa lahat ng mga larangang gerilya ng BHB. Nagsasagawa ito ng walang habas na pagbomba, pagkanyon at istraping mula sa himpapawid sa mga pinaghihinalaang baryo at komunidad na may malakas na suporta ang BHB. Sinusuyod ng mga kolum ng AFP sa mga focused military operations (FMO) ang mga kanayunan at nagsasagawa ng karimarimarim na mga pagpaslang at kalupitan laban sa sibilyang populasyon upang takutin silang magbigay ng suporta sa BHB. Hindi rin nagpapahuli ang PNP sa brutalidad at mga pagpatay sa mga inilulunsad nitong synchronized enhanced managing of police operations (SEMPO) sa kanayunan at kalunsuran na bumibiktima sa mga aktibista at karaniwang sibilyan. Prominente sa mga pagpatay na ito ang mga miyembro ng Davao Death Squad ni Duterte na nakapaloob sa mga kriminal na gang ng PNP at AFP bilang mga operatibang gun-for-hire o upahang mamamatay-tao.

Pinalalakas at ginagatungan ng rehimeng Duterte ang impyunidad ng mga pwersang panseguridad ng estado sa paglapastangan sa karapatang pantao at sibil ng mamamayan. Naglabas ito ng mga pasistang kautusan at mapanupil na mga batas tulad ng ATL upang supilin ang lehitimong mga kahilingan ng mamamayan. Naglulunsad ito ng kampanya ng demonisasyon laban sa mga aktibista, progresibo, masmidya, nagtatanggol sa karapatang pantao at sa mga kritiko na nasa akademikong komunidad at ligal na oposisyon sa ginagawang anti-komunistang pang-uupat at red-tagging upang sikilin ang sibil na mga karapatan at busalan ang kalayaan sa pamamahayag at akademiko sa mga unibersidad at kolehiyo. Binabansagan nitong mga terorista ang mga rebolusyonaryo upang pasamain sa mata ng publiko at bigyan ng katwiran ang paglabag sa mga pandaigdig na mga tuntunin sa ginagawang brutalidad sa mga pagpaslang sa mga hors de combat at mga nabihag sa labanan.

Sa pamumuno ng Partido, magiting na nilalabanan ng mga yunit ng hukbong bayan at ng rebolusyonaryong mamamayan ang maigting na pananalakay ng rehimen sa mga larangang gerilya at baseng masa ng rebolusyon. Naglulunsad sila ng mga operasyong pagtatanggol-sa-sarili laban sa mga nag-ooperasyong pasistang tropa habang kaalinsabay na pinipreserba ang lakas na di sumabak sa mga gasgasan at mga hindi pinaghandaang labanan. Matalino nilang ginagamit ang kaalaman sa tereyn at suportang masa upang iwasan at pasuntukin sa hangin ang mga intelligence driven na mga operasyon at patamaan ng mga pinsala ang mga pasistang tropa sa mga operasyon para sa aktibong depensa.

Sa harap ng modernong mga armas, kagamitan at teknolohiyang militar ng mersenaryong tropa ng estado na suportado ng US at mga kasanggang kapitalistang bansa, patuloy na nagpupunyaging pangibabawan ng Partido at mga pwersang gerilya ng BHB ang mga kahirapan dulot ng mga FMO at pakikidigmang block house ng AFP.

Sa kalahatan, matagumpay nitong napreserba ang pwersa kahit nagtamo ng seryosong mga pinsala. Saan man magtungo ang mga yunit ng hukbong bayan, lagi itong makatatagpo ng suporta mula sa mamamayan dahil makatarungan at naglilingkod sa interes ng mga api’t pinagsasamantalahan ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Hindi kailanman kayang hadlangan ng mga pasista ang pagdaloy ng suportang masa sa rebolusyon dahil ang rebolusyon ang tanging katuparan ng malaon na nilang hinahangad na pambansa at demokratikong mithiin at aahon sa kanilang pagkakalugmok mula sa bulok at mapagsamantalang sistema ng lipunan sa Pilipinas.

Mga Kagyat Nating Tungkulin

1. Palaganapin at itaas ang pag-unawa ng mamamayan sa nilalaman ng bagong demokratikong rebolusyon ng bayan.

Tungkulin nating puspusang basagin ang kampanya ng demonisasyon at teroristang pagbabansag ng reaksyunaryong rehimen sa mga rebolusyonaryo. Walang sawa nating ipaliwanag sa mamamayan ang pagiging makatarungan ng mga layunin ng demokratikong rebolusyon ng bayan, na kailangan ang rebolusyonaryong dahas laban sa estado ng naghaharing-uri upang ipagtanggol ang interes ng mamamayang api’t pinagsasamantalahan mula sa kontra-rebolusyonaryong karahasan ng estado.

Ipalaganap natin sa buong kapuluan ang mga tagumpay na nakamit ng rebolusyon at kung paano pinakikinabangan ng mamamayan ang mga tagumpay na ito sa pagbuti ng kanilang katayuan at naibalik ang kanilang dignidad sa ilalim ng pamamahala ng mga organo ng Pulang kapangyarihan. Malakas na itambol din ang mga nakamit na tagumpay ng mga manggagawa, maralita sa kalunsuran, kababaihan, kabataan at mababang kawani sa gubyerno sa mga inilulunsad na kampanya at pakikibakang masa para sa mas mabuting sahod at benepisyo, kagalingang publiko, karapatan sa paninirikan at iba pang pagpapabuti sa kanilang katayuan sa lipunan.

Patampukin at ipagtangi sa mga tagumpay na ito ang papel ng Partido, BHB at mga rebolusyonaryong pwersa—mga komulatibong tagumpay ito na mamanahin at pahahalagahan ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino tungo sa pagkakamit ng mapagpasyang tagumpay sa buong bayan.

2. Isulong at likhain ang malakas na kilusang anti-imperyalista, antipasista at antipyudal

Itaas natin ang anti-imperyalistang kamalayan ng mamamayan at isulong ang anti-imperyalistang kilusan sa harap ng agresibong ekspansyunistang ambisyon ng China sa West Philippine Sea, sa isang panig, at ng patuloy na kontrol at panghihimasok ng US sa buhay pang-ekonomya, pampulitika, pangmilitar at pangkultura ng bansa. Pakilusin natin ang mamamayan sa kanilang milyon upang labanan ang neoliberal na imposisyon ng US sa bansa na matinding pumipinsala sa trabaho, kabuhayan, lokal na industriya at kapaligiran. Buuin natin ang malawak na nagkakaisang-prente ng lahat ng patriotikong pwersa para ipagtanggol ang pambansang patrimonya, soberanya at teritoryal na integridad ng bansa.

Sa pagitan ng imperyalismong US at China, ang una pa rin ang pangunahing kaaway ng mamamayan dahil sa tradisyunal nilang kontrol sa ekonomya, pulitika, militar at kultura ng bansa. Mula sa kolonyal na paghahari ng US hanggang sa pag-iral ng mga papet na republika, malalim na nakaugat ang impluensya ng US sa bawat himaymay ng lipunang Pilipino. Nakapagsanay sila ng ilang henerasyon ng mga papet at masugid na mga ahente na magtataguyod ng geopulitikal na interes ng US sa Asya-Pasipiko. Samantala, ang China ay isang bagong imperyalistang kapangyarihan na may gahamang ambisyon na palawakin ang geopulitikal na kontrol sa Asya-Pasipiko at humahamon sa hegemonya ng US. Tulad ng US, banta sa kapayapaan at kaaway ng mamamayang Pilipino ang China.

Para pangalagaan ang sariling interes, nag-aalaga ng mga papet mula sa lokal na naghaharing uri ang US at China. Nag-aalaga sila ng mga ahente sa gubyerno, militar, korte at iba pang mga institusyon ng estado ng malalaking kumprador, panginoong maylupa’t burukratang kapitalista. Sa ganito, nagagawa nilang manghimasok sa buhay pang-ekonomya, pampulitika at pangkultura ng bansa.

Sa paglakas ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan, pinalalakas ng imperyalismo ang pasismo. Tumatanggap ang mersenaryong militar ng tulong at pagsasanay mula sa US. Nagbibigay sila ng armas at makabagong kagamitang pandigma upang gamitin sa pagsupil sa rebolusyonaryong mamamayan. Nag-aalaga sila ng mga burukratang kapitalistang papet sa loob ng reaksyunaryong gubyerno na hindi magdadalawang-loob na pakilusin ang militar at pulisya at gumamit ng karahasan at panunupil sa masa para protektahan ang interes ng kanilang imperyalistang amo. Kaya sinasabi natin na ang burukratang kapitalismo ang batayang panlipunan ng pasismo.

May mayamang karanasan at mahabang tradisyon ang mamamayan sa paglaban sa pasismo lalo sa panahon ng diktadurang Marcos at pagkatapos ng pag-aalsa sa Edsa noong 1986. Sa harap ng pagsasabatas ng ATL, red-tagging, brutalidad at maramihang pagpatay sa tabing ng anti-komunista’t anti-rebolusyonaryong panunugis ng rehimeng Duterte, mahalagang paigtingin ang mga pakikibakang anti-pasista sa balangkas ng anti-militarisasyon at pagtatanggol sa karapatang pantao at sibil ng mamamayan. Pakilusin natin ang mamamayan para papanagutin ang mga utak sa mga karimarimarim na krimen laban sa mamamayan. Gamitin ang lahat ng daluyan upang itambol at matinding tuligsain ang bawat kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan.

Sa kanayunan, mas maigting ang dinaranas na kalupitan at karahasan ng masang magsasaka at katutubong mamamayan sa kamay ng mga pasistang sundalo at pulis sa tuwing maglulunsad ito ng brutal na mga operasyong militar at SEMPO. Walang pakundangan ang labis na paggamit ng pwersa ng mga sundalo sa ginagawang pambobomba, pagkanyon at istraping sa komunidad ng mga magsasaka at etnikong minorya para maghasik ng teror at sapilitan silang palikasin. Ang mga mersenaryong militar at pulis ang protektor ng malalaking asendero laban sa mga magsasaka na naglulunsad ng mga pakikibakang antipyudal. Karaniwan silang tumatayong sekyuriti ng malalaking plantasyon at minahan at mga pribadong goons ng malalaking panginoong maylupa at kapitalista para itaboy sa kanilang lupang sinasaka ang mga magsasaka at sa kanilang lupang ninuno ang mga etnikong minorya.

Tungkulin ng Partido at rebolusyonaryong kilusan na suportahan ang mga pakikibakang antipyudal ng masang magsasaka at isulong ang rebolusyong agraryo. Kailangang buuin ang lakas sa pulitika ng mga katutubong mamamayan para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno laban sa pangangamkam ng malalaking minahan at plantasyon.

3. Buuin ang isang malakas na Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon

Esensyal sa pagpapalakas ng Partido ang pagbubuo sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Tungkulin nating patuloy na armasan at edukahin ang kasapian ng Partido sa ideolohiya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang pinakasyentipikong teoretikal na gabay ng rebolusyong Pilipino. Organisahin ang mga paaralan sa tatlong antas ng edukasyon ng Partido—batayan, intermedya at abanteng kurso. Sa partikular, malaganap na pag-aralan ang intermedyang kurso ng Partido hinggil sa komparatibong pag-aaral sa rebolusyong Pilipino, Tsino at Byetnames at ng abanteng kurso ng Partido kaalinsabay ng batayang kurso ng Partido. Magbigay pansin na ikampanya ang pag-aaral sa mga dokumento ng Ikalawang Kongreso ng Partido—ang inamyendahang Programa ng Partido para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan at bagong Saligang Batas ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Patuloy na palawakin ang kasapian ng Partido at tuluy-tuloy na magsanay na paparaming bilang ng mga kadre na magiging bag-as sa pagsasakatuparan ng mga itinakdang tungkulin ng Partido sa bawat pihit ng ating rebolusyon upang pamunuan ang milyon-milyong masa at dalhin ang rebolusyon sa mas mataas na yugto. Magrekrut ng maraming kasapi ng Partido mula sa mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at petiburgesya sa kalunsuran.

Magsanay ng maraming kadreng manggagawa’t kabataang intelektwal at ipailalim sila sa masinsing rebolusyonaryong pagsasanay sa MLM. Gawin natin ang mulat na pagsasanay at mapangahas na pagbibigay ng katungkulan sa mga batang kadre sa mga namumunong komite habang pinipreserba natin ang kasalukuyang bag-as ng mga makaranasang kadre sa mga komite ng Partido sa iba’t ibang antas.

Malaking hamon sa Partido kung paano tuluy-tuloy na magpapalakas habang nasa gitna ng puspusang paglaban sa kontra-rebolusyonaryong gera ng naghaharing rehimen. Sa harap ng mga kahirapan at kabiguan, pinakamahalaga na maging mahusay tayong mag-aaral sa ating rebolusyonaryong praktika. Maging mahusay tayo sa paglalagom upang matuto sa mga aral kapwa ng mga positibo at negatibong karanasan. Huwag hayaan ni saglit na mahiwalay ang Partido sa masa. Hawakan nang mahigpit ang linyang masa sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa sa rebolusyon.

4. Palawakin at palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at isulong ang matagalang digmang bayan

Mahalaga sa kabuuang pagpapalakas ang pagpapalawak at pagbubuo ng malakas na hukbong bayan bilang pangunahing organisasyong masa ng Partido sa pagdurog sa reaksyunaryong armadong pwersa at pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa buong bayan. Hindi natin mabubuo at masusustine ang mga lakas-kumpanyang mga larangang gerilya at makakapagbukas ng mga bago kung hindi lalaki at lalakas ang BHB.

Nilulutas natin sa kasalukuyan kung papaano susulong mula gitna tungong abanteng subyugto ng estratehikong depensiba ng matagalang digmang bayan. Walang ibang mapagpipiliang linya kundi ang sumulong mula sa maliit at mahina tungo sa malaki at malakas sa pamamagitan ng pakikidigmang gerilya. Sa kasalukuyang konteksto ng timbangan ng lakas, para ipreserba ang kasalukuyang pwersa, kailangang maglunsad ng pakikidigma para sa aktibong depensa, sa isang panig, at mag-ipon ng komulatibong lakas mula sa mumunting tagumpay sa mga labanan at operasyong militar.

Pinatunayan sa maraming pagkakataon ang superyuridad ng mga taktikang gerilya para biguin ang mga sustenidong FMO ng kaaway na gumagamit na malalaking pwersang pansuyod at mga drone at heligunship para sukulin at ilagay sa sitwasyong lantay-militar ang mga yunit ng BHB. Sa maraming pagkakataon, matagumpay na napatatamaan ng kaswalti ng maliliit na pangkat ng hukbong bayan ang mga nag-ooperasyong pasista na umuuwing pagod at demoralisado. Maging ang paggamit ng howitzer at ipinagmamalaking Black Hawk helicopter ay nagiging inutil sa harap ng makilos na mga yunit ng BHB na madaling nagagamit na bentahe ang malawak at malalim na kaalaman sa tereyn at nagtatamasa ng suportang masa para makawala sa kordon ng pagtugis. Tanging ang kabuhayan at matahimik na pamumuhay ng masa ang pinipinsala at nililigalig ng mga pagkanyon at paghulog ng bomba sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo para maghasik ng teror sa sibilyang populasyon.

Matamang pinag-aaralan at pinapamilyarisa ang kapabilidad at bulnerabilidad ng mga kumander at yunit ng BHB ang makabagong kagamitan at teknolohiyang militar na hawak ng AFP at PNP tulad ng military drones, tracking and surveillance device, jet fighter-bomber, projectile weaponry at iba pang makabagong armas. Batay sa mga nakuhang bagong kaalamang ito, isinasanib at pinauunlad ang mga taktika, depensa at operasyon ng mga yunit gerilya upang pagkaitan ng target ang kaaway at gawing inutil ang kalamangan sa teknolohiya ng mga pasistang tropa.

5. Ibayong palawakin at palalimin ang baseng masa ng rebolusyon

Ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya ay umaasa sa papalawak at papalalim na baseng masa. Kaya nagagawang pangibabawan ng ating maliit at mahinang hukbong bayan ang napakalaking superyuridad ng kaaway dahil sa suporta ng malawak at malalim na baseng masa. Pinatutunayan sa maraming pagkakataon at okasyon na kung walang suporta ng baseng masa, nalalagay sa mabigat na kagipitan at kahirapan ang ating hukbo kapag isinailalim sa matagalang kampanya ng paghanap at paglipol ng kaaway. Gayundin, esensyal ang suporta ng baseng masa para makuha ang mga kinakailangang paniktik sa paglulunsad ng taktikal na opensiba, ligtas na pagkakampo at maniubra. Hindi dapat sa anumang dahilan mahiwalay ang hukbo sa masa. Kailangang sa lahat ng panahon, taglayin at isabuhay nito ang linyang masa sa pagtupad ng gawain sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa sa rebolusyon.

Sa kalunsuran, palawakin at palalimin ang kilusang lihim bilang gulugod ng ligal na demokratikong kilusan. Sa pag-igting ng pasistang lagim sa buong bayan, kakailanganin ng Partido ang malawak at malalim na kilusang lihim upang patuloy na makapagpunyagi sa rebolusyonaryong pakikibaka at masustine ang pagpapasigla ng hayag na demokratikong kilusan sa kalunsuran.

6. Buuin ang nagkakaisang prenteng anti-Duterte at biguin ang pagbabalik sa kapangyarihan ng alyansang Marcos, Arroyo at Duterte

Ang alyansang Marcos, Arroyo at Duterte ay pagkakaisang nabuo at binasbasan sa impyerno. Delubyo ang ihahatid ng tambalan ng mga dinastiyang angkang ito sa sambayanang Pilipino oras na makabalik sa kapangyarihan at mapalawig ang paghahari ng pangkating ito. Sila ang pinakasukdulang gahaman, masiba, korap, pasista at tiranikong kinatawan ng mga angkang naghari sa kasaysayan ng bansa.

Kailangang buuin at pakilusin ang pinakamalawak na hanay ng mga demokratikong pwersa laban sa tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte-Carpio upang hadlangan at biguin ang kanilang kandidatura para sa eleksyong 2022. Kailangang muling sariwain sa mamamayan at bagong henerasyon ang mga krimen, katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan ng mga Marcos sa ilalim ng pasistang lagim ni Ferdinand Marcos Sr at ang pagtatangka ng pamilyang ito na baguhin ang husga ng kasaysayan sa paghaharing diktador ng matandang Marcos. Kailangan ding buhayin sa kamalayan ng mamamayan ang iskandalosong pandarambong ng mag-asawang Arroyo sa $329 milyong o Php 16 bilyon NBN-ZTE deal at ang naging pandaraya’t manipulasyon ni Gloria Arroyo sa resulta ng eleksyong presidensyal noong 2004 laban sa kalabang si Fernando Poe Jr.

Kung makakabalik muli sa kapangyarihan ang dinastiyang angkang ng Marcos sa pamamagitan ni Marcos Jr at ang mailuluklok si Sara bilang bise presidente, siguradong iaabswelto ang mga krimen ng matandang Duterte tulad ng ginawa ng huli na pag-abswelto kay Arroyo sa pandarambong at pagbabalik sa mabuting katayuan ng diktador na Marcos Sr.

Ilunsad natin ang masiglang kampanyang edukasyon at propaganda para pasubalian ang mga kasinungalingan at pagrerebisa sa kasaysayan ng mga Marcos, ang paglalantad sa mga katiwalian, krimen at pananagutan ng rehimeng Arroyo at ng kasalukuyang rehimeng Duterte. Gamitin ang masiglang kampanyang elektoral upang ilantad sa mga talumpati sa entablado, iba’t ibang anyo ng protesta sa lansangan at kampanya sa social media para ilantad ang kabulukan ng mga dinastiyang ito.

7. Pamunuan ang mga pakikibaka ng masa para sa kanilang kagalingan, kabuhayan at karapatan

Sa harap ng malaganap na kawalang trabaho, pagkasira ng hanapbuhay at kagutuman, higit na tumitingkad ang pangangailangang isulong ang mga pakikibakang masa para sa trabaho, sahod, kabuhayan at kagalingan ng mamamayan. Sa mga manggagawa, makatwiran na patuloy na ipaglaban ang umento sa sahod, mabuting mga benepisyo at seguridad sa trabaho sa mga kapitalistang employer. Kailangan silang mag-organisa upang labanan ang mga neoliberal na imposisyon sa kilusang paggawa tulad ng kontraktwalisasyon, pleksibleng paggawa at ladderized wage system. Makatarungang igiit ng mga manggagawa sa gubyerno ang pagbibigay ng ayuda para punuan ang mga panahong nawalan sila ng kita at trabaho. Dapat nilang igiit ang karapatan na mag-unyon at ipaglaban ang mainam na CBA. Dapat nilang tutulan ang pakikialam ng NTF-ELCAC sa mga unyon ng mga manggagawa, red-tagging, pagpapasuko sa mga militanteng unyonista at mga panggigipit para tumiwalag ang mga kasaping unyon sa mga militanteng pederasyon at sentrong unyon. Dapat singilin ang mga partikular na kapitalista at ang kanila mismong kinapapaloobang samahan sa pananahimik at pakikipagsabwatan sa NTF-ELCAC sa ginagawang tuluy-tuloy na pananakot at panunupil sa mga lider unyunista ng kanya mismong kakontratang mga unyon at pederasyon sa CBA.

Tulad ng mga manggagawa, malubha ang paghihikahos at kagutuman sa mga maralitang komunidad na nasira ang hanapbuhay dahil sa ipinatutupad na mga lockdown at paghihigpit ng reaksyunaryong gubyerno. Bago pa ang pandemya, dati na silang pinagkakaitan ng abot-kayang serbisyong medikal at panlipunan subalit mas tumindi ito sa panahon ng pandemya kung saan halos wala silang natatanggap na ayuda na kung meron man ay kulang na kulang pang tustusan ang kanilang pangangailangan sa araw-araw. Sa mga nagsisiksikang komunidad ng mga maralita mabilis ang paglaganap at hawahan ng COVID-19 at inutil ang gubyernong sansalain dahil sa malaganap na korapsyon sa loob ng DOH, DILG at DSWD, kapabayaan at palyadong serbisyo para di mahawa, kawalang programa para sa maramihan at libreng COVID-19 testing at epektibong contact tracing. Dapat na isulong at pamunuan ang pakikibaka ng mga maralitang lungsod ang karapatan sa hanapbuhay, paninirikan at serbisyong panlipunan. Dapat nilang buuin ang sariling lakas sa pulitika upang igiit ang mga lehitimong kahilingang ito sa bulok at pabayang gubyerno.

Nawaldas ang dalawang taon ng pagkatuto ng mga estudyante sa lahat ng antas dahil sa pagsasara ng mga klase at kawalan ng malinaw na programa ng DepEd at CHED para simulan ang face to face na mga klase. Palyado ang programa ng DepEd sa distance learning na basta ipinatupad nang di isinasaalang ang di episyenteng serbisyo ng mga internet provider. Lalo lamang dinagdagan ang trabaho at gastusin ng mga guro at estudyante mula elementary hanggang senior high school na di naman natututo sa pagsasagot ng mga modyul. Sa mga kolehiyo at unibersidad, kailangang mariing labanan at ilantad ng kilusan ng kabataang estudyante ang ginagawang red-tagging at anti-komunistang panunugis para sikilin ang kalayaang akademiko at aktibismo.

Ang masang magsasaka ay alumpihit at naliligalig sa pagbagsak ng presyo ng kanilang produkto dahil sa neoliberal na imposisyon sa agrikultura. Hindi pa man nakakabawi ang produksyong agrikultural dahil sa tumamang mga kalamidad, bagyo at pandemyang African swine fever, panibagong delubyo ang pinakawalan ng rehimeng Duterte sa masang magsasaka at maliliit na produktor sa pagsasabatas ng Rice Liberalization Law at pagtataas ng bolyum ng mga inaangkat na karne, bigas, gulay at iba pang produktong agrikultural.

Labis na pasakit at dislokasyon sa kabuhayan ng masa sa kanayunan ang hatid ng mga operasyong militar, pambobomba, pagkanyon at pagratrat mula sa himpapawid ng mga pasistang militar. Pinahihirapan sila ng ipinatutupad na pagkontrol sa populasyon at pagkain tuwing maglulunsad ng mga operasyong militar ang mga pasista.

Sa harap ng mga kaganapang ito, malalim ang batayan para pukawin, organisahin at pakilusin ang masang magsasaka upang lumahok sa armadong pakikibaka at paglulunsad ng mga anti-pyudal na pakikibakang masa at paglaban sa militarisasyon. Kaalinsabay, dapat nating isulong ang iba’t ibang kampanyang masa para itaas ang produksyon, isulong ang pangmasang kagalingan at itaas ang pagkakaisa’t pagtutulungan para harapin ang komon nilang kaaway.

8. Anihin ang lahat na tulong mula sa labas ng bansa at isulong ang pakikipagkapatiran sa lahat ng mapagkaibigang pwersa at kilusan sa ibayong dagat para sa kapakinabangan ng rebolusyong Pilipino

Itaguyod at paunlarin natin ang relasyon sa mga samahan at kilusan ng mga mamamayan sa ibayong dagat sa batayan ng paglaban sa imperyalistang globalisasyon at pagdadala ng komon na mga isyu tulad ng sa climate change, paglaban sa rasismo, diskriminasyon at xenophobia, pagtataguyod ng karapatan ng mga kababaihan, bata at LGBTQ+, karapatan sa sariling pagpapasya at marami pang iba. Buuin natin ang mapagkaibigan relasyon at pakikipagkapatiran sa lahat ng anti-imperyalista at progresibong pwersa at mga kilusan para anihin ang suporta para sa rebolusyong Pilipino. Taimtim nating tupdin ang mga tungkuling ito. Maaliwalas ang hinaharap ng rebolusyong Pilipino.

Mabuhay ang Ika-53 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Ipagdiwang ang Ika-53 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas! Magpunyagi, Lumaban at Magtagumpay!