Ipagdiwang ang ika-53 anibersaryo ng Partido na may pinatibay na kapasyahang isulong ang rebolusyon
Ang darating na ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Disyembre 26 ay ipagdiriwang ng puu-puong libong kasapi ng Partido, mga Pulang mandirigma, aktibista at rebolusyonaryong masa sa lahat ng dako ng bansa.
Bakit ipagdiriwang ang anibersaryo ng Partido? Dahil ang Partido at ang demokratikong rebolusyong bayan ay kumakatawan sa pag-asa ng milyon-milyong mamamayan na sawang-sawa na sa bulok na naghaharing sistema at araw-araw na pinagdurusahan ang kahirapan at mga pasakit. Dahil ang rebolusyon ay tanglaw na nagbibigay-liwanag sa gitna ng madilim na paghahari ng tiraniya.
Kabilang sa kanila ang mga manggagawa at magsasaka, mga petiburges na intelektwal, kababaihan, mga guro, nars, karaniwang empleyado, mga drayber, ordinaryong propesyunal at mga may mababang kita, mga myembro ng komunidad ng LGBT+, mga walang hanapbuhay kapwa sa mga syudad at kanayunan, at iba pang inaapi’t pinagsasamantalahang uri at sektor.
Binibigyang-sigla sila ng Partido at ng programa nito para sa demokrasyang bayan at sosyalismo upang mag-organisa, kumilos at makibaka para sa tunay na pagbabago—para baguhin ang halos dantaon nang malakolonyal at malapyudal na sistemang pinaghaharian ng mga imperyalistang US, malalaking burgesyang kumprador, malalaking panginoong maylupa at kanilang armadong mga maton. Sa pagsusulong ng rebolusyon, umaasa ang sambayanang Pilipino na ang kanilang dantaong paghahangad ng pambansang kalayaan ay makakamit na sa wakas.
Ano ang ipagdiriwang sa anibersaryo ng Partido? May laksang dahilan para ipagbunyi ang nalalapit na anibersaryo ng PKP. Ipinagdiriwang natin kung papaanong lumakas ang PKP mula sa maliit ng grupo ng mga rebolusyonaryong proletaryado tungo sa isang Partido na may puu-puong libong kadre at myembro na malalim na nakaugat sa milyun-milyong mamamayan.
Ipinagdiriwang natin ang pagtatatag ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan na siyang sandigan ng malawak na masang magsasaka kapag nangangailangan sila ng mga duktor at guro, o katuwang sa kanilang mga bukid, at mandirigma na magtatanggol sa kanila laban sa pasistang terorismo ng naghaharing mga uri. Ipagdiwang natin ang pagkakalingaan ng mga magsasaka at ng hukbong bayan – tunay ngang ilang milyong magsasaka ang magdiriwang ng kanilang malalaki at maliliit na tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa nagdaang limang dekada kasama ang Partido at BHB.
Ipinagdiriwang natin kung paano nagtayo ang Partido at ang mamamayan ng mga organo ng pampulitikang kapangyarihan, ang binhi ng kanilang bagong demokratikong gubyerno, kung saan walang puwang para sa korap at imbi, kung saan mayroong tunay na demokrasya at ang mga upisyal ay tuwirang hinahalal ng mamamayan sa kanilang mga asembliya. Sa ilalim ng demokratikong gubyernong bayan, tinatamasa nila ang tunay at tuwirang demokrasya, taliwas sa huwad na demokrasya ng reaksyunaryong pulitika at mga eleksyon, kung saan ang pandaraya, karahasan at panlilinlang at salapi ang siyang naghahari.
Ipinagdiriwang natin kung paano itinataguyod ng mga programa at patakaran ng demokratikong gubyernong bayan at Partido ang kagalingan ng mamamayan. Sa ilalim ng mga programang ito, ipinagbabawal ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa sa mga magsasaka, ipinagbabawal ang pandaraya sa mga kapos at ang mga mandarambong ng kapaligiran ay pinarurusahan at pinalalayas. Ginagabayan ang mamamayan at tinuturuan na sama-samang magbungkal ng lupa at ilahok ang kanilang lakas-paggawa at mga rekurso upang mamaksimisa ang produktibidad. Sa ilalim ng demokratikong gubyernong bayan, ang pampublikong pondo ay inilalaan sa edukasyon at mga programa sa literasiya, sa pagbili ng mga gamot para sa maysakit at sa pag-ambag sa armadong pagtatanggol ng kanilang mga komunidad.
Ipinagdiriwang natin kung paanong sa pagpukaw at paggabay ng Partido sa mamamayan ay nakapagtayo sila ng kanilang mga unyon, kanilang mga samahang magsasaka, kanilang mga konseho at grupong mag-aaral, at iba pang porma ng organisasyon upang ipaglaban at ipagtanggol ang kanilang mga interes. Sa walang-maliw na tanglaw nito, nagawa ng Partido na tulungang palakasin ang tapang at determinasyon ng mga manggagawa at iba pang sektor na lumaban para sa mas mataas na sahod at mga trabaho, para ipagtanggol ang kanilang mga tahanan at lupa, ipagtanggol ang kanilang karapatan sa edukasyon, malayang ipahayag ang kanilang upinyon, para sa kalayaan sa pamamahayag, at iba pang batayang karapatang sibil, pampulitika at sosyoekonomiko.
Inaasahang sasabihin ng nauulol na mga reaksyunaryo na walang dapat ipagdiwang ang PKP. Walang katapusan ang paglulubid nila ng kasinungalingan para siraan ang PKP at BHB bilang mga “terorista” – isang akusasyong bumabalik sa kanila sa bawat paggamit nila ng mga eroplanong pandigma at mga pang-atakeng helikopter upang maghulog ng mga bomba at magpaputok ng kanilang mga masinggan mula sa ere, sa bawat pagpapasabog nila ng kanilang mga kanyon, sa bawat pagmasaker nila sa mga magsasaka at pagpaslang sa kanilang mga lider, at sa bawat pagsona nila sa mga baryo, pagpataw ng blokeyo sa pagkain, pagpigil sa mga magsasakang magtrabaho sa mga bukid, at pagbanta at pananakot sa mamamayan gamit ang kanilang mga armas.
Tulad sa nakaraan, idedeklara ng mga reaksyunaryo na ang Partido, ang BHB at ang rebolusyon ay “wala nang lakas.” Gumagastos sila ng bilyon-bilyong piso mula sa pampublikong pondo at yumuyurak sa demokratiko at ligal na mga karapatan ng mamamayan sa desperasyon lumikha ng ilusyon ng “libu-libong sumusurender kay Duterte” na di sinasadyang nagpapasinungaling sa kanilang mga pahayag na ang rebolusyon ay walang suporta ng mamamayan. Ang kamakailan pahayag nilang “mahigit 20,000 ang sumurender,” sa kabilang banda, ay patak lamang sa dagat ng baseng masa ng BHB sa kanayunan na bumibilang ng ilang milyon.
Ngayong taon, ipagdiriwang natin kung paanong nilabanan ng Partido, ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang pagdaluhong ng terorismo ng estado, kung paanong tumitindig sila para sa kanilang mga karapatan at kung paano sila nagpapamalas ng determinasyon sa kabila ng brutal na mga pagpaslang at talamak na paglabag ng reaksyunaryong mga pwersa ng estado sa karapatang-tao.
Ipagdiwang natin kung paanong hanggang ngayon ay binibigo ng Partido at rebolusyon si Duterte at kanyang armadong mga alagad sa kanilang mga deklarasyong papawiin o dudurugin ang Partido at BHB “sa katapusan ng taon,” na walang katapusang inuulit mula pa 2017 at nitong huli’y itinakdang muli “hanggang sa pagtatapos ng termino ni Duterte” sa 2022.
Ipagdiwang natin kung paanong ang Partido, ang BHB at ang mga organisasyon alyado sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay patuloy na nakapagrerekrut ng bagong mga kadre, bagong mga Pulang mandirigma, bagong mga rebolusyonaryong aktibista na dahil sa brutal na katotohanan ng tiraniya ni Duterte ay natutong lumaban at sumanib sa demokratikong rebolusyong bayan.
Ipagdiwang din natin ang pandaigdigang pagkakaisang proletaryado at anti-imperyalista – ang internasyunal na bigkis ng lahat ng pwersang lumalaban para sa pambansa at panlipunang paglaya. Isa lamang ang PKP at ang rebolusyong Pilipino sa napakaraming rebolusyonaryong kilusan sa iba’t ibang dako ng mundo na lumalaban sa imperyalistang halimaw at lahat ng pwersang mapang-api at reaksyunaryo.
Saan-saan gaganapin ang mga pagdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng Partido? Gaganapin ang mga pagdiriwang sa nalalapit na anibersaryo ng Partido saan man mayroong sangay ng Partido, yunit ng Partido at mga balangay ng rebolusyonaryong pangmasang organisasyon: sa mga pabrika, mga daungan, mga mall at iba pang upisina, sa mga komunidad ng maralitang lungsod, sa loob ng mga pribadong bahay, sa mga kampus, mga ospital, sa mga upisina ng gubyerno, sa hanay ng mga komunidad ng Pilipino sa ibayong dagat, at siyempre pa, sa mga sonang gerilya at baseng purok sa mga komunidad sa kanayunan at mga kampo ng BHB sa mga kabundukan.
Magkakaroon ng maliliit at malalaking pulong at asembliya. Tiyak na gagawin ni Duterte at ng AFP ang lahat upang pigilan ang mga pulong-pagdiriwang at mga pagtitipon na mga ito. Kung gayon, mahalagang lubusang ibuhos ang mga pagsisikap upang panatilihing bulag at bingi ang kaaway sa mga palakpakan at hiyawan ng mamamayan.
Sa Disyembre 26, tinatawagan ang lahat ng kadre at kasapi ng PKP na iladlad ang pulang bandila ng Partido at muling sumumpa at pagtibayin ang kanilang paninindigan na paglilingkuran ang proletaryado at mamamayan, na gagawin ang kinakailangang mga sakripisyo, pangingibabawan ang lahat ng balakid, at isusulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay.