Ipaglaban ang Soberanya ng Bansa! Wakasan ang Kataksilan ng Papet na Rehimeng Duterte!
Kinukundena ng NDF-Bikol ang pagpasok ng rehimeng US-Duterte sa panibago na namang serye ng mga kontratang malamang na hahantong sa mga tagibang na kasunduan sa ekonomyang lantarang nagbebenta sa soberanya ng bansa at tiyak na magdudulot ng ibayong kahirapan para sa mamamayang Pilipino. Nananatiling bigo ang rehimeng US-Duterte na igiit ang demilitarisasyon at wakasan ang pananakop sa West Philippine Sea.
Walang pampulitikang kapasyahan at bahag ang buntot ng rehimeng Duterte na ipaglaban ang soberaniya ng bansa laban sa Tsina at US sa taksil na paninindigan nitong walang kakakayahang sumabak sa gera ang bansa. Ang malinaw na katotohanan ay ang higit na pagkatuta ng Duterte sa dalawang ekonomyang kapangyarihan na nagpapasasa sa Pilipinas habang nag-aagawan ng teritoryo sa pamilihan, pagkukunan ng hilaw na materyales at estratehikong pusisyong militar sa Asya-Pasipiko.
Hindi man lamang umabot sa “brinkmanship” ang paggiit ng rehimen laban sa Tsina sa usapin ng ilang isla sa West Philippine Sea matapos ang desisyon ng International Tribunal na walang batayan at iligal ang pag-angkin ng Tsina sa naturang teritoryo. Wala itong tiwala sa sambayanan at mamamayan ng daigdig sa pakikipaglaban sa mga mananakop na bansa.
Kabilang sa 26 na Memorandum of Understanding (MOU) na pinirmahan ni Duterte at ng pangulo ng Tsina ang Memorandum of Understanding on Cooperation in Infrastructure Programs at Memorandum of Understanding on Cooperation in Oil Development. Kapag umabot sa kasunduan, pahihintulutan ng inutil na rehimen ang mas masaklaw na panghihimasok ng Tsina sa pinag-aagawang West Philippine Sea. Walang duda na ang pataksil na pagbebenta ni Duterte sa teritoryo ng bansa laluna sa West Philippine Sea ay kapalit ng pagpapautang ng Tsina ng pondo para sa kanyang mga neoliberal na programa tulad ng “Build, Build, Build”.
Malinaw na ang tanging layunin ng Tsina sa pagkakandarapa nitong lubusang maangkin ang West Philippine Sea ay dahil paborable at estratehiko ang mga soberanong teritoryo ng Pilipinas bilang paghahanda sa digmaan habang umiigting ang gera sa kalakalan sa pagitan ng mga nangungunang kapitalistang bansa tulad ng Tsina at imperyalistang US. Sa ilalim ng One Belt, One Road na tunguhin ng Tsina, binabalak nitong magpundar ng isang ruta sa kalakalang tatahi sa mga bansa sa Asya-Pasipiko. Isa ang West Philippine Sea sa mga pangunahing pusisyong estratehiko sa kalakalan at larangan ng militar para sa Tsina.
Nito lamang Enero, umani na rin ng matinding pagtuligsa sa mamamayang Pilipino ang pagtatanggol at pagpapahintulot ng rehimeng US-Duterte sa mapagbalat-kayong pananaliksik ng mga barkong Tsino sa Benham Rise, isang soberanong teroritoryo ng Pilipinas. Ang Benham Rise ay isang 13,000 milyong ektaryang erya sa karagatan katapat ng mga prubinsya ng Aurora at Isabela. Mayaman ito sa natural gas at mga mineral at iba pang yamang dagat.
Kasinungalingan ang dahilan ng rehimen na pinahintulutan ang naturang aktibidad ng Tsina dah
il walang kakayahan ang Pilipinas na magsagawa ng sarili at independyenteng pananaliksik. Ang totoo, malaki ang posibilidad na naghahanap ang Tsina ng likas na yaman tulad ng langis at mga pwestong paborable sa kanilang mga submarinong pandigma. Iligal at balasubas pang binigyan ito ng pangalang Tsino.
Sa kabila ng mga pagpoposturang makabayan ni Duterte at mga hungkag na pahayag niyang ipagtatanggol ang soberanya ng bansa laban sa dayuhang panghihimasok, dumami ang mga istrukturang itinayo ng Tsina sa mga soberanong teritoryo ng Pilipinas. Kabilang dito ang malalaking hangar sa tabi ng mga paliparan, mga pasilidad pang-radar at komunikasyon at iba pang istrukturang militar sa Fiery Cross, Subi at Mischief Reefs sa grupo ng isla sa Spratly, at gayundin sa kulumpon ng mga isla sa Paracels. Sinaklaw nito ang 290,000 kwadrado kilometro sa katapusan ng 2017, mula sa 180,000 kwadrado kilometro noong sa 2016. Hindi malayong may mga “underground tunnels” din para sa kanilang sandatang nukleyar at iba pang pasilidad ng sistemang “forward defense and deployment”.
Hindi ito ang unang beses na pumasok ang bansa, sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, sa mga tagibang na kasunduan sa kalakalan at militar na lubusang nagbubukas sa mga teritoryo ng bansa, lokal na ekonomya at sektor ng paggawa sa dayuhang pandarambong at panghihimasok.
Noong Disyembre 2017, pumirma si Duterte sa isang free trade agreement sa pagitan ng Pilipinas at European Free Trade Association (EFTA) na magbibigay-laya sa pagpasok ng mga produkto at serbisyo mula sa Europa. Bibigyang-laya din ng kasunduan ang walang sagkang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa sa “lahat ng sektor ng serbisyo,” sa kabila ng probisyon sa konstitusyon na nagbabawal sa pag-empleyo ng mga dayuhan sa mga pusisyong maselan sa interes ng bansa tulad ng seguridad, edukasyon at iba pa.
Pumirma din si Duterte ng kasunduan sa United Kingdom para payagang pumasok ang kanilang produktong karne kahit wala namang kakulangan ng suplay sa bansa. Itinutulak din ng panig ni Duterte sa kasalukuyan ang pagtatanggal ng quantitative restrictions sa bigas na magbibigay-basbas sa walang sagkang liberalisasyon at deregulasyon sa bigas na magpapahintulot sa pagpasok ng gaanuman kalaking bolyum ng inangkat na bigas mula sa mga pangunahing importer tulad ng Byetnam at Tsina na nanaisin ng mga kartel sa bigas.
Samantala, kabalintunaan ding malayang makapaglabas-masok ang mga tropang Amerikano sa bansa sa tabing ng pagtulong nito sa pwersa armada ng Pilipinas laban sa mga banta sa “national security”. Pinahintulutan ng rehimeng US-Duterte na ituloy ng militar ng US ang plano nitong pagtatayo ng mga pasilidad at base sa loob ng mga kampong militar ng AFP upang paglagakan ng mga kaKamitang militar at paglunsaran ng mga operasyon. Tahasang isinasantabi ni Duterte ang soberanya ng bansa sa patuloy na paglalabas-masok ng mga barko at eroplanong pandigma ng US at paggamit nito sa Pilipinas bilang isang malaking base militar ng US. Patuloy ding kinakasangkapan ng imperyalistang US ang AFP sa pagtutulak ng doktrina ng kontra-insurhensya at sa pagsupil ng mga pwersang anti-imperyalista.
Sa harap ng sukdulang pagtataksil ni Duterte sa soberanya ng bansa at kapakanan ng mamamayan, naninindigan ang NDF-Bikol kasama ang sambayanang Pilipino sa tuluy-tuloy na pagtuligsa at pagpapanagot sa pasista at papet na rehimeng lubusang naninikluhod sa neoliberal na dikta ng dayuhang malalaking kapitalista, malalaking burgesyang komprador, malalaking panginoong maylupa at mga burukrata kapitalistang kanyang kinabibilangan at pinagsisilbihan.