Ipaghiganti ang mamamayang Tumandok, dinggin ang kanilang sigaw para sa katarungan!
Basahin sa: English | Hiligaynon
Tinatawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na dinggin ang panawagan ng mamamayang Tumandok para sa hustisya sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga berdugong pulis na nasa likod ng pagmasaker sa siyam na katutubo sa Tapaz, Capiz kahapon.
Magkakasabay na isinagawa ang pamamaslang ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 6 sa ilalim ng kumand ni Lt. Col. Gervacio Balmaceda sa anim na barangay sa kanayunan sa tabing ng “paghahain ng mga mandamyento de aresto.” Inaresto rin ng mga pasistang kriminal ang 17 katutubo sa naturang bayan at sa Calinog, Iloilo sa parehong araw. Para bigyang-matwid ang makahayop na mga atake, malisyosong pinalabas ng pulisya ang lahat ng biktima bilang mga kasapi ng BHB, at ang mga napaslang na “nanlaban.”
Responsable si Rodrigo Duterte at ang kanyang uhaw-sa-dugong National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga kalupitang ito.
Kabilang sa mga biktima ang dati at kasalukuyang mga upisyal ng barangay, at mga lider ng Tumanduk nga Mangunguma nga Nagapangapin sang Duta kag Kabuhi (Tumanduk), isang organisasyong paulit-ulit na ni-red-tag ng mga pwersa ng estado at NTF-ELCAC.
Malinaw na pakay ng brutal na mga opensibang ito na buwagin ang paglaban ng mamamayang Tumandok sa Jalaur Mega Dam Project na pinangangambahang maglulubog sa kanilang mga lupaing ninuno. Ang mga ito ay bahagi ng crackdown ng rehimen laban sa mga demokratikong pwersa na naglalayong busalan ang kanilang mga bibig at supilin ang kanilang mga pakikibakang masa.
Tungkulin ng BHB na ipagtanggol ang mamamayang Tumandok sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga kriminal na nagsagawa sa mga kalupitang ito at paglulunsad ng mga opensiba para pigilan ang ibayong pang-aatake at armadong pagsupil ng mga pasista sa mga katutubong Tumandok.