Ipagdiwang ang mga tagumpay at pagsulong ng Partido sa 53 taon! Biguin ang kontra-rebolusyong digma ng rehimeng US-Duterte! Itaas ang kapasyahan na isulong ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!
Ngayon ika-53 anibersaryo Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), nakikiisa ang National Democratic Front – Ilocos sa pagdiriwang sa mga natamong tagumpay at pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino.
Pinararangalan ng NDF-Ilocos ang lahat ng kasamang nagbuwis ng buhay simula pa nailatag ang rebolusyonaryong kilusan dito sa rehiyon. Ginagawaran natin ng natatanging pagkilala sina Julius Marquez, Eniabel Balunos, Finela Mejia at Joseph Capulas – mga kadre ng Partido at BHB sa larangan gerilya ng Ilocos Sur na pinaslang ng kaaway noong 2020, na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay sa pakikibaka para sa pagpapalaya ng sambayanang Pilipino.
Sa buong bayan, nakawagayway ngayon ang bandila ng Partido, nakatanghal ang mga armas at nakataas ang mga kamao upang parangalan ang katatagan nitong sumapit sa 53 taong pamumuno sa demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino. Mataas ang moral at kapasyahan ng mga kasapi ng Partido, ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) , ang mga rebolusyonaryong masang anakpawis at panggitnang pwersa na nabigkis sa Pambansang Nagkakaisang Prente at ang mga kaibigan ng rebolusyon sa Ilocos, na sa kabila ng maigting na kampanyang panunupil ng kaaway ay nakatindig tayo ngayong nagdiriwang.
Nagdiriwang tayo dahil sa kabila ng pinagdaanan natin ngayong taon na mga nagsasalimbayang krisis na dulot ng pandemya, ng mga kalamidad ng bagyo, baha, tagtuyot, ang lantarang pagpapabaya ng estado sa harap ng mga sakunang ito, ang tuloy-tuloy na pagbagsak ng kabuhayan dulot ng mga samut-saring pabigat na ipinapapasan ng mga naghaharing-uri, ay napagsikapan nating tumindig upang pangibabawan ang mga ito sa pamamagitan ng sarili nating determinasyon at pagsusulong sa mga programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Dito sa Ilocos, napakilos ang mga rebolusyonaryong organisasyon ng masang magsasaka at mangingisda upang ipatupad ang programa ng rebolusyong agraryo sa pagtataas ng produksyon, pagtutulungan at pakikibaka para sa mga kagyat na saklolo at ayuda, habang ipinagpapatuloy na linalabanan ang mga batayang suliranin ng mataas na upa sa lupa, usura, bagsak presyo ng produkto, at kawalan ng mabuting serbisyo sa agrikultura. Napakilos ang iba’t ibang demokratikong sektor na naglunsad ng mga sistema ng bayanihan at brigada ng mamamayan na naghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng pandemya at mga kalamidad.
Nagdiriwang tayo dahil sa loob ng halos anim na taong paghahambalos ng rehimeng US-Duterte sa mabangis na kontra-rebolusyonaryo at kontra-mamamayang gera nito ay nabigo itong wasakin ang Partido, ang BHB at ang Nagkakaisang Prente ng inaaping uri. Na sa kabila ng paulit-ulit na deklarasyon ng AFP na ang rehiyong Ilocos ay “napalaya na sa komunistang insurhensiya,” nakatayo pa rin ang mga larangang gerilya at lumalawak at nananatiling matatag ang mga rebolusyonaryong base. Ang Partido, ang BHB at rebolusyonaryong pwersa ay nag-iipon ng lakas sa muling pagdaluyong ng digmang bayan.
Nagdiriwang tayo dahil sa kabila ng mabigat na kawalan ng Partido sa mga pinaslang ng kaaway na mga Pulang mandirigma sa Ilocos mula 2020, hindi tayo nasiphayo at nakahanda pa rin ang masa, lalo na ang mga kabataan na sumampa sa BHB at lumahok sa armadong pakikibaka sa rehiyon; na sa kabila ng buktot na kampanya ng kaaway na durugin ang mga yunit nito ay nagpupursigi pa ring depensahan ang mamamayan mula sa pang-aapi ng mga panginoong maylupa at malalaking komersyante-usurero, mula sa pandarambong ng mga kapitalistang kumpanya ng minas at enerhiya sa ating ansestral na lupain at mula sa pandarahas ng AFP-PNP.
Nagdiriwang tayo dahil sa kabila ng ipinamamayabang ng AFP at NTF-ELCAC na “napakarami na nilang napasurender,” ay hindi yumukod at umatras ang rebolusyonaryo at demokratikong kilusang masa sa Ilocos, kundi kumukulo pa rin ang pagnanais nilang isulong ang kanilang demokratikong pakikibaka.
Lahat ng mga tagumpay na ito ay natamo dahil sa matibay na pamumuno ng Partido sa lahat ng rebolusyonaryong pagsisikap, ang maliwanag na tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Maoismo upang hindi tayo maligaw sa imbing pakana ng naghaharing rehimen na ihiwalay tayo sa landas ng rebolusyon.
Anumang pagtatangka ng kaaway, hindi na nila basta-basta mabubunot at mawawasak ang Partido at ang rebolusyonaryong pakikibaka sa rehiyon dahil sa malalim na nakapundar ito sa hanay ng nakararaming masang pinapahirapan ng pyudalismo, imperyalismo at burukrata kapitalismo. Umusbong ang rebolusyonaryong pakikibaka sa Ilocos sa huling bahagi ng dekada 70, noong nagkaisa ang mga magsasaka upang ipaglaban ang pagpapababa sa upa sa lupa at interes ng kanilang utang. Dahil sa kawastuhan ng kanilang ipinaglalaban, lumaganap ang kanilang pakikibaka. Mula rito ay naitayo at lumawak ang mga rebolusyonaryong samahan ng mga magsasaka at mga Sangay ng Partido sa mga baryo. Mula sa pinagsimulang isang platun ng BHB ay nag-apoy ang armadong pakikibaka ng mamamayang Ilokano sa ilalim ng bagong demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino. Sa pamamagitan ng masikhay na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila, itinuro ng Partido sa masa ang landas ng armadong rebolusyon bilang tanging landas upang lumaya sila sa gapos ng iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at malalaking komersyante-usurero.
Subalit ang pag-usbong ng rebolusyon sa mismong bayan niya ay napansin ng diktador na si Marcos kung kayat iwinasiwas ang walang-kaparis na kalupitan sa masa upang pigtasin ang bubot ng Partido at rebolusyon sa Ilocos. Subalit sa kabila ng kamusmusan ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon, buong tapang at tatag nitong pinanindigan ang naipundar nitong lakas upang pangibabawan ang teror ng Martial Law. Nabigo ang rehimeng US-Marcos na durugin ang bubot ng Partido at rebolusyonaryong kilusan ng masang Ilokano.
Ipinagpatuloy ng mga sumunod na rehimen na atakehin ang Partido at rebolusyon, at bawat rehimen ay nagbanta na pababagsakin ito subalit lahat ay nabigo. Salungat sa banta nila, lalong namukadkad at yumabong ang bubot ng ng rebolusyon sa Ilocos. Sumigla ang rebolusyonaryo at demokratikong pakikibaka ng masa. Lalong lumapad at tumibay ang nagkakaisang prente ng mga magsasaka at manggagawa at lahat ng maralita, at nakabig ang panggitnang uri para sa rebolusyon. Lalong lumakas at lumawak ang impluwensya at pagkilala ng masang anakpawis at kahit ng panggitnang pwersa sa PKP bilang tunay na Partidong nagtatanggol sa kanilang interes.
Hanggang sa kasalukuyan, ang rehimeng US-Duterte ay nanggagalaiti sa sumpang dudurugin ang Partido at lahat ng pinamumunuan nitong rebolusyonaryong pwersa sa pagtatapos ng kaniyang termino. Subalit mataas ang ating kumpyansa na mabibigo ang rehimen. Ang kumpyansang ito ay nakabatay sa lumalalim at lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan na ramdam na ramdam ng karamihang masang naghihikahos sa rehiyong Ilocos.
Ipagdiwang ang maningning na mga tagumpay ng Partido, habang hinahalaw ang mga aral sa mga kawalan at panandaliang pagkagapi mula sa malupit na kontra-rebolusyonaryong digma ng tiranikong rehimeng Duterte. Muli tayong manumpa ng katapatan sa Partido at sa taos-pusong pagsisilbi sa bayan. Lagi nating alalahanin ang mga kasamang nagbuwis ng buhay para sa dakilang misyong palayain ang sambayanang Pilipino. Itaas ang kapasyahang magpapakatatag na suungin ang mga hamon ng umiigting na pasismo. Magpakatatag na harapin ang mga sakripisyo at pangibabawan ang lahat ng balakid upang isulong ang pakikibaka para sa kapakanan at interes ng mamamayan sa harap ng mabangis na digmang panunupil ng rehimeng US-Duterte at ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino hanggang marating ang sosyalismo.
Mabuhay ang maningning na tagumpay ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa 53 a taon!
Mabuhay ang 53 taon ng pambansa demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino!