Ipagkaloob ang atensyong medikal kay Ka Diego
Mariing kinukundena ng Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog (MGC-NPA ST) ang pagkakait ng atensyong medikal kay Jaime “Ka Diego” Padilla, dating tagapagsalita ng MGC-NPA ST. Si Ka Diego ay detenidong pulitikal na may malubhang karamdaman sa puso at katawan.
May serye ng mga paglabag ang AFP-PNP sa karapatan ni Ka Diego bilang hors de combat at detenidong pulitikal sang-ayon sa Comprehensive Agreement for Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Iligal siyang hinuli habang nagpapagamot sa Cardinal Santos Medical Center. Sinampahan siya ng gawa-gawang kasong murder at kidnapping. Itinago siya sa kanyang mga abogado at lihim na inilipat sa San Jose, Occidental Mindoro. At ngayon, pinagkakaitan siya ng atensyong medikal.
Hindi makatwiran ang pagkakait ng atensyong medikal kay Ka Diego. Malaking panganib sa kanyang buhay ang kawalan nito dahil seryoso ang kanyang karamdaman. Ginagamit ng AFP-PNP ang mga nakasampang gawa-gawang kaso kay Ka Diego para palabasing “terorista” at pigilan ang korte na pagkalooban si Ka Diego ng atensyong medikal. Malaking kalokohan pa ang sinasabi nilang nagkukunwari lamang si Ka Diego na may sakit gayong iligal siyang dinakip sa ospital.
Sa mga aksyong ito, pinatutunayan lamang ng rehimeng US-Duterte at ng AFP-PNP na sila ang mga tunay na terorista. Naghahasik sila ng takot at karahasan sa bayan tulad ng mga di-makatao at uhaw-sa-dugong mga terorista at mersenaryong AFP at PNP. Ginagamit nila ang dahas at kamay-na-bakal ng estado upang makapaghari nang walang taning. Mulat nilang nilalabag hindi lamang ang karapatang tao kundi maging ang mga saligang demokratikong karapatan ng mamamayan. Dahil dito, patuloy na tampulan ang tiranikong rehimen ng matinding disgusto at galit mula sa sambayanan. Ito ang magsisilbing gasolina sa umaalab na galit ng mamamayan at magpapabilis sa pagpapabagsak kay Duterte.
Nananatili ang panawagan ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at buong bansa para sa agarang pagpapalaya kay Ka Diego. Ang kanyang katatagan sa loob ng piitan ay inspirasyon sa buong rebolusyonaryong pwersa na magpatuloy at magsikhay sa pagrerebolusyon. ###